sa muling pagtatagpo
"Mapagbiro kaming mga komedyante, pero mas mapagbiro po ang tadhana” maingay na boses sa radyo ang sumalubong sa akin pagpasok ko ng kotse.
“Pathetic” bulong ko sa sarili habang inaayos ang buhok ko sa rear mirror. Ang gulo-gulo ng buong mukha ko. Itsura ba ‘to ng taong papasok sa first day ng bago niyang trabaho? Hindi. May pakialam ba ako? Wala. Inihagis ko ang kit ko sa likod ng kotse at pinaandar ito.
Kasabay ng pagharurot ko sa sasakyan ay ang maingay na boses ng announcer sa radyo “On the way kana sa laro ng tadhana. Goodluck”.
“Nonsense” bulong ko ulit. Wala pang ilang minuto galing sa nirerentahan kong bahay ay nakarating na agad ako sa bagong facility na pagtatrabahuan ko. This is it, new town, new environment. Pagkatapos ng limang taon na pananatili sa lugar na halos sumira ng katinuan ko, I finally made it- ang pag move on.
Medyo malayo ito sa bayan at nasa loob ang facility na ito sa kagubatan kaya halos walang dumadaan dito. Mula sa labas ay makikita mo ang mataas na gate na napapalibutan ng mga berdeng halaman. Pagpasok ko sa loob, binati ako ng security guard na mukhang walang ka salitan dahil namumugto pa ang mata na walang tulog.
Sa loob, may dalawang two-story building na mukhang noong isang dekada pa napintahan. Sa gilid naman ay maliit na building na animo’y ilang bagyo na ang pinagdaanan. Madamo at madaming puno ang buong lugar. Sa may dakong kanan ay isang malaking fishpond na may karatulang “Not dead, just calm”. Ano daw? Hindi ko maintindihan ang karatula .
“Di ka patay chill ka lang…” isang mahinang boses ang narinig ko. Nabigla ako ng may biglang sumulpot na babae mula sa likuran. Matangkad at may kaputian siya. Mahaba ang buhok, nakauniporme at may nakalagay sa nameplate na “staff”
“Good morning po” bati ko sa kanya.
“Di ka patay, chill ka lang. Yan ang ibig sabihin niyan”.
“Huh?”
“Di ka patay, chill ka lang” tapos tumawa siya nang malakas. Matapos niya akong tawanan ng ilang segundo, umalis lang din siya na hindi kumikibo.
Ang weird nga; kahit ang buong paligid medyo nararamdaman ko something’s off. Para bang haunted place ang napuntahan ko. Naliligaw ba ako?
Medyo naduwag ako, pero nagpatuloy ako sa paglalakad. Nandito na rin man lang ako, ituloy tuloy ko na sa jackpot round. Pinagpatuloy ko ang paghakbang hanggang sa makarating ako sa may hallway ng malaking building. Maraming halaman ang entrance at kahit na medyo luma, maaliwas naman. Tahimik ang buong paligid. Parang walang tao. Teka, saan ba ang mga tao dito. Mukhang naliligaw ata talaga ako.
Nag-ikot ako sa paligid. May malaking desk na bubungad sa may pinto na nakalagay “Ask Here”; sa kanang bahagi ay hagdanan, at ang kaliwa naman ay isang cabinet na puno ng mga lumang picture frames at figurine. May mga karatula din ng mga motivational quotes. Umikot pa muli ang mata ko sa paligid nang biglang lumamig. Para bang may pagbabadya ng lagim kahit ang tirik naman ng sikat ng araw sa labas. Binalot ako ng kilabot sa di malamang dahilan.
“Chess?”
Narinig ko ang isang pamilyar na boses sa likuran ko. Hindi… hindi lang pamilyar… kabisado ko ang boses na ito. Ito ang boses na nakasanayan ko nang mahabang panahon; boses na naging tahanan at kanlungan ko… oo, alam na alam ko ang boses na ito.
Dahan dahan kong nilingon ang boses na ito… at sa isang iglap tumigil ang mundo ko; para bang sinaksak ako ng ilang beses at binuhusan ng tone-toneladang yelo. Nanginging ako sa lamig pero parang sinusunog yung puso ko.
Multo…isang multo ang bumungad sa mga mata ko… multo ng nakaraan.
Totoo nga ang sabi ng radio announcer kanina “mapaglaro ang tadhana…”
Sa lahat ng lugar dito ko pa natagpuan ang multo na pilit kong kinalimutan.
Nakalugay ang magulo niyang buhok. Kasing tangkad ko pa rin siya, ngunit bumagsak ang timbang niya. Nangungunot na ang gilid ng mga mata niya at may bakas na ng taon ang kulubot niyang noo. Magulo man ang mukha, maganda pa din siya… walang kasing ganda. Siya pa din ang babaeng nakilala ko ilang taon na ang nakakaraan, ngunit noon hindi siya nakasuot ng lilang uniporme…
“Chess” sambit niya ulit sa pangalan ko. Siya nga… kung paano niya ako tawagin. Kung paano niya bigkasin ang aking pangalan. Siya nga.
Matapos ang limang taon… sa pagitan ng kamusta at paalam… natagpuan ko siya.
Par. Par ang pangalan ng babaeng kaharap ko na naging multo sa aking isipan na kahit anong pilit kong pagpapatawas ay hindi ako nilubayan. Ngayon kaharap ko na siya, ngumingiti, nangungusap ang mga mata.
Mga limang metro ang pagitan namin. Dahan dahan siyang lumapit.
Please wag ka ng lumapit… bulong ko sa isip sa bawat paghakbang niya. Tama na ang limang metrong pagitan na ‘yan; kagaya ng limang taon mong paglisan.
Dug… dug…dug… t***k ng dibdib ko na parang sasabog na. Hindi ko alam kung sa kaba ba ito, sa galit, sa saya, o kung ano mang emosyon pwede kong madama. Kasabay ng pagkabog ng dibdib ko ay ang malakas na kalampag ng kidlat at kulog sa labas. Biglang umulan ang langit, ngunit kanina lamang ay sobrang tirik naman ng araw.
"Seems like the universe agreed with this coincidence. Hello Chess…” pangiti niyang sabi habang isang metro nalang ang aming pagitan.
Bilog pa din ang mga mata niya. May matataas pa din siyang mga pilik mata. May mga peklat pa din ng tigyawat ang parehong pisngi niya. Magaslaw pa rin siya. Hindi pa rin siya mahinhin tingnan. Siya pa rin ang babaeng hindi mahinhin na una kong nakilala at minahal sampung taon na ang nakakaraan.