Prologue
AMANDA POV.
Sa limang taon naming kasal ni Cyn Del Fierro, ni minsan ay hindi niya ako tiningnan bilang asawa. Para sa kanya, ang kasal namin ay isang kasunduan lamang… isang papel na kailangang pirmahan at panindigan.
Samantalang ako, sa loob ng limang taon, ay patuloy na umaasa na balang-araw ay kahit kaunting atensyon ay ibibigay niya sa akin.
Mahal na mahal ko si Cyn. Simula pa noong bata ako at teenager pa lamang siya, lihim ko na siyang minamahal.
Ilang beses akong lumapit sa kanya upang makipag-usap, ngunit laging may isang taong nakapagitan sa amin ang kababata niya… ang babaeng lihim niyang karelasyon.
Si Ms. Alech.
Hindi ko naman magawang magreklamo dahil kasama sa kasunduan naming dalawa ang tungkol kay Ms. Alech. Suportado ni Cyn ang aking ama. Simula nang operahan sa puso si Papa hanggang sa mga maintenance niyang gamot, si Cyn ang gumagastos para sa lahat.
Kaya wala akong karapatan humingi ng higit pa.
Wala akong karapatan magselos.
At higit sa lahat, wala akong karapatan magreklamo.
Saksi ako sa bawat gabing nagkikita sina Cyn at Ms. Alech dito mismo sa loob ng aming bedroom.
Kapag dumarating si Ms. Alech, tahimik akong lumalabas ng silid at sa guestroom natutulog.
Habang masaya silang dalawa sa loob ng kwartong dapat sana ay para sa amin, ako naman ay nag-iisa at luhaan.
Minsan, hindi ko na rin alam kung bakit kinakaya ko ang ganitong klase ng pagsasama.
Ako ang legal na asawa niya, pero ang kabit niya ang laging kasama niya.
Kapag weekend naman, ako pa ang nagsisilbi kay Ms. Alech.
Kapag may gusto siyang kainin, pagluluto ko siya. Kapag may kailangan siya, ako ang inuutusan niya, instead na kaasambahay. Lahat ng gusto niya ay ibinibigay ko.
Hindi dahil gusto ko.
Kundi dahil iyon ang napagkasunduan namin ni Cyn.
Ngunit may hangganan din pala ang lahat.
Isang umaga, nagising ako sa katahimikang kakaiba. Agad akong nagtungo sa kwarto ng aking ama.
“Papa?”
Walang sagot.
Mabilis akong pumasok sa kanyang silid.
“Papa, gising na po. May kailangan po ba kayo?”
Walang response.
Hinawakan ko ang kanyang kamay.
Malamig.
“Papa…?”
Nang makita kong hindi na gumagalaw ang dibdib niya, nanigas ang buong katawan ko.
“Papa!”
Mabilis kong hinawakan ang mukha niya, ngunit wala na siyang buhay. Namatay siyang dilat ang mga mata.
At iyon yata ang pinakamasakit na nangyari sa buong buhay ko.
Tuluyan akong iniwan ng kaisa-isang taong meron ako. Ang taong para sa akin ay hindi lamang ama kundi buong mundo ko. Dahil kahit adopted niya lang ako, ipinadama niya sa akin kung gaano ako kamahal.
At doon ko napatunayang wala kahit katiting na pagtingin sa akin si Cyn.
Sa tatlong araw na burol ni Papa, ni minsan ay hindi siya dumating.
Tanging ilang tauhan niya ang minsang nagpunta sa funeral upang magdala ng mga bulaklak.
Ni anino ni Cyn ay hindi ko nakita.
Kahit nang araw na ihatid namin ang mga labi ni Papa sa kanyang huling hantungan, saka ko nalaman na out of the country si Cyn.
Kasama si Ms. Alech.
Sa araw na iyon, tuluyan na akong sumuko.
Wala nang natira sa akin na maaaring ipaglaban ko pa.
Wala nang dahilan upang manatili ako.
Pagbalik ko sa mansion, diretso akong nagtungo sa aming kwarto ni Cyn.
Binuksan ko ang drawer at kinuha ang isang dokumentong ilang taon nang nakatago doon.
Ang divorce papers.
Nakasaad na roon ang pangalan namin.
At higit sa lahat, naroon na rin ang pirma ni Cyn.
Naalala ko ang araw na ikinasal kami sa Las Vegas. Kinabukasan, agad niya itong iniabot sa akin.
“May pirma ko na ’yan,” malamig niyang sabi noon. “Bahala ka na kung kailan mo pipirmahan.”
Hindi ko iyon pinirmahan. Itinago ko lamang sa drawer at hindi na muling tiningnan.
Hanggang ngayon...
Ngayon, oras na upang tuluyan ko na siyang pakawalan.
Siguro, kapag nakita niyang pirmado ko na ang divorce papers, agad niya iyong isusumite upang tuluyan na silang makapagpakasal ni Ms. Alech.
Huminga ako nang malalim nang ilang ulit bago ko dinampot ang pen.
Sandali muna akong natigilan.
“Sigurado ka na ba, Amanda?” bulong ko sa sarili. Tumulo ang isang butil ng luha mula sa aking mata.
Pagkatapos, pinirmahan ko ang divorce papers.
Walang pag-aalinlangan.
Hinubad ko ang engagement ring ko, pati na rin ang wedding ring, at maingat na inilapag ang mga iyon sa ibabaw ng dokumento.
“Give up na ako,” bulong ko. “Pinapakawalan na kita, Cyn.”
Binalik ko ang lahat sa loob ng drawer at marahang isinara iyon.
Muling tumulo ang aking mga luha.
Pero para saan pa?
Ano pa ang silbi ng pag-iyak para sa isang lalaking hindi naman ako kailanman minahal?
Tumayo ako at naglakad sa loob ng private room namin ni Cyn. Kinuha ko ang mga damit na ako mismo ang bumili.
Lahat ng bagay na ibinigay sa akin ni Cyn simula nang ikasal kami ay iniwan ko.
Wala akong dinala kahit isa.
Inilagay ko sa maleta ang sarili kong mga gamit at tuluyan itong isinara.
Pagkatapos, napatingin ako sa malaking wedding picture namin na nakasabit sa dingding.
Limang taon ko iyong tinitigan bago matulog. Kapag wala pa si Ms. Alech.
Limang taon kong pinangarap na balang-araw ay maging totoo ang ngiti namin sa larawang iyon.
Ngayon, wala na itong kahulugan.
Inalis ko ang malaking wedding picture frame at dinala sa likuran ng mansion.
Kasama nito ang lahat ng larawan ni Cyn na matagal kong itinago sa aking cabinet.
Isa-isa kong inilapag ang mga iyon sa ibabaw ng mga tuyong kahoy.
Sapat na ang limang taon.
Sapat na ang bawat gabing hinayaan kong saktan ng mga alaalang ito ang sarili ko.
Ang lahat ng ito ay mga alaala na kailangan ko nang burahin sa puso at isipan ko.
Sinindihan ko ang apoy.
Unti-unting nilamon ng apoy ang mga larawan.
Kasabay ng pagliyab ng mga ito ay patuloy din ang pag-agos ng aking mga luha.
Nakita kong unti-unting natutupok ang bawat alaala.
Hanggang sa wala nang natira kundi abo.
“Goodbye, Cyn,” mahina kong bulong.
Tinalikuran ko ang apoy at naglakad pabalik sa loob.
Ngunit bago ako tuluyang umalis, minsan ko pang iginala ang aking mga mata sa kabuuan ng silid.
Ang silid na minsan kong pinangarap na maging aming dalawa.
Muling napaiyak ako.
