Meisha Rivera POV
Hindi ako nakatulog. Matapos kong makita ang mukha ni Crane sa dilim ng sala, nanatili akong nakatayo sa pintuan ng silid ko nang ilang minuto, hawak ang basong tubig na hindi ko naman nainom. Pamilyar ang boses niya. Pamilyar ang tindig. Pero higit sa lahat, pamilyar ang init ng mga matang iyon ito ang parehong matang tumitig sa akin noong gabing isinuko ko ang lahat sa isang estranghero.
Siya na nga.
Nang marinig kong umalis ang sasakyan niya, saka lamang ako nakahinga nang maayos. Pero hindi na ako lumabas ng kwarto ko. Naupo ako sa sahig, yakap ang mga tuhod, at hinayaan ang sarili na umiyak nang tahimik.
Bakit ngayon pa? Bakit kailangan siya pa?
Alas-singko ng umaga nang magdesisyon akong maligo. Hindi na ako muling nag-abalang matulog. Sa halip, inayos ko ang aking sarili na para bang sasabak sa isang digmaan na hindi ko alam kung anong klase, at hindi dahil gusto kong magpaganda, kundi dahil kailangan kong magmukhang matatag. Hindi pwedeng makita ni Crane na natatakot ako. Hindi pwedeng malaman niyang hanggang ngayon, ang mga alaala ng gabing iyon ay bumabalik sa tuwing pumipikit ako.
Pagbaba ko para sa almusal, wala si Crane sa mesa, mukhang hindi na ito bumalik matapos niyang umalis kanina.
Nakaupo si Tito Henry sa dulo, hawak ang dyaryo, habang si Mama naman ay abala sa pagpili ng magiging kulay ng kanilang mga suot sa kasal. Isang linggo na lang. Isang linggo na lang, at ang estrangherong iyon ay magiging pormal ko nang kapatid.
"Mabuti naman at nagising ka nang maaga, anak," bati ni Mama. "Tutulong ka sa amin sa pagsasaayos ng invitation mamaya, ha?"
"Opo, Ma."
Hindi ako nagtanong kung nasaan si Crane. Hindi ko gustong malaman. Pero si Tito Henry, tila nabasa ang iniisip ko.
"Nasa opisina si Crane ngayob," sabi niya nang hindi tinatanggal ang tingin sa dyaryo. "Maaga siyang umalis kanina sa mansyon dahil may mahalagang meeting daw."
Tumango lang ako. Mabuti. Mas mabuti nang hindi ko siya makita.
****
Pagdating ng hapunan ay hindi ko siya pwedeng iwasan. Nakaupo na ako sa tabi ni Mama nang marinig ko ang pamilyar na yabag mula sa pintuan. Pumasok si Crane na suot ay isang dark gray na long-sleeve na nakatupi ang manggas hanggang siko. Simple. Hindi sobrang pormal. Pero ang unang taong tiningnan niya pagpasok ay ako.
Tumagal ang titig niya nang dalawang segundo. Hindi sapat para sabihing bastos, pero sapat para maramdaman ko ang bigat ng kuryente sa pagitan namin. Para bang sinasabi niya sa pamamagitan ng tingin pa lang na kilala niya ako, at ganun din ako sa kaniya.
"Dad. Sorry, na-late ako," sabi niya kay Tito Henry.
"Okay lang, anak. Umupo ka na."
Umupo siya sa tapat ko. Diretso ang tingin niya sa akin habang inaabot ang plato.
"Meisha," bati niya, tipid ang ngiti.
"Good evening, Kuya Crane," sagot ko. Pinilit kong maging kalmado ang boses, pero ang salitang Kuya ay tumusok sa lalamunan ko na parang tinik.
Tinaasan niya ako ng kilay. Isang panandaliang pagtaas ng sulok ng labi na tila ba nasisiyahan sa tinawag ko sa kaniya.
"Magkasundo na kayo agad," masayang sabi ni Mama. "Buti naman."
Kung alam lang niya.
Buong hapunan ay ramdam ko ang presensya niya. Hindi naman siya nagsalita nang marami, pero sa bawat sandaling tumitingin ako sa kanya, nakatingin na siya sa akin. Hindi ako ang unang humihiwalay ng tingin kundi siya. At sa tuwing gagawin niya iyon, may panandaliang ngisi sa kanyang labi, na parang sinasabing panalo siya sa larong hindi ko naman alam na nilalaro namin.
Hindi ako magpapatalo sa larong ito, sabi ko sa sarili ko.
Kaya nang matapos ang pagkain, agad akong tumayo at nagsimulang magligpit ng pinggan. Kailangan ko ng dahilan para umalis sa mesa. Kailangan ko ng distansya.
Pero sinundan niya ako.
"Kaya mo bang tiisin ako hanggang sa kasal?" bulong niya mula sa likuran ko, sapat nang marinig ko lang.
Nanlamig ang kamay ko sa pinggan. "Hindi kita kailangang tiisin, Crane. Dahil hindi naman kita kilala at wala kang epekto sa akin."
"Liar."
Hinarap ko siya. Sa pagkakataong ito, hindi na ako umiwas. Tiningnan ko siya nang diretso sa mata ito ang mga matang nag-aapoy sa ilalim ng malamlam na ilaw ng kusina.
"Tatlong taon na ang nakakalipas," sabi ko, pinilit kong maging matigas ang boses kahit nanginginig ang loob ko. "Lasing ako noon. Hindi kita kilala, at hindi mo ako kilala. Magiging magkakapatid na tayo sa isang linggo. So gawin mo na lang ang ginagawa ng normal na step-siblings, lubayan mo ako."
Ngumisi siya. Isang ngisi na animo’y nasisiyahan ngunit sa ilalim noon, may nakita akong kislap ng sakit. O baka guni-guni ko lang iyon.
"I am not a normal person, Meisha. At alam mo 'yan."
Tumalikod siya at iniwan akong nakatayo sa kusina na para bang may sumuntok sa dibdib ko.
Bakit kasi kailangan siya pa?
******
Tatlong araw bago ang kasal ay iniwasan ko siya sa abot ng aking makakaya.
Kung nasa sala siya, nasa kwarto ako. Kung nasa kusina siya, nasa sala ako kasama sila Mama. Hindi kami nagkikita nang hindi kasama ang mga magulang namin, at sa tuwing nagkakataong magkatabi kami sa hapag, ginagawa ko ang lahat para hindi siya titigan.
Pero may mga bagay na hindi maiiwasan.
Isang gabi, bandang alas-onse, naisipan kong magtimpla ng gatas sa kusina. Akala ko ay umuwi na sila ni Tito Henry dahil tahimik na ang buong bahay, nakapatay na ang mga ilaw maliban sa maliit na lampara sa hallway.
Ngunit pagbaba ko, nakaupo siya sa counter at walang suot na pang-itaas.
“Wow, feel at home,” bulong ko sa sarili ko na sapat lang na ako lang ang makarinig.
Tanging ang kanyang sweatpants lang na bahagyang nakababa sa kanyang balakang, at ang kanyang katawan na alam ko nang perpekto at hindi ko na kailangang tumingin para makumpirma na ngayon ay nasisinagan ng malamlam na liwanag mula sa bintana.
Mabilis akong tumingin sa ibang direksyon. Pero huli na.
"Ano bang problema mo?" inis kong sabi, pinilit kong huwag magmukhang apektado. "Bakit hindi ka pa umuuwi sa inyo?"
"Your Mom said I can stay here for the night," sagot niya nang hindi ako tinitignan. Nakatitig siya sa baso ng whisky sa kanyang kamay. "Ikaw, bakit gising ka pa?"
"Magtitimpla ako ng gatas."
"Gatas," ulit niya, bahagyang natawa. Isang mababang tawa na nagparang may kumalabit sa likod ng leeg ko. "Alam mo, sa tatlong taon na hindi kita makalimutan, hindi ko inakalang mahihilig ka pala sa gatas."
Nanigas ako sa narinig ko mula sa kaniya.
Hindi niya ako makalimutan?
Bago ko pa mapigilan ang sarili ko, nagsalita ako. "Hindi mo ako makalimutan?"
Tumingin siya sa akin.
Sa unang pagkakataon, nawala ang pang-aasar sa kanyang mukha. Pinalitan ito ng isang bagay na hindi ko mawari kung ano.
"Hinahanap kita, Meisha," mahina niyang sabi. "Hindi ko alam ang pangalan mo. Hindi ko alam kung saan ka nakatira. Pero hindi kita kinalimutan."
"Bakit?" Halos pabulong kong tanong. Hindi ko alam kung bakit ko itinatanong. Hindi ko dapat itanong. Dapat ay tumalikod na ako at umakyat.
Tumayo siya.
Dahan-dahan siyang lumapit. Huminto siya isang metro mula sa akin, sapat ang layo para hindi ako makaramdam ng pagka-ilang, pero sapat ang lapit para maramdaman ko ang init ng kanyang katawan.
"Kasi sa unang pagkakataon sa buhay ko, may naramdaman akong totoo," bulong niya. "At natakot ako. Kaya umalis ako nang maaga."
Napahawak ako sa lamesa. Ang puso ko ay tumitibok nang sobrang bilis.
"Crane..."
"Hindi ko sinasabi 'to para guluhin ka bago ang kasal ng mga magulang natin," putol niya. Ang boses niya ay mababa, isang tonong hindi ko inakalang kaya niyang gamitin. "Sinasabi ko 'to para malaman mo na hindi lang libog ang naramdaman ko noong gabing iyon."
Tumalikod siya at naglakad paakyat. Bago siya tuluyang mawala sa dilim ng hagdan, huminto siya nang isang saglit.
"Kapag naging stepsister na kita, lalayo ako. Kaya ko namang gawin 'yon. Pero bago mangyari 'yon, gusto kong malaman mo ang totoo."
At iniwan niya akong nakatayo sa kusina, hawak ang baso na hindi ko na nagawang lagyan ng gatas upang timplahin.
Nagmamadali akong umakyat ako sa kwarto ko nang hindi na muling lumilingon. Pero sa buong gabing iyon, hindi ako pinatulog ng katagang binitawan niya.
At sa unang pagkakataon sa loob ng tatlong taon, hindi ko alam kung ang dapat kong katakutan ay si Crane o ang katotohanang may iba akong nararamdaman sa kaniya.