HANNAH'S POV TWO YEARS LATER:
NANGINGITI ako habang ninanamnam ang malamig na simoy ng hangin dito sa parke ng Baguio. Weekend ngayon at dito namin napagdesisyunan nila mommy at daddy na icelebrate ang birthday ko.
Malapit lang naman ang Baguio sa Manila. Ilang oras lang ang byahe at makakalanghap ka na ng malamig at sariwang hangin. Ibang-iba nga ang lamig ng panahon dito sa Baguio kumpara sa Manila. Kaya naman kahit summer ngayon ay hindi mo ramdam ang init ng panahon dito.
Lumaki ako sa isang masayang pamilya. Si daddy ay bank owner. Habang ang mommy naman ay full time housewife and mom sa aming mag-ama niya. Nakapagtapos naman na ako ng pag-aaral. I'm already twenty at wala pang planong magtrabaho. Gusto sana ng daddy na magtrabaho akong manager o teller sa bangko namin. Pero ayoko dahil hindi iyon ang gusto ko.
Gusto ko sanang maging guro. Kaya nga education ang kinuha kong kurso at naipasa ko naman ang board exam namin. Wala nga lang akong lisensya dahil ayaw ni daddy na maging guro ako.
Mula pagkabata ay spoiled ako sa mga magulang ko. Lahat ng naisin ko noon ay ibinibigay nila. Hindi naman lingid sa kaalaman ko na adopted daughter lang ako nila mommy at daddy. Bata pa lang ako ay ipinaalam na nila sa akin ang bagay na iyon. Noong una ay hindi ko matanggap na ipinamigay lang daw ako ng totoo kong ina sa kanila. Pero habang tumatagal ay natutunan ko ring tanggapin ang bagay na iyon. Lalo na't hindi naman na nagparamdam pa ang babaeng nagluwal sa akin. Ni hindi ko alam kung anong pangalan o anong itsura niya. Wala daw itong iniwang pangalan o contact number sa mga magulang ko noong ibigay niya ako sa kanila.
Ayon kina mommy at daddy, nakunan daw noon ang mommy sa miracle baby sana nila. Dahil mahina ang kapit ng bata sa sinapupunan ng mommy. Nagkataon naman na bagong silang noon ang biological mother ko na kasama nila sa silid ng hospital. Kaya nalaman daw nito ang nangyari kay mommy. Walang pag-aalinlangang ipinamigay niya ako dahil kung hindi raw ako tatanggapin nila mommy, sa iba niya ako ipamimigay. At dahil sobrang gustong-gusto nila mommy at daddy na magkaroon ng anak, buong puso nila akong tinanggap at inabutan pa ng pera ang biological mother ko para may magamit ito sa hospital at pagpapalakas.
Ni hindi niya raw ako binigyan ng pangalan. Hindi manlang kinarga at hinagkan. Kahit daw umiiyak ako noon sa tabi niya ay walang pakialam ang totoong ina ko. Ang mga nurse daw ang nagpapatahan sa akin. Nagpapalit ng diaper ko at nagpapadede sa akin mula sa mga gatas na bigay ng ibang ina noon na bagong panganak din sa hospital.
Sobrang nasaktan ako na mapag-alaman ang mga bagay na iyon. Gano'n pa man, tinanggap ko na lamang at ipinagsawalang bahala. Diyos na ang bahalang maningil sa totoo kong ina. Sa kasamaan niya sa anak niyang walang kalaban-laban sa kanya na pinabayaan at ipinamigay sa ibang tao.
Maswerte pa rin naman ako. Dahil kahit hindi ako totoong anak ng mga magulang ko, ni minsan ay hindi nila ipinaramdam ang bagay na iyon sa akin. Pinalaki nila ako na puno ng pagmamahal, pag-iingat at pag-aaruga. Binihisan, pinakain at pinag-aral nila ako. Minahal nila ako na totoong anak nila. Binigyan ng pangalan, maayos na matitirhan at isang masaya at buong pamilya. Kaya wala na akong mahihiling pang iba.
“Anak, nagugutom ka na ba?” tanong ng mommy na ikinalingon ko dito.
Naglalabas na ito ng mga dala naming pagkain mula sa storage box. Nandito kasi kami sa garden area ng park kung saan pwedeng maglatag ng picnic carpet. May mga kasama din kami dito at malawak naman ang espasyo kaya hindi kami dikit-dikit dito.
“Tulungan ko na po kayo, Mommy.” Wika ko na dinaluhan ito.
“Salamat, anak.”
Ngumiti akong tinulungan itong maghain ng mga baon naming pagkain dito sa carpet. Natutulog pa naman ang daddy sa tabi namin. Napuyat kasi siya dahil siya ang nagmaneho kaninang madaling araw nang bumyahe kami paakyat ng Baguio. Kaya naman hinayaan na muna namin itong makapag pahinga para may lakas siya mamaya sa pamamasyal namin.
"Siya nga pala, Mommy. Ano pong balita sa bangko natin?" tanong ko habang naghahain kaming dalawa.
Hindi naman lingid sa kaalaman ko na nalulugi na ang bangko. Naghahanap sila daddy ng magi-invest doon at tutulong sa aming maibangon ang bangko. Doon kasi nakasalalay ang lahat sa amin. Kung mawawala sa amin ang bangko, wala na kaming ibang mapagkukunan ng ikabubuhay.
May mini resort kami sa Zambales. Pero nagkasakit kasi ang mommy sa kidney at kinailangan namin ng malaking halaga para sa treatment niya. Dahil nagmamadali kaming makalikom ng pera, ibinenta namin sa mababang halaga ang mini resort namin para maisalba ang buhay ng ina ko. Hindi ko rin alam kung bakit kami sinusubok ng Maykapal. Sunod-sunod na ang nangyayaring kamalasan sa amin. Kaya lalo kaming lumulubog ngayon dahil wala naman kaming makapitan para tutulong sa aming makaahon.
Hindi naman kami masamang tao. Ang bait ng mga magulang ko. Ako man ay wala ding inaapi. Pero bakit kung sino pa ang mga mabubuti, sila pa ang sinusubok nang sinusubok ang katatagan? Parang napaka-unfair naman na 'yong mga taong masasama, sila pa ang pinagpapala. At ang mga mabubuti ay nagdudusa.
Napabuntong hininga ng malalim si mommy kaya napalingon ako dito. Napalunok ako na natigilan na mapatitig ditong bakas ang halo-halong emosyon sa mga mata. Puno ng lungkot ang mga mata nito na nagbabadyang maluha.
"Mommy," usal ko na inabot ang kamay nito.
Pilit itong ngumiti na tumitig sa akin at inabot akong marahang hinaplos sa ulo.
"Nagbabadya nang magsara ang bangko natin, anak. Kasalanan ko ito e. Kung hindi sana ako nagkasakit, may maibebenta tayong property na pwedeng magsalba sa bangko natin." Mababang saad nito na bakas ang guilt sa mukha.
Pilit akong ngumiti na hinawakan ang kamay nitong nakasapo sa pisngi ko.
"Mommy naman. Hwag kang magsalita ng ganyan. Maibabangon natin iyon. Sa galing ni daddy, tiyak na maibabangon natin ang bangko." Pagpapalakas ng loob ko dito.
Umiling naman ito na tumulo ang luhang ikinapalis ng ngiti ko. Lumamlam ang mga mata kong inabot ito na pinahid ang tumulong luha.
"Yong nakausap na investor ng daddy mo noong nakaraan. Akala namin ay siya na ang makakatulong sa atin para ibangon ang bangko natin. Pero. . . ang manlolokong iyon. Scammér pala siya. Tinangayan niya lang tayo ng pera. Nakakasama lang ng loob, anak. Dahil nalulugmok na nga tayo, may nagtulak pa sa atin para lalong malugmok." Saad nito na napayukong naiyak.
Nanigas ako sa kinauupuan. Hindi ko alam na na-scám pala ang daddy! Paubos na nga ang pera namin pero heto at. . . tatangayan pa kami ng mga taong mapagsamantala! Naikuyom ko ang kamao. Nagpipigil maluha. Bawat hikbi ng ina ko ay para akong sinasaksak ng punyal sa dibdib ko. Napakasakit sa akin bilang anak na wala akong magawa para matulungan ang mga magulang ko sa kinakaharap nilang problema. Bukod sa wala naman akong maitulong sa kanila. Wala din naman akong kakilala na maaaring mapagkunan ng malaking halaga. Hindi biro ang kakailanganin naming pera para maibangon ang papalubog naming bangko.
Niyakap ko si mommy na sumubsob sa dibdib ko at patuloy sa pag-iyak. Damang-dama ko ang bigat ng loob nito sa mga nangyayari sa amin ngayon. Hinahagod-hagod ko ito sa likuran na hinayaan lang ilabas ang sama ng loob nito.
"Anong nangyayari?"
Natigil sa paghikbi si mommy na marinig namin si daddy na magsalita. Namamaos pa ang boses nito na halatang kulang sa tulog at pagod na pagod. Kumalas kami ni mommy sa isa't-isa na nagpahid ng luha. Naupo naman na si daddy na napahilamos pa ng palad sa mukha. Napatitig ito sa amin ni mommy at nagsalubong ang mga kilay na makitang kagagaling namin sa pag-iyak.
"Anong iniiyakan niyo?" tanong nito na palipat-lipat ng tingin sa aming mag-ina.
Pilit akong ngumiti dito na umusog ng upo sa tabi niya.
"Wala po, Daddy. Masaya lang ho kami ni mommy. Nagkaiyakan lang po pero masaya po kami. May napagkwentuhan lang po kami," alibi ko na sumandal sa balikat nito.
Ngumiti naman si mommy na tumango-tango. "Tama ang anak mo, honey. Naku, kumain na tayo. Bago pa lumamig ang mga pagkain." Pag-iiba ni mommy na pilit pinasigla ang boses nito.
Naniwala naman ang daddy sa alibi naming mag-ina. Napatuwid ako ng upo nang abutin ni mommy ang isang pistachio cake na binili namin kanina sa nadaanan naming bakeshop bago tumuloy dito sa parke.
"Naku, dalaga na ang anak natin, honey. Paano kapag nag-asawa na ang prinsesa natin?" wika nito na binuksan ang box.
Napangiti naman ako. "Ang mommy talaga. Malayo pa po iyon." Sagot ko na iniabot ang lighter dito at sinindihan niya ang candle ng cake ko.
"Oh siya, kantahan ka na muna namin bago mo ito hipan, anak." Saad nito.
Napangiti na lamang ako na sinabayan ang mga ito na nagsimulang kantahan ako ng birthday song. Napapalingon tuloy sa amin ang mga dumaraan at nangingiti sa amin. Maya pa'y maging ang mga nandidito sa park na malapit sa amin ay nakisabay nang kumanta. Nahihiya ako na napalinga sa mga itong pumapalakpak habang kinakantahan ako ng birthday song.
"Happy birthday to you!" masiglang pagtatapos nilang lahat na sabay-sabay pa.
Para akong hinahaplos sa puso na nagpasalamat sa mga itong nakangiting pumapalakpak sa akin. Niyakap ko ang mga magulang ko at hinagkan sila sa ulo.
"Maraming salamat po, Mom, Dad. Mahal na mahal ko po kayo," maluha-luhang saad ko na ikinangiti ng mga ito.
"Mahal na mahal ka rin namin, Hannah anak. Sana'y hindi ka magbago." Naluluhang saad ni mommy na nginitian ko.
"Hindi po, Mommy. Pangako po."
MAGHAPON kaming namasyal ng park nila mommy. Kahit simple lang ang naging celebration ng kaarawan ko ngayon ay napakasaya ko pa rin. Alam ko naman na nagtitipid sila mommy. Kaya hindi na ako nag-demand ng magarbong party katulad nang nakasanayan ko.