“Enough, Amanda,” bulong ko sa sarili. “Oras na upang palayain mo ang sarili mo sa sakit.”
Hinila ko ang aking maleta at agad na nilisan ang mansion.
Paglabas ko, kumaway sa akin ang mga kasambahay.
Ang iba ay malungkot ang mga mukha.
Ngunit ang ilan sa mga kakampi ni Ms. Alech ay halatang masaya sa pag-alis ko.
Hindi na ako lumingon sa kanila.
Bago ako tuluyang sumakay sa taxi, minsan ko pang tiningnan ang buong mansion.
Limang taon itong naging tahanan namin ni Papa.
Ngayon, wala na akong dahilan upang manatili pa doon.
Sumakay ako sa taxi at marahang isinara ang pinto. “Airport po,” sabi ko sa driver.
“Okay, Ma’am.”
Habang umaandar ang taxi, kinuha ko ang cellphone ko at tinawagan si Lola. Ang abuela ko na itinakwil ako dahil kay Papa.
Ilang segundo lamang ay sinagot niya ang tawag.
“Amanda?”
“Lola…”
Nanginginig ang boses ko. “Babalik na po ako.” Sandali akong pumikit bago nagpatuloy. “Simula sa araw na ito, hindi na ako si Amanda Luiz.”
Napahawak ako sa dibdib ko. “Ako na si Princess Red… ang inyong tagapagmana.”
Tahimik si Lola sa kabilang linya.
Pagkaraan ng ilang segundo, narinig ko ang kanyang malalim na buntong-hininga.
“Good. Mabuti at natauhan ka na, apo.”
Napapikit ako. “Wala na po si Papa,” mahina kong sabi. “Wala na akong dahilan para manatili pa sa Mansion Del Fierro.”
“Mabuti naman,” sagot ni Lola, ngunit ramdam ko ang pait sa kanyang boses. “Dahil sa adopted father mo kaya naghirap ka nang mahabang panahon.”
Napakuyom ako ng kamao.
“Dahil sa kanya, hinayaan mong tapak-tapakan ang pagkatao mo.”
Tahimik akong nakinig.
“At dahil din sa kanya,” pagpapatuloy ni Lola, “nagdusa ka sa piling ng isang lalaking hindi ka mahal.”
Pumikit ako at pinahid ang mga luha ko.
Sa unang pagkakataon matapos ang limang taon, hindi na ako nakaramdam ng takot.
Dahil sa wakas… malaya na ako.
Simula ngayon, sarili ko naman ang uunahin ko.
===
CYN POV.
Ilang buwan din kaming nagliwaliw ni Alech sa iba't ibang bansa. Lahat ng bagay na makapagpapasaya sa kanya ay ibinigay ko.
Lahat ng naisin niya ay sinunod ko.
Lahat ng bagay na gusto niyang bilhin ay binili ko.
Gusto niyang mamili? Dinala ko siya sa pinakamamahaling boutiques. Gusto niyang pumunta sa mga eksklusibong lugar? Sinamahan ko siya. Gusto niyang magbakasyon sa iba't ibang bansa? Pinagbigyan ko.
Wala akong tinanggihan sa kanya.
Hindi dahil gusto kong gawin ang lahat ng iyon.
Kundi dahil iyon ang napagkasunduan namin limang taon na ang nakalilipas.
Five years.
Limang taon kong pinagbigyan si Alech sa lahat ng gusto niya. Limang taon kong hinintay kung sakaling magbago ang nararamdaman ko para sa kanya.
Ngunit hindi nangyari iyon. Ang rasyon namin ay pure bedmate lang walang ng iba.
Hindi ko siya minahal.
At dahil wala akong maibigay na pagmamahal sa kanya, napagkasunduan namin na pagkatapos ng limang taon ay maghihiwalay kami nang maayos.
Ngayon, tapos na ang limang taon.
At ang totoo?
Pagod na pagod na ako.
