“ARE YOU READY?”
Iritableng nilingon ni Anne si Nathan nang marinig ang boses nito.
“Puwede bang hintayin mo na lang ako sa labas?” pasinghal na sabi niya sa lalaki. Walang kaabog – abog kasing pumasok ito sa kanyang silid habang nag – aayos pa siya.
“Okay. Bilisan mo lang,” anito at naglakad na palabas ng kanyang silid.
Napabuntong – hininga siya nang tuluyang mawala sa paningin niya si Nathan. Nakatanggap ng invitation si Lola Marcela sa kaarawan ng governador; kaibigan ng matanda ang governador at dahil bawal dito ang magpuyat ay inutusan sila ni Nathan na um – attend at magbigay ng regalo nito. Gustuhin man niyang tumanggi ay hindi niya nagawa dahil ayaw niyang sumama ng matanda sa kanya. Kaya kahit ayaw niyang makasama si Nathan ay wala siyang choice kundi sumama rito.
Napalingon siya nang muling makarinig ng kaluskos sa pinto ng kanyang silid. Nakita niyang pumapasok si Lola Marcela. Mabilis niyang dinaluhan ito.Kinuha niya rito ang yakap nitong may-kabigatang box na yari sa antigong kahoy at ipinatong niya iyon sa ibabaw ng tokador.
“You’re so beautiful, Anne,” papuri nito sa kanya pagkatapos niyang paupuin ito sa silya sa harap ng vanity mirror.
Nginitian niya ito. “Thanks, Lola.”
“Buksan mo ang box, Anne, mayroon akong alahas na bagay riyan sa suot mo,” utos nito.
Tumalima siya. Bigla siyang napanganga nang tumambad sa kanya ang laman ng box. Punong – puno iyon ng iba’t – ibang klase ng alahas. Wala siyang gaanong alam sa mga alahas pero batid niyang gawa sa diyamante ang karamihan sa mga iyon. Mula sa box ay kinuha ni Lola Marcela ang isang kuwintas, hikaw, bracelet at singsing at pinasuot sa kanya. Bantulot pa siyang sumunod sa utos nito.
“Perfect!” anito pagkatapos niyang maisuot ang kuwintas sa kanyang leeg. “Huwag mo nang hubarin ‘yan at isuot mo sa party,” utos nito.
“Pero, Lola, baka maiwala ko ang mga ito,” tanggi ni Anne habang hawak niya ang oval-shaped na pendant ng suot na kuwintas.
“No, you won’t. Alam kong iingatan mo ang mga iyan. Sa iyo na rin ang lahat ng mga alahas na ito.”
Napanganga siya sa sinabi ng matanda. “Lola, hindi ko matatanggap ang mga ‘yan, sobra – sobra na ang mga naibigay n’yo sa akin.Kay Nathan o kay Gerson n’yo na lang ibigay, Lola,” tanggi niya.
“No, Anne, para sa’yo talaga ang mga ‘yan. At hindi ka puwedeng tumanggi.” Hinawakan pa ng matanda ang kanyang mga kamay. “Thank you for taking care of me, Anne,” nito.
“Lola, ako dapat ang mag – thank you sa inyo dahil sa pag – ampon ninyo sa akin.Kung hindi dahil sa inyo, baka po kung ano na ang nangyari sa akin at hindi rin ako makakapagtapos ng pag – aaral,” naiiyak nang sabi niya.
“No, Anne, mas ako ang pinasaya mo noong pumayag kang manatili sa poder ko. Masaya ako at nakatagpo ka ng tamang lalaking magmamahal sa ’yo ng totoo. Tanggapin mo na ang munting regalo ko, okay?”
Reluctant pa siyang tumango at yumakap rito nang mahigpit. “Thank you, Lola. Thank you,” nasabi na lang niya.
“YOU SHOULD have worn a fabulous dress,” bulong sa kanya ni Nathan habang nililibot nito ang tingin sa paligid pagkatapos nilang batiin ang gobernador.
Pagdating pa lang nila sa pagtitipon ay napansin na kaagad ni Anne ang tila pagpapaligsahan ng mga bisita sa suot na damit at alahas. Isang itim na dress na hanggang tuhod ang haba at ang set ng alahas na bigay ni Lola Marcela ang suot niya. Kahit simple lang ang tabas ng damit ay tiwala siyang elegante iyon. Hindi siya pupurihin ni Lola Marcela para magsinungaling.
Pinili na lang niyang huwag kumibo sa sinabi ni Nathan. Nasorpresa siya nang marami sa mga bisita ang nakakilala at bumati sa lalaki. Naalala niya na kung saan – saan na nga pala nakarating ito kasama sina Lola Marcela at Gerson sa nakalipas na mga buwan at ipinakilala ng matanda bilang apo nito sa mga kakilala.
Napuna ni Anne na nagkalat din ang mga kamag – anak ni Rommel. Nakaramdam siya nang biglang pamimigat ng dibdib nang hindi siya pansinin ng ilan sa mga kamag – anak ng binate. Marahil nakarating na rin sa mga ito ang tungkol sa paghihiwalay nila ni Rommel at iniisip ng mga ito na may relasyon sila ni Nathan dahil sila ang magkasama. Muntik na niyang matampal ang noo nang maalala niyang uncle ni Rommel ang gobernador kaya natural lang naroon ang mga kamag – anak nito.
“Nathan, umuwi na tayo,” sabi niya kay Nathan nang mapagsolo sila. Naibigay na naman nila ang regalong ipinabibigay ni Lola Marcela kaya maaari na silang umuwi.
Hindi na niya gustong magtagal pa sa party dahil nag – aalala siya sa maaring isipin ng mga makakakita sa kanila ni Nathan. Kung may makakapagsabi kay Rommel na magkasama sila ni Nathan, malamang ay lalong magalit ito sa kanya at iyon ang iniiwasan niyang mangyari. Hindi gaanong malapit si Rommel sa celebrant kaya hindi siya sigurado kung dumalo ito sa party.
Isang linggo na ang nakakalipas mula nang pormal na makipaghiwalay ang binata sa kanya. Hindi sila nagkikita sa ospital dahil magkaiba na ang shift nila. Plano niyang puntahan ito sa susunod na araw para muling kausapin. Siguro naman ay hindi na mainit ang ulo nito at makakapagpaliwanag na siya nang maayos.
“What? Kadarating lang natin, ah,” gilalas na wika ni Nathan.
“Sumama kasi ang pakiramdam ko, eh,” pagdadahilan niya.
“Tiisin mo muna. Marami pa akong gustong kausapin.”
Nakaramdam ng pagkainis si Anne sa sinabi nito. Nakasimangot na siya nang muling magsalita. “Kung ayaw mong umuwi, uuwi akong mag – isa,” pananakot niya.
Tinitigan siya nito na wari inaarok ang kaseryusohan niya. “I mean it, Nathan.”
“Fine, umuwi ka mag – isa kung gusto mo,” matigas na sabi nito.
Walkout ang isinagot niya rito. Inaasahan niya na susundan siya nito subalit nakalabas siya ng gate na walang Nathan na humabol sa kanya. Pinigilan niya ang mapaiyak at itinuloy niya ang paglalakad paglayo sa bahay ng gobernador.
Ilang bloke na ang nalalakad niya nang maalalang malayo sa gate ng subdivision ang bahay ng gobernador at wala ring nakakapasok na dyip o tricycle doon. Naisip niyang bumalik na lang sa party at tiisin ang pangungutya ni Nathan.
No! sigaw ng isip niya. Mas gugustuhin pa niyang maglakad hanggang sa makahanap siya ng masasakyan pauwi kaysa muling makasama si Nathan.
Nagpatuloy siya sa paglalakad. Hanggang sa nag – umpisang manakit ang kanyang mga paa dahil sa mataas na takong ng sapatos na kanyang suot. Napahinto siya nang hindi na niya matiis ang pananakit ng kanyang mga paa. Kahit naka – dress siya ay wala siyang pakialam na naupo sa gilid ng kalsada at pagkatapos ay hinilot ang nanakit na mga paa.
Napatingin si Anne sa kalsada nang marinig ang paparating na sasakyan na makakasalubong niya. Bago pa makalapit ang sasakyan ay nakatayo na siya at muling itinuloy ang paglalakad. Bahagya siyang nasilaw nang dumaan sa gilid niya ang sasakyan at lumagpas sa kanya. Itinuloy niya ang paglalakad. Napalingon siya nang marinig ang pag – angil ng gulong ng sasakyan na tila bigla nagpreno. Bumaba ang sakay noon at naglakad papalapit sa kanya.
“Anne?” gulat na bulalas nito.
“Rommel?” gulat ding sambit niya.
Mabilis itong nakalapit sa kanya. “What are you doing here?” tanong nito.
Nahahapong sumagot siya. “Kailangan ko nang masasakyan papunta sa gate,” sa halip na tugon niya.
“I’ll take you there,” sabi nito at inilalayan siya pasakay sa dala nitong sasakyan.
“HINDI SANA ako pupunta sa party ni Uncle, kaso kinulit ako ng mga pinsan ko kaya napapunta ako,” sabi ni Rommel.
I’m glad I did. Kung hindi ay hindi sana kita nakita.”
“Mabuti na lang nagpunta ka,”tugon ni Anne habang hinihilot nito ang nagpaltos nang mga paa.
Naaawang sinulyapan ni Rommel ang dalaga habang nagda – drive. Gulat na gulat talaga siya kanina nang makita niya itong naglalakad sa gilid ng kalsada. Inakala pa niyang nagha – hallucinate lang siya dahil laging nasa isipan niya ito. Nang bumaba ng sasakyan ay hindi nga siya nagkamali sa nakita.
Ngayon ay komportable na itong nakaupo sa tabi niya. Hindi rin siya pumayag na hanggang sa gate lang ng subdivision niya ito ihatid. Pinilit niyang ihatid ito sa bahay at kalimutan na ang tungkol sa pagdalo niya sa party.
“I can’t believe hinayaan ka ni Nathan na umuwing mag – isa.”He gritted his teeth. Kanina pa naikuwento ni Anne ang nangyari at hindi niya nagustuhan ang kanyang narinig.
“Sa susunod na makita ko uli siya, hindi ako mangingiming makipag – away uli sa kanya.” Hindi siya bayolenteng tao subalit pagdating kay Anne ay magagawa niyang makapanakit ng ibang tao maiganti lang ito.
“Hayaan mo na lang siya, Rommel.”
Hindi siya kumibo. Namagitan sa kanila ang sandaling katahimikan nang biglang magkasabay silang magsalita.
“Rommel, I’d…”
“Anne, I …”
Nagkatawanan sila. “You first,” pagpapaubaya niya.
“Rommel, gusto ko lang ipaliwanag kung ano talaga ang nangyari habang wala ka.”
Kaagad siyang umiling. “Ayoko nang pag – usapan ‘yon, Anne.
“Pero, Rommel wala talagang –”
“Stop it, Anne,” putol niya sa sinasabi nito. “Can we just be friends? Hindi naman ito ang unang breakup natin, we’re better off as friends.”
Dalawang linggo na ang nakakaraan nang muli silang maghiwalay. Nagalit si Rommel nang bigla na lang siyang pinuntahan nito para lang kompirmahin ang nagawa niyang kasalanan na matagal na niyang pinagsisihan kaya bigla na lang niyang itinuloy ang pakikipaghiwalay rito. Lumabas din kaagad siya ng banyo pagkatapos niyang kalmahin ang kanyang sarili. Gusto niyang bawiin ang kanyang sinabi. Makikiusap siya rito na siya ang piliin at hindi si Nathan subalit wala na ito. Ang masakit pa, iniwan nga nito ang engagement ring gaya ng sinabi niya at isinama pa ang bracelet na kabibigay lang din niya. It was clear, tinanggap nito ang pakikipaghiwalay niya.
Inabala ni Rommel ang sarili sa trabaho ng mga sumunod na araw upang makalimutan ang natanggap na kabiguan. Nagpalipat siya ng departamento at pinilit ang sariling huwag isipin si Anne. Kailangan niyang move on kahit gaano pa kasakit. Naisip niyang bumalik na lang sa Maynila at tanggapin ang job offers sa kanya sa Philippine Orthopedic Hospital at magtayo ng sariling klinika para mas madali siyang makalimot. Subalit napagtanto niyang hindi pa rin niya kayang lumayo nang tuluyan kay Anne. Dahil kahit nasa ibang departamento na siya ay gumagawa pa rin siya ng paraan makita lamang niya ito kahit na sandali. Hindi talaga niya kayang mabuhay nang wala ito, kaya kahit friendship lang ang maibalik sa kanila ay okay lang sa kanya. Huwag lamang itong tuluyang mawala.
Marahas na napabuntong – hininga si Anne. “Kung iyan talaga ang gusto mo, sige,” pagsuko nito.
“Mabuti na ba ang pakiramdam mo?” pag – iiba niya ng usapan.
“Huh?” naguluhang tanong nito.
“Ang sabi mo umalis ka sa party dahil sumama ang pakiramdam mo. Are you feeling okay now?”
Sandali hindi ito nakasagot. “Yes, I’m okay now,” tugon nito mayamaya at umayos ito sa pagkakaupo.
“Good. I’m hungry. I guess hindi ka nakakain sa party. Kumain muna tayo bago kita ihatid,”mungkahi niya na hindi naman nito tinutulan.
ANG MALAKAS na tili ng nurse ang gumising kay Anne nang sumunod na araw. Nadatnan nitong walang malay na nakabulagta sa banyo si Lola Marcela habang nagdurugo ang likod ng ulo.
Kaagad na isinugod nila ito sa ospital.
Makalipas ang halos dalawang oras ay tulalang naglakad sa hallway palayo ng operating room.Maraming siyang nakasalubong at nagtanong kung okay lang siya subalit wala siyang pinansin sa mga ito. Nagtuloy – tuloy siya sa tila walang direksyon na paglalakad. Nang makarating siya sa chapel sa loob ng ospital ay saka lang niya pinalaya ang kinikimkim sa kalooban. Tuluyan na siyang napaiyak.
Hindi niya matanggap ang sinabi ni Dr. Golote, ang neurosurgeon sa ospital na pinsan din ni Rommel sa mother side:
She has a massive head trauma. She is in a coma. I’m sorry but her brain has shown no activity… Nababago ang lahat ng panalangin…”
At iyon ang sinunod niya.
Habang nakaluhod ay taimtim siyang nanalangin para sa isang himala.
Please, Lord, hayaan N’yo pa pong mabuhay si Lola. Huwag po Ninyo muna siyang kunin dahil ngayon pa lang siya muling sumaya.
Hindi niya alam kung gaano siya katagal sa ganoong ayos. Naramdaman na lang niya na may humawak sa balikat niya.
“Anne…”
Kaagad siyang napalingon nang makilala ang boses. Kay Rommel. Malungkot na malungkot din ang hitsura nito patunay lang na alam na nitong ang nangyari. Sumubsob siya ng yakap dito. Sa mga bisig nito itinuloy niya ang pag – iyak