CHAPTER THREE
MISTY:
“M-Misty, anong p-party ito?”
Natawa ako sa reaksiyon ng ‘di makabasag-pinggan na si Jinky. She was a picture of a perfect daughter. At mas lalo akong naiinis sa kaniya dahil pakiramdam ko ay mas nararamdaman niya ang pagmamahal ni Mom kaysa sa akin - na mas gusto siya ni Mom kaysa sa akin! Jinky is the dream daughter of every mother.
Iniripan ko siya dahil sobrang nakaiinis ang pa-inosente effect niya. “Party!”
Napalunok pa siya at umiling-iling nang nasa b****a na kami ng club na papasukan namin.
“We are minors, Misty. Hindi tayo puwede riyan at hindi ito ang party na pinag-usapan natin ni Dad.”
Napatingin ako sa elegante niyang suot at pinipigilang 'di matawa. Sabagay, akala niya at ng ama niya na sa isang pormal na party kami pupunta kaya kung makapili ng susuutin ay aakalain mong pupunta ng JS Prom.
“May sinabi ba akong pang-Disney Princess ang pupuntahan nating party, ha?”
Natigilan si Jinky sa sinabi ko at agad niyang napagtanto na wala akong nabanggit. Malinaw ang paalam ko sa tatay niya na pupunta kami ng party kasama ng mga kaibigan ko at pumayag ito.
“A-akala ko…”
“Tss! Maraming naloloko sa mga maling akala, okay? Minsan kasi huwag tayong assuming-ngera.”
“Misty…”
Napairap ako dahil kahit ano’ng gawin ko, santa santita ang aking kaharap at kailangan kong maging mabait kahit 1% lang.
“I am joking. Sige na at naghihintay na sila sa atin. May ipapakilala ako.”
“Wait!” Hinawakan niya ako sa aking kamay at nag-aalangang tumingin sa mga bouncers na nasa harapan.
“Alam mong minors tayo at -”
Agad kong ipinakita ang dalawang IDs sa kaniya. Siyempre, agad akong nagpagawa ng pekeng ID para sa kaniya para lang makapasok siya. Mayroon na akong ginagamit dati pa at siya na lang ang pinagawan ko nang mabilisan kanina.
“Misty…”
Hindi makapaniwala si Jinky sa nakikita niya kaya mas lalo akong nagyabang. “Expert na ‘tong kasama mo, okay? Kaya mag-e-enjoy tayo tonight!”
Umiling-iling si Jinky at umatras pa. “No! Once na malaman ito ni Dad-”
"Malalaman niya kung magsasabi ka. At hello? Hindi ka ba napapagod magmukmok sa mansyon ninyo? Hindi mo ba naranasan na hindi lang pang-pormal na party ang dapat mong mapuntahan? For once in your life, Jinky, enjoy yourelf being young!”
Napatitig siya sa akin at ilang sandali iyon bago siya lumihis ng tingin.
“M-masaya ako sa b-buhay ko, Misty. Masaya akong napapasaya ko si Dad.”
"Sigurado kang masaya ka, Jinky? Hindi ba pumasok sa utak mo na ano ang mayroon sa labas? Kung ano ang nararanasan ko? Look at me! Wala akong nanay at tatay na nag-aabang sa akin and yet, I survived. I am so happy and I have lots of friends.”
Lihim akong napapangiti dahil kaunti na lang at makukuha ko na ang loob nitong si Jinky. I don’t want to ruin her image. Hindi ko rin naman hahayaan na mapahamak siya o ano. Minsan nga ay naaawa ako sa kaniya dahil sa sobrang pa-perfect niya sa harapan ng kaniyang ama ay alam kong hindi na siya masaya.
“Come on. Ngayong gabi lang ‘to. The next day ay aalis na ako at baka… pagsisisihan mong hindi ka nag-try.”
Hinawakan ko pa ang kamay niya para mas lalong kumbinsido. Genuine naman ang offer kong company sa kaniya at nais ko talagang maranasan niya ang nararanasan ko.
“Magagalit si Dad-”
“For God’s sake, Jinky, will you please stop mentioning your dad? Puwede bang magdesisyon kang wala siya? Be happy just… for now. I mean… the happiness that other teens have. Come on. Pangako, at exactly 12 midnight, uuwi na tayo. Iinom lang tayo kaunti tapos… pahatid na tayo sa kaibigan ko. Deal?”
Napakurap siya at nag-aalalang tumingin sa pintuan ng club. Mula rito ay kitang-kita ko ang mga nagkikislapang mga ilaw sa loob at alam kong nagkakasayahan na.
“O-okay but promise me… we will be home at 12, okay?”
Ngumisi ako at inilagay ang isang kamay sa aking likuran. I crossed my middle and point fingers. Siyempre, hindi ako sure kung matutupad ko ang pangakong iyan.
“Promise!”
