CHAPTER FOUR

3151 Words
WALANG pasok ngayon kahit Friday dahil may seminar kasi ang mga teachers. Ayos kasi long weekend. Makakapahinga ako from school at sa pambu-bully ni Rupert. Hehe! At swerte pa na wala kaming assignment kaya naman masusulit ko talaga nang husto ang long weekend na ito. Ako na naman mag-isa dito sa bahay pero hindi naman ako naiinip dahil magka-video call naman kami ni Samantha sa Skype. Nasa salas ako at nakaupo sa sofa habang nakataas ang dalawang paa ko sa maliit na lamesa. Ayun, todo-kwento siya sa about sa Canada. Ganoon lang ang usapan namin hanggang sa makarating sa love life. Tinanong niya ang tungkol sa feelings ko kay Rupert. Malakas ko lang na tinawanan si Samantha sa tanong niyang iyon. “Alam mo, Samantha, sa ginagawang pambu-bully ni Rupert sa akin wala na akong nararamdaman sa kanya kundi takot at pagkaasar! Hindi ko na siya gusto at hindi na ako magkakagusto sa hinayupak na iyon!” sabi ko pa. “Pero, okay ka lang ba, Jak? I mean, wala na ako diyan. Wala nang magtatanggol sa’yo… Ikaw kaya iniisip ko simula nang makarating ako dito. Alam ko naman na hindi ka lumalaban sa Rupert na iyon!” “Actually, may bagong nagtatanggol sa akin.” Hindi ko napigilan ang hindi kiligin pagkasabi ko niyon. Rumehistro kasi sa imagination ko si Marco. “What? Talaga? Sino?” excited na usisa niya. Umayos pa siya mula sa pagkakaupo. “`Yong bagong boarder namin… Si Marco,” medyo kinilig na naman ako nang sabihin ko ang pangalan ni Marco. “Bakla ka! Kinikilig, oh! Halata sa face mo. Landi mo! Feeling ko… may something diyan sa Marco na iyan. Naghuhugis puso ang mata mo, e. Umamin ka! Crush mo?” “Hmm. Crush ko lang naman siya. Ang OA mo naman! Tinakot niya kasi si Rupert na kapag binully pa ako ay yari si Rupert sa kanya. Saka mabait si Marco at alam mo ba, ang sabi niya, mag-bro kami—“ Napalingon ako sa pinto nang makita ko na papasok si Mama Chang. Nagpaalam muna ako kay Samantha dahil sinenyasan ako ni Mama Chang na kakausapin niya ako. Iyon pala ay uutusan niya akong magdeposit ng pera sa banko. Oo nga pala, katapusan ngayon ng buwan kaya iyong mga kinita namin sa buong month ay idedeposit na. Tinatamad sana ako pero hindi naman pwede bukas at Sabado, sarado ang banko. “Sige po, Mama Chang. Ako na ang bahala dito. Bumalik na po kayo sa eatery.” “Okay, anak. Ingatan mo `yang pera, ha! Pinaghirapan natin iyan at para din iyan sa future mo,” aniya. “Oo naman po! Ako po ang bahala.” “Sige na, babalik na ako sa eatery. Bye!” Hinalikan muna niya ako sa pisngi bago siya umalis. After no’n ay naligo na ako at nagbihis. Paglabas ko ng bahay ay ini-lock ko muna ang pinto. Naglalakad na ako papunta sa gate nang makita ko na papalabas si Marco ng unit niya. Nakabihis din siya na parang may pupuntahan. Nang makita niya ako ay kumaway siya sa akin habang nakangiti. Talagang magkasabay kaming lumabas, ha. Soulmate? Meant to be? “Saan punta mo, bunso?” tanong niya sa akin nang magtagpo kami sa labas. “Bunso?” “Haaay… Makakalimutin ka ba? `Di ba, bunso kita at kuya mo ako! Tawagin mo akong kuya! “Ah! Oo nga. K-kuya…” Medyo naiilang akong tawagin siya ng ganoon. Pero parang as gusto ko siyang tawagin ng bebe ko, love, sweetheart o kaya ay asawa ko. Ayiiieee!!! “So, sa’n punta mo? Bihis na bihis ka. May date ka ba?” “Wala akong date. Sa banko. Magde-deposit ng pera.” “Gusto mo bang samahan kita? Delikado kung lalakad kang mag-isa lalo na at may dala ka palang pera.” Wow! Concern