Nang tuluyang lumapag ang pribadong eroplano ng pamilya, agad akong bumaba.
“Cyn, wait!”
Tinatawag ako ni Alech mula sa likuran, ngunit hindi na ako lumingon.
Wala na akong lakas para makipag-usap.
Sa loob ng ilang buwan, ginawa ko ang lahat upang maging masaya siya.
Siguro naman sapat na ang maraming taon..
Paglabas ko ng arrival area, agad akong sumakay sa naghihintay na sasakyan.
“Sa mansion,” utos ko sa driver.
“Yes, Sir.”
Bago pa man tuluyang umandar ang sasakyan, muling nagsalita ako.
“At sabihin mo sa lahat ng tauhan na walang iistorbo sa akin buong araw. Gusto kong magpahinga.”
“Yes, Sir.”
Sumandal ako sa upuan at pumikit. Sa wakas, makakapagpahinga na rin ako.
Makalipas ang halos kalahating oras, huminto ang sasakyan sa harap ng mansion.
Agad akong bumaba at pumasok sa loob.
Hindi na ako nakipag-usap kaninuman.
Diretso akong sumakay sa elevator patungo sa third floor.
Ngunit nang bumukas ang elevator at lumabas ako, bigla akong natigilan.
Kakaiba.
Sobrang tahimik.
Masyadong tahimik.
Karaniwan ay may mga tauhan sa hallway. May naglilinis, may nag-aayos, may naghahatid ng mga kailangan sa master bedroom.
Ngayon, parang walang tao.
“He!” Agad kong tinawag ang isa sa mga tauhan ko.
“Sir?”
“Bakit parang walang tao rito?”
Saglit siyang nag-alangan bago sumagot.
“Umalis na po ang asawa ninyo, Sir.”
Kumunot ang noo ko.
“Umalis?”
“Yes, Sir.”
Hindi ko siya naintindihan. Saan naman pupunta si Amanda?
Gayunpaman, wala na akong lakas para magtanong pa.
Siguro may pinuntahan lamang siya. Marahil ay may kailangan siyang asikasuhin. Kaya dumiretso ako sa master bedroom.
Pagpasok ko pa lamang ay agad na namayani ang kakaibang pakiramdam sa dibdib ko.
Lumingon ako sa paligid. At doon ko napansin ang isang bagay. Wala na ang wedding picture namin sa ibabaw ng headboard.
Nagsalubong ang aking mga kilay. Agad kong tiningnan ang bedside table. Wala rin doon ang picture namin.
Sinuyod ko ang buong silid.
May kakaiba.
Parang may iba pang nawala.
Hindi ko maipaliwanag kung ano iyon, pero may kung anong mabigat sa dibdib ko.
Mabilis akong nagtungo sa closet.
Pagbukas ko nito, naroon naman ang lahat ng damit ni Amanda.
Nakahinga ako nang maluwag. Siguro kung saan lamang siya nagpunta.
Babalik din siya.
Hindi ko na iyon inisip pa.
Naligo ako at pagkatapos ay nahiga.
Ilang minuto lamang ay nakatulog na ako.
Hindi ko na namalayan kung ilang oras akong nakatulog.
Nang ako’y magising, dahan-dahan akong dumilat.
Muli kong nilingon ang paligid. Wala pa rin si Amanda.
Umupo ako sa kama.
Bakit parang ang tagal niya?
Nagsuot lamang ako ng bathrobe at lumabas ng kwarto.
Sa hallway, nakasalubong ko si Manang Mila. “Manang Mila.” Tawag ko.
Napalingon siya sa akin. “Sir?”
“Dumating na ba ang asawa ko?”
Bigla siyang kumunot ang noo. Napansin ko iyon.
“Hindi mo ba narinig ang tanong ko?”
“Sir…”
“Dumating na ba si Amanda?”
Tahimik siyang tumingin sa akin bago marahang umiling. “Mas mabuti sigurong tingnan ninyo ang CCTV, Sir.”
