“Ano?! Hinalikan mo si Gov. Elizalde?!” Hindi napigilan ni Julieth ang sarili na mapasigaw sa pagkagulat nang ikuwento ni Soledad ang nangyari matapos ang event sa Sta. Monica. Mabuti na nga lang at walang nakarinig sa kanya noong mga oras na iyon dahil malayo sila sa kumpol ng mga tao sa isang medical mission.
“Ano ba? Hinaan mo nga ’yang boses mo, baka may makarinig sa atin,” saway niya sa kaibigan. Nilingon pa niya ang mga taong abala sa ginagawa bago muling ibinaling ang tingin kay Julieth. “H-Hindi ko naman sinasadya.”
Napatawa na lang si Julieth sa naging sagot niya. Seryoso naman siya noong sinabi niya ang mga katagang iyon pero parang napakalaking joke para sa kaibigan ang narinig mula sa kanya. “Hindi sinasadya? Ano ’yon? Basta na lang lumapat ang labi mo sa labi niya tapos kusang gumalaw para maghalikan? Teh, dami kong tawa sa joke mo.” Hindi pa rin napigilan ni Julieth ang mapatawa. Kung may tao man na may karapatang magsabi ng masasakit na salita kay Soledad, si Julieth lang ang taong iyon. Ito lang kasi ang nagpapa-realize sa kanya ng mga maling desisyon at kabaliwan niya sa buhay. At isa na yata roon ang ginawa niya kagabi. Pero kahit ganoon siya pagsalitaan ng kaibigan, hindi naman siya napipikon dito. Minsan lang siguro ay may mga hindi sila pagkakaunawaan pero naaayos din naman nila pagkaraan.
“Eh, kasi naman, ang lapit ng mukha niya sa akin kagabi kaya hindi ko na napigilan ang sarili ko,” paliwanag niya. Alam niyang hindi iyon sapat na rason na basta na lang niya halikan ang gobernador pero wala na kasi siyang nagawa noong mga oras na iyon dahil naunahan siya ng nagsusumidhing damdamin para kay Governor Elizalde.
“Kung sa bagay, kahit ako ay baka hindi ko rin mapigilan ang sarili ko na halikan si Gov. kung sakaling nasa harap ko na siya. Ang yummy kasi niya.” Kunwaring nag-imagine si Julieth na tila kinikilig pa. Maging ito rin naman ay may paghangang nararamdaman sa gobernador pero hindi tulad ng lebel ng paghangang nararamdaman ni Soledad. Marami na rin kasing lalaking dumaan sa buhay ng kaibigan pero siya, tanging si Governor Elizalde lamang ang naging laman ng puso at isip niya simula pa noon. Kaya siguro hindi siya nagkaroon ng kasintahan dahil ang gobernador ang naging standards niya sa lalaki. May mga nanligaw naman kay Soledad pero kahit isa sa mga ito ay hindi pumasa sa taste niya. Maganda naman siya at may maipagmamalaki sa katawan kaya hindi kataka-takang maraming nagtangkang kuhanin ang pihikang puso niya.
Mula noon, sinabi na niya sa sarili na kung hindi tulad ni Governor Elizalde ang magiging kasintahan niya, hindi na lang siya magbo-boyfriend. Governor Elizalde is her example of perfection. The man was beautiful inside and out. Kung hindi lang talaga malayo ang edad nila at puwede na siyang mag-boyfriend noong panahong nakilala niya ito, malamang ay siya na mismo ang gumawa ng paraan para magkadaupang-palad sila at makilala nila ang isa’t isa. Iyon nga lang, hindi yata gumawa ng paraan ang tadhana para maglapit ang kanilang landas dahil bago pa man dumating sa hustong edad si Soledad ay nabalitaan na niya na nagkaroon na ito ng kasintahan. Veronica ang pangalan ng naging kasintahan nito noon at ngayon ay kasal na sila at may isang anak.
“Mga beh, baka puwedeng galaw-galaw tayo. Kanina pa hinihintay iyang mga box ng gamot sa area, oh.” Siya namang singit ng isa sa mga staff ng medical mission kaya natigil sila sa pag-uusap. Kaagad naman nilang kinuha ang mga box na naglalaman ng gamot sa pick-up truck na kailangan.
“Sorry po, Madam. Heto na po,” sagot ni Soledad bago dimapot ang isang box.
“Pakibilisan ng kilos, padating kasi si Governor ngayon. Check niya raw ang progress ng medical mission natin,” saad ng staff na sumita sa kanila. Akmang pahakbang na sana si Soledad pero napatigil ito nang marinig ang sumunod na sinabi ng matandang babae sa kanila.
“P-Po? Si Governor, parating?” tanong niya.
Taas ang isang kilay ng matandang staff na tumingin sa kanya nang marinig ang tanong. “Yes. May problema?” pumamewang na tanong ng babae sa kanya.
“W-Wala po.” Panay ang iling niya bago pumunta sa area. Mukhang hindi niya maiiwasang makita ang gobernador matapos ang nangyari kagabi. Bakit kasi niya ginawa ang bagay na iyon? Iyan tuloy ang nangyari, hindi niya alam kung may mukha pa siyang maihaharap sa gobernador oras na magkita sila ng mata sa mata.
Habang inilalapag ni Soledad ang kahon ng mga gamot sa mesa na dapat paglagyan ay may narinig siyang hudyat sa isa sa mga staff ng medical mission. “Nandiyan na si Governor Elizalde!” Napatda ang tingin niya at tila hindi niya maigalaw ang mga paa sa kinatatayuan nang marinig iyon. Hindi rin niya magawang alisin ang mga daliri sa ilalim ng kahon na dala dahil parang ayaw gumalaw ng ng katawan niya noong mga oras na iyon.
“Bakla, okay ka lang?” sita sa kanya ni Julieth nang mapansin siyang balisa pero hindi man lang makaalis sa kinatatayuan.
“O-Oo, CR lang ako.” Saka pa lamang siya nakahakbang palayo. Tinakpan pa niya ang mukha gamit ang karton na lalagyan ng gamot para hindi siya mapansin ng gobernador. Sinigurado niyang hindi siya dadaan sa harap nito. Mabuti na lang talaga at sa gobernador nakatuon ang atensyon ng lahat kaya walang nakapansin sa ginagawa niyang kakaibang pag-iwas para lang hindi siya mapansin ni Governor Elizalde.
Nang makarating siya sa loob ng CR ay saka pa lamang siya nakahinga nang maluwag. Itinuon niya ang kamay sa sink at tiningnan ang sarili sa salamin. “Kaya mo ’yan, Sol,” wika niya sa sarili ngunit pagkaraa’y napasabunot na lang din sa kanyang buhok. “Bakit naman kasi ngayon pa? Hindi pa ako nakaka-recover sa nangyari kagabi pero heto na naman.” Para siyang baliw na kinakausap ang sarili sa harap ng salamin. Pero hindi siya maaaring magtagal doon dahil kailangan siya sa medical mission kaya nilaksan na lang niya ang loob niya bago lumabas ng banyo. Bahala na. Kung sakaling magkita sila ng gobernador ay iiwasan na lang niya ito.
Nagbuga siya nang malalim na hangin sa dibdib bago tuluyang lumabas ng banyo. Subalit nang makalabas siya ay may biglang lumitaw sa harap niya na lalaki na tingin niya ay papasok pa lamang ng banyo ng lalaki. “Soledad?”
Nanlaki ang mga mata niya sa nakita. “G-Governor.”