Zaina Jhin
“So si poging nakamotor nga ba ang dahilan ng hindi mo pagpapaligaw kay Joven Ina, at siya din ba ang dahilan kaya maganda ang awra mo kanina?”
Napairap ako sa hangin kasabay ng pagbuntong hininga sa muling pangungulit ni ate Ada sa akin. Mula pa kanina ay hindi na niya ako tinantanan kahit pa hindi ko na siya pinapansin. Pinipilit niyang alamin kung sino ang naghatid sa akin kagabe, na walang iba kundi si Jovann. Pinili kong hindi na magbigay pa ng maraming detalye patungkol kay Jovann sapagkat wala naman siyang kinalaman sa mga kaganapan ngayon araw sa akin. Hindi rin ako komportableng pag usapan pa siya dahil nahihiya ako sa hindi ko maipaliwanag na dahilan.
“Hoy Ina umamin ka sa akin, kukurutin kita sa singit,” muling hirit ni ate Ada kayat napapakamot akong humarap sa kanya.
Matapos kong sagutin ang tanong ni Joven kanina at linawin na magkaibigan lamang kami ni Jovann ay iniwan ko na sila dahil ayaw ko ng humaba pa ang usapan. Subalit itong makulit kong kaibigan ay ayaw akong tigilan hanggat hindi ko inaamin ang tungkol sa amin ni Jovann. Ano naman ang aaminin ko gayong magkaibigan lang naman talaga kami.
“Ate, magkaibigan lang kami, high school bestfriend kami kayat super closed talaga kami ni Jovann—
“Aha Jovann pala ang pangalan ni poging nakamotor!” tili ni ate Ada na agad ding natutop ang bibig. Kapwa kami napatingin sa paligid at agad na hinanap kung naroon ang aming boss. Buti na lamang ay ang mga katrabaho lamang namin ang nakarinig kayat pareho kaming nakahinga ng maluwag.
“Mapapahamak pa tayo te, ang ingay mo,” sita ko sa pabulong na paraan. Napatakip naman ito sa kanyang bibig saka sumenyas na lumapit ng bahagya sa kanya upang marinig ko ang kanyang sasabihin.
“Sorry naman. Ikaw kase eh ayaw mo pang magkwento eh,”
“Wala nga akong ikokwento te –
Natigilan ako sa pagsasalita ng maagaw ng aking phone ang aking atensyon sa bigla nitong pag ilaw. Gulat at halos manlaki pa ang mga mata ko ng makita ang pangalan ni Jovann sa aking screen habang may nakalagay na calling. Napalunok ako ng mapagtantong nakasilip din si ate Ada kayat sigurado akong nakatitig na ito ngayon sa akin. Sa halip na sagutin ang tawag ni Jovann ay nagawa ko pang sumulyap kay ate Ada na ngayon ay nakangisi na sa akin.
“Sagutin mo dali,” wika pa nito kasabay ng pagkuha sa cellphone ko. Huli na ng makuha ko ito sapagkat nagawa na itong sagutin ni ate Ada.
“Hello Ina, are you there?” Napapadyak ako dahil sa inis sapagkat wala naman akong balak sagutin si Jovann ngunit naunahan na ako ni ate Ada kayat wala akong magagawa kundi ang kausapin ito.
Hindi naman sa ayaw kong kausapin si Jovann ngunit hindi ko gustong magkausap kami sa oras na ito kung saan kasalukuyan akong ginigisa ng makulet kong kaibigan. Lalo lamang itong magtatanong ng kung ano ano patungkol kay Jovann.
“Jovann, napatawag ka?” kinakabahang wika ko.
Hindi ko alam kung bakit abot abot din ang kabang nararamdaman ko gayong sanay naman akong kausap si Jovann. Ngunit sa mga oras na ito ay para bang dinagsa ako ng kaba. Siguro ay dahil narin sa mga pang asar na ngiti ni ate Ada at sa maaari nilang isipin ngayong tinatawagan pa ako ni Jovann.