ba siya sa akin? Ayaw niya akong mapahamak! “Okay lang naman. Kung okay lang sa’yo.” Ayos! Chance ko na ito para makasama si Marco nang matagal. Baka mag-date este kumain pa kami sa labas after kong makapag-deposit ng pera. Maaga pa naman. Abot pa kami ng lunch time. Dapat talaga ay para-paraan din ako kung minsan para naman magkaroon kami ng moment ng lalaking ito. “Okay lang naman. Papunta rin naman ako sa banko. Metrobank ka rin ba? Magwi-withdraw kasi ako ng pera.” “Oo, doon nga. Magsabay na nga lang din tayo.” Naglakad lang kami nang kaunti at nag-abang ng jeep. Nakaakbay pa siya sa akin at dama ko ang mainit niyang balat sa batok ko. Pumara na kami nang makakita na kami ng jeep. Kinilig na naman ako nang magkatabi kami sa upuan. Magkadikit ang aming mga balikat at binti. Naka-shorts kami parehas kaya skin to skin kami. Kulang na lang talaga ay manginig at himatayin ako sa kilig! Biglang nagpreno ang jeep kaya naman automatic akong napahawak sa hawakan at ganoon din si Marco. Saktong iyong kamay niya ay napahawak sa hinawakan ko. Kaya ang kinalabasan ay nakahawak si Marco sa kamay ko. Napatingin ako kay Marco pero nakatingin lang siya sa unahan. Parang wala siyang balak na alisin ang pagkakadaiti ng kamay niya sa kamay ko. Bakit ayaw niyang bitawan ang kamay ko? Aware ba siya na kamay ko ang hawak niya? Diyos ko! Para kaming magka-holding hands nito, e! Magjowa lang? Dumukot si Marco ng pera sa bulsa niya pero hindi pa rin niya inaalis ang kamay niya sa kamay ko. Nagbayad siya para sa aming dalawa. Hindi na ako nakaimik dahil masyado akong na-o-overwhelm sa pagkakahawak ng mga kamay namin. Hala… Sana ay huwag na kaming makarating sa bababaan namin. Sana ma-traffic pa kami kahit dalawa o tatlong oras pa. Sana huwag nang matapos itong biyahe na ito dahil— “Para po!” Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang pumara na si Marco. Bumalik na ako sa realidad. Tumingin sa akin si Marco at sinabi niyang bababa na kami. Napakurap na lang ako. Nauna na akong bumaba sa kanya at hindi ko na siya hinintay. Diretso na agad ako sa pagpasok sa banko. Masyado na kasi akong affected sa presensiya niya. Baka makahalata na siya na gusto ko siya. Mahirap na. Baka kapag nalaman niya na alanganin ako ay isumbong niya ako kay Mama Chang o hindi kaya ay iwasan na niya ako. Malay ko ba kung homophobic siya. Mukhang hindi naman pala dahil maganda ang pakikitungo niya kay Mama Chang. Mabait siya dito. Kumuha na ako ng number at fi-nill-up-an ang deposit slip. Napapitlag ako nang magdikit ang braso namin ni Marco. Parang may maliit na boltahe ng kuryente na dumaloy sa katawan ko na nagmula sa kanya. Nagfi-fill up naman siya ng withdrawal slip. After no’n ay umupo na kami, magkatabi. “Okay ka lang ba, Jak?” biglang tanong ni Marco. “Ang lakas ng aircon dito pero tagaktak ang pawis mo. “Ha?” Wala sa sarili na napahawak ako sa noo ko at doon ko lang na-realize na pinagpapawisan nga ako. Nagmamadali na kinuha ko ang panyo sa aking bulsa at pinunasan ang aking mukha, leeg at batok. Ganito talaga ako kapag nate-tense, pinagpapawisan nang severe. Oo, tense ako dahil malapit lang si Marco. At hindi lang basta malapit kundi sobrang lapit! Pero gusto ko rin naman ito, e. Hihi! “Okay ka lang? May masakit ba sa’yo? O baka may sakit ka?” “Ha? Wala! Ano lang—“ Nakita ko na number ko na kaya tumayo na ako. Hay, salamat… Malalayo muna ako kay Marco. Baka mabawasan itong tensiyon na nararamdaman ko