Tahimik akong hinatid ni Aizen sa apartment ko. Hindi ako nagsasalita buong byahe at wala na rin naman akong sasabihin sa kaniya. Gusto ko lang naman sana maging maayos siya. Gusto ko lang naman tumulong at hindi ko naman sinasadya na ang pagtulong ko na ‘yun ay ikakasama pa pala.
“You better be careful. Hindi mo na alam ang kapahamakan na naghihintay sa’yo. Kung ako sa’yo? Lumayo ka na lang.” Malamig na sabi niya sa akin.
Nag panggap ako na wala akong narinig dahil wala na ako sa mood makipag usap. Akala ko pa naman ay kung napaano na siya tapos malalaman ko na hindi naman pala. Niloko lang ako ni Franco at pinasama sa kaniya.
“Mauuna na ako,” mahinang paalam ko sa kaniya at tinanggal ang seatbelt ko. Hindi ko na hinintay na magsalita siya saka ako lumabas sa kotse niya.
Nakakailang hakbang pa lang ako at bigla kong narinig ang pagbukas ng pinto ng sasakyan niya kaya napahinto ako at napalingon mula sa likod.
Bumaba siya ng kotse at saka nilapitan ako. May dala siyang sobre at hindi ko alam kung ano ang laman noon. Inabot niya iyon sa akin kaya napakunot ang noo ko.
“A-ano ‘to?” tanong ko sa kaniya. Wala akong ideya kung ano ang laman noon kaya nagtatanong ako sa kaniya.
“You’re already in danger, take this at umalis ka na. I heard you already lost your job because of me. Hindi ko naman kayang hayaan ka na lang dahil lang sa akin. Hindi ko naman hiningi ang tulong mo but it looks like I owe you something in return.”
Kinuha niya ang kamay ko at saka binigay ang sobre.
“So take this and go. Live your life, magugulo lang lalo ang buhay mo kapag hindi ka pa umalis.”
Pakiramdam ko ang bigat ng loob ko. Naalala ko ‘yung nangyari kanina. Ilang beses niya akong sinigawan at nag-away pa sila ni Franco dahil sa akin. Wala naman akong intensyon na may masaktan sa kanila pero umabot pa sa puntong nagsuntukan silang dalawa.
Pero mas lalong sumama ang loob ko dahil sa pera na inabot niya sa akin. Kaya siguro ganito ang tingin sa akin ni Franco. Mahirap ako, Oo pero hindi ibig sabihin noon ay kaya ko tinulungan si Aizen ay dahil lang sa pera.
Agad kong kinuha ang kamay niya at binalik ang pera. Hindi ako tatanggap ng kahit na anong pera mula sa kaniya. Kaya kong paghirapan ang mga bagay na gusto ko. Pero ang hindi ko kakayanin ay yoong pag salitaan ako na hindi ko naman ginagawa. Hindi ako ganung tao pero ganito ang tingin nila sa akin.
“Umalis ka na, Aizen at kunin mo na ‘to. Hindi ako aalis dito at wala akong pakialam kung sino ka man, o sino man si Franco. Hindi pera ang habol ko sa’yo, Aizen. Kaya kita tinulungan dahil nasa panganib ka. At hindi ko matitiis na makita kang ganyan.”
Pinunasan ko ang luha ko dahil bigla na lang tumulo. Alam kong kanina pa ‘to nagbabadya pero ngayon ay tuluyan na talagang tumulo.
“I’m always a fan of helping people. Pero hindi ko aakalain na gagawin niyong masama ‘yun. Kahit kailan, hindi ako humingi ng kapalit, Aizen. Kaya kung ako sa’yo? Umuwi ka na at kunin mo na ‘yan. Hinding hindi ko tatanggapin ‘yan kahit na maghirap pa ako.”
“Kaya kong pag trabahuan ang pangangailangan ko. Hindi sa ganitong paraan.” Pinunasan ko ang luha ko at saka tumalikod. Alam ko namang may mga taong ganito mag isip pero sana mapatawad ako ni Auntie dahil naging mahina na naman ako.
Dapat ay masanay na ako pero heto pa rin ako at umiiyak, nasasaktan sa sinasabi ng iba. Gusto ko lang naman tumulong sana pero napasama pa ako.
Hindi na ako lumingon sa kotse ni Aizen nang makababa ako. Pero nakita kong may iilang gamit sa labas ng Apartment ko at kung anong mga kalampag ang naririnig ko mula sa loob.
“A-ate? Ano pong nangyayari?” tanong ko sa kaniya nang maabutan siyang hawak ang ilang gamit ko.
Umiling siya at nakakunot ang noo. Mukhang galit at hingal na hingal pa. Padabog ang mga paa niya nang magsimula siyang maglakad papalapit sa kinaroroonan ko.
“Sino ‘yung naghatid sa’yo? Boyfriend mo? Ang swerte mo naman kung ganoon ah ‘no? Bakit hindi ka na lang manghingi sa kanya ng pambayad mo diyan sa renta?” galit na galit siya at halos itulak na niya ako palabas ng bahay. Para akong maiiyak nang sabihin niya iyon. Ngayon ko lang siya nakitang galit na galit at halos nanlilisik na ang mga mata niya habang kausap ako.
“H-hindi ko po siya boyfriend. Kaibigan ko lang po siya. Pasensya na po ate. Magbabayad po ako ng renta. ‘Wag po kayong mag-alala.” mahinang sabi ko habang nakayuko.
“Aba! Dapat lang ‘no! Kung hindi ka pa magbabayad bukas? Mag pasensahan na lang tayo at hindi na kita tatanggapin dito!”
Mas lalo akong naiyak habang nakayuko pero agad kong pinunasan iyon. Kailangan ko maging matatag at maging malakas. Ako na lang mag-isa at wala na akong malalapitan.
“Opo, pasensya na po kayo. Gagawan ko po ng paraan. ‘Wag niyo lang po ako paalisin ngayon.”
Hindi na niya ako hinintay na magsalita bago siya umalis sa harap ko. Alam kong galit na galit siya dahil hindi pa ako nakakabayad ng renta pero ano bang magagawa ko? Wala pa akong pambayad at nawalan pa ako ng trabaho.
Huminga ako nang malalim at bumalik sa loob ng apartment. Umupo ako sa sahig at kinuha ang picture ni Mama.
Naiiyak na naman ako. Kinuha ko ‘yung biscuit ko sa bag dahil nagugutom ako nang bigla na lang pinatay ang ilaw.
Mas lalong tumulo ang luha ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Pinanghihinaan na ako ng loob. Magbabayad naman ako bukas pero pati ilaw ay pinatay pa. Agad kong kinuha ang phone ko dahil ayoko ng madalim. Natatakot ako. Kinakabahan ako at pakiramdam ko nag iisa ako.
Alam kong hindi madali ang maging mag-isa pero kakayanin ko. Hindi ko pa nakikita si Daddy kaya hindi ako susuko.