ISANG BOUQUET ng iba't – ibang klase ng bulaklak ang iniabot ni Rommel kay Anne pagsakay niya sa sasakyan ng binata. Tulad ng dati ay sinundo siya nito upang sabay silang pumasok sa trabaho.
"Mom, arranged that for you," nakangiting sabi nito.
"Thanks," nakangiting tugon ni Anne at sinamyo ang mga bulaklak. Nang sabihin nitong liligawan uli siya ay araw – araw na siyang nakakatanggap ng bulaklak mula rito. Seryoso talaga si Rommel sa panliligaw. Kung siya ang tatanungin ay hindi na nito kailangan pang gawin iyon.
Hindi pa ba obvious kung ano ang nararamdaman niya para sa lalaki sa paraan ng pagtungon niya sa mga halik nito? For the past three years, tuwing nagpapalam ito sa kanya para bumalik na sa Maynila pagkatapos dumalaw sa bayan nila, hindi maaaring hindi sila magsasalo sa makapugtong – hiningang halik bago ito umalis. Doon pa lang ay mahahalata na ang nararamdaman niya para dito. She would probably say "yes" kung tatanungin lang siya ni Rommel kung gusto ba niya ito uling maging boyfriend.
Dala – dala niya ang mga bulaklak sa ospital dahilan upang tuksuhin siya ng lahat. Naging masigla si Anne sa trabaho. Sa Outpatient department siya naka – duty. Kasama rin niya roon si Rommel at madalas ay siya ang nag – a – assist dito.Batid niyang nakialam ito sa schedule niya na ipinagkibit – balikat na lamang niya. Gusto rin naman niyang makasama ang binata sa trabaho at very convenient sa kanya ang bagong schedule dahil hindi na siya napupuyat at hatid – sundo pa siya nito.
Lunch break nang makatanggap si Anne ng tawag mula kay Lola Marcela. Masayang – masaya ang tinig nito nang ibalita nito ang pagdating ni Jonathan kasama pa ang nag – iisa nitong kapatid na si Gerson.
Hindi dumating si Jonathan nang nagdaang Linggo tulad ng ipinangako nito. Tumawag lang ito kay Lola Marcela at ibinalita na aksidente ang ina nitong si Debbie na siyang ikinamatay ng huli kaya bumalik ang apo sa Portland. Dahil sa nalaman ay muling nawalan ng sigla si Lola Marcela. Noon pa man ay gustong – gusto na nitong humingi ng tawad sa manugang; ngayon hindi na nito magagawa pa iyon.
Masaya siya para kay Lola Marcela sa pagdating ng mga apo nito. Subalit bigla siyang napaisip sa magiging kalagayan niya sa mansiyon. Inampon siya ni Lola Marcela dahil nag-iisa na lang ito sa buhay. Ngayong dumating na ang mga apo nito,kalabisan na kung mananatili pa siya roon.
Dala – dala niya ang isiping iyon nang magtungo sa opisina ni Rommel. Doon sila magla – lunch dahil nagpadala ng pagkain ang mama nito kaya hindi na sila pupunta sa canteen o magtutungo sa restaurant na malapit sa ospital. Sinabi niya rito ang ibinalita ni Lola Marcela habang kumakain sila.
"Sa bahay ka na raw magdinner," sabi pa niya nang hindi ito nag-react sa kanyang ibinalita.
"Okay," matipid na tugon ni Rommel at muling nanahimik. Namagitan sa kanila ang mahabang katahimikan habang patuloy sila sa pagkain. Tulad niya ay tila may malalim din itong iniisip.
"I think it's about time for me to get my own place," pagkuwa ay sabi niya.
Kunot – noong napatingin ito sa kanya. "Bakit mo nasabi 'yan? May nagpapaalis ba sa'yo?"
Malungkot na umiling siya. "Pero iyon naman ang dapat, 'di ba?"
"Gusto mo ba?" tanong pa nito.
Muli siyang umiling.
"Iyon naman pala, eh. I don't think papayag si Lola Marcela na umalis ka dahil lang sa dumating na ang mga apo niya. You're like a granddaughter to her, you know."
Hindi siya kumibo. Pagkatapos nilang kumain at mailigpit ang pinagkainan ay nagpaalam na siya rito. Balak niyang magtungo sa nurses' quarters upang doon mag – isip at sandaling magpahinga. Anyong bubuksan na niya ang pinto nang pigilan siya nito.
"Hey,just stay here for awhile," ani Rommel at hinila siya paupo three – seater sofa na naroon.
Napabuntong – hininga siya; isinandal ang kanyang likod sa sofa.
Umupo si Rommel patagilid sa kanya. "Cheer up, okay?" sabi nito.
Napatingin siya rito nang lumapat ang kamay nito sa kanyang pisngi.
"Ayokong nakikita kang ganyan.Alam mo namang malungkot ako kapag malungkot ka rin," anito habang marahang hinahaplos ang kanyang pisngi.
May kung anong damdamin ang nabuhay sa kanya dahil sa sinabi nito. Napatitig si Anne sa mukha ng nito and then she realized kung gaano ka - guwapo ang best friend niya. Pang - toothpaste commercial ang ngiti nito at pang - facial wash ang tipo ng kaguwapuhan. Lagi ring malinis ang mukha at maayos ang pagkaka – trim ng hanggang batok nitong buhok. Ang linis – linis tignan at laging pang mabago. Taglay rin ni Rommel ang lahat ng katangian na papangarapin ng bawat babae sa isang lalaki.Batid niyang maraming naiinggit sa kanya dahil bukod sa mama nito ay siya lang ang babaeng pinag - uukulan nito ng pansin.
"Bakit ganyan ka makatingin?Gusto mo bang sa bahay na lang namin tumira?" pagbibiro nito.
Subalit hindi siya natawa; nanatili siyang walang kakurap – kurap na nakatitig dito. "Rommel, bakit ang bait-bait mo sa akin? Hindi ka naman ganyan noong mga bata tayo. Lagi mo nga akong iniinis at pinapaiyak noon,'di ba?"
"You knew sinasadya ko talagang asarin ka noon para mapansin mo ako. Pero iba na ang sitwasyon natin ngayon, Anne. Hindi na tayo mga bata. Tama lang na puro kabutihan na ang ipinapakita ko sa'yo," seryosong tugon nito.
"Pero bakit?"
"Anong bakit? Dahil mahalaga ka sa akin."
"Hanggang kailan?"
"For as long as I live. Mahal kita, Anne,alam mo, 'yan. You're always in my heart no matter what happens."
Tumagos sa puso ni Anne ang sinabi ni Rommel. Bakit ba hindi siya nagtiwala rito noon at mas pinili niyang mawalan siya ng karapatan dito? Paano kung tuluyan nang naagaw si Rommel ng iba sa kanya habang magkalayo sila? Naalala niya ang takot na paminsan – minsan niyang nararamdaman noon kapag naiisip niya ang bagay na iyon. Masuwerte siya at hindi nangyari iyon at sa paglipas ng mga taon ay nanatili pa ring siya ang gusto nito.
"Rommel, what if I tell you that I still love you? Maniniwala ka ba?" pagkuwa'y tanong niya.
"I know that you love me, Anne. Because I'm your best friend."
"I mean more than that. Dati ka na sa puso ko, Rommel at hindi ka nawala kahit kailan.Can you accept me as your girlfriend again, Doctor Rommel Custodio?"
Sandaling natulala ito habang nakatitig sa kanya. "Hindi ka naman nagbibiro, 'di ba?" tanong nito na puno ng pag-asa.
Napangiti siya. "Mukha ba akong nagbibiro?"
"Of course, Anne!" biglang bulalas nito. Kaagad siyang nakulong sa mga bisig nito. "Hindi mo lang alam kung gaano mo ako pinasaya."
Masayang-masaya rin siya. She had him again, finally.
"DOC, SA kalsada ka tumingin baka mabangga tayo," napapangiting sita ni Anne kay Rommel nang muli na namang mahuli niya itong nakatingin sa kanya habang nagmamaneho.
Hindi sumagot ang binata; sa halip ay mabilis na hinalikan nito ang kanyang kamay na hawak nito sa tabi ng gear. Sandaling ibinaling nito ang tingin sa unahan at pagkatapos ay muli na namang tumingin sa kanya.
"Bakit ka ba tingin nang tingin sa akin?" nako – conscious nang tanong niya.
"Hindi pa rin kasi ako makapaniwala na tayo na uli. After so many years,finally, Anne. Finally!"Hindi nawawala ang ngiti sa mga labing sabi nito.
"Sigurado ka bang wala kang naiwang girlfriend sa Manila?" kunwaring naninigurong tanong niya.
Tumawa ito. "You can ask my cousins and friends in Manila. I've never courted anybody else except you, honey."
"Hmm... how about flings?"
Nawala bigla ang ngiti sa mga labi nito.
Kaagad nagsalubong ang mga kilay niya. "Nakailang flings ka simula nang mag - break tayo?!"
"A–Anne..."
"Tell me honestly, Rommel. Pinatulan mo ba uli si Rica?" Bigla ang pagsalakay ng selos sa dibdib niya sa tanong niyang iyon.
"What?" gulat na bulalas nito. "Of course not! Hindi pa sira ang ulo ko para gawin 'yon." Biglang inihimpil nito ang sasakyan sa gilid ng kalsada at hinarap siya. "Yes, nagkaroon uli ako ng mga flings nang mag – break tayo. Pero obvious namang hindi seryoso 'yon. Lalaki ako, Anne na naghahanap rin ng ibang paglilibangan paminsan – minsan. But I swear, hindi ko talaga gagawin 'yon kung tayo pa kahit na magkalayo tayo."
Napabuntong – hininga siya. Kung dati ay pahahabain pa niya ang usaping iyon at hindi papansinin ng ito ng ilang araw, ngayon ay madali na niyang matatanggap iyon. Nagmature na siya. Naintindihan na niya si Rommel. Wala naman silang relasyon noon kaya wala siyang karapatang mag-demand ng fidelity. Konsuwelo na lang na nagsabi ito ng totoo at hindi nagtangkang bolahin siya.
"It's fine, Rommel. Naintindihan ko," aniya at ngumiti.
Tila nakahinga ito nang maluwag sa kanyang sinabi. Bigla itong yumuko at mabilis na hinalikan siya sa kanyang mga labi. "Promise, mula ngayon, hindi na talaga ako titingin sa iba."
Pinalo ito ni Anne sa dibdib. "Dapat lang, 'no!"
Tumawa ito. "How about you? Ilan ang naging boyfriend mo habang nasa Maynila ako?"
"He – he, nagpapatawa ang mama."
Alam naman nito ang sagot doon. "How about flings?" tanong pa nito.
Biglang nawala ang ngiti sa kanyang mga labi. Naalala niya bigla si Nathan. They kissed. Matatawag na bang "fling" 'yon?
"No way!" sikmat ni Rommel pagkakita sa kanyang reaksyon. "You had flings?" tanong nito sa tila natatakot at hindi makapaniwalang tono.
Natawa siya. "Bakit, ikaw lang ba ang puwedeng tumingin sa iba?"
"I don't believe you," umiiling na sabi nito. "Kung mayroon man, alam ko sana dahil maraming magsusumbong sa akin." Sanlaksa ang mga kamag – anak at kaibigan ni Rommel sa buong bayan nila. Kahit nasa malayo ito noon, batid niya na may mga lookout ito na magbabalita rito kung mayroon mang lalaki na umaaligid sa kanya. Kahit noong mga bata pa sila ay friendly na ito na nadala nito hanggang sa magbinata. Kung maiisipan nitong pumasok sa politika, siguradong mananalo ito.
"This is going nonsense. Magdrive ka na nga, baka naghihintay na si Lola sa atin," pagdi – dismissed niya sa topic. Hindi na nito kailangang malaman pa ang tungkol kay Nathan na maaring pagselosan nito. Iba rin ito magselos, nag – aasal bata at napakahirap kausapin.
Tumalima naman ito. "Anne sa bahay na lang kaya muna tayo tumuloy," pagkuwa'y sabi ni Rommel."Doon ka na lang muna mag-dinner sa amin. Gusto ko kasing ibalita kaagad kina Mama na nagkabalikan na tayo."
"Sa palagay mo ba gusto pa rin ako ng parents mo para sa'yo?" curious na tanong ni Anne.
Dating beauty queen ang mama ni Rommel na nanggaling sa mayamang angkan. Ilang na ilang siya sa ina ng nobyo noong unang araw na makilala niya ito. Mukhang matapobre ito. Subalit nang ngumiti sa kanya ay kaagad nagbago ang tingin niya rito. Mas maganda pala ito kapag nakangiti. Sweet din ito at mabait. Sinabihan siya nitong "Mama Lyn" ang itawag niya rito. Masaya at mainit kaagad ang pagtanggap ng papa ni Rommel sa kanya. "Papa Don" naman ang tawag niya rito. Nag – iisang anak lang si Rommel dahil hindi na maaring magbuntis si Mama Lyn dahil sa sakit nito sa puso.
"Of course. Si Mama talaga ang nag – aayos ng mga bulaklak na binibigay ko sa iyo. Hindi pa ba sign 'yon na gustong – gusto ka pa rin niya?"
Tumaba ang puso ni Anne sa kanyang narinig. "Naniniwala na ako."
"So, payag ka na ba na sa bahay na muna tayo?"
"Mel, naghihintay si Lola sa atin," paalala niya.
"Galit ka naman kay Jonathan,'di ba? Hayaan mo munang makasama ni Lola Marcela 'yong mga apo niya. Sa bahay na muna tayo, please."
Napabuntong – hininga siya. "Pero anong sasabihin ko kay Lola? Maghihintay 'yon."
"Tell her we need to take an overtime," suhestiyon nito. "And don't forget to tell her na tayo na uli," dugtong pa nito.
Hindi niya ugaling magsinungaling ngunit mas gusto niyang makita ang mga magulang ng nobyo kaysa makitang muli si Jonathan. "Okay," pag – ayon niya. Kinuha niya ang kanyang cell phone at tumawag siya sa mansiyon.
PAKIRAMDAM ni Anne ay biglang lumaki ang kanyang ulo nang makita ang lalaking nakaupo sa tabi ni Lola Marcela sa living room.
It was Nathan.At ito rin si Jonathan na dati niyang kaibigan. Na - shock siya nang ipakilala ito ni Lola Marcela sa kanila ni Rommel. Tila naman hindi nagulat si Nathan nang makita siya; marahil ay nakita na nito ang larawan niya sa mansiyon noong una pa lang itong dumating. Subalit napakunot – noo siya nang umakto itong tila iyon ang unang pagkikita nila makalipas ang mahabang panahon. Gayunpaman ay sinakyan na lang niya ang lalaki. Kung gusto nitong kalimutan na nagkakilala sila sa Maynila six months ago, mas maganda. Gusto rin niyang ibaon sa limot ang pangyayaring iyon. Pormal na tinanggap niya ang pakikipag – kamay nito.
"Jonathan," pormal ring sambit ni Rommel nang ito naman ang makipagkamay kay Nathan.
"It's Nathan.Wala nang tumatawag sa akin ng Jonathan ngayon," ani Nathan na bahagyang nakataas ang isang sulok ng mga labi.
Tumango si Rommel.
Hindi mahulaan ni Anne ang nasa isip ng kanyang nobyo nang mga oras na iyon. Hindi niya naitanong dito kung masaya ba itong makikita uli ang dating kaibigan.
Sa dining area na nila nakilala si Gerson. Malaki ang pagkakahawig nito kay Nathan at ubod ng tangkad. Halatang masayahin at palabiro. Hindi rin nagkakalayo ang mga edad nila. He was a bum at papalit – palit ito ng kurso ayon mismo sa kuwento nito. Ngunit nagpakita ito ng malaking interes sa pamamahala ng hacienda na ikinatuwa ni Lola Marcela.
Habang naghahapunan sila ay hindi naiwasan ni Anne na mapatingin kay Nathan na nakaupo lang sa katapat niyang silya. Ang laki kasi ng pinagbago ng hitsura nito. He was now clean – shaven at maikli na ngayon at naka – gel ang kulot na buhok. He was so handsome. Siguradong pagkakaguluhan ito ng kababaihan sa bayan nila.
"So, when is the wedding, Doc?" Nagulat siya sa biglang tanong na iyon ni Nathan. Kuryosidad ang nakalarawan sa mukha nito habang nakatingin kay Rommel.
"Definitely it won't take long," tugon naman ni Rommel.
"Too bad you're taken, Anne. Gusto pa naman kita," singit ni Gerson na matatas magsalita ng Tagalog. Halata sa boses nito na nagbibiro lang.
"Yeah, too bad," pagsakay niya sa sinabi nito.
"Call her 'Ate Anne', Gerson. Mas matanda siya sa'yo," sabi naman ni Lola Marcela.
"Sure, Lola," pagsang – ayon ni Gerson.
Napangiti si Anne. Siguradong magkakasundo sila ni Gerson.
Nang mapatingin siya kay Rommel ay napansin niyang salubong na ang mga kilay nito. Kanina pa ito tahimik at hindi rin gaanong ginagalaw ang pagkain sa plato. Inilapit niya ang mukha rito. "Hey, are you okay?" bulong niya.
Ngumiti si Rommel. "Yes," matipid na sagot nito.
"Then eat," utos niya. Nilagyan pa niya ng paborito nitong fish pillet ang plato nito.
Tumalima naman ito at nagsimulang kumain.
MABIGAT ang loob na tinungo ni Rommel ang kinapaparadahan ng kanyang sasakyan. Gusto pa sana niyang makausap ang nobya subalit hindi na siya naihatid nito sa kanyang sasakyan dahil ito ang naghatid kay Lola Marcela sa kuwarto nito.
Nagpaalam na rin siya at tinanggihan ang paanyaya ni Nathan na uminom. Ikinatwiran niya na may trabaho pa siya bukas pero ang totoo ay ayaw lang niyang makasama ang lalaki. Estranghero na ito sa kanya at hindi niya gusto ang mga pailalim na tingin nito sa kanya kanina at makahulugang pagtatanong.
"Rommel!" Napatigil siya sa pagpasok sa kanyang sasakyan nang marinig ang boses na iyon.
Lumingon siya. "Nathan," pormal na sabi niya nang makalapit ito. Subalit hindi niya napaghandaan ang biglang pag – igkas ng kamao nito sa kanyang mukha.Mahilo – hilo siyang napahawaksa pinto ng kanyang sasakyan.
"Hindi mo ba itatanong kung para saan 'yon?" galit na tanong ni Nathan.
Hawak ang kanyang panga,dumiretso siya ng tayo. Pinigilan niya ang sarili na gumanti rito. Batid niyang kung ano ang ibig sabihin nito.
"Okay, I think I deserve that," mahinahong tugon niya.
"You deserve more than that, asshole!" Hinawakan pa siya nito sa magkabilang kuwelyo. "I thought we were friends? Bakit mo ginawa 'yon? Bakit?!"
"Sa pagkakatanda ko, itinama ko na ang pagkakamali ko noon. Sinulatan kita uli pero ikaw ang hindi bumalik dito."
Natigilan ito. "I never get that letter."
Pumiksi si Rommel at itinulak niya ito. "Then ask your father. Baka naharang ng magulang mo ang sulat ko noon. Huwag mong isisi sa akin ang lahat!"Itinuloy niya ang pagpasok sa kanyang sasakyan at pinaharurot niya iyon palayo.