Paraluman Ang Aking Ngalan
PARALUMAN’S POV
“GAANO KA NA katagal rito?” tanong ng bagong salta.
Nagpakawala muna ako ng isang marahas na hininga, “Hindi ko na batid kung ilang taon o ilang dekada na akong nakakulong sa bulok na himlayang ito. Ni hindi ko na nga rin matandaan kung ilang libing na ba ang aking nasaksihan. Marami na akong nakitang tao na umiiyak at puno ng pagsisisi ang kanilang winiwika para sa kanilang mahal sa buhay na namayapa. At ilang beses na rin akong nakarinig ng mga panaghoy ng mga taong humihingi ng saklolo."
“Saklolo?” nagtatakang tanong pa rin ng bagong salta.
“Isa ang lugar na ito kung saan inililibing ng mga masasamang tao ang kanilang bangkay. Mga kriminal na nagtatago sa batas. Mga walang kalaban-laban na mga nilalang. Minsan inililibing ng buhay, at ang iba naman ay walang awang pinagsasamantalahan. Ilang beses na rin akong nakasaksi ng mga p*****n. Batas laban sa batas. Traydor laban sa traydor. Tao laban sa tao.”
“At wala kang ginagawa para pigilan ang mga iyon?” tanong pa rin ng bagong salta na hindi ko mawari kung ako ba ay kanyang sinisisi.
“Ano bang magagawa ng isang kaluluwang katulad ko? Ni hindi ko makagawa ng anumang ingay, o makahawak man lamang ng anumang bagay,” malungkot akong hayag sabay sulyap sa aking mga kamay na mistula nang kalansay, “Kahit maraming tao ang pumupunta rito araw-araw, walang sinuman ang nakakakita sa akin. Kahit gusto kong iligtas ang mga kaawa-awang biktima ay hindi ko man lamang magawa.”
“Ano ang ginagawa mo kapag ganoon?” usisa pa rin naman ng bagong salta.
“Tinatakpan ko na lamang ang aking dalawang tainga. At lihim akong nananalangin na sana ay may ibang taong dumating,” malungkot ko pa ring tugon, “Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay dinidinig ng kalangitan ang aking panalangin dahil madalas walang taong dumarating. Masakit rin para sa akin na masaksihan ang mga karumal-dumal na p4gp4t4y sa kanila. At kapag nagkakaharap kami, madalas sa akin nila binubuntong ang kanilang galit. Mga tingin na may kalakip na panunumpa. Mga tanong na kung bakit hindi ko sila nagawang iligtas. At kahit ipaliwanag ko sa kanila, takip-tenga na lamang silang tumatalikod.”
“Hindi mo naman kasalanan ang nangyari sa kanila,” hayag ng bagong salta, “Hindi mo sinubukang umalis sa lugar na ito?”
Umiling ako, “Ilang beses ko nang sinubukang umalis sa impyernong ito. Sa tuwing lalabas ko sa rehas na bakod na iyon…” nagawa ko munang ituro sa hindi kalayuan ang malaking bakod na yari sa matataas na uri ng bakal, “…may kung ano’ng pwersa ang tumatulak sa akin pabalik sa punong ito. Wari’y may kung anong harang ang buong himlayan na hindi ko nakikita. Isang harang na inilikha lang para sa akin. Hindi ko batid kung isa ba itong parusa sa akin. Samantalang ni hindi ko na rin matandaan kung ano paano ba ako nakulong sa lugar na ito. Hindi ko rin matandaan kung ano nga ba ang tunay kong kinamatay. Minsan naninibugho ako sa ibang kaluluwa na kayang magtungo sa mga lugar na naisin nila. Kaya sa daming taong namamatay araw-araw, mag-isa lamang ako sa lugar na ito.”
“For sure naman kahit matagal ka nang nakakulong rito ay naaalala mo pa rin ang pangalan mo?” tanong ng bagong salta.
“Paraluman,” maikling tugon ko.
“Paraluman! Parang iyong song ng Eraserheads na ‘Ang Huling El Bimbo!’”
Natawa naman ako sa kanyang winika. At saka ako nagsimulang kumanta, “Kamukha mo si Paraluman. Noong tayo ay bata pa. At ang galing-galing mong sumayaw…”
“Alam mo pala ang kantang iyon?” gulat ng bagong salta, “Meaning mga taong 90’s ka lang namatay?”
