KINABUKASAN ay maagang pumasok si Rylen. Naging abala siya nang makauwi kaya hindi niya natapos ang homework sa bahay. Naisipan niyang sa library niya na lang ituloy ang pagagawa. Masarap ang naging tulog niya at maganda ang gising niya. Ngunit tila sinusubukan ng tadhana ang pasensiya niya. Kapapasok pa lang niya ng library ay mukha na ni Dexter ang nasalubong niya.
“Hi, Rylen,” bati nito sa kaniya na may malawak na ngiti sa labi. Sa hitsura nito ay para bang wala itong ginawa sa kaniya.
“Kung naghuhugas ka ng kamay pagkatapos ng ginawa mo, asa ka naman,” mataray niyang banat sabay talikod. Naghanap siya ng ibang table kung saan malayo dito. Masisira ang focus niya kapag nakikita ito. Kahit naman kasi naiinis pa rin siya dito ay hindi pa rin naman niya mapigilan ang puso na tumibok ng mabilis kapag nasa malapit ito.
Akmang uupo pa lang siya ng may humawak sa braso niya. “Masiyado ka namang nagmamadali, Rylen,” pigil ni Dexter sa kaniya. Pabulong lang ang pagkakasabi nito pero dinig na dinig niya ang bawat bigkas nito sa mga pantig. Ang kaninang malakas na kabog ng dibdib ay unti-unti ng humuhupa ngunit dahil sa ginawa nito sa kaniya ay nagsimula na namang magrigodon ang puso niya. Idagdag pa at nang magsalita ito ay ramdam niya mula sa may batok ang mainit nitong hininga.
Naninigas ang katawang dahan-dahan niyang nilingon ito. Ang mabilis na kabog ng dibdib niya ay sinasabayan pa ng mabilis na paghabi ng kung ano-anong larawan sa isip. Magkalapit sila, hawak siya nito sa braso, ramdam niya ang mainit nitong hininga, at sa dahan-dahan niyang paglingon…
“Tapos ka na ba sa assignment natin sa Math?” malapad ang ngiting tanong ni Dexter na sinundan pa ng isang kindat.
Bwisit talaga itong lalaking ito! Panira sa buhay!
“Ewan ko sa’yo,” malakas niyang ani sabay piksi ng braso para bumitaw dito.
Sa halip na bumitaw ay mas lalong humigpit ang hawak nito sa kaniya. “Hoy, Ryl—“
“Tantanan mo na ako, Dexter ha. Uta—“
“Can you please lower your voice? If you can’t, kindly leave the library.” Parehas silang natigilan ni Dexter nang putulin ang pag-uusap nila nang mahinahon pero malamig na tinig ng librarian. Sabay silang napalingon rito. Noon lang nila napagtanto na salubong na ang kilay ng librarian habang nakatingin sa kanila. Naagaw na rin nila ang atensiyon ng ibang mag-aaral na nandoon din sa loob ng library at abalang-abala sa mga ginagawa nila.
“S-sorry po,” hinging paumanhin niya.
Bahagyang umarko ang kilay ng librarian bago sumulyap kay Dexter. Nang sinulyapan niya si Dexter na basta na lang nakatayo sa tabi niya ay pasimple niyang siniko ito at binulungan. “Ano ba? Mag-sorry ka rin.”
Hindi kaagad siya na-gets ni Dexter kaya inulit niya ang sinabi na sinamahan pa ng panlalaki ng mga mata. Kakamot-kamot ang ulo na bumaling ito sa librarian. “Sorry po, ma’am.”
Tinanguan sila ng librarian bago tinalikuran na. Binigyan niya ng isang nakamamatay na tingin si Dexter sabay layo dito. Humanap siya ng malayo sa iba pa at doon umupo. Naglalabas pa lang siya ng mga libro at notebook nang bigla na lang may humila ng upuan sa tabi niya at naupo doon si Dexter.
“Wala ka talagang balak tantanan ako?” mahinang angil niya dito.
