Chapter 2

2156 Words
PAG-UWI ni Anne nang hapong iyon mula sa trabaho, tulad ng dati ay nadatnan niya si Lola Marcela sa teresa sa loob ng silid nito. Nakaupo ang matanda sa paborito nitong lounge chair at nakatingin sa malayo habang hawak sa kandungan ang isang picture frame. Kahit nakataob ang picture frame at hindi niya nakikita kung sino ang nasa larawan, batid niya na ang pinakamamahal nitong apo at dati niyang kaibigan ang naroon – si Jonathan. Magkasama silang umiyak ni Lola Marcela noon nang sapilitang kunin si Jonathan ng mga magulang nito. Matagal siyang nangulila sa biglaang pag – alis nito subalit habang lumalaki siya at nagdadalaga ay unti – unti iyong napalitan ng galit.Sa loob kasi ng mahabang panahong pagkawala ni Jonathan, ni minsan ay hindi man lang nito nagawang tumawag o sumulat na tila kinalimutan na sila ni Lola Marcela. "Lola," aniya at humawak sa balikat nito. "Anne, nariyan ka na pala," tila nagulat pang sabi ng matanda. Hindi man lang nito naramdaman ang kanyang pagdating. Nagmano siya rito."Hawak n'yo na naman pala 'yan," aniya, tukoy ang picture frame. Naupo siya sa rattan chair sa tabi nito. Tulad ng dati ay malungkot na naman ang anyo ni Lola Marcela. Tanda na hindi sapat ang kanyang pagmamahal at presensiya sa buhay nito sa matagal na panahon upang mawala ang kalungkutan nito. Anim na buwan pagkatapos umalis ni Jonathan ay pumanaw naman ang kanyang Lola Cora. Na–hit-and-run ito habang namimili sa palengke sa bayan. Si Lola Marcela ang kauna–unahang nakiramay sa kanya at gumastos sa pagpapalibing sa lola niya. Tuluyan nang hindi nagpakita sa kanya ang kanyang ama. Isa itong Norwegian soldier na napagawi sa bayan nila kaya nakilala nito ang kanyang ina. Nagkagustuhan ang mga ito, nagpakasal at ipinanganak siya. Natatandaan pa niya kung saan – saang lugar nadedestino ang kanyang ama kaya lagi nilang hindi nakakasama ito. Hanggang sa bigla na lang itong tumigil sa pagdalaw sa kanila at tuluya nang hindi niya nakita. Bago pa magkasakit ang kanyang ina ay naipagtapat nito na may bagong pamilya na ang kanyang ama sa bansang pinanggalingan nito. Sa kanyang batang isip ay galit na galit siya sa ama dahil sa pagtalikod nito sa kanila. Dahil inabandona na si Anne ng kanyang ama, masasabing ulila na siyang lubos kaya inampon siya ni Lola Marcela. Binigyan siya nito nang marangyang buhay, pinag – aral siya at itinuring na parang tunay na apo. Sila ang naging magkaramay sa lahat ng bagay sa matagal na panahon. "Humingi ako ng update sa detective kanina,pero wala pa rin siyang balita kung nasaan na ang apo ko, Anne," malungkot na pagbabalita nito. Hindi napigilan ni Anne ang mapabuntong – hininga. Ilang taon nang pinapahanap ni Lola Marcela sa detective ang anak nitong si Rigor at ang pamilya nito. Nakailang palit na rin ito ng detective subalit ang tanging naibigay na balita ng mga ito ay dating tumira sa North Carolina sa Amerika si Rigor at ang pamilya nito.Nakalipat na sa ibang state ang mga ito bago pa man napuntahan. Mahigit sampung taon na ang report na iyon. At hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin silang natatanggap na maganda at bagong balita. "I give up, Anne. Kung talagang babalik si Jonathan, babalik naman siya kahit hindi ko na ipahanap, hindi ba?" Tumango siya at inakbayan si Lola Marcela.Noon pa niya gustong sabihin na tigilan na nito ang pagbabayad sa detective dahil wala namang nangyayari sa paghahanap ng mga ito. Subalit hindi niya iminungkahi iyon dahil ayaw niyang sumama ang loob nito sa kanya. "Makita ko man lang sana sila bago ako mamatay." Napamulagat siya sa narinig. "Huwag kayong mag – isip tungkol sa kamatayan, Lola. Malakas pa kayo, babalik din ang anak n'yo at makikita n'yo pa uli si Jonathan." "Kailan naman 'yon, Anne?"mapait na tanong nito. Hindi siya nakasagot. "Ipangako mo, Anne, ihihingi mo ako ng tawad kay Rigor at Debbie kung sakaling dumating ang araw na maisipan nilang bumalik dito at wala na 'ko. Sabihin mo sa kanila na pinagsisisihan ko na ang lahat ng masamang ginawa ko sa kanila. Pakisabi na rin kay Jonathan kung gaano ko siya kamahal." "Lola..." Ikinurap – kurap niya ang kanyang mga mata upang pigilan ang pag-iyak. Bakit ba kung magsalita ito ay parang nagpapaalam na? "Just promise me, Anne," nakikiusap na sabi nito. Hinawakan pa nang mahigpit ang kanyang mga kamay. "I – I promise, Lola." Biglang ngumiti si Lola Marcela. "Thank you, Anne." Gumanti siya ng ngiti at niyakap ito nang mahigpit. Naniniwala siya na depressed lang ang matanda kaya nakapagsasalita ito nang ganoon. Kung may magagawa nga lang siya para bumalik na ang mga mahal nito sa buhay ay gagawin niya mapasaya lamang ito. She would do everything for her, huwag lang niyang nakikitang nalulungkot at nahihirapan ito. SAKAY ng kanyang pick-up, binaybay ni Nathan ang main road ng bayan ng San Rafael. Base sa nakikita niyang mga gusali tulad ng mall,mga motel at inn, mga banko at nagkalat na mga bar at restaurant, walang duda na maunlad na nga ang bayan na sapilitan niyang nilisan noong katorse anyos siya. Kinuha siya ng kanyang mga magulang sa poder ng Lola Marcela niya. Isinama siya nang mga ito sa Maynila at hindi nagtagal ay tumulak sila patungong Amerika. Doon na siya tuluyang nagbinata at nag – aral hanggang sa makapagtapos siya ng kolehiyo. Isa na siyang Arkitekto. Bumalik si Nathan sa Pilipinas tatlong taon na ang nakakalipas at nakipag–partner siya kay Renzo, ang kanyang best friend na isa ring Filipino at kapwa niya arkitekto, sa itinayo nitong architectural firm. Subalit tahimik lamang siyang kasosyo ni Renzo at hindi gaanong nakikialam sa kompanya dahil hindi naman siya nagtatagal sa bansa nang mahigit dalawang linggo. May negosyo rin kasi siya sa Portland, Oregon at iyon ang mas prioridad niya. Ilang linggo na ang nakararaan nang makakuha sila ng isang malaking proyekto, dahilan upang manatili siya sa bansa nang mas matagal sa kanyang nakasanayan. Naging busy na kasi si Renzo sa pagpapakasal sa long-time girlfriend nito kaya sa kanya nalipat ang pagsu–supervise sa proyekto. Sa makalawa na ang kasal ni Renzo sa hometown nito sa Baguio.Pinapapunta siya nito roon nang mas maaga para makapamasyal pa sila. Nasa NLEX na siya nang maisipan niyang dumaan muna sa kinalakihan niyang probinsiya. Wala siyang bibisitahing partikular na tao dahil wala na naman silang mga kamag – anak sa San Rafael. Gusto lamang niyang magkita ang kinalakihang hacienda kahit batid niyang iba na ang nagmamay – ari noon. Ilang sandali pa ay bumungad sa kanya ang isang malaking ospital, ang Dr. Guillermo Memorial Medical Center.Napangiti siya nang maalalang pag – aari iyon ng pamilya ng kanyang dating kaklase na si Rommel. Dati ay isang maliit na pribadong ospital lamang iyon, ngunit ngayon ayon sa nakikita, siguradong iyon na ang pinakamalaking ospital sa San Rafael o maaaring sa buong lalawigan. Natupad kaya ni Rommel ang pangarap nitong maging isang doktor? Bukod sa ospital,nadaanan din ni Nathan ang simbahan na kasalukuyang nire-renovate. Iyon ang pinakamalaki at pinakamakasaysayang simbahan sa buong lalawigan. Doon sila nagsisimba noon ng kanyang Lola Marcela tuwing Linggo.Muli siyang napangiti nang sumunod na nadaanan ang St. Rafael Academy. Iyon ang nag – iisang private school noon sa San Rafael. Doon siya nag –aral mula prep hanggang second year high school.Ibang- iba na ang istruktura ng paaralan at marami na ring mga bagong gusali subalit naroon pa rin ang oval field. Marami silang alaala ni Rommel sa lugar na iyon dahil pareho silang track and field players. Katabi ng St. Rafael Academy ang public high school, kasunod ang elementary school ng San Rafael. Bigla niyang naalala ang kanyang kababatang si Anne dahil doon ito nag – aral.Naalala niyang pangarap noon ni Anne ang maging isang nurse dahil gusto nitong maalagaan nang husto ang Lola Cora nito kapag nagkasakit. Sigurado siyang natupad nito ang pangarap nito sa sarili dahil masipag itong mag-aral. Ilang sandali pa ay nakalagpas na si Nathan sa bayan; sumunod na bumungad sa kanya ang tila walang katapusang palayan.Ayon sa natatandaan,tama ang daan na tinatahak niya patungo sa dating hacienda nila, ang Hacienda Montemar. He was sure iba na ang pangalan ng hacienda ngayon o maaring naging parte na iyon ng hacienda ng mga Custodio dahil ayon sa kanyang papa, sa pamilya ni Rommel ipinabenta sa abogado nito ang hacienda pagkatapos na sumakabilang buhay ang kanyang Lola Marcela. Nakaramdam siya ng paninikip ng dibdib nang maalala ang kanyang pinakamamahal na lola. Sampung taon siya nang ipinagtapat ni Lola Marcela ang ginawa nitong pagmamalupit sa mama niya kaya ganoon na lang galit ng kanyang mga magulang dito. Nang matapos ang kuwento at humingi ng tawad sa kanya ay pinatawad din niya ang matanda. It was a classic story. Ayon sa Lola Marcela niya, may ibang babaeng itong gusto at ang Lolo Fredo niya para sa kanyang papa. Subalit sinuway ng kanyang papa ang mga magulang at itinanan ang mama niya na isang simpleng saleslady sa isang mall sa Maynila. Buntis na ang mama niya sa kanya nang bumalik ang mga ito sa hacienda at humingi ng tawad sa kanyang lolo at lola. Pinatawad naman ang mga ito at tumira ang mga magulang niya sa mansiyon. Naipanganak na siya nang mag–umpisang pagmalupitan ng kanyang lola ang kanyang mama. Inalila ito ng kanyang Lola Marcela sa loob ng halos dalawang taon. Nag – aaral pa noon sa Maynila ang papa niya kaya hindi nito alam ang ginagawa ng lola niya at takot din naman ang mama niya na magsumbong.Isang linggo pagkatapos makagraduate ng papa niya sa kolehiyo ay bumalik na ito sa hacienda-at doon nito naabutan na sinasaktan ng lola niya ang mama niya. Nagalit nang husto ang papa niya at nag – alsa balutan kasama ang kanyang mama subalit hindi pumayag ang lola at lola niya na isama siya.Dahil marami pa noong armadong tauhan ang lolo niya ay hindi siya naisama ng mga ito.Limang taon siya nang pumanaw ang kanyang Lolo Fredo ngunit katorse – anyos na siya nang balikan siya ng mga magulang at sapilitang kunin. Given a choice, hindi – hindi talaga niya iiwan ang lola niya. Siya na lang ang meron ito. Maaaring matapobre ito katulad ng madalas sabihin ng mga magulang niya ngunit mahal na mahal pa rin niya ang matanda. Hindi niya ito ipagpapalit sa kanyang mga magulang na walang ginawa kung hindi higpitan siya. Ilang beses na sinubukan niyang sulatan at tawagan noon ang lola niya subalit mahigpit ang pagbabantay na ginagawa ng kanyang mga magulang sa kanya. Hinaharang ng mga ito ang lahat ng mga sulat na ipapadala sana niya sa lola niya. Labing – anim na taon na siya at nakatira na sila sa North Carolina sa Amerika nang ibalita ng kanyang papa na patay na ang lola niya. Inakala niyang uuwi sila sa Pilipinas upang makita man lang nila ang mga labi nito subalit ang papa lang niya ang umuwi at kaagad pa nitong pina – cremate ang labi ng kanyang lola. Galit na galit siya noon sa kanyang papa dahil sa ginawa nito at sa hindi nito pagpayag na umuwi rin siya. After a few months, nang muling makakita ng pagkakataon ay naisipan niyang sulatan si Rommel.Kinumusta niya ito at tinanong ang tungkol sa pagkamatay ng lola niya. Rommel answered back para lang masaktan dahil ayon sa kuwento nito ay girlfriend na nito si Anne. He loved Anne; kahit bata pa siya noon ay sigurado siya sa sarili na ito ang gusto niyang makasama habang - buhay. Hindi na siya muling sumulat kay Rommel. Para saan pa? Wala na ang Lola Marcela niya at inagaw na nito sa kanya si Anne. Hindi nagtagal ay lumipat sila sa Portland, Oregon kaya naging mas madali para sa kanya na kalimutan ang lahat ng bagay na nagpapaalala sa kanya sa San Rafael. Binuksan ni Nathan ang bintana ng kotse upang makasagap ng sariwang hangin.Nag – enjoy siya sa nakikita. Hindi niya napansin ang isang papatawid na kalabaw. Huli na upang makapag-preno siya, tumama ang sungay ng kalabaw sa left side mirror ng sasakyan at natalsikan ng ilang piraso ng bubog ang kaliwang braso niya at mabilis na nagdugo. Kaagad siyang bumaba ng sasakyan.Mabilis namang naglapitan ang mga magsasaka na nakakita sa pangyayari. "Naku, Amang may sugat ka," sabi ng isang may edad na babae. "Wala ho ito, yung kalabaw nasaktan ko ba?" nakangiwing tanong niya habang patuloy sa pagdurugo ang kanyang braso. "Hindi naman, sungay lang naman ang nataman ng sasakyan mo pero kailangang magamot ang sugat mo. Halika sumama ka sa akin upang magamot ka," pagmamagandang loob ng isang matandang lalaki. "Hindi na ho," mabilis niyang tanggi. Wala siyang tiwala sa first - aid ng mga taga-baryo. Ospital ang kailangan niya."Pupunta na lang ho ako sa ospital." "Kaya mo ba?" tanong pa ng isa. "Oho!" aniya at bumalik sa loob ng sasakyan. Nag – U – turn siya at mabilis na nag – drive patungo sa malaking ospital na nakita niya kanina. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD