Tatlong araw na lamang at babalik na sina Mama at Tito Henry, ngunit para sa akin, ang bawat oras sa loob ng mansyong ito ay tila isang habambuhay na parusa. Matapos ang gabing iyon—ang gabing nilamon ako ng selos at pagnanasa ni Crane—tila mas lalong naging mapanganib ang hangin na nilalanghap ko. Kailangan kong bumalik sa trabaho. Ito ang tanging takas ko. Ito ang tanging paraan para mabawi ko ang kahit katiting na kontrol sa buhay ko na tila unti-unti nang inaagaw ni Crane. Alas-singko pa lang ng madaling araw ay gising na ako. Maingat ang bawat galaw ko, tila ba isang magnanakaw sa sariling tahanan. Hindi ko binubuksan ang malalakas na ilaw; tanging ang liwanag mula sa aking cellphone ang gabay ko habang nag-aayos. Isinuot ko ang aking corporate attire—isang turtleneck na blusa sa i