******
Napakagat labi ako nang nakikitang sobrang enjoy na ng mga tao sa loob. Alas nuwebe na at medyo mainit na ang dance floor kaya hinila ko na si Jinky sa dako kung saan nakapuwesto na ang mga kaibigan ko.
“Hi, guys!”
Agad silang ngumiti nang nakita ako ngunit si Jinky ang agad na umagaw sa kanilang atensyon.
“Mukhang… may prinsesa kang dala, ah!” sabi pa ni Charisse, ang kaibigan ko sa high school.
“Saan mo na-recruit iyan?” dagdag ni Charles, ang kambal ni Charisse.
“Will you guys shut up? This is Jinky, my… stepsister.”
Napanganga ang apat. Aside from the twins, kasama ko rin si Melvin at Jessica na parehong kaklase ko sa high school. Si Melvin ang gumawa ng ID ni Jinky kaya may idea na ito na may kasama ako ngunit nagulat ang lalaki dahil hindi nito yata inakala na isasama ko ang anak ng pinakaiinisan kong tao.
“Teka, hindi ba’t galit-”
“Sige na! We are here to enjoy, okay?”
Tiningnan ko si Jinky na nakayuko lamang sa tabi. Minsan, nakaiirita na rin ang kabaitan niya.
“Girl, enjoy! Hindi tayo magpre-prayer meeting dito para yumuko at manahimik lang, okay?”
“Hindi ako sanay…”
“Puwes isanay mo na. Hindi sa lahat ng panahon ay sa mansyon ka lang mananatili. Live, girl!”
Mahina siyang tumango at saka inilibot ang mga mata sa paligid. Medyo gumaganda na ang tugtog kaya hindi ko na maipigilang mapasayaw.
“Dance, Jinks!”
Umiling-iling pa siya kaya natatawa ko siyang hinila patayo. Nakaupo lamang kasi siya sa couch at nagmamasid.
Sinenyasan ko si Charisse na bigyan ng maiinom itong si Jinky para naman uminit ang katawan. Ilalabas ko ngayong gabi ang hayop sa katawan ng santang ito.
“A-ayaw ko. Hindi ako umiinom. Okay lang ako sa juice.”
“Sus mayrosep itong stepsissy mo, Misty. Akala ba niya na nasa lamay siya at magju-juice lang. Baka gusto mo ng kape, te?” mataray na wika ni Charisse. Sa lahat ng mga kaibigan ko, ito ang may anger issues kaya itinulak ko ito palayo at kinuha ang inumin sa kamay nito.
Jinky is like a kid. Kaunting amo, kaunting pauto ay magiging okay na ito.
“Jinks, nandito tayo para mag-enjoy, hindi ba?”
Tumango pa siya at sumulyap sa mga taong sumasayaw. “Nage-enjoy naman akong tumitingin dito.”
I rolled my eyeballs. Chaka ang style of enjoyment niya!
“May mas enjoying na part, Jinks. At iyon ay kung hahayaan mo ang sariling maging masaya. Come on, try this.” Inabot ko sa kaniya ang baso ng alak.
“Parang juice lang ‘to na medyo mainit sa lalamunan.”
Napatitig si Jinky sa baso at saka sa akin. Nginitian ko pa siya para mas lalong convincing.
“P-paano kung malasing ako?”
Muli kong inikot ang mga biluga ng aking mata dahil ang daming rason ng babaeng ito.
Inilapit ko ang baso sa aking bibig at walang hingang nilagok ito. Ipinakita ko pa sa kaniya ang walang laman na baso.
Humarap ako sa kaniya ng normal. “Hindi nakalalasing ang isang tikim, Jinky. Ano ka ba?”
Tila nakumbinsi ko siya dahil tumingin siya sa boteng nasa mesa namin. Nakangisi pa akong kinuha ito at saka sinalinan ang basong hawak ko. “Go!”
Dahan-dahan niya pang kinuha ang baso at inamoy ito. Sinaway ko pa siya dahil sa first timer na katulad niya, talagang iba ang amoy ng alak, pero sa akin na sanay na sanay na ay parang halimuyak ng bulaklak ito.
Kita ko ang pag-iba ng mukha ni Jinky at alam kong hindi niya nagustuhan ang lasa. “Ang… pangit ng lasa!”
Natatawa kong kinuha ang bote at saka sinalinan ulit ang baso. “One more, sanayin mo ang dila mo at mayamaya ay sobrang sarap na niyan.”
Alam kong magaling akong mangumbinsi dahil hindi na nakipagsagutan si Jinky. Ang isang baso ay naging dalawa, tatlo, apat… at ngayon ay kasama na niyang nakikipagsayaw ang mga kaibigan ko.
“Look at the girl I just made!”
Ang perpektong anak ni Adamson August Valdez ay binago ko.
Look at the beast inside of this woman. Ano kaya… ang mararamdaman ni Adam kung malaman niyang pinapatay ko ang perpekto niyang anak?