Ang mahalaga naman ay nag-enjoy kaming pamilya. Nakalimutan pansamantala ng mga magulang ko ang problemang kinakaharap ng pamilya namin. Tiyak na pagbalik namin ng Manila ay hindi na namin magawang humalakhak at mamasyal. Dahil sa problemang kinakaharap ng aming pamilya.
"Nasabi mo na ba sa kanya, honey?"
Nangunotnoo ako na marinig ang boses ni daddy. Natutulog na ako sa kama. Katabi sila at dalawa naman ang kamang nandidito sa silid na kinuha namin sa hotel. Dinig kong napahinga ng malalim ang mommy. Kaya nanatili akong nakapikit at nakikinig sa mga ito.
"Hindi ko kaya, honey. Mahal na mahal ko ang anak natin." Wika ng mommy na bakas ang lungkot sa boses.
Napalunok ako. Binundol ng kakaibang kaba sa dibdib ko. Hindi ko pa man din alam ang nangyayari ay iba na ang nagpaparamdam sa akin. Si daddy naman ang napahinga ng malalim.
"Pero makakatulong iyon sa atin. Mapapabuti din no'n si Hannah. Isipin mo rin ang future ng anak natin, honey. Matanda na tayo at anumang oras ay pwedeng bawian ng hininga ng Maykapal. Inaalala ko ang dalaga natin. Paano si Hannah kapag namahinga na tayo, hmm?" saad ni daddy na puno ng pag-aalala.
Para akong pinipiga sa puso ko habang tahimik na nakikinig sa pag-uusap nila. Hindi ko yata kakayaning mawala sila sa akin. Oo nga't matanda na sila. Pero kahit gano'n ay gusto ko pa ring humaba-haba pa ang buhay nila. Hindi ko yata maimagine ang buhay ko na wala sila sa tabi ko.
"Magpahinga na tayo, honey. Saka na natin alalahanin ang bagay na iyan." Wika ni mommy dito.
Kinabukasan ay umarte ako na walang narinig sa napag-usapan nila daddy at mommy. Naging masaya ang short vacation namin dito sa Baguio ngayong weekend bago bumalik ng Manila.
Pagdating namin sa bahay, nangunotnoo ako na mabungarang may mga maleta dito sa sala namin. May dalawang supistikadang babae ang nakaupo sa sofa na tila hinihintay kaming dumating.
"Daniella! Nandidito na pala kayo!" bulalas ng daddy na sinalubong ng yakap ang supistikadang ginang.
Kinabahan ako na pasimpleng pinasadaan ng tingin ang dalawa. Kita kasing masungit ang mga ito. Bumulong ako kay mommy na nasa tabi ko.
"Mommy, sino sila?" tanong ko.
"Kapatid ng daddy mo, anak. 'Yong mas bata ay pinsan mo. Dito muna sila makikituloy sa atin habang ginagawa pa ang ipinapa-renovate nilang bahay," mahinang sagot nito.
Napanguso ako. Nilingon ang daddy na galak na galak makipag-usap sa dalawa. Pero kita namang walang kasigla-sigla ang mag-ina na nakikipag-usap kay daddy.
"Uhm, Hannah anak." Pagtawag nito sa akin kaya lumapit na kami ng mommy.
Napataas kilay pa ang mag-ina na nakamata sa aming dalawa ng mommy na lumapit sa kanila.
"Ito na pala ang ampon mo, Kuya. Dalaga na ha?" maarteng turan ng ginang na napasuri pa ng tingin sa kabuoan ko.
Hindi ko na lamang pinansin ang itinawag niya sa akin. Naramdaman ko naman ang palad ng mommy na marahang hinaplos ako sa likod.
"Ikaw naman, Belinda. Lalo kang tumanda a." Puna pa nito sa aking ina na ikinaigting ng panga ko.
"Mawalang galang na po. Hwag mo namang bastusin ang mommy ko," paninita ko dito na bumaling sa akin at napataas ng kilay na napapapilantik ng mga daliri.
"Excuse me, my dear. Hindi ko binabastos ang mommy mo. Nagsasabi lang ako ng totoo. Hindi ba't mas bastos ang makisabat sa usapan ng mga mas nakakatanda sa'yo? Where's your manners, hmm? Hindi ka ba naturuan ng magandang asal ng ina mo?" pagtataray nito sa akin.
Naikuyom ko ang kamao. Sasagutin sana ito pero kinalabit ako ng mommy na nauunawaan ko ang nais ipahiwatig. Napangisi pa ito nang hindi ako nakasagot.
"Uhm, Daniella. Tama na iyan." Pag-awat ng daddy dito na napahalukipkip at ismid.
Alanganing ngumiti ang daddy na bumaling sa aming mag-ina niya. Nagtatanong ang mga mata ko dito na kita ko ang pakiusap sa kanyang malamlam na mata.
"Anak, siya ang Tita Daniella mo." Pagpapakilala pa ng daddy dito. "Siya naman ang Ate Delilah mo. Magmula ngayon, dito na muna sila sa atin makikituloy. Okay lang ba sa'yong makasama sa silid mo ang ate mo?" maalumanay nitong saad na nangungusap ang mga mata.
"Po? Makakasama ko siya sa silid, Daddy?" pangungumpirmang tanong ko na naituro ang dalaga.
Napataas kilay naman ito sa akin habang ngumunguya ng chewing gum nito. Napapangisi pa na tila nang-aasar.
"Kung ayaw mo, pwede namang lumipat ka ng ibang silid. Mas maganda nga iyon. Dahil tiyak na hindi magiging komportable ang anak ko na kasama ka sa silid," mataray na saad sa akin ni Tita Daniella.
Napakuyom ako ng kamao na naningkit bahagya ang mga mata ko dito.
"Bakit hindi na lang kayong dalawa ang magsama sa silid, Tita? Hindi naman pala komportable ang anak mo na makasama ako e." Pabalang kong sagot dito na nag-igting ang panga at kitang hindi nagustuhan ang isinagot ko.
Matapang kong sinalubong ang mga mata nito kahit para na siyang mabangis na lobo na mananakmal ng kaharap. Napahawak naman ang mommy sa kamay ko. Na tila kinakalma niya ako.
"Ganyan ka ba pinalaki ng iyong ina, hmm? O sadyang. . . nananalaytay sa ugat mo ang kagaspangan ng ugali ng mga totoong magulang--"
"Tama na, Daniella. Hwag mo namang pagsalitaan ng ganyan ang anak namin. Mabait si Hannah. Kaya hwag mo nang sabunin ang anak namin," pagpapagitna ni daddy dito na napaismid.
"Mabait na 'yan? Wala ngang galang e." Parinig pa nito.
Hindi na lamang ako kumibo para hindi na lumaki ang gulo. Malamlam ang mga mata ni daddy na bumaling sa akin at nangungusap.
"Anak, alam mo namang maliit lang ang bakanteng silid natin, 'di ba? Hindi naman magtatagal dito ang tita at pinsan mo e. Si daddy na ang nakikiusap, hmm?" pakiusap nito sa akin.
Marahan akong tumango para hindi na bigyan ng alalahanin ang ama ko. Ngumiti naman ito na kitang nagpapasalamat sa tinging ginagawad sa akin.
"Sige po, Daddy. Walang problema sa akin." Sagot ko dito.
"Tsk. Aarte-arte pa." Bubulong-bulong parinig pa ni tita sa akin na hindi ko na pinansin.
LUMIPAS ang mga araw na dito sa bahay tumira ang mag-inang Daniella at Delilah. Naiinis ako dahil para na nila kaming ginagawang katulong ng mommy. Dahil housewife ang mommy, ito ang naglilinis ng bahay, nagluluto, naglalaba at maging paghuhugas ng mga pinagkainan.
Napakatamad ng mag-ina. Ultimo kape nila ay ipapagawa sa amin ni mommy. Araw-araw namang lumalabas ang daddy dahil inaasikaso nito ang bangko naming pabagsak na. Hindi na rin ako lumalabas ng bahay dahil ayokong maiwang mag-isa ang mommy na tiyak na aalilahin lang ng mag-ina.
