CHAPTER FOUR
Pawisan at pagiling-giling ang mga balakang naming pareho ni Jinky habang sinasabayan ang indayog ng tugtog. Nakababaliw ang sensasyong nararamdaman ko lalo na’t puno na ng alak ang aking sistema. Sigurado akong mas malala pa ang kung ano man ang mayroon ngayon si Jinky dahil hindi ito sanay. Ngunit sadyang nakakabilib dahil nagawa pa niyang magsayaw kahit na ang dami na niyang nainom at medyo tipsy na.
“Grabe ang tolerance ng stepsister mo, Misty,” bulong sa akin ni Melvin nang makalapit siya sa gawi ko.
Napatingin ako sa babaeng gumigiling sa gitna kasama ng hindi namin kakilala na mga parokyano rito sa club.
“Well, minsan, hindi talaga anghel ang nasa loob ng mga mukhang anghel na mukha.”
Hindi naman maikakaila na maganda si Jinky at kahit na medyo chubby siya ay may kurba naman ang kaniyang katawan. Kung sa taste ng mga lalaki ay alam kong pasok itong si Jinky at hindi na ako magtataka kung bakit nagpapa-cute itong si Melvin sa kaniya.
“Nice!”
Sinamaan ko siya ng tingin dahil ano ang plano niya?
“Subukan mong gumawa ng ano mang kabaliwan kay Jinky at ipapalapa kita sa pittbull ko.”
Sumimangot si Melvin at tumayo. Irereto ko kahit na sino si Jinky, huwag lang sa lalaking iyon!
Kinuha ko ang isang baso na may alak at sinimsim ang laman niyon. Naisip ko lang naman na hindi damay si Jinky sa inis ko sa tatay niya. It’s not her choice naman kung bakit malandi itong nanay ko at pumatol sa tatay niyang mayaman. Mabait din si Jinky at kahit medyo nakaaasar ang sobrang pagiging inosente niya, genuine siya kasama.
Huminga ako nang malalim at tumayo para papahingahin muna ang babaeng tila walang kapaguran sa pagsasayaw. Natatawa nga ako dahil ako nga na sanay na ay ‘di kayang sumayaw ng ilang oras.
“Jinks? Aren’t you tired?” natatawa kong sigaw para marinig niya ako.
“What?” natatawa niyang tanong at patuloy sa paggiling.
I smiled at her and pulled her closer to me.
“Sabi ko ay umupo muna tayo at mag-usap. Hindi ka ba napapagod?”
Ang lakas ng tawa ni Jinky kaya wala sa sarili akong nakitawa na rin.
“Yeah. Pagod na rin ako. Akala ko required tapusin ang tugtog!”
“Sira!”
Hinila ko siya sa may couch kung saan kami nakaupo. Kukunin niya pa sana ang baso ngunit mabilis ko itong inilayo sa kaniya.
“Enough! You already drink too much and ayaw kong maghila ng lasing.”
Muli siyang tumawa nang malakas kay naiiling akong sumandal sa couch. “I like you.”
Hindi ko rin alam bakit nabago agad ang nararamdaman ko sa ilang oras naming pagsasama ni Jinky. Naiinis ako sa kaniya dahil sa huling sandali ng buhay ni Mom ay siya ang kasama, ngunit natutuwa ako na may nakakausap akong matino kahit sa ilang oras.
Napatingin siya sa akin at kinurap-kurap pa ang mga mata. “Gusto rin kita, Misty. Kaso… nahihiya ako dahil ang ilap mo at… alam kong galit ka-”
“Nah! Let’s forget our parents. Feeling ko… magkakasundo tayo. Siguro… kung magkasama tayong dalawa ay… huwag lang nating isipin na naging… alam mo na.”
Tumango si Jinky at kinuha ang aking kamay. Nagulat ako sa ginawa niyang iyon dahil parang may kung anong emosyon ang agad kong naramdaman sa puso. Isa lang ang nasa isip ko, ano kaya ang feeling kung may kapatid kang babae? Sabihin nating magkaedad lang kami ni Jinky pero ano kaya ang pakiramdam kung may nakakausap ka nang ganito.
“Thank you, Misty. Alam mo bang… unang beses kong naramdaman ito? Unang beses kong… sumaya nang ganito na hindi iniisip kung ano ang mararamdaman ng daddy sa akin.”
Napatitig ako sa naluluhang si Jinky at pakiramdam ko, nararamdaman ko rin ang ano mang bigat sa puso niya.
“All my life, I want to be perfect in his eyes. Gusto kong masuklian ang lahat ng mga bagay na naibigay niya sa akin. I love my father so much, Misty and he’s not that bad…”
Huminga ako nang malalim dahil ayaw kong idamay sa sama ng loob si Jinky.
“Jinks…”
“Misty, gusto kong makasama ka sana. Sana naman ay… huwag ka na lang umalis.”
Nagulat ako sa kaniyang sinabi dahil ano ang naisip niya at ayaw niya akong paalisin?
“You can party even without me…”
Umiling siya at bigla akong niyakap. “Bumalik ka, okay? Hihintayin kita, Jinks, Promise me that you will be back. At sana, maging ganito pa rin tayo... as sister.”
***
Tawang-tawa si Jinky nang ikuwento ko sa kaniya ang mga ginawa kong kalokohan noon. Nawala pa yata ang kalasingan niya dahil sobrang enjoy na enjoy siya at wala na kaming pakialam kahit pa ang ingay ng paligid.
“Naranasan ko ring umakyat ng pader para lang makapasok sa dorm ko.”
“Talaga ba? Bakit? Ayaw kang papasukin?”
Pabiro akong umirap. “Siyempre, nasa dormitoryo ako ng mga madre at uuwi akong lasing. May curfew pa kaya… mautak ako at… sa pader dumaan.”
Nang naghiwalay kasi ang mga magulang ko noong nasa primary pa lang ako, umalis si Dad para ayusin ang papeles niya sa ibang bansa habang si Mom ay nakibahay na kay Adam. Iniwan ako sa lola ko ngunit pinadala rin sa dormitoryo. Kaya roon na rin nagsimula ang lahat ng poot sa puso ko.
Pinitik ko ang mga daliri sa harapan ni Jinky dahil parang shock na shock siya sa narinig. “O.A, ha?”
“Ang galing, ah!”
Bilib na bilib pa talaga siya sa akin kaya sobrang tawa ko sa reaksiyon niya. Ang cute lang dahil ang bilis pasayahin nitong si Jinky at nakatutuwa lang dahil ang yaman niya pero ganitong usapan lang ay napapatawa na siya.
“You want to try it?”
Napakurap siya kaya naitaas ko ang isang kilay. “Do not tell me…”
“Can we try?”
Saglit akong nagulat dahil biro ko lang iyon.
“I want to feel… being chased by no one and…”
“Lasing ka lang! Stop being silly! Ang taas ng pader ninyo!"
“I am not! Honestly… ang tagal ko ng gustong gawin ang mga bagay na nagagawa ng ibang teens. Alam mo iyon?”
Tumango-tango ako dahil katulad ko na nasa curiosity stage ay marami ng katanungan sa utak. At katulad ko ay teenager lang din si Jinky, mas fragile nga lang siya.
“I understand…”
“So… Misty… for two days… ipa-experience mo sa akin ang lahat-lahat ng naranasan mo. Kahit sa dalawang araw lang.”