MABILIS na nasalo ni Grey ang perpektong pasa ni Revin sa kanya. Humarap siya sa gawi basket. Effortless na hinaharangan ng center nila na si Joru ang tatlong kalaban na nasa ilalim niyon. Napangiti siya. Sa laki ng katawan at tangkad ni Joru, wala talagang makakalampas dito lalo na at mga bagito ang kalaban nila.
Ewan ba niya sa kapatid niyang si Ivo, na siyang coach nila, kung bakit sila pa ang iniharap sa mga nagta-try out na ito.
Walang pagmamadaling lumapit siya sa hoop at nag-lay-up. Nasiyahan siya nang swak na swak iyon at hindi man lang sumayad sa ring.
“Nice pass, Revin.”
Si Revin ang pinakamagaling na point guard na nakilala niya. Mas maliit ito at ang kakambal nito kumpara sa kanila pero napakabilis naman nito at magaling gumawa ng game play.
Napasimangot ito. “I’m Rowie.” Itinuro nito ang kakambal na tatawa-tawa lang. “Pinasa lang sa akin ni Revin ang bola. I could shoot it but it’s too easy for me so I passed the ball to you.”
Si Rowie naman ang pinakamagaling na shooting guard sa league na kakambal ni Revin. Kahit saang parte ng court ay kaya nitong i-shoot ang bola. Ten out of ten ang shooting percentage nito. Ganoon ito kagaling. Kaya siguro na-badtrip ito ng husto dahil sa mga baguhan lang sila itinapat.
Napakamot siya ng ulo. “Sino ba ang nagsabi sa inyo na magkaparehong damit ang isuot ninyo? Alam niyo naman na para kayong pinagbiyak na arinola.”
“We told you, bro. Tactic namin iyon para malito ang kalaban,” sabi ni Revin na inakbayan ang kakambal nito. “Kung malaman man ng kalaban kung sino ang sino sa amin, huli na. Naka-score na tayo.” Nakipag-high five ito kay Rowie. Pero badtrip ang kakambal kaya hindi pinatulan ang trip nito. Sa ulo na lang nito h-in-igh five ang kapatid.
“Hay, ewan ko sa inyo.” Naiiling na sabi na lang niya. Mga pilyo talaga ang dalawang ito. Binalingan niya ang point forward nila na hindi man lang tumitinag sa pagkakatayo sa tabi ng free throw line. “Hey, Van, are you still in the game? Moi bien, french toast, french bread, french fries?”
“Half-French lang ako at wala akong naintindihan sa French mo.” Itinaas nito ang isang kamay na parang namamanata. “Pilipino ako sa isip, sa salita at sa gawa.”
“Kayo, bumalik na kayo sa pwesto ninyo,” sita ni Joru sa kanila.
Sabay-sabay pa silang nagreklamo. Iisa ang naiisip nila.
“Ang boring ng laro na ito!”
Tama si Rowie. Mas magkakaroon sana ng kulay ang larong ito kung paghihiwa-hiwalayin sila at isasama sa mga bench players nila na magagaling na rin naman kahit paano.
“Walang kagana-gana. Substitution!” sigaw naman ni Van sabay taas ng isang kamay.
“May naririnig ba akong sumisigaw ng ‘substitution’?”
Napatingin silang lahat kay Ivo. Nasa labas ito ng court at hinahampas-hampas sa kabilang palad ang hawak na binilot na dyaryo. A sadistically nice smile was curved on his lips.
Naibaba kaagad ni Van ang kamay. Kinakabahang napalunok silang lahat. Sa gym na ito, si Primitivo Cruise ang hari. Walang sinuman ang babangga dito dahil babangga lang kayo sa tsunami.
“Wala, coach!” mabilis na bawi ni Van. “Walang nagrereklamo. Hindi ba, mga pare?”
Sumegunda silang lahat dito.
“Then back to work, everyone! Kung hindi ay bibigyan ko kayo ng foul!”
“Ano’ng foul naman?” hindi mapigilang tanong niya.
“Overtime sa tsismisan. Ang parusa? Overtime sa gym na ito doing one thousand push-ups. Now, back to work!”
Lulugo-lugong tumakbo sila sa kabilang court. Kahit kailan talaga ng kuya niya. Halimaw talaga ito.
“Hey, Grey,” tawag sa kanya ng isa sa mga kambal.
“Sino ka?”
“Revin.” Ngumisi ito. “I-hack mo nga ulit security system ng bahay namin mamaya.”
Napakunot-noo siya. “Saan ka na naman pupunta?”
Third year IT student siya. Pero estudyante pa lang siya ay marami na ang kaalaman niya sa computer. Maganda kasi ang turo sa school nila at nagpapa-tutor pa siya sa professor nilang professional hacker din. Pangha-hack ang isa paborito niyang pastime.
Noong nakaraang gabi lang ay tinawagan siya ni Revin para ipa-hack ang bahay nito. Pinagsaraduhan kasi ito ng mommy nito dahil sa gabi-gabing paggimik.
“Nag-aaya si… basta isa sa mga girlfriends ko sa Tagaytay. Madaling araw na naman kaming makakauwi at siguradong naka-lock na naman ang pinto.”
“Sige. Just give me a call. Connected na naman ako sa security ninyo. Ako na lang ang magbubukas ng gate at magde-deactivate ng burglar alarm ninyo. Huwag niyo lang akong aasarin at baka ma-activate ko ang alarm na iyon.”
“Yosh!”
Pumuwesto na siya malapit sa free throw line sa court ng kalaban. Bilang power forward ay doon niya hihintayin ang may hawak ng bola—kung makakalampas iyon kina Van at Revin.
Tulad ng inaasahan niya, nasa kabilang court pa lang ay mabilis nang naagaw ni Revin ang bola. Nakatakbo kaagad sa kabilang court si Rowie. Walang nagawa ang mga baguhang kalaban nila nang magpakitang-gilas ang dalawa.
Hinabol niya ang mgs ito. May sumabay na kalaban sa kanya pero mas mabilis siya kaya mas nauna siya sa court nila.
Nag-alley hoop ang kambal pero imbes na i-dunk ni Rowie ang bola ay ipinasa nito iyon sa kanya kahit pa nasa ere na ito at walang kalaban na pumipigil dito. D-in-ribble niya ang bola sa harap ng kalabang humabol sa kanya. Nang malito ito ay saka niya ipinasa kay Van ang bola. Pinasa naman nito iyon kay Joru na siyang nag-slamdunk ng bola. They were satisfied when the basket shook.
Nakarinig sila pito.
“Team Bugoy, violation!”
Sila ang tinawag na Team Bugoy ni Ivo. Ang itatawag daw nito sa kabilang koponan ay Team Bago.
“What the heck, Ivo. What’s our violation?” asar na tanong niya. Kung siya ang tatanungin, malinis ang play nila.
“New comer violation. Vina-violate ninyo ang karapatang pantao nila.” Itinuro ni Ivo ang hingal kabayo at nakasalampak na sa sahig na mga kalaban nila. “Plus, you all did our winning combination tactic last championship.”
“That’s a violation?”
“Yes.”
“Why?” he demanded. Siya lang ang may lakas ng loob kuwestyunin ito dahil magkapatid sila. Ang mga kasamahan niya ay may kung anu-ano nang pinagkakaabalahan sa buhay.
“Dahil sinabi ko. One hundred shooting each of you.” Nagreklamo silang lahat. Hindi naman nito iyon pinansin at hinarap nito ang mga baguhan. “Jaython Cade Abresinos…” Nagtaas kaagad ng kamay ang tinawag nito. Tinanguan lang ito ni Ivo bago ilipat sa mga ka-team nito ang paningin. “Lahat kayo, hindi kayo nakapasa sa try-out na ito maliban sa pangalang nabanggit ko. Now, get the hell out!”
Ang lalaking nakasalamin sa mata at nakaupo sa sahig sa paanan niya lang ang natira nang magsipulasan ang mga baguhan. Ito ang lalaking humabol sa kanya at tinangkang maagaw sa kanya ang bola. Pansin niya rin ang magandang performance nito sa laro at determinasyon.
Magaling talagang pipili ang kapatid niya.
“Yo, four eyes! Congrats!”
Nagulat pa ang lalaki nang kamayan ito ni Revin. Hinila niya naman ito patayo.
“Magaling ka, kaunting training lang at may posibilidad na makalaro ka sa game.” Hindi siya sanay itago iniisip niya sa isang tao. Masama man iyon o maganda. He’s a straightforward kind of guy.
“S-salamat. Though, hindi ko alam kung paano ako nakapasa—”
Napa-aray ito nang malakas na tapikin ito ni Van sa likod. “Matuwa ka na lang, dude.”
“Congrats din. Welcome to hell,” bulong naman ni Joru dito sabay nguso sa coach nilang nagtatala sa clipboard nito. A sinister smile suddenly appeared on their coach’s mouth. Namutla naman ang bago nilang ka-team. “By the way, how do you want us to call you? Your name’s a little long.”
“C-Cade na lang.”
“Yo, Grey!”
Napatingin siya kay Rowie na pinapaikot sa kamay nito ang bola at nakatayo tatlong hakbang ang layo mula sa loob ng three-point line.
“Kapag nai-shoot ko ang bola sa position na ito, iha-hack mo ang web and social accounts ng unang taong makikita mo paglabas ng gym,” biglang sabi nito.
“Huh? Bakit naman?” Ano na naman kayang naisip ng tatahi-tahimik na kaibigan nilang ito?
“Why don’t you just agree? Para may kwenta naman ang ipinunta natin ngayong araw sa gym na ito.”
“Rowie’s right,” segunda rito ng kakambal nito. Hindi man halata, magka-wavelength din ng utak ang mga ito. “Para rin mapatunayan mo ang talento mo dito kay Van.”
“Grey just hacked my wi-fi’s password and my neighbor’s password, sa tingin mo nagdududa pa ako sa galing niya?” sabi naman ni Van. “Itong si Joru baka nagdududa.”
“Yeah, right. Sige, ituloy na ninyo ang pustahan ninyo riyan at nang matapos na. May date pa ako,” sabi naman ni Joru sabay tingin sa wallclock.
Wala siyang magagawa kundi sumang-ayon. Motto nila sa pagdedesisyon ang ‘majority wins’. Huwag nga lang eentra ang coach nila. Anyway, madali lang naman ang pinapagawa ng mga ito para sa kanya.
“Sige—”
Bago niya pa matapos ang sinasabi ay nai-shoot na ni Rowie ang bola. Ni hindi iyon sumayad sa ring at basta na lang pumasok.
“Coach Ivo, naka-three points na ako out of one hundred.”
Haay, wala talagang talo sa lalaking ito pagdating sa shooting.
Namamangha na lang na nakamata si Cade sa kanila.
‘MAY tumalbog na holen sa sahig. Nasundan niya ng tingin ang paggulong niyon hanggang sa bumangga iyon sa pares ng mga paa… mga paang kulay asul na at naaagnas…’
Napatigil sa pagtipa si Amber nang mag-vibrate ang cellphone niya. Maaasar na sana siya kung hindi lang niya nakitang alarm iyon at ipinapaalala sa kanya na tapos na ang try outs ng Heartbreaker Team at practice game na ng mga ito. Heartfield University Basketball Team talaga ang pangalan ng team pero mas kilala ang mga ito sa naunang nabanggit.
Napabuntong-hininga siya. Nasa c****x na siya ng isinusulat niyang bagong istorya sa website niya at naroon na ang sundot ng gana niya… pero mas mahalaga ito kesa sa story na iyon.
Siya ang may-ari ng Psychopath, ang website na puro horror stories ang itinatanghal. Hindi ka lalabas ng website na ito nang hindi nangingilabot at hindi ka makakatulog ng mahimbing sa gabi. Kadalasan kasi ng mga isinusulat niya ay mga true stories na galing pa mismo sa mga psychic na kaibigan niya at iba pang source.
Pinatay niya ang netbook niya at isinilid iyon sa backpack niya kasama ng itim na notebook niya na siyang pinagsusulatan niya ng mga notes at biglaang naisip na tagpo sa storya niya.
Lumabas siya sa library na iyon at naglakad papunta sa gawi ng gym. Tuwing may try out ay isinasarado ang buong gym sa mga fans ng team. Binubuksan lang iyon pagkatapos.
Well, hindi naman siya fan ng team. Hindi rin siya pupunta doon para sa mga star players nito na siyang pinagkakaguluhan sa university nila. Pupunta siya doon para sumilay sa coach ng mga ito na siyang sinasamantala niya habang vacant niya.
“Waahhh! Ang galing nilang lahat!”
“Pasok lahat ng tira nila! Mahal ko na talaga sila!”
“Go, go, go, Grey! Mag-date tayo pagkatapos nito!”
Grabe. Malayo pa siya sa gym pero rinig na niya ang tilian doon. Lahat ay isinisigaw ang pangalan ng mga star players.
Napangiti siya. Which means, wala siyang kaagaw kay Ivo.
Biglang may sumagi na tema ng horror story sa isip niya. Isang gym na puno ng manunood. Biglang hahangin at kukunin ang hininga ng pinakamalakas tumili sa loob. Bigla na lang itong bubulagta at… Napangisi siya. Mabisa talagang inspirasyon si Ivo.
Hmm… maganda nga iyon para sa susunod kong storya, saisip niya. Agad niyang inilabas ang notebook niya at kahit naglalakad ay isinulat niya ang naisip bago pa iyon mawala.
Abala siya sa pagsusulat nang may kung anong malakas na pwersa ang tumama sa noo niya. Sa sobrang lakas niyon ay nabitawan niya ang mga hawak at tumilapon siya sa sahig. Naalog bigla ang utak niya at pakiramdam niya ay nagkapira-piraso iyon. Kinailangan niya ng ilang saglit para bumalik sa katawang tao niya.
Tumalbog-talbog ang salarin sa simentong binagsakan niya.
“Anak ng—sino’ng hinayupak ang nagbato sa akin ng bola?!” sigaw niya habang sinasalat ang namamanhid na noo.
“Miss, ayos ka lang?”
Isang lalaki ang tumatakbo palabas ng gym. Kilala niya ito. Si Grey Cruise. Ang playboy na kapatid ni Ivo Cruise. Magkalikaw ng bituka ang magkapatid na ito. Mas tahimik nga lang ng kaunti si Ivo, manly at mas matured—kaya nga nagustuhan niya ito kahit playboy ito.
“Mukha ba akong ayos?” gigil at impit na singhal niya nang makalapit ito.
Imbes na unahin siyang alalayan na makatayo ay mas nauna pa nitong sinagip ang pesteng bola na iyon. Tinimpi niyang sigawan ito. Tiyak na magagaya siya sa horror stories na sinusulat niya kapag narinig ng fans ng mga ito na tinatarayan niya ito. Gusto niya pang makalabas ng buhay sa university nila.
Pinagmasdang mabuti ni Grey ang kabuuan niya. “Mukha ka namang okay—”
“Okay?!”
Anak ng teteng na lalaking ito, ah! Sasakalin na sana niya ito nang may isa pang matangkad na lalaking lumabas sa gym. Si Ivo.
Bigla niyang inayos ang mukha. Pangit pa naman siya kapag nagagalit. Pinilit niyang ngumiti kahit namimintig ang noo niya at nagkalasug-lasog yata ang utak niya.
Napakunot lang ng noo si Grey habang nakatingin pa rin sa kanya.
“Ayos ka lang ba, Miss?” ani Ivo.
Tila nilipad ang init ng ulo niya nang alalayan siya nitong tumayo.
“A-ayos lang ako.” Binuntutan niya iyon ng sintunadong tawa. Syet! Pwede na akong mamatay!
“Namumula ang noo mo. Sigurado kang ayos ka lang?”
“Ayos lang, coach. Medyo nag-blur lang ang paningin ko.” Kahit nahihilo siya, ayos lang iyon. Nakahawak naman sa braso niya si Ivo. Kahit magdugo pa ang noo niya, ayos lang.
“Sorry, Miss, ha? Bigla kasing ipinasa ni Revin ang bola kaya hindi ko nasalo.” Grey flashed one of his gorgeous smiles. Pero hindi siya apektado doon. Simpleng ngiti lang ni Ivo, ta-tumbling na siya kaagad. Hindi nga lang ito ngumingiti.
“Sorry, Miss! Nagasgasan ko tuloy ang magandang noo mo,” wika ni Revin na katabi ang kakambal nito. Nasa tapat ng pinto ang mga ito kasama ang ibang ka-team.
“Team Bugoy.” Ngumiti si Ivo. Nakatingin nga lang ito sa team nito. Hindi niya alam kung bakit natensyon ang mga lalaki. “Overtime tayo sa gym.”
Tinawag nito ang isang binatilyong bago lang siguro sa team dahil ngayon niya lang nakita. Binalingan siya ng coach. “Ipapa-assist kita kay Cade sa clinic. Pasensya na talaga, Miss. Heto, ticket sa next play namin sa Sabado. Huwag mong isumbong sa Student Affairs ang nangyari, ha?” Tinapik siya nito sa balikat bago naglakad pabalik sa gym.
Nasundan niya ito ng tingin. Grabe. Napakagwapo pala ni Ivo sa malapitan!
At hinawakan niya ako… teka, Ivo labs, panagutan mo ako…
“Tara na, Ate.”
Kailangan pa siyang yugyugin ng binatilyong nakasalamin na inatasan ni Ivo na maghatid sa kanya sa clinic para matauhan siya.
“Devil’s Lair. Witches and Burns...”
Lumampas ang paningin niya kay Grey na naroon pa rin pala kipkip ang bola at binabasa ang isang itim na notebook—na notebook niya.
“Hoy, akin iyan!” Hinablot niya rito ang pinakamamahal na notebook. Personal property niya iyon. Walang pwedeng humawak kundi siya. “Huwag kang mangingialam ng hindi mo pag-aari. Maliwanag?”
Ngumiti lang ito at inialay sa kanya ang ballpen niyang may design na bungo. Inialay dahil parang nag-aalay ito ng handog sa isang ritwal.
Inirapan niya ito bago sumama na kay Cade sa clinic tulad ng sabi ng iniirog niyang si Ivo.
Hindi niya lalabhan ang damit niya para may remembrance siya ng unang pagkakalapit nila ng binata!