kahit papaano. Pagkadeposit ko ay number naman ni Marco ang sumunod. Umupo muna ulit ako para hintayin siya. Kailangan kong kumalma. Kalma, Jak… Kalma. Si Marco lang `yan… Okay? Palihim pa akong huminga nang malalim. Nakita ko na patapos na si Marco kaya tumayo na ako sa pagkakaupo. Hanggang sa makarinig ako nang tila nagkakagulo sa may likuran ko. Pagtingin ko sa likuran ay natakot ako nang makita ko na may tatlong lalaki ang pumasok sa banko at armado sila ng mga malalaking baril. Agad na pinaputukan ng isa ang guwardiya sa ulo. Bumagsak ang gwardiya sa sahig. Nanginig ang buong katawan ko nang makita ko ang pag-agos ng dugo. Lahat ay nagsigawan sa nangyari. Binalot ako ng takot mabuti na lang at agad akong nilapitan ni Marco at niyakap. Nangingilid ang luha ko. “Dapaaa!!!” sigaw ng isang lalaki. Muling nagpaputok ng baril ang isa sa mga lalaki. Nang marinig ko ulit ang putok ng baril ay bigla akong natulala at nanginig. Bumalik sa isipan ko ang isang tagpo sa buhay ko na ayaw ko nang balikan… Ang gabi kung saan isang lalaki ang bumaril at pumatay sa tatay ko. Isa-isa kaming tinutukan ng baril ng isa sa mga lalaki. Agad akong hinila ni Marco para dumapa. Sinenyasan niya ako na huwag akong maingay. May takot din sa kanyang mukha. Tuluyan na akong napaiyak dahil walang tigil ang daloy ng alaala kung paano pinatay sa harapan ko ang aking daddy. Wala na akong kaalam-alam sa nangyayari sa aking paligid. Blanko na ang utak ko ng sandaling iyon. “Jak? Okay ka lang? Natatakot ka ba?” tanong ni Marco sa akin ngunit hindi ko magawang makasagot. Umusog siya palapit sa akin at muli akong niyakap nang mahigpit habang parehas kaming nakadapa sa sahig. NAPAPITLAG ako nang may humawak sa likuran ko. “Jak, okay ka na ba?” Boses ni Marco. May pag-alala sa kanyang mukha nang lingunin ko siya. Pakiramdam ko ay pansamantalang nawala ang takot na lumulukob sa aking katawan nang makita ko siya. Ngunit medyo nanginginig at natatakot akong muli napatingin ako sa kanyang mata sa hindi malamang dahilan. Nasa labas ako ng police station kung saan pinapunta lahat ng tao na nasa loob ng banko na hinoldap kanina para hingan ng testimonya. Sinapo ni Marco ang leeg at noo ko. “Nanginginig ka. Gusto mo bang dalhin kita sa ospital?” tanong pa niya. Umiling ako. “U-umuwi na lang tayo, Marco… Gusto ko na munang magpahinga,” sabi ko. Walang anu-ano ay napatulala ako. Kanina nang may maganap na holdapan sa banko at binaril ng holdaper iyong security guard ay biglang nagbalik lahat sa alaala ko kung paano walang awang pinatay ng isang lalaki si daddy. Natakot ako. Para akong bumalik sa nakaraan at naging bata ulit ako habang nakatago sa mainit at masikip na aparador at kitang-kita ko ang pagpatay sa sarili kong ama. Ang pagsamo niya na huwag siyang patayin at ang pagpapaputok ng hayop na lalaking iyon ng baril. At ang tattoo niya na kahit yata ilang taon pa ang lumipas ang hinding-hindi ko makakalimutan! Naikuyom ko ang aking kamao. Rumehistro ang galit sa aking mukha. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko ngayon. Parang gusto kong magwala, manuntok… pumatay! Parang… gusto kong makaharap ang lalaking pumatay sa daddy ko at gawin ang ginawa niya kay daddy. Gusto kong barilin siya nang paulit-ulit! Hanggang sa mamatay na din siya! Gusto kong gumanti! “Jak? May problema ba?” Nanlilisik ang mga mata na napalingon ako kay Marco. Ngunit nang makita ko ang nag-aalala niyang mukha ay biglang lumambot ang mukha ko. “S-sorry… Tara, uwi na tayo,” sabi ko. “Bakit parang galit na galit ka kanina? Sa akin ka ba nagagalit?” tanong ni Marco nang naglalakad na kami. “Hindi, ah. Bakit naman ako magagalit sa’yo? May naalala lang kasi ako gawa no’ng holdapan.” “Talaga? Ano ba iyon? Parang ang lalim kasi ng pinaghuhugutan ng galit mo. Kitang-kita ko sa mukha mo kanina.” Umiling ako. “Wala. Wala iyon.” Hindi ko pa kayang ikwento kay Marco ang lahat. O baka hindi na niya kailangan pang malaman. Hindi ko kayang ikwento sa iba ang nangyari sa daddy ko. “Alam ko naman na hindi iyon wala lang, pero alam ko din na hindi mo iyon kayang ikwento sa akin. Naiintindihan kita. Kahit naman ako, may mga bagay at pangyayari sa buhay ko na hindi ko kayang sabihin sa iba. Siguro dahil natatakot ako na husgahan.” Napatingin ako kay Marco. Nalaliman kasi ako sa sinabi niya pero hindi na ako nag-usisa pa. “Salamat sa pag-intindi, Marco.” “Wala `yon. Basta, kapag kailangan mo ng tulong ko, sabihan mo lang ako… bunso.” Inakbayan niya ako at naramdaman ko na safe ako nang gawin niya iyon. “Mabuti na lang din talaga at kasama kita sa banko kanina. Kung hindi kasi baka nahimatay na ako sa sobrang takot. Salamat… kuya.” Sa wakas ay natawag ko na rin siya ng ganoon nang hindi na ako naiilang o nagba-buckle. Parang kapatid ko na naman talaga siya. Kung protektahan niya kasi ako ay parang ako talaga ang bunso niyang kapatid. Ang sarap lang sa pakiramdam. “Naku, `wag kang mag-alala dahil kuya mo ako, tagapagtanggol mo ako!” Ginulo niya ang buhok ko sabay ngiti. “DADDY!!!” Ang malakas kong sigaw ang pumunit sa tahimik na gabi. Napabalikwas ako ng bangon. Butil-butil ang pawis sa aking mukha habang nagtataas-baba ang aking balikat dahil sa malalalim na paghinga. May mga luhang naglalandas sa aking pisngi na hindi ko alam kung paano papahintuin. Itinuon ko ang aking dalawang kamay sa gilid ko. Isang masamang panaginip ang gumulo sa akin ngayong gabi. Isang pangyayari sa buhay ko na pilit ko nang kinakalimutan pero muling nagbabalik. Paulit-ulit sa aking panaginip iyong eksena kung saan walang awang pinatay ng hayop na lalaking iyon si daddy. Tapos, may eksena rin sa panaginip ko kung saan nagpapakita sa akin si daddy at nagmamakaawa. Umiiyak siya. Tulungan ko daw siya. Tulungan ko daw siyang manahimik na! Biglang bumukas ang pinto ng aking kwarto at humahangos na pumasok si Mama Chang. May mud pack pa siya sa kanyang mukha. Marahil ay nagising siya dahil sa pagsigaw ko. “Jak, anong nangyari? Bakit ka sumigaw?” tanong ni Mama Chang. Nilapitan niya ako at nag-aalalang hinawakan ako sa aking braso. “N-napanaginipan ko po si daddy, Mama Chang… Naalala ko na naman, e.” “Sabi ko na nga ba…” Huminga siya nang malalim. “Mahirap talagang kalimutan ang mga ganiyang bagay, anak. Okay ka lang ba? Gusto mo bang ikuha kita ng tubig?” “`Wag na po. Ayos na po ako,” tugon ko habang pinupunasan ko ng aking kamay ang luha sa aking mukha. Seryoso akong tumingin kay Mama Chang. “Mama, paano kung…” Lumunok ako ng laway. “Paano kung hindi matahimik ang kaluluwa ni daddy dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nahuhuli ang pumatay sa kanya? Paano kung gusto niyang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay niya?” Ilang beses na napailing si Mama Chang at malungkot akong tiningnan. “Pero alam mo naman na, case closed na ang kaso ng daddy mo. Isa pa, paano mo nasabi na hindi pa nahuhuli ang pumatay sa kanya? Hindi