Naramdaman kong bumigat ang dibdib ko. “Bakit?”
“Doon ninyo makikita kung kailan umalis si Ma'am Amanda.”
Nanigas ako. “Umalis?”
Hindi siya sumagot. Agad akong naglakad patungo sa CCTV room.
Hindi ko gustong maniwala sa sinasabi nila. Hangga't hindi ko nakikita, hindi ako maniniwala.
Pagdating ko roon, agad kong nilapitan ang staff. “Buksan mo ang CCTV recordings ng araw na umalis si Amanda.”
“Yes, Sir.”
Mabilis niyang ginawa ang sinabi ko.
Habang hinihintay kong lumabas ang recording, hindi ko maipaliwanag ang kaba sa dibdib ko.
Bakit ako kinakabahan… ano ba ang kinatatakutan ko?
Ilang sandali pa ay lumabas na sa screen ang recording.
Ang petsa...
Ang araw matapos ilibing ang ama ni Amanda.
Huminto ang paghinga ko. Pinanood ko ang video.
At habang nakikita ko si Amanda na naglalakad sa loob ng mansion dala ang kanyang maleta, unti-unting nanlalabo ang paningin ko.
Hindi ako makapaniwala. Umalis siya. Talagang umalis siya.
Ngunit ang pinakamasakit ay ang sumunod kong nakita.
Ang wedding picture namin.
Ang mga larawan ko.
Isa-isa niyang inilabas ang mga iyon.
At pagkatapos...
Sinunog niya.
Napako ang mga mata ko sa screen.
Pakiramdam ko ay may tumarak na patalim sa dibdib ko.
Hindi ko alam kung alin ang mas masakit… ang pag-alis niya o ang makitang sinunog niya ang lahat ng alaala namin.
Matagal akong nakatitig sa screen. Hanggang sa tuluyan akong tumalikod.
Lumabas ako ng CCTV room na hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko.
Galit.
Sakit.
Panghihinayang.
At higit sa lahat...
Inis sa sarili ko.
Sino ba ang dapat kong sisihin?
Si Amanda?
Hindi.
Ako.
Ako ang dahilan kung bakit siya umalis.
Ako ang nagpakita sa kanya sa loob ng limang taon na wala siyang halaga sa buhay ko.
Ako ang paulit-ulit na pumili kay Alech sa halip na sa sarili kong asawa.
Ako ang nagpalayo sa kanya.
Bumalik ako sa master bedroom. Diretso akong nagtungo sa drawer.
Binuksan ko iyon.
Naroon pa rin.
Ang divorce papers.
Sa totoo lang, ilang beses ko nang binuksan ang drawer na iyon sa nakalipas na limang taon.
At sa tuwing nakikita kong wala pa ring pirma ni Amanda, nakararamdam ako ng kakaibang kapanatagan.
Sinasabi ko sa sarili ko noon na hindi niya ako kayang iwan.
Dahil mahal ako ni Amanda.
Kahit hindi ko siya mahal.
Kahit hindi ko siya tratuhing asawa.
Kahit paulit-ulit ko siyang nasasaktan.
Naniniwala akong mananatili siya.
Dahil mahal niya ako.
Napakasalan ko siya dahil sa isang kasunduan.
Ngunit hindi ko naisip na balang-araw, siya mismo ang maaaring sumuko.
At ngayon...
Nasa harapan ko ang divorce papers.
Nakapirma na.
Sa ibabaw nito ay naroon ang engagement ring niya.
At ang wedding ring niya.
Napahawak ako sa gilid ng drawer.
Bigla akong nanghina.
“Hindi…”
Ilang sandali akong nakatitig sa mga iyon.
Hanggang sa marinig ko ang isang malakas na tawa.
Napalingon ako.
Si Alech.
Hindi ko man lang napansin na nakapasok na siya sa silid.