“Naistorbo ba kita? Pasensya kana I just want to check if okay ka lang. Ahmm naisip ko baka hindi mo na gustuhan ang alok ko, kayat hindi mo ako nirereplyan,” nahihiya nitong wika mula sa kabilang linya.
Napapalo naman ako sa aking noo dahil sa narinig. Sa pagdedepensa ko sa aking sarili mula sa mga pang iintriga ni ate Ada ay hindi ko na napansin na may mga messages pala sa akin si Jovann. Hindi ko tuloy nalaman kung ano ang alok na sinasabi niya.
“Pasensya kana Jovann, kakadating ko lang kase dito sa trabaho kayat hindi pa ako nag bubukas ng mga messages,” pag papalusot ko na lamang.
“Ganon ba, okay lang naman. Kung papayag ka sa offer ko just message me, maghihintay ako,”sagot nito. Ngayon pa lang ay napapaisip na ako sa inaalok niya ngunit hindi ko naman masabing ibaba na ang tawag, nakakahiya naman.
“Sige na Ina, baka may gagawin kana, bye na muna,”
“Okay sige,” tanging naisagot ko na lamang. Iyon lang din at pinatay na ni Jovann ang tawag.
“Ano ba yan, bakit ba pareho kayong kabado?”
Napakunot noo ako ng marinig na magsalita si ate Ada na nakikinig pala sa usapan namin ni Jovann, nakadikit pa talaga ang tenga niya kaya marahil rinig din niya ang pagsasalita ni Jovann.
“Ayan ka na naman te,” wika ko para mapagtakpan ang katotohanang winiwika niya. Ramdam ko din kase ang kaba sa boses ni Jovann at hindi ko alam kung bakit nga ba pawang kabado kami sa isat isa habang kami ay magkausap.
Patuloy sa kadadaldal si ate Ada ngunit hindi ko na lamang siya pinansin dahil pinagtuunan ko na ng pansin ang messages ni Jovann. May mensahe itong nag greet ng good morning at ingat sa trabaho. Mayroon ding wag daw ako magpakasagad sa pagpapagod dahil kailangan ko daw alagaan ang sarili ko. Hindi ko na namalayan na kusa na palang sumilay ang ngiti sa labi ko kayat nagulat pa ako ng magsalitang muli si ate Ada.
“Kinikilig yern ngiting ngiti ah?” Agad kong naitago ang cellphone ko at nahihiyang nag iwas ng tingin. Hindi ako makaapuhap ng sasabihin kayat pinili ko na lamang ang manahimik.
“Hindi pala kayo ah, pero ang sweet ng mga messages. Sana all may ganyang bestfriend,” pang aasar na wika nito saka matamis ang ngiting tiningnan ako.
“Ate,” naiwika ko na lamang ngunit ang bruha ay tinawanan lamang ako.
“Start working!”
Kusa kaming nagsipunta sa bawat pwesto namin ng marinig ang sigaw ng aming boss. Hindi ko namalayan na umpisa na pala ng trabaho, buti at naitago ko agad ang cellphone ko kundi baka napagalitan pa ako.
Nang magsimula ako sa pagtatrabaho ay muling sumagi sa aking isipan ang mga mensahe ni Jovann. Aaminin kong hindi ko mapigilan ang mapangiti sapagkat ngayon na lamang ako nakatanggap ng mga sweet messages mula sa kanya. Sanay kase ako na ganon siya kahit noon pa ngunit natigil nga lang noong umalis siya.