ba at nakakulong na ang lalaking bumaril sa kanya? Nabigyan na ng hustisya ang pagkamatay niya, anak…” “Alam ko po na hindi iyon ang pumatay kay daddy. May tattoo ng pakpak ng anghel sa likod ang lalaking pumatay kay daddy! Ang lalaking nakakulong ay wala. Kitang-kita ko po, mama!” “Pero iyon ang sinabi ng mommy mo na pumatay sa daddy mo, Jak.” Napapalatak si Mama Chang nang lalo akong nalungkot nang mabanggit niya si mommy. “`Ayan… nabanggit ko tuloy ang mommy mo. Sorry, Jak…” Pilit kong itinago ang aking lungkot sa ngiti ko. “O-okay lang po. T-tanggap ko na naman na hindi na ako babalikan ni mommy. Hindi na ako umaasa,” sabi ko. Parang kinurot ang puso ko sa pagsisinungaling kong iyon dahil ang totoo ay gusto ko pa ring bumalik siya. Matapos kasing maisara ang kaso ng pagpatay sa daddy ko ay iniwan na lang ako ng mommy ko. Parang bula siyang naglaho. Hindi na nagpakita at nagparamdam man lang. Hindi nga namin alam kung buhay pa siya, e. Kaya naman, inisip ko na lang na patay na si mommy katulad ni daddy para hindi ako gaanong masaktan sa pang-iiwan niya sa akin. Pero minsan, tinatanong ko rin ang sarili ko kung ano ba ang reason niya kung bakit niya ako iniwanan sa mga panahong kailangan ko siya. “Mama Chang, gusto ko pong hanapin ang tunay na pumatay kay daddy. Gusto kong gumanti!” Bumakas ang walang kapantay na galit sa aking mukha. “Masama ang gumanti, Jak. Okay, naniniwala naman ako sa mga sinasabi mo pero ipagpasa-Diyos na lang natin ang lahat. Malamang, ngayon ay kinakarma na ang walanghiyang pumatay sa daddy mo. Halika nga dito at yayakapin na lang kita!” Ibinuka ni Mama Chang ang kanyang dalawang braso. Umisod ako palapit sa kanya at niyakap siya. Habang yakap niya ako ay tumatakbo na ang isip ko kung paano ako makakaganti sa lalaking pumatay kay daddy. Alam kong hanggang ngayon ay hindi pa rin matahimik ang kaluluwa niya kaya bigla na lang siyang nagpaparamdam sa panaginip ko. Hayaan mo, daddy… Igaganti kita. Gagawin ko rin sa lalaking iyon ang ginawa niya sa’yo! Piping sigaw ko sa aking utak. KINABUKASAN, papasok na sana ako sa school nang mapansin ko na nakabukas ang pinto ng unit ni Marco. Dumaan kaya muna ako sa kanya? Wala lang, gusto ko lang siyang makita. Gusto ko lang ng inspirasyon bago ako pumasok. Saka, sobrang stressed ako dahil sa mga nangyari at panaginip ko kagabi. Kailangan ko ng energy booster at isang smile lang ni Marco ay okay na ulit ako. O kaya isang mahigpit na hug. `Sus! Asa naman ako na gagawin niya iyon. Sige, doon na lang ako sa smile. Mas malapit sa katotohanan. Naglakad na ako papunta sa unit niya. Pagpasok ko sa loob ay nagulat ako nang makita ko siyang nakaupo sa sahig at may nililinis na baril. Napatingin siya sa akin at bigla niyang itinago ang baril sa isang itim na bag. “O, Jak, may kailangan ka ba?” tanong niya. Parang bigla siyang nataranta. “Wala. Mangungumusta lang sana ako,” sagot ko pero sa itim na bag ako nakatingin. “Okay lang naman ako. Ikaw ba, okay ka na?” Kinuha niya ang bag at itinago iyon sa likod ng maliit na sofa. “Oo,” sabi ko lang iyon pero ang totoo ay hindi. “Teka, baril ba `yong hawak mo kanina?” “Ah, `eto ba?” aniya at muli niyang kinuha ang bag at inilabas ang baril. “Wala ito. Gamit ko lang. In case of emergency, pang-self defense.” “Ibig sabihin marunong kang gumamit niyan?” tanong ko. “Oo naman. Bakit?” sagot niya. At isang idea ang nabuo sa isip ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD