Chapter 2

1911 Words
Kinakabahan akong 'di mawari nang makarating kami sa resort ng mga Alegre. Natatakot ako sa maaring mangyari sa oras na makita ng mga ito ang kambal. Parang ayaw ko pang bumaba ng sasakyan. Gusto ko na lamang umuwi at h'wag ng ituloy ang trabaho. Kabaligtaran naman ang nakikita ko sa mga bata. Bakas sa mga mukha nito ang eksaytment. Sa maliit na truck na sinakyan namin kanina, panay ang tanong nila sa akin tungkol sa resort. Minsan lang kasi kung makapunta sila sa lugar kung saan may dagat. Kasama namin sina Ate Joy, ang kanyang asawa na si Kuya Loyd na siyang nagmaneho ng sasakyan at ang dalawang on-call na trabahante na mga pamangkin din nila. Sinalubong kami ng isang staff pagpasok namin sa reception area. Sinabi ko naman agad ang sadya namin. May tinawagan ito sa telepono at pagkatapos ay iginaya na kami nito papasok. Habang naglalakad, panay ang turo ng dalawang bata sa dagat. Minsan ay napapahinto pa sila at pinag-uusapan ang mga nakikita roon. May kung anong humaplos sa puso ko habang nakatingin sa dalawa. Larawan sila ng simple at masiyahing mga bata. Sinong mag-aakala na galing pala sila sa pamilya ng isa sa pinakamayamang angkan sa bansa. Sana kung naging maayos lang ang lahat noon at tinanggap ni Kingsley at ng pamilya nito ang pagbubuntis ni Devon, hindi sana nila mararanasan ang maghirap kasama ko. Pero nangyari na ang nangyari. Hindi na maibabalik pa ang kahapon. Hindi na maiaalis ang sakit at galit dito sa puso ko. Dinala kami ng staff sa isang convention hall. Namangha ako sa laki at ganda nito lalo nang makapasok sa loob. Aligaga ang mga tao sa pag-aayos. May naglalagay ng mga kurtina, nag-aayos ng mga upuan at mesa, may nagdidekoreyt sa stage, may nag-aayos ng mga ilaw at kung anu-ano pa. Tinawag ng staff ang pansin ng isang babae na nakapang-office attire. Sandali nitong kinausap at pinakilala kami rito. Maganda ang babae. Katleen ang pangalan nito at ito raw ang event organizer na tumawag sa shop namin. Pinaliwanag agad nito ang tungkol sa event at sa mga gagawin namin. Kinausap ko naman ito tungkol sa dalawang bata. Sinabi naman nito na walang problema basta't hindi lang manggugulo. Pero napansin ko ang kakaibang pagtitig niya sa mga ito. Bago ako nagsimula sa pagtratrabaho, kinausap ko muna ang kambal. "Luke, Duke. Ang pinag-usapan natin. Magiging behave lang kayo ha?" "Yes po Daddy-Tito. Pero mamaya po ligo tayo ng beach a." Si Luke. "Nandito lang kasi tayo para magtrabaho. Isa pa, wala tayong dalang damit. Next time na lang anak ha." Saad ko. He gave me a sad face. Nakonsensya ako. "Gusto ko talagang magswimming Daddy-Tito e." Halos pumiyok na ang boses nito. Si Duke ay malungkot din ang mukha habang nakatingin sa akin. Napabuntong-hininga ako. Kapag ganitong pagmumukha na ang pinapakita nila, alam kong nagtatampo na sila sa akin. "Sige, ganito na lang. Kapag maaga kaming natapos sa trabaho, papayagan ko kayong magswimming mamaya." Sa sinabi ko ay nagliwanag ang kanilang mukha. Napasigaw pa si Luke sa tuwa. Naagaw tuloy niya ang pansin ng mga tao sa paligid. Sinaway ko naman ito. "Basta behave lang kayo ha, huwag maging makulit." "Promise Daddy-Tito." Sa isang gilid ko sila dinala. Kumuha ako ng mga upuan at doon sila pinaupo. Binigay ko rin sa kanila ang cellphone ko para may pagkakaabalahan sila. Iniwan ko silang nanonood ng mga palabas doon. Habang nagtratrabaho ay tiningnan ko naman sila paminsan-minsan. Ginagala ko rin ang tingin sa buong paligid dahil baka may maligaw na isa sa mga Alegre rito at makita silang dalawa, mahirap na't mamukhaan. Malaki kasi ang pagkakahawig ng mga bata kay Kingsley lalo na si Duke. Hindi naman ako pwedeng maging kampante kahit nag-aayos pa lang ng venue. Sa kanila itong resort at pwede silang magpunta kahit saang parte rito. Ang event ay isang homecoming party para kay Kingsley. Kakarating lang nito nang nakaraang araw galing US. Dito na raw ito titira for good. Ito na rin kasi ang mamahala sa kanilang kompanya. Napakuyom ako ng kamay nang maalala ang ginawa niya sa amin. Nakakagalit na sa kabila nang ginawa niya ay naging maganda pa rin sa kanya ang buhay. "Oh My! What are you doing? Kawawa naman ang bulaklak." Napatigil ako sa pag-iisip nang may nagsalita sa gilid ko. Napatingin ako sa lalaking nakatingin naman sa mga kamay ko. "You're torturing the flower. Look." Napatingin ako sa dalawang kamay ko na may hawak na gunting at isang rosas na nagkandasira-sira na ang mga petals. "Kuya might scold you if he will see you doing that." Sabi pa niya. Bigla akong binalot ng kaba nang naging pamilyar sa akin ang lalake. Ang lalaking ito ay kapatid ni Kingsley. Si Glenn Clyde Alegre. Naisip ko agad ang kambal. Bago pa man ako makahuma, lumapit sa amin si Katleen at kinausap si Glenn. Ipinakilala naman ako ng una sa huli. "He's Devin Callente. The owner of Fleur Bénies Flowershop." "Oh! You're the owner. I'm Glenn, nice to meet you." Anito at inalahad sa harap ko ang kamay. Nag-atubili akong kunin ito pero inabot ko rin. "Nice meeting you Sir." "Cut the Sir. Glenn na lang. Mukhang magkaedad lang naman tayo e. Besides 'Sir' is not approriate for me." Aniya at napatawa. Hindi ko alam na mapagbiro pala siya. I never met him in person. Nakilala ko lang siya through social media at sa mga kwento ni Kingsley noong sila pa ni Devon. Sa ibang school din kasi siya nag-aaral noong high school. "We're not yet done here, Glenn. I will just give you the update later." Pakli ni Katleen. "It's okay. Gusto kong tumulong dito. Wala rin naman kasi akong masyadong ginagawa. You can go back to your work now." Saad niya. Tumango naman ang babae at nagpaalam na umalis. Dapat na makaramdam ako ng galit kay Glenn pero hindi ko mahanap sa puso ko iyon. Isa pa ay hindi ko siya dapat idamay dahil technically, wala siyang kasalanan sa nangyari. "Do you need any help? Ano bang pwede kong gawin?" Umupo si Glenn sa isang upuan at kumuha ng mga bulaklak sa mesa. "Trabaho namin ito, Sir. Kami na po ang bahala rito." Saad ko naman. Kukunin ko sana sa kanya ang bulaklak pero hindi niya ito binigay. "Drop the formality already. And don't mind me. Gusto kong makatulong. Wala rin naman kasi akong ginagawa." Hindi na rin ako nagpumilit at hinayaan na lang siya. Panay naman ang tingin ko sa mga bata na naroon pa rin sa mga pwesto nito at nanonood sa cellphone. Nasa kalagitnaan kami ng pag-aayos ng mga bulaklak nang lumapit sa amin ang kambal. Dumagundong ng malakas ang dibdib ko lalo na nang pagkatitigan sila ni Glenn. May pagtataka sa mukha nito. "Daddy-Tito, nawiwiwi po ako." Hayag ni Luke habang nakahawak sa harapan ng pantalon niya. Nagpaalam ako kay Glenn at agad nang hinila ang dalawang bata sa banyo. Matagal kaming nanatili roon. Parang ayaw ko nang bumalik pa sa loob ng convention. Maalala ko lang ang ekspresyon sa mukha ni Glenn ay gusto ko nang itakbo at itago ang mga bata. Ito na nga ba ang sinasabi ko. Isang malaking pagkakamali itong naging desisyon ko. Ako na mismo ang nagpapasok sa mga Alegre sa buhay ng mga bata. Hindi ko lang sana pagsisihan ito sa huli. Pagbalik namin ay naroon pa rin si Glenn. Mukhang hinihintay ang pagbalik namin. Humingi agad ako ng pasensiya sa kanya. Ipinaliwanag ko rin kung bakit may mga kasama akong bata. Halos mautal ako habang nagsasalita. Titig na titig kasi siya sa dalawa. "So mga pamangkin mo pala sila? I thought mga anak mo sila. They're so cute and adorable." Nangingiti niyang sabi at binati ang mga bata. "Hi kids! Anong name niyo?" Lumuhod pa siya para pantayan ang taas ng mga ito. Si Luke ang sumagot. "My name is Prince Luke Callente po. Ito naman si Prince Duke Callente. Kambal po kami at five years old na." Namangha si Glenn sa pagiging bibo ng bata. Kinurot pa niya ang pisngi nito. "Ang ganda naman ng mga name niyo. Atsaka ang kokyut niyo pa." "Salamat po." Pagkasabi niyon ni Luke ay nagpaalam na agad ito na babalik sa kanilang pwesto. Nagtatakbo silang pumunta roon ni Duke. "I like your nephews." Napabaling ako kay Glenn na nakatitig sa mga bata. Wala akong ideya kung ano ang tumatakbo sa isip niya ngayon. Pakiramdam ko, naghihinala na siya at hindi lang nagsasalita. Hindi ko rin masabi na alam niya ang nangyari sa kapatid niya at sa kapatid ko noon. Hindi sana siya umabot sa ganoong punto. "You know what, they remind me of someone. Parang gusto ko tuloy magkaroon ng pamangkin. How I wish mag-asawa na si Kuya. But knowing him, he's still living his life to the fullest." Aniya at napatawa. Pinilit ko ang ngumiti. Sa kabila ng takot at kabang nararamdaman, nakokosensya rin ako. Patawarin niya sana ako sapagkat hindi ko kayang sabahin sa kanya ang totoo. "Can I borrow them Devin? Ipapasyal ko lang sila sa buong resort. Don't worry, safe sila sa akin at dito sa resort." HINDI ako mapakali habang ginagawa ang pag-aayos sa mga bulaklak. Nasa kambal pa rin ang isip ko. Panay ang tingin ko sa entrance ng hall at nagbabasakaling bumalik na sila. Subalit makalipas ang ilang oras ay wala pa rin. Pumayag ako kay Glenn na ipasyal niya ang kambal. Hindi ko naman makuhang tumanggi sa kanya. Nahihiya ako dahil nandito ako sa resort. Isa pa't pamangkin niya ang mga bata. May karapatan siya sa mga ito kahit hindi niya alam. Hindi naman niya siguro ipapahamak ang mga ito. Nang hindi nakatiis, tinawagan ko ang number na binigay niya sa akin bago sila umalis ng mga bata kanina. Unang tawag pa lang ay sinagot niya ito. Sabi niya ay kumakain sila ngayon ng lunch. Hindi pa rin ako naging kampante. Nag-aalala ako. Hangga't hindi kami nakakaalis sa lugar na ito, hindi mapapanatag ang loob ko. Alas dos na nang bumalik ang tatlo. Sakto namang patapos na kami sa pag-aayos ng venue. Nagmamadaling lumapit sa akin ang dalawa at ikinuwento na naligo raw sila sa isang swimming pool. Kaya pala ibang damit na ang suot nila. Inabot sa akin ni Glenn ang kanilang mga pinaghubaran. "They asked me if they can swim. Pinayagan ko na rin kasi gustong-gusto raw nilang maligo sa pool. Atsaka hindi naman malalim. May kasama rin akong nagbantay sa kanila." Paliwanag pa ni Glenn. Nagpasalamat naman ako sa kanya. "Aalis na rin kami. Ibabalik ko na lang mga damit." Umiling siya. "They can have them. Pinabili ko iyan para sa kanila. Nakakatuwa kasi sila e. Balik kayo a." Nakahinga lang ako ng maluwag nang makaalis na kami sa resort. Pinangako ko sa sarili ko na hindi na ako babalik do'n. Kung sakaling kunin kami ulit, hindi ko na isasama pa ang mga bata. Tama na ang isang beses na may isang Alegre na nakakita sa kanila. Sa sasakyan ay panay ang kwento ng dalawa kung anong ginawa nila kasama si Glenn. Tango at ngiti lang ang sinagot ko sa kanila. Pagdating sa bahay ay pareho silang nakatulog. Nag-aayos ako ng kanilang gamit nang tumunog ang cellphone ko. Binayo ako ng kaba nang rumehistro sa screen ang pangalan ni Glenn. Matagal bago ko ito