Mapait akong ngumiti, “Hindi…” umiling ako, “…Ang totoo, hindi ko na rin matandaan ang aking ngalan. Mayroon lamang na grupo ng mga kabataan ang minsan na bumisita rito noon. At sabay-sabay nilang iyong kinanta. Napuno na rin ng pagkamangha ang aking naramdamanan nang makita ko ang kanilang sabay-sabay na pag-indak. Kaya naman sa tuwing may mga kaluluwa ritong naliligaw, at tinatanong ang aking ngalan ay Paraluman ang aking tinutugon.”
“Kaya pala,” malungkot na komento ng bagong salta.
“Ni hindi ko na rin makita ang sarili kong himlayan,” malungkot kong hayag, “At ang puno ito ang itinuturing ko nang tahanan.”
Hindi na nagbigay ng anumang komento ang bagong salta.
“Ikaw? Ano ba ang iyong kinamatay?” tanong ko na sa kanya.
“Nakakahiyang sabihin pero ang totoo ay tinaga ako sa ulo ng original na asawa ng jowa ko,” malungkot nitong tugon.
Napatingin na ako sa kanya. At nakita ko ang malaking hiwa sa kaliwang ulo nito na halos lumabas na rin ang utak nito.
“Alam ko kasalanan ko,” malungkot na sabi nito, “Kahit alam kong may asawa na iyong lalaki at itinuloy ko pa rin ang pakikipagrelasyon ko sa kanya. Kasalanan ko kung bakit ako nagkaganito. Pumatol ako sa asawa ng may asawa.”
“Hindi…” umiling ako, “…Hindi ko batid na ‘jowa’ na pala ang bansag sa mga sinta? Dati ay shota lang ang alam ko,” maang tanong ko.
Natawa naman ito at parang maghihiwalay na ang ulo nito, “Talagang matagal ka na rito, noh? Ako kaya? Hanggang kailan kaya ako mananatili rito sa mundong ito?" Nag-aalalang tanong nito.
Muli akong umiling, “Hindi ko alam ang sagot. Marami na rin akong nakakasalamuhang ligaw na kaluluwa. At ilang beses na rin akong nakasaksi nang paglisan ng mga ito. Iba-iba ang dahilan nila pero iisa ang itsura ng kanilang mga mukha.”
“Ano’ng itsura nila?” usisa nito.
“Masaya. Masaya sila,” tugon ko, “Marahil ay tanggap na nila ang kanilang pagpanaw. At nahanap na rin nila ang hustisyang para sa kanila.”
“Ikaw tanggap mo na ba ang katotohanan?” tanong nito.
“Oo, matagal na…” tugon ko naman, “…kaya nagtataka ako kung bakit hindi pa ako nakakatawid. Marahil sadyang isinumpa ako ng kung sino.”
“Siguro dahil hindi mo rin matandaan ang tunay mong pangalan kaya ganoon,” tugon nito, “At hindi mo rin matandaan kung ano nga ba ang kinamatay mo.”
“Marahil nga…” pagsang-ayon ko na lamang, “…Marahil may nagsadyang tanggalin ang aking alaala.”
“Sino naman?” tanong ng bagong salta.
Napakibit-balikat na lamang ako. Dahil maski ako ay hindi sigurado sa aking winika. Napatingin na lamang ako sa nagkukumpulang mga tao. Nakikisimpatya sa paglibing ng kaibigan. Pero bigla akong natigilan nang mapansin ko ang isang batang babae sa hindi kalayuan. Nagkunot ako ng noo dahil napansin kong nakatingin siya sa aming kinaroroonan, “Saglit lang, nakikita ba niya tayo?” tanong ko na sa aking kasama.
“Yvonne,” tanging sambit ng aking kasama, at nakita ko ang luhang bumagsak sa kanyang mga mata.
“Anak mo siya? Ibig sabihin ikaw ang inililibing nila?” gulat na tanong ko.
Tumango lang ang bagong salta.
Muli akong napatingin sa batang babae. At sa pagkakataong iyon ay bigla na itong umiyak ng malakas, “Mama?!” malakas na sigaw nito. At nilapitan na ito ng isang may edad na babae. Inalo at pinatahan.
“Marife Sandoval ba ang iyong ngalan?” tanong ko na sa bagong salta.
Umiiyak na tumango ulit ang bagong salta.
Nakangiting humarap na ako sa kanya. Pagkaraan ay nilahad ko na ang kanang kamay kong isa nang kalansay, “Kinagagalak kitang makilala, Marife!”
Nagtatakang napatingin ito sa akin, at sa aking kamay. Ilang saglit pa ay nagawa pa rin nitong ngumiti kahit umiiyak at panay ang pagtulo ng luha sa kanyang mga mata, “Nice to meet you too, Paraluman!”