Napakamot ako sa aking ulo ng maalalang hindi ko pa nga pala narereplyan ang offer na inaalok niya. Ang sabi sa mensahe nya ay kung papayag daw ako ay ihahatid niya ako sa tuwing gabi na ang uwe ko para naman masigurado niya ang kaligtasan ko. Alam kong nag aalala din si Jovann dahil delikado naman talaga ang umuwe ng gabing gabi lalo at mag isa lang ako. Ako rin naman ay nag aalala para sa sarili ko ngunit kailangan ko ang trabaho kayat nilalakasan ko lamang ang loob ko. Nahihiya ako dahil maaabala pa siya ngunit mayroon sa akin na gustong tanggapin lalo at pakiramdam ko ay ligtas ako at mapapabuti kung si Jovann ang makakasama ko.
Maghapon kong pinag isipan ang alok ni Jovann, alam kong mabuti ang maidudulot non sa akin subalit mas pinili ko ang sa tingin ko ay nararapat. Batid ko na matalik kaming magkaibigan ngunit hindi ko nais na samantalahin ang kabaitan niya. Hindi tamang pati siya ang maabala pa, kayat sa huli ay nagpasya akong tanggihan ang inaalok niya. Ang isa pa ay hindi ko nais na mabigyan ng ibang tao ng maling pakahulugan ang relasyon namin bilang magkaibigan.
Noong una ay pinipilit parin niya ang kanyang alok ngunit sinikap kong ipaintindi sa kanya na hindi tamang maabala siya ng dahil sa akin. Pumayag naman siya sa huli at nirespeto ang desisyon ko ngunit hiniling niya na sana ay hayaan ko siyang ihatid sundo ako sa oras na kinakailangan bagay na pinagbigyan ko naman basta’t hindi madalas.
Ngunit tila pinaglalaruan na naman ako ni kapalaran sapagkat dumating ang mga araw na sunod sunod ang overtime namin na sagad at inaabot kami ng alas 10 ng gabi. Nahihiya man ay wala akong nagwa kundi ang tanggapin ang alok ni Jovann na ihatid ako at isang linggo na nga mula ng ihatid niya ako tuwing uwian.
“Salamat Jovann, pasensya kana ulit naabala ka pa,” nahihiya kong wika isang gabing hinatid niya ako sa amin.
“Ayos lang iyon, kesa naman ihatid ka ng kung sino sino lang. Sa uulitin Ina, wag kang basta magtitiwala ha,”
Gulat at napakunot noo ako dahil sa winika ni Jovann, hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin kayat sa halip na sagutin siya ay ako naman ang nagtanong sa kanya ngn bigla ay may maalala ako.
“Nandon kaba kanina, naring mo ba ang sinabi ni—
“Sino ba yun?” pagpuputol niya sa sinasabi ko kayat gulat akong natigilan.
Napataas pa ang kilay ko ng mapagmasdan siya na tila inis na inis. Hindi ko alam kung mainit lang ba talaga ang ulo ni dahil kanina pa lamang ay sobrang tahimik na niya at hindi man lang magawang ngumiti.
“Galit kaba?” tanong ko ng makabawe. Tila naman natauhan siya sa kanyang inasal at sa isang iglap ay bigla na namang nagbago ang reaksyon niya. Unti unti ay nakita ko ang pagkalma ng kanyang muka, napapikit pa ito at napahawak sa himas sa kanyang batok.
“Sorry. Ano kase ano,”
“Kase?” tanong ko.
“Kase, oo nandon ako narinig ko kanina nung inaalok ka ng katrabaho mo na ihahatid ka. Wala kase akong tiwala sa pagmumuka non, para bang may masamang balak sayo sa uri ng mga tingin niya sayo. Kaya gusto lang kitang pagsabihan, alam mo na mahirap na ang panahon ngayon. Beside I just want to make sure that you will be safe kayat please wag na wag kang magpapahatid sa kahit sino. Ako kahit madaling araw pa yan pwede kang magpahatid sa akin at sisiguraduhin kong iuuwe kita ng ligtas,” mahabang paliwanag niya na hindi ko agad nagawang tugunin.
Hindi ko batid kung ano ang sasabihin ko, gulat at sinusubukan pang intindihin ng isip ko ang mga sinabi niya. Sobrang dami niyang winika at tila nahihirapan akong iproseso ng tama sa aking isip kung ano ang ibig niyang ipakahulugan sa bawat salitang kanyang binitawan.
“Okay sige, salamat na lang ulit,” wika ko matapos makabawe mula sa pagkakagulat. Siya naman ay tila inurungnan ng dila dahil hindi na rin niya nagawang kumibo. Sa huli ay nagpasya na din siyang magpaalam upang umuwe na. Pumayag na din ako agad dahil gabing gabi na, delikado na rin para sa kanya ang magstay pa ng mas matagal sa labas.
“Nasa bahay na ako, magpahinga kana. Good night Ina,” huling mensahe ni Jovann sa akin bago ko ipinikit ang aking mga mata upang matulog. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, maraming pagkakataon na nagagawang pagaanin ni Jovann ang araw ko ng dahil lamang sa mga simpleng mensahe at munting kilos niya para sa akin.
Sa mga sumunod na araw ay ganon parin ang naging sistema namin. Inabot kase ng halos 2linggo ang mga overtime namin na sagad kayat napadalas din ang paghahatid sa akin ni Jovann na araw araw kong pinagpapasalamat sa kanya. Madalas pa din akong tuksuhin ni ate Ada ngunit hindi ko na lamang pinapansin kahit pa madalas niyang sinasabi na doon nagsimula ang lovestory ng mga lolo at lola niya. Kadalasan ay tinatawanan ko na lamang lalo at alam kong malaki ang kalokohan niyang si ate Ada.
Nang dahil sa sunod sunod naming pag oovertime ay sunod sunod din ang pagod na inaabot ng aking katawan ngunit ayos lamang sa akin sapagkat ng dahil din doon ay malaki ang sinahod ko. Nagawa kong bayaran ang mga bills namin at naibili ko na din ng sapatos ni Vina. Labis ang tuwa ng kapatid ko ngunit mas labis ang kaligayahang nararamdaman ko ng makita ang masayang muka ng aking mahal na kapatid.
“Anak salamat, sana lagi na tayong ganito,” masayang masayang wika ni nanay habang sakay kami ng tricycle pauwe.
“Sana nga po nay,” masaya ko ding tugon.
Araw ng linggo, pumasok kami ngunit hanggang 4 lang ng hapon ang trabaho namin ngayon kayat nagpasya kami ni nanay na mamili ng mga pagkain na stock namin sa bahay. Masayang masaya ang nanay ko dahil madami dami kaming nabili ngayon kumpara noong mga nakakaraang sahod ko. Iyon ay dahil sa pag oovertime ko ng sagad kayat malaki talaga ang sinahod ko. Nagawa ko ding mamili ng mga gamit ng mga kapatid ko at higit sa lahat ay may maitatabi akong pera para sa pinag iipunan ko.
“Anak mauuna na ako ah, tatawagin ko mga kapatid mo para matulungan ka dyan,” pagpapaalam ni nanay habang nagbabayad ako sa tricycle. Hindi na ako nakasagot dahil nagmamadali ng maglakad si nanay bitbit ang dalawang plastic ng aming pinamili.
Matpos kong magbayad ay inayos ko na muna ang mga pinamili namin habang hinihintay ang mga kapatid kong tutulong sa akin. Nang may motor na huminto sa di kalayuan sa akin na siyang umagaw ng aking atensyon sapagkat kilala ko ang babaeng bumaba mula doon. Saglit niyang kinausap ang lalaking driver at napaawang ang aking bibig ng hawakan ng lalaki ang kamay nito. Saglit pa silang nagngitian bago tuluyang umalis ang lalaki. Kitang kita ko ang matamis na ngiti sa muka niya.
“Faye,” bulong ko ng tuluyang mapagmasdan ang muka ng aking kapatid.