Pagkalabas ni Gabie sa apartment ay hindi naman siya natagalan sa paghihintay ng taxi dahil Sabado nang araw na iyon at walang pasok ang mga bata kaya maraming nadaan na mga taxi. Nang makasakay ay agad niyang kinuha ang kanyang cellphone at agad na nagbasa ng mga messages na puwedeng i-forward. Nang makapili ay nag-compose siya ng short message bago i-send sa buong 'baranggay'. Ito ang lokohan nila ni Edne kapag nagpo-forward siya ng text message sa lahat ng naka-save sa kanyang phonebook.
GABIE:
“Every morning is a blank canvass,
It is whatever you make out of it.”
Good morning and have a good day! :)
Nang makatapos mag-compose ay isinend na niya ito sa buong 'barangay'. Tumunog agad ang cellphone niya hudyat na may nag-text. Nang basahin niya ito ay nanggaling ang text kay Mickaela Espiritu, classmate niya sa Masteral.
MICKAELA ESPIRITU:
Good morning too Gabrielle. See you later at the class. Take care!
Napangiti siya nang mabasa ang text ni Mickaela dahil gustong-gusto nitong banggitin ang pangalan niya ng buo, unique daw dahil pang-lalaki. Pati tuloy ang mga claamates nila ay ganoon na rin ang tawag sa kanya.
Agad siyang nag-reply dito.
GABIE:
See you too :)
Pagka-reply niya rito ay itinago na niya ang kanyang cellphone sa loob ng dalang bag dahil malapit na siya sa University. Nang makababa siya ng taxi ay nakita niya si Mickaela na bumababa rin ng kotse kaya nilapitan niya ito para sabay na silang pumunta sa kanilang classroom. Umalis agad ang kotse na naghatid dito kaya hindi niya nakita kung sino ang driver ng kotse.
Isa si Mickaela sa mga naging close friends niya nang mag-Masteral siya dahil na rin siguro sa magkasing-edad lang sila. Classmate niya lang ito sa ilang mga subjects dahil nauna itong nag-aral sa kanya ng isang semester. Ngunit nang nasa ikalawang taon na siya ay napilitan siyang tumigil ng isang semester dahil sa sobrang dami ng kanyang trabaho noon.
“Hi, Gabrielle!” bati nito sa kanya.
“Nice to see you again. Salamat nga pala doon sa pag-text mo sa akin ng activity natin for today, ha.” Absent kasi ito last week kaya tinext niya rito ang ibinigay na activity ng kanilang Professor para makagawa ito.
“Sus, wala ʼyon. Ano ka ba, Mickaela, ilang beses ko ba sasabihin sa iyo na Gabie na lang ang itawag mo sa akin. Hindi ako sanay na tinatawag na Gabrielle, para namang siga lang, eh,” tumawa siya ng malakas.
“Ano ka ba! Ang ganda kaya ng name mo, very unique. Gusto ko nga rin na parang lalaki rin sana ang name ko like Alex or Toni. Ang ganda kaya!” paliwanag ni Mickaela. Ayon sa kuwento nito, nag-iisang babae ito at bunso sa apat na magkakapatid, may tatlong mga kuya kaya feeling nito ay laging one of the boys ito.
“Oo na nga. Tara na at baka ma-late pa tayo,” sang-ayon niya na lang dito.
First subject lang sila magka-klase ni Mickaela kaya naghiwalay na sila noong matapos ang first period. Pero kapag lunch break ay nagkikita sila sa canteen. Kaya pagsapit ng alas-dose ay pumunta na siya agad sa canteen. Nang sapitin niya ang lugar ay naghihintay na si Mickaela sa kanya, kumaway ito nang makita siya. Dumiretso siya sa table na ino-okupa nito at sabay silang kumuha ng pagkain at nagbayad sa counter. Nang makaupo sila ay agad na nagkuwento si Mickaela.
“Thank you nga pala sa mga inspirational messages mo, ha. Alam mo ba ginaya na kita, yong mga pino-forward mong inspirational messages sa akin ay sine-send ko na rin sa buong barangay.” Nakigaya na rin ito sa term na buong 'barangay' dahil iyon din ang kuwento niya rito.
“Nanghihinayang nga akong i-delete ang mga messages mo, eh, kaya ayon punong-puno na talaga ang inbox ko. Minsan nga may mga messages ako na hindi agad pumapasok kasi "no space for new messages" na raw. Nagagalit na nga ang boyfriend ko kasi minsan hindi ko talaga nare-receive ang mga texts niya. Tapos one time, nakita niya ang inbox ko ay puro name mo ang naka-register,” kuwento nito.
“Naku, nakakahiya naman sa kanya. Pakisabi sa kanya sorry, ha.”
“Okay lang ʼyon, ano ka ba! Sayang nga kanina hindi agad kita nakita ipinakilala sana kita. ʼDi bale next time na lang,” sagot naman nito.
Nang matapos ang klase noong hapon ay nagyaya si Mickaela na dumaan muna sa powder room. Niyaya rin siya nitong sumabay na rito dahil susunduin ʼdi umano ito ng boyfriend at ihahatid na lang daw siya.
“Naku, huwag na at nakakahiya naman. Next time na lang, may pupuntahan pa kasi ako, eh,” tanggi niya sa imbitasyon nito. Sinabi lang niya na may pupuntahan siya kahit ang totoo ay wala naman upang hindi na ito magpumilit na isabay siya. Nakakahiya naman sa boyfriend niya. Magmumukha pa akong third wheel sa kanila, aniya sa sarili.
Pagkalabas ng powder room ay naghihintay na sa drive way ang kotse na naghatid kanina kay Mickaela. Medyo tinted ang salamin ng kotse pero maaaninag pa rin ang lalaki sa loob. Abala ito sa pagtingin sa cellphone kaya hindi niya masyadong makita ang mukha nito. Tinitigan niya ang built ng katawan nito and he reminded her of someone. Hm, never mind. Imposible. Cancel, cancel! sansala niya sa sarili.
Nagpaalam na siya kay Mickaela dahil kailangan pa niyang pumila sa sakayan ng taxi.
“Sige, Gabrielle, bye. See you again next week. Ingat ka!” paalam nito sa kanya sabay beso sa kanyang pisngi.
Habang nakapila ay narinig niya na tumunog ang kanyang cellphone. At nang tingnan niya kung sino ang nag-text ay numero lang ang naka-register sa sender.
UNKNOWN TEXTER:
“Every morning is a blank canvass,
It is whatever you make out of it.”
Good morning and have a good day! :)
Forwarded message ko ito kaninang umaga! Sino ba talaga itong texter na ito at mukhang gusto akong pagtripan. Nag-reply siya sa nag-tex.
GABIE:
“WHO ARE YOU!”
Sinadya niyang naka-caps lock at may exclamation point ang kanyang text upang iparating sa unknown texter na ʼyon na hindi na siya natutuwa sa ginagawa nito. Hindi naman nagtagal at nag-text back itong muli. Mas lalo siyang nainis nang mabasa ang laman ng text nito.
UNKNOWN TEXTER:
“WHO ARE YOU!”
Kung nang-aasar itong herodes na ito ay nagtatagumpay na siya dahil hindi na talaga ako natutuwa! Hindi na lang siya nag-reply at isinilid na sa bag ang kanyang cellphone.
Nang makauwi sa apartment ay naikuwento niya kay Edne ang tungkol sa unknown texter niya. Kabaligtaran ng reaction niya, si Edne naman ay natatawa. Pero nagtataka rin ito kung sino ʼyon.
“Hoy, Bes, baka naman nagpapapansin sa 'yo. Baka magkaka-love life ka na, ʼneng!” biro nito sa kanya.
“Love ka dʼyan! Tumigil ka nga, pampagulo lang ʼyon sa buhay ko,” aniya.
“Napaka-nega mo talaga! Malay mo naman heto na ʼyon, Gabie. Siya na pala ang nakatadhana para sa ʼyo,” giit pa nito.
“Well...balon!” pabiro naman niyang sagot sa kaibigan at sabay pa silang humagalpak ng tawa.
At bago siya matulog nang gabing ʼyon ay muli siyang nag-forward ng isang message sa buong barangay. Binasa niyang muli ang message bago niya iyon i-send.
GABIE:
“Pay no mind to those who talk behind your back, it simply means that you are two steps ahead.”
Have a good night sleep. God bless! :)
Nag-toothbrush muna siya at naghilamos, pagkatapos ay lumabas siya ng banyo. May mga nagre-reply sa kanyang text na kadalasan ay nag-gu-good night lang. Nang tingnan niya ang kanyang cellphone ay may sampung new messages. Isa doon si Mickaela na laging kaunahang mag-reply kapag nag-text siya. May isa na namang number lang ang naka-register at kahulihan ito sa list ng nag-text. Kabisado na niya ang number na ito kahit hindi naka-save sa kanyang phonebook dahil ilang araw na rin itong nang-iinis sa kanya.
UNKNOWN TEXTER:
“Pay no mind to those who talk behind your back, it simply means that you are two steps ahead.”
Have a good night sleep. God bless! :)
Hindi na talaga siya nakatiis kaya sinagot niya ang text nito.
GABIE:
“Sino ka ba talaga? Wala ka bang magawa sa buhay?”
UNKNOWN TEXTER:
“At sino ka rin ba para guluhin ang isang relasyon? Tigilan mo ang kate-text sa girlfriend ko kung wala ka ring magawa sa buhay mo!”
Anong sinasabi nito? Ako ba talaga ang kausap niya o wrong sent lang? Hindi ko naman natatandaan na nag-iba na ang preference ko. Sa pagkakaalam ko, patay na patay pa rin ako kay Papa Piolo. Anong girlfriend ang sinasabi nito? Ilang segundo lang ay muli itong nag-text.
UNKNOWN TEXTER:
“Ikaw ba si Gabrielle?”
Hindi na niya ito sinagot ngunit nasundan pa ang text nito.
UNKNOWN TEXTER:
“Wala ka palang sinabi, eh. Sa text ka lang nagmamagaling. Nakakalalaki ka na, ah. Alam ko kung saan ka nagtatrabaho, HR ka pa naman! Humanda ka ipatatanggal kita sa trabaho mo!”
“Anong problema nito? Anong kasalanan ko sa kanya? As far as I know, wala akong inaagrabyadong tao,” bulong niya. Nakakagalit pero may halong kaba ang kanyang nararamdaman dahil sa pagbabanta nito. Hindi na niya pinansin ang text nito pero nang gabing iyon ay hindi siya masyadong nakatulog sa kaiisip kung sino ba talaga iyon.