“No.” Determinado at malapad ang ngiting tuon nito.
Napailing na lang siya at nagdesisyon na huwag pansinin ito. Nagsimula na siyang magbuklat ng notebook kung saan siya natapos kagabi.
“Hindi ka pa rin nakakatapos?” bulong ni Dexter sa kaniya.
“Manahimik ka diyan,” inis na bulong niya dito.
“Nagtatanong lang naman.”
“Ano ba? Kapag nasaway na naman tayo, lagot na naman ako.” Sinamaan niya ito ng tingin. Nagsimula na siyang magsulat.
“Pansinin mo na kasi ako,” bulong pa nito na sinamahan pa ng paniniko.
“Ano pa bang pamamansin ang gusto mong gawin ko?” Malapit na siyang mapuno sa lalaking ito.
“Ganito kasi, Rylen,” simula nito habang seryosong nakatitig sa kaniya.
“Ano?” untag niya nang hindi nito itinuloy ang sasabihin.
“Kasi…” Bahagyang napakamot sa may batok ito na para bang batang gusto ng kendi pero nahihiyang magsabi. Sa hitsura nito ay parang lahat ng inis niya ay unti-unting naglalaho.
“Walang mangyayari sa atin kung hindi mo sasabihin ang kailangan mo.” Medyo naging mahinahon na ang tinig niya habang nagsasalita.
Tumango-tango si Dexter. Ngumiti pa ito ng matamis sabay sabing, “patulad sa Math.”
Hindi kaagad siya nakapagsalita dahil sa sinabi nito. Ang kaninang pagpapakalma niya sa sarili ay naglaho. “Bwisit ka talaga” asik niya at nagsimula nang gumawa ng assignment.
“Nagsasabi naman ako ng totoo ah.”
“Ako ba pinaglololoko mo?”
“Hindi,” katwiran nito. “Bakit ko naman gagawin iyon?”
Pagak siyang tumawa. “Heller. Paki-remind nga sa akin kung kailan ka nagseryoso?”
Natahimik naman ito. Sa pagkamangha pa niya ay walang salitang binuksan nito ang notebook at book sa Math. Natilihan siya nang sa pahuling pahina ng notebook ay maraming red circles ito. Ang book nito ay maraming nakasulat na notes sa gilid. Alam niyang matalino ito at kahit sobrang alaskador ay hindi papahuli sa klase kaya naman hindi siya maniwala na manunulad ito sa kaniya sa Math.
“Bakit mali ka sa mga iyan?” usisa niya nang hindi na siya nakatiis.
“Hindi ba obvious? Hindi ko alam,” tahimik nitong sagot.
Bigla siyang nakadama ng guilt nang makitang pilit nitong sino-solve ang isang problem nila sa Math. Bumabalik pa ito sa mga samples na binigay ng teacher nila pero hindi nito mapalabas ang sagot.
“Mali ang equivalent mo,” mahinang puna niya. “Dapat itong isang given ang gagawin mong pang-representation.”
Sumulyap ito sa kaniya. “Kanina ko pa ginagawa ay wala namang nangyayari.”
“Tuturuan na lang muna kita,” walang choice na pag-aalok niya.
“Magta-time na.”
Sumulyap siya sa relo at nakitang thirty minutes na lang at magta-time na nga. Ilang problem pa ang gagawin niya.
“Kaya patularin mo na lang ako,” malapad ang ngiting wika nito. Pinagalaw-galaw nito ang kilay.
“Tss… Okay. Pero tahimik ka lang diyan.”
Tumahimik nga ito gaya ng pangakong tatahimik kapag pinatulad niya. Paminsan-minsan ay tumitigil ito para tingnan kung paano niya nakukuha ang sagot. After almost twenty minutes ay natapos sila.
“Tapos na. Una na ako sa’yo,” deklara ni Dexter nang matapos itong magligpit ng gamit.
Tumango na lang siya habang patuloy na nagliligpit ng gamit.
“Hindi ka sasabay papunta ng room?” malapad ang ngiting tanong nito.
Naningkit ang mga mata niya na para bang nag-iisip. Sinulyapan niya muli ito at hindi nawawala ang nakapaskil na ngiti sa mga labi nito.
“Ano? Sasabay ka ba o hindi?”
“Hindi na,” aniya sabay iwas ng tingin. Dala na siya sa ngiti nitong iyon. Ngayon ayos ito dahil may kailangan pero baka mamaya ay hindi na.
“Ayaw mo?” Bahagya siya nitong sinundot-sundot sa balikat.
“Hindi na nga.“
“Kapag hindi ka pa sumabay sa akin, mag-iingay ako rito,” pamba-blackmail nito sa kaniya sabay ngisi ng malaki.
Napatuwid siya ng pagkakaupo. Tinulungan na nga niya ito sa assignment ay ganito pa ang sasabihin nito. “Ang kapal talaga ng mukha mo.“
“Walang manipis na mukha, Rylen. Kung manipis ang balat natin, madali kang masusugatan.”
Umarko ang dulo ng labi niya. “You and your twisted explanation,” mahinang asik niya at binilisan ang pag-aayos ng mga gamit sa loob ng bag. Lumapad ang ngiti nito nang tumayo siya. Dahil wala na siyang magagawa at baka ma-late pa sila ay nag-decide siyang sumabay na dito sa paglalakad patungo sa building kung nasaan ang room nila.
“Ano na naman bang gusto mo at pati sa paglalakad ay kailangang kasabay pa ako?” tanong niya habang naglalakad sila.
“Wala lang. Ayaw ko lang na mag-isang naglalakad,” tugon nito.
Pinili niya na lang tumahimik at bahagyang umuna nang paglalakad. Ilang segundo pa ang lumipas ay muling nagsalita ito. “Umuna na pala ikaw.” Tumigil siya sa paglalakad at nilingon ito. Hindi nawawala ang malapad na ngiti sa labi nito kaya hindi niya alam kung nangjo-joke ba ito o kung ano.
“Okay,” aniya at nagpatuloy sa paglalakad. Medyo may naramdaman siyang disappointment nang hindi nga ito nakasabay maglakad. Oo at naiinis siya sa pagiging alaskador nito pero sa kabilang banda ay pinapangarap din niyang kahit minsan ay makasabay ito sa paglalakad, pagkain,o kahit sa mga simpleng gawain sa school.
Nagsisimula na siyang umisip ng mga dahilan para alisin ang lungkot nang hindi pa siya nakakalayo ay humabol muli si Dexter. “Salamat pala sa pagpapatulad.” Ang kaninang malapad at tila mapaglarong ngiti nito ay napalitan ng matamis na ngiti. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakitaan niya ito ng genuine na ngiti. “Sa uulitin ha,” dugtong pa nito sabay akbay sa kaniya. Marahang pumisil ang kamay nito sa may balikat niya bago tuluyan siyang binitawan at tumalikod. Sinundan niya ng tingin ang palayong binata.
‘Anong meron?’ bulong ng isip niya habang ang puso niya ay abala pa sa mabilis na pagpa-pump.
“SO, ANONG ganap?” nakahalumbabang tanong ni Allysa sa kaniya habang kagat nito ang straw ng juice na iniinom.
“Anong ganap?” panggagaya niya sa tanong nito.
“May nakakita sa inyo ni Dexter magkasabay na lumabas ng library kanina,” salaysay nito.
Hindi siya sumagot. Kumuha siya ng fries at sumubo. Kahit araw-araw talaga siya kumain ng fries ay hindi siya magsasawa. Parang kapag naaalala lang niya ang matamis at genuine na ngiti ni Dexter kanina. Hinding-hindi siya magsasawang alalahanin iyon.
“May hindi ka ba sinasabi sa akin?” pangungulit ng kaibigan niya. Iwinagayway pa nito sa harap niya ang kamay nito para kunin ang atensiyon niyang lumilipad.