Hindi ko alam kung nagsusumbong ang mommy kay daddy sa ginagawa ng kapatid at pamangkin nito sa amin. Hindi rin kasi ako makatiyempo na makausap ang daddy dahil late na itong umuwi at maaga namang umaalis.
Naiinis na nga ako dahil napakaburara ng mag-ina dito sa bahay. Kahit nga sa silid ay sa sofa ako natutulog dahil ayokong makatabi sa kama si Delilah. Napakadugyot nito na malakas uminom ng alak at magyosi. Kaya naman amoy upos na ng sigarilyo ang silid ko, hindi katulad noon na napakabango dala ng air freshener na gamit ko.
Ang kalat din nito. Nagdadala pa kasi ito ng pagkain sa silid pero hindi naman marunong maglinis. Basta na lang itatapon kung saan ang mga pinagkainan at inuman nito. Maging ang closet ko ay inangkin na niya. Ni hindi nito magawang ilagay sa laundry basket ang mga pinagbihisan nito. Hindi ko alam kung burara lang talaga ito o nananadya. Dahil alam niyang nililinis ko ang silid araw-araw.
"Belinda, ipagtimpla mo nga ako ng iced tea d'yan. Dalhan mo rin ako ng meryenda. Nagugutom na ako," utos ni Tita Daniella na nasa sala habang nanonood sila ng TV.
"Me too! Gusto ko ng orange juice at pasta. Bilisan niyo at gutom na rin ako," segunda ni Delilah.
Napaikot na lamang ako ng mga mata. Nandidito kasi kami sa kusina ni mommy. Nagluluto ng tanghalian. Napangisi ako na may naisip na kalokohan. Makabawi-bawi manlang sa mag-inang impakta.
"Ako na po, Mommy." Pagpigil ko kay mommy.
Nagtataka naman itong nilingon ako. "Sigurado ka, anak?"
Tumango ako na matamis na ngumiti dito. "Opo. Sige na, Mom. Ituloy niyo na po ang niluluto natin." Wika ko pa.
Tumango naman ito na hinayaan ako. Inabot ko ang juice na nasa refrigerator at nagsalin sa dalawang baso. Napapangisi na lamang ako na naglagay ng limang kutsarang asin sa kanilang juice! Alam kong magagalit ang mag-ina pero wala akong pakialam. Makabawi-bawi manlang ako sa pang-aabuso nila sa amin ni mommy.
Inilagay ko sa tray ang meryenda ng dalawa at dinala sa sala. Napailing na lamang ako na nagkalat sa sahig ang mga balat ng prutas at mga mga plastic ng pinagkainan nilang snacks kanina. Inilapag ko sa maliit na center table ang dala ko. Saglit pa nilang tinignan ang mga iyon na tila sinusuri. Hindi kasi ako gumagawa ng meryenda nila. Hindi nila ako mautus-utusan. Kaya ang mommy ang kinakaya-kaya nila.
"May ipapagawa pa ba kayo?" sarkastikong tanong ko.
Ngumisi pa ang mga ito na inabot ang dala ko.
"Wala ka bang inilagay dito? Kapag kami sumakit ang tyan dito? Malalagot kayo ng mommy mo," pagbabanta pa ni tita.
Napataas kilay lang ako. Hinihintay na inumin nila ang juice. Hanggang sa uminom sila at sabay na nasamid! Natawa ako na palipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa na sunod-sunod na napaubo at hawak sa leeg dahil sobrang alat ng nainom nila!
"Ikaw! Bruhilda ka talaga!" asik ni tita sa akin na tumayo.
Sinugod ako nito na akmang sasabunutan nang mabilis kong inabot ang tray at isinaboy dito ang laman no'n! Napatili pa ito na naligo siya ng sarsa ng spaghetti!
"How dare you! Ang kapal ng mukha mong saktan ang mommy ko!" singhal ni Delilah sa akin na akmang susugurin din ako pero inihampas ko sa kanya ang tray!
Napadaing ito na natapilok at napaupo sa sahig! Napatili pa ito na ikinaningkit ng mga mata ng ina niyang muli akong sinugod!
"Hwag na hwag mong sasaktan ang anak ko!" pagsulpot ni mommy na nasalo ang kamay nitong akmang sasabunutan ako!
"Ang sutil mong anak ang nagsimula! Walang modo ang anak mo!" singhal ni tita na pilit binabawi ang kamay kay mommy!
"Ah walang modo ha?" aniko na inabot ang juice nito at isinaboy ditong napasinghap at nagulat! "Sumusobra na kayo! Kahit kapatid pa kayo ng daddy, hindi tama ang ginagawa niyong inaalila kami ng mommy dito! Bahay namin ito! Nakikitira lang kayo dito!" sigaw ko sa mga ito.
"Sampid lang kayo sa bahay na ito, lalo ka na, ampon!" galit nitong sikmat sa akin na naiduro ako.
Nasampal ito ng mommy na napatagilid ang mukha at napasinghap! Dinaluhan naman ito ni Delilah.
"Kantihin mo na ako, pero hwag ang anak ko! Sino ka para sabihan siya ng ganyan ha?! Tinitiis ko ang inaasal niyong mag-ina dito, pero hwag na hwag niyong gagalawin ang anak ko!" singhal ng mommy dito.
Napalunok ako na kinabahan na makitang ngayon lang magalit ang mommy. Lalo namang naging matapang si Tita Daniella.
"Hoy, Belinda. Hindi ka asawa ng kuya. Dahil hindi kayo legal! At itong babaeng ito, sampid lang din ito dito sa bahay na 'to dahil ampon siya! Wala kang kakayahang magkaanak, 'di ba? Kaya nga inampon niyo ang babaeng ito na akmang itatapon ng sariling ina sa basurahan!" sigaw nito sa amin ni mommy na ikinanigas ko!
"Sinungaling ka! Hindi totoo 'yan! Maayos na ibinigay sa amin si Hannah ng kanyang ina!" galit na sigaw ng mommy dito.
"Anong nangyayari dito?!" bulyaw ng daddy na sumulpot dito sa bahay!
Sabay-sabay kaming napalingon dito na patakbong nilapitan kami dito sa sala at nagulat sa nakitang itsura ng mag-ina!
"Mabuti naman at umuwi ka, Kuya. Ang mag-ina mo. Hindi lang ako nagsasalita pero inaalila nila kami ni Delilah dito kapag wala ka." Pagdadrama nito na ikinamilog ng mga mata ko!
"Hoy, tanda! Sinungaling ka!" sikmat ko dito na hindi ko na napigilan pa!
Nagulat naman si daddy na napabaling sa akin.
"H-hannah? Kailan ka pa naging bastos-- aahh!"
"Daddy!"
"Honey!"
Panabay naming bulalas ng mommy na napahawak ito sa kaliwang dibdib na tila nahihirapang huminga! Kaagad namin itong dinaluhan at natataranta na inakay ito palabas ng bahay! Isinakay namin ito sa kotse. Ako na rin ang nagmaneho habang nasa backseat ang mga ito.
"Daddy! Daddy, lumaban ka po. Pasensiya na po kayo sa naabutan niyo. Pero wala pong katotohanan ang sinabi ni Tita Daniella sa inyo. Sila ang umaalila sa amin ng mommy!" pagkausap ko kay daddy habang taratantang nagmamaneho.
Nasa backseat naman sila ng mommy. Nakahiga ang daddy habang nakaupo ang mommy at nakaunan ito sa lap ni mommy.
"Honey, lumaban ka ha? Hwag mo kaming iiwan ng anak natin. Alam mong kailangan ka namin," humihikbing pakiusap ng mommy na yakap-yakap sa ulo ang daddy.
Panay ang sulyap ko sa mga ito sa rear view mirror ng kotse habang mabilis na nagmamaneho. Para akong nalulutang sa mga nangyayari. Kung alam ko lang na mapapauwi ng maaga ang daddy, hindi ko na sana ginantihan ang mag-ina. Hindi sana kami ngayon nahaharap sa mas malaking peligro!