Mabilis niyang kinuha ang dalawang singsing. Binasa niya ang divorce papers. Pagkatapos ay muli siyang tumawa. “Akin na ngayon ang mga ito.”
Napatingin ako sa kanya. At sa unang pagkakataon...
Talagang nakita ko ang tunay niyang kulay.
Hindi bilang babaeng pinahalagahan ko ng maraming taon.
Kundi bilang isang taong hindi ko hindi karapatdapat kaysa sa aking asawa.
Napakalayo niya kay Amanda.
Si Alech ay mahilig sa mamahaling bagay. Materialistic. Sosyal. Mahilig sa gatherings at lahat ng gusto dapat makuha niya.
Samantalang si Amanda...
Walang arte sa katawan. Hindi siya humihingi ng mamahaling gamit. Ako mismo ang kusang bumibili ng mga kailangan niya.
Ang tanging ginagawa ni Amanda ay asikasuhin ang lahat ng pangangailangan ko. Pagsilbihan ako. Alagaan ako. At sundin ang bawat salitang lumalabas sa bibig ko.
Isang simpleng babae.
Isang babaeng hindi ko pinahalagahan.
At ngayon...
Wala na siya.
Napatingin ako sa mga singsing sa kamay ni Alech. Agad akong lumapit at kinuha ang mga iyon mula sa kanya.
“Ano ba?” galit niyang tanong. “Bakit mo kinukuha?”
Hindi ako sumagot.
“Hiwalay na naman kayo ng asawa mo, hindi ba?” dagdag niya. “Kaya sa akin na dapat ang mga iyan.”
Napatingin ako sa kanya. Matagal ko siyang tinitigan… ang nakita ko ay isang gold digger at babaeng mababang uri.
Isang babaeng hindi ko na kayang tingnan tulad ng dati.
Tumalikod ako.
“Cyn!”
Hindi ko siya pinansin. Lumabas ako ng kwarto. Agad siyang sumunod sa akin.
“Cyn, ano ba? Bakit ka ganyan?”
Patuloy lamang siya sa pagsasalita. Hindi ko siya pinansin.
Tinawag ko ang isa sa mga tauhan ko.
“Sir?”
“Lock the master bedroom.”
Nagulat siya. “Sir?”
“Walang sinuman ang papasok sa silid na iyon.”
“Yes, Sir.”
“Simula ngayon.”
“Yes, Sir.”
“Cyn!”
Muoing tawag sa akin ni Alech habang patuloy sa pagsunod.
Galit na galit siya. Ngunit hindi ko siya nilingon.
Sa totoo lang, wala akong pakialam sa sinasabi niya. Dahil sa sandaling iyon, iisa lamang ang laman ng isip ko.
Si Amanda.
Ang babaeng limang taon kong pinabayaan.
Ang babaeng limang taon kong nasaktan.
Ang babaeng naniwalang hindi ko siya kailanman mamahalin.
At ngayon...
Tuluyan na siyang umalis.
Napahigpit ang pagkakahawak ko sa wedding ring niya.
Hindi ko alam kung kailan nagsimula.
Hindi ko alam kung bakit ngayon ko lamang napagtanto.
Pero may isang bagay akong siguradong-sigurado…
Hindi ako galit kay Amanda.
Pero galit na galit ako sa pag-iwan niya… kung nasaan man siya ngayon, ano man ang mangyari...
Ibabalik kita sa buhay ko…
“Patawad, Amanda.”
Ngunit nang tumingin ako sa singsing na iniwan niya, isang mas masakit na tanong ang pumasok sa isip ko.
Paano kung sa pagkakataong handa na akong mahalin siya… matagal na niyang natutunang mabuhay nang wala ako?
***
🚨 NEW STORY ALERT! 🚨
A brand-new story is waiting for you! ❤️🔥📖
Add it to your library now and don’t miss a single chapter!
Thank you so much for your love and support! 🥰✨