Nagbaba siya nang tingin bago sumagot. “May dapat ba akong itago pagkatapos ng ginawa niya kahapon? Nagkataon lang iyong kanina. Wala ‘yung ibig sabihin na kahit ano.”
Kumibot ang labi ni Allysa na para bang hindi naniniwala sa sinabi niya. “Magkausap daw kayo habang naglalakad.”
“Kinulit niya akong pagayanin ko siya sa Math,” balewalang kwento niya.
“At hindi mo natiis kaya pinagbigyan mo siya.”
Nag-dip siya ng fries sa sauce at pinaikot iyon doon. “May punishment pa ako ngayong buong linggo sa library at baka madagdagan iyon kung hindi ko pa siya pinagbigyan.”
Nakakaunawang tumango si Allysa. “So, ano naman kayang pamba-blackmail ang ginawa ni Dexter sa’yo?”
Naiirita siya sa library kanina sa pinagagagawa nito pero kapag naalala niya ay hindi niya mapigilan ang mapangiti. Parang ang cute ni Dexter that time. “Napakaalaskador niya pero minsan para siyang bata.”
“Iba iyang ngiti na iyan, Rylen,” nagdududang saad ng kaibigan niya.
“Natatawa lang ako sa ginagawa niyang pananakot kanina para lang pagayahin ko siya.”
“Base diyan sa ngiti at kislap ng mga mata mo ay napaka-childish ng ginawa niya. Don’t tell me na sinabi niyang mag-iingay siya kapag hindi mo siya pinagaya?”
Nakagat niya ang pang-ibabang labi upang supilin ang hagikhik.
“Mukhang sa halip na pasamain ng mga kalokohan ni Dexter ang imahe niya sa iyo ay mas lalong gumaganda.”
“Hindi, ah,” katwiran niya sabay pilig ng ulo.
“Aminado akong iba ang taglay na karisma ni Dexter. Pero talagang kakaiba din ang kulit niya. Linggo-linggo ay may bagong putahe nang kinukulit. At mukhang ikaw ang iginigisa niya ngayon.”
Sinulyapan niya ito. “Linggo-linggo?” Medyo may tama ang huling sinabi nito. Hindi nga kaya lapit nang lapit sa kaniya si Dexter ay dahil sa siya naman ang pinaglalaruan nito.
“Yup.”
Hindi niya mapigilang mapaisip sa sinabi ni Allysa. Totoong napakagaling ni Dexter mang-alaska. Hindi ata lilipas ang araw na wala itong binibiro. Mapababae man o lalaki ay wala itong pinalalampas.
At siguro ay tama ang kaibigan niya na siya ang putahe nito ngayong linggo.
Nagpakawala siya nang malalim na buntonghininga. Naranasan niya ang bunga ng kalokohan ni Dexter kahapon. Ano naman kaya ngayon?
“Sana lang ay hindi malaman ni Miss Vasquez na pinatulad mo siya. Alam mo naman kung gaano ka-istrikta iyong Math teacher natin.”
Tuluyang nawala ang sigla niya. Isa pa iyon sa nakalimutan niya.
“Hindi ko naalala iyon,” wala sa loob na usal niya.
“Halata naman. Sa klase ng ngiti mo kanina ay parang makakalimutan mo na lahat. Sana lang ay hindi magkamali iyang si Dexter o gamitin ang sitwasyon sa kalokohan niya.”
Natilihan siya dahil sa sinabi nito. “Lagot na.”
“Huwag mo nang pakaisipin ang sinabi ko. Mabuti pa ay bumalik na lang tayo ng room,” pag-aaya ni Allysa. “Feeling ko ay mas okay kung doon na lang tayo mag-i-stay. Wala ang barkada niya doon sa room.”
Wala sa sariling tumango siya sa naging alok ng kaibigan. Inubos lang nila ang natirang pagkain at bumalik na sa classroom.