Chapter Two

922 Words
ISANG malalim na hangin ang pinakawalan ni Andriano habang hinahatid ng tingin ang dalaga. Gusto niya sanang humingi ng paumanhin sa ginawa rito, ngunit nang makita kanina ang masama nitong tingin ay nawalan siya ng lakas ng loob. Para niyang nalunok ang sariling dila. "Ayos lang kayo, Sir Andriano?" tanong ng driver niyang si Maui nang makalapit ito. Hindi niya nilingon ang lalaki at tanging tango lamang ang itinugon dito. Nang mapansin ni Maui na sinusundan niya ng tingin ang matabang babaeng kamuntikan nang madapa kanina, ibinaling na rin nito sa dalaga ang mga mata. "Grabe naman kasing babae iyon. Napakataba na nga ay hindi pa tumitingin sa dinaraanan!" at sinundan pa nito ng magkakasunod na iling ang sinabi. Nilingon niya ang sariling driver at tinitigan nang masama. Natatawang bumaling sa kaniya si Maui, ngunit mabilis na naglaho ang ngiti sa mga labi nito nang mapansin ang matalim niyang titig. Sampung minuto pa ang hinintay nila, matapos ang pag-aayos ng mekaniko sa na-flat nilang gulong, muli siyang sumakay ng kotse upang tumuloy na sa kanilang sadya. Nagtungo siya sa Amadeo, Cavite dahil may isang negosiyante siyang kailangang kausapin upang kumbinsihin na muling umanib sa kaniya at hindi sa kalaban—si Don Isidro. Hindi niya alam ang ugali ng matandang don kaya balak niyang puntahan ang dating assistant ng yumao niyang ama. Kilala na kasi nito ang lahat ng dating nakanegosiyo ng daddy niya. Alam nito ang kailangan niyang gawin upang makuha ang kiliti ng matanda. Huminto ang sasakyan sa tapat ng isang may kalakihan ngunit lumang bahay na hindi kalayuan mula sa talyer na pinanggalingan nila. Pagbaba niya ng kotse ay agad niyang napansin ang mga halaman sa tapat ng bahay nito. Mga tanim na gumamela na iba-iba ang kulay. Napangiti siya nang isang alaala mula sa nakaraan ang sumagi sa isip niya. Mula sa mga halaman ay nabaling sa lumang bahay ang paningin niya. Tila ito isang uri ng sinaunang tahanan sa panahon pa ng kastila. Ultimo ang bintana nito'y katulad na katulad sa mga bintanang napapanood niya sa mga lumang palabas. Pumasok na siya sa loob ng mababang gate na gawa sa kahoy at dumiretso sa nakabukas na pinto. Sa bungad pa lang ng pintuan ay langhap na niya ang mabangong amoy ng bagong lutong mga ulam. Agad siyang napangiti nang maalala ang mga panahon na ipinagluluto siya ng lalaki kung minsang hindi nakauuwi nang maaga ang mommy niya. Sa pagpasok niya ay bumungad sa kaniya ang hagdan patungo sa pangalawang palapag. Kumatok siya sa pinto nang makita ang lalaking nakatayo sa harap ng mesa at nakatalikod mula sa kinaroroonan niya. "Sino iyan—" Natigilan ang lalaki nang matuon sa kaniya ang paningin nito. Agad naman siyang ngumiti rito at tumango. "Oh! Sir Andriano! Anak!" Mabilis siyang nilapitan ng lalaki at agad na niyakap. Gumanti siya ng yakap dito habang malaki ang ngiti sa mga labi. Ito na ang nagsilbing pangalawang ama niya noon kaya labis niyang dinamdam nang magretiro ito at piniling tumira sa probinsiya. "Diyos kong bata ka! Malaki ka na, ah! Binatang-binata na! Puwede nang gumawa ng bata!" natawa silang pareho sa sinabi nito. Pinapasok siya ng lalaki at pinaupo sa mesa kung saan naroon ang mga niluto nitong ulam. Nang alukin siya nitong kumain ay hindi na siya tumanggi dahil alam niyang masarap itong magluto at na-miss na rin niya ang luto nito. "Pasensiya ka na, anak! Hindi pa kasi dumarating si Celia! Iyong pinsan kong nakatoka ngayon sa karinderya namin," paliwanag nitong nakangiti pa nang malapad. "Pagdating niya, dadalhin na rin niya itong mga pagkain kaya hindi na masiyadong makalat." Kumuha ito ng bagong lutong kanin sa kusina at nagmamadaling bumalik dala ang malaking tray sa dalawang kamay. Umuusok pa ang kanin at tinolang manok na dala nito. Kumuha rin ito ng adobo, caldereta at ginisang gulay na sinahugan ng karne. Sakto naman na dumating ang pinsan nitong si Celia at kinuha ang lahat ng pagkaing nakahanda sa mesa saka isinakay sa dalang purple truck. Dadalhin nito ang lahat ng iyon sa karinderya ng mga ito. "Tingnan mo nga naman, nagbibinata ka pa lang nang huli kitang makita. Ngayon, sigurado akong may anak ka na!" anito matapos uminom ng pineapple juice sa hawak na baso. Bahagya siyang natawa at umiling sa sinabi nito. "Nako, wala pa ho, `Tay Miyong. Hindi pa ho ako nag-aasawa." Tila nagulat pa ang lalaki sa sinabi niya dahil bahagyang nanlaki ang mga mata nito. "Ano? Sa guwapo mong iyan, hanggang ngayon, hindi ka pa rin ikinakasal?" Tumawa itong naiiling. "Sinabi ko naman sa iyo noon, hindi ba? Kapag may nagustuhan ka, banggain mo!" Halos mabilaukan siya nang marinig ang sinabi ng lalaki. Agad niyang tinanggap ang inabot nitong isang baso ng pineapple juice at mabilis na ininom. Bigla niya kasing naalala ang dalagang binangga niya kanina sa daan. "Alam mo namang sa ganoon kami nagkatuluyan ni `Nay Patra mo, hindi ba?" Ang tinutukoy nitong Patra ay ang asawa nitong yumao na. Kaya rin napilitang lumipat sa probinsiya ang lalaki ay para asikasuhin ang nag-iisang anak nito. "Sayang nga lang at agad tayong iniwan ni `Nay Patra mo. Namatay siya sa panganganak sa prinsipe namin na kinuha rin agad ng itaas," malungkot itong tumawa habang nakatitig sa baba. Ngunit maya-maya lamang ay muli na ring lumapad ang ngiti nito. "Ano nga pala ang sadya mo, anak?" Sa pagkakataong iyon ay tumigil siya sa pagkain at seryosong binalingan ang matanda. Ipinaliwanag niya rito ang dahilan ng pagpunta niya at mataman naman itong nakinig sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD