Isang malalim na buntong hinga ang pinawalan ko. Sakay ako ng taxi ngayon na nakahinto sa tapat ng mansion kung saan napakaraming masasaya at masasakit na alala ang gusto ko na sanang ibaon sa limot. May labing limang minuto na din kaming naka park dito at nakamasid lang sa tapat ng gate dahil parang hindi ko pa kayang bumaba.
Dalawang linggo na din mula ng umuwi kmi ng mga anak ko at kasalukuyan kaming nakikituloy muna sa condo ng bestfriend ko. Ngayon lang ako nagkalakas loob na pumunta dito para gawin ang bagay na dapat sana ay noon ko pa ginawa.
" Okay lang po ba kayo ma'am?" tanong sa'kin ni manong driver na nagpabalik sakin sa riyalidad. Tipid na ngiti lang ang sinagot ko sa kanya at nagpasya na ding bumaba ng taxi pagkatapos ay iniabot ko na sa kanya ang bayad at di na kinuha pa ang sukli.
Isa pang buntong hinga bago ako nag door bell. Maya maya lang ay bumukas ang gate. Isang pamilyar na mukha ang bumungad sa'kin. Si Kuya Berto ang dati kong driver. Halatang gulat na gulat ito pagka kita sa akin.
"S-seniorita?" nagliwanag ang mukha nito ng marahil ay natantong hindi sya namamalikmata lang. " Seniorita ikaw nga!" anito pang tuwang tuwa.
" Berto sino ba 'yang nag doorbell?" narinig kong boses na kilalang kilala ko- si Nanay Yolly.
" Parine ka Yolly dalian mo!"
" Bakit sino ba iyang bisita at di mo papasukin?" anitong naglakad papunta sa gate. " Ay dios mio!" anitong tutop ang bibig sa gulat. " Raine, anak ikaw nga! " napaiyak ito sabay mahigpit akong niyakap na ginantihan ko din ng mahigpit na yakap at di ko na din napigilang mapaluha. Matapos naming magyakapan ay hinila nya na ko papasok.
" Saan ka ba nagpupuntang bata ka at ngayon mo lang naisipang bumalik?" ani Nanay na bakas ang sobrang tuwa sa pagpunta ko dito. " Ang ganda ganda mo na lalo ngayon. "
Napangiti ako sa papuri nya. " Thank you Nay, lagi nyo talaga pinapalaki ang ulo ko." natawa lang ito sa sinabi ko.
Nang makapasok kmi sa bahay ay iginala ko ang aking paningin. Walang nagbago sa ayos ng receiving area. Kung ano ang itsura nito noong umalis ako ay ganoon pa din ngayon. Malinis at maaliwalas. Ang mga gamit na naroon ay iyon pa din.
Nang mapadako naman ang mga mata ko sa may puno ng hagdanan ay para akong naestatwa sandali. Isang alaala na naman ang sumagi sa isip ko. Isang masakit na alaala ng nakaraan.
" Teka asan ba'ng mga gamit mo at ng maiakyat na sa kwarto." para akong biglang nagising. " Berto---"
" Nay." pinigilan ko sya sa kamay. "Wala po akong dalang mga gamit."
" Gano'n ba.." kunot ang noo ni Nanay Yolly na wari ba'y nagtataka. "Aba'y wala namang problema at naroon pa rin naman sa kwarto mo ang mga gamit mo dati. Kasya pa naman sa'yo yung mga damit na naiwan mo sa itaas. Ganon pa din naman ang katawan mo gaya ng dati at wala namang gaanong nagbago liban sa lalo kang sumeksi."
" Hindi rin po kasi ako magtatagal, Nay." Halatang nagulat ito sa sinabi ko at biglang lumungkot.
" Bakit naman?"
Para naman akong nakunsensya. Si Nanay kasi dati ang unang laging nagpapagaan ng loob ko noong nandito pa ako sa mansion nakatira. Siya din ang naging labasan ko ng sama ng loob sa tuwing may dinaramdam ako. Pero di rin naman kasi talaga ako pwedeng magtagal dito.
" May kailangan lang po sana akong papirmahan kay… A-alex, Nay."
Kinuha ko ang envelope sa dala kong bag at iniabot dito. " Nay, paki abot na lang po ito sa kanya."
" Bakit di mo na lang sya antayin. Dito ka na maghapunan. Ipagluluto kita ng paborito mo."
" Sorry talaga Nay. May appointment din po kasi ako mamaya lang pag-alis ko dito. "
" Sana'y antayin mo na lang sya nang magkausap kayo at maayos kung ano man ang di nyo pagkakaunawaan. " anito pa.
" Saka na lang po siguro yun Nay. Medyo busy pa din ho kasi ako sa ngayon, eh. " pagdadahilan ko.
" Bweno, ikaw ang bahala. Nasa iyo pa rin naman ang huling pasya. "
Alam kong labag sa loob ni Nanay pero tumango na lang din sya at pilit na ngumiti.
"Kailan ka ulit babalik dito para naman maipaghanda kita? Ngumiti din ako sa kanya at alam kong nakita nyang hindi iyon umabot sa mga mata ko.
"Babalik na lang po ako Nay at kukunin ko ito kapag tapos na nyang mapirmahan. Iniabot ko na lang sa kanya ang calling card ko at nagpaalam na kong aalis.
________________________________________
" BAKLA, where na u? " boses ng kaibigan kong si Jen pagka sagot ko sa cellphone ko.
"On the way na'ko Jen. Dumaan lang ako ng grocery saglit." sabi ko habang inaayos ang mga plastic bags ng groceries sa likod ng taxi.
" Nakakaloka itong mga junakis mo. Konti na lang dudugo na ilong ko. Hindi mo ba sila tinuturuan mag tagalog?"
Natawa ako sa sinabi nya. Malamang napag tripan na naman ng dalawa itong si Jen. Sa kanya ang condo unit na tinutuluyan namin. Bakante naman daw kasi ito kaya ini-ofder na nya'ng doon muna kami. Tuwing week end nadalaw sya doon kagaya ngayon. Sa kanya ko na lng muna pinabantayan ang kambal.
" Marunong silang magtagalog Jen. "
" Ha?! Anak ng!.. Kanina pa ko english ng english nakaka intindi naman pala sila ng tagalog?! "
" Hindi mo naman kasi ata sila tinanong muna.." pabirong ani ko. Naalala kong mula nga pala noong sinundo nya kami sa airport palagi ng english kung kausapin nya ang mga anak ko.
Maging ito'y natawa na din. "Oh, sya sige na. Uwi ka na at dito mo na lang sakin i-chika kung ano nangyari sa lakad mo."
"Wala naman akong ich-chika sayo."
"Ano'ng wala? Bakit, di ba kayo nagkita ng ex mo?"
"Wala sya sa bahay nung dumating ako."
" Sya sya, sige babush na nga! You take care, okay."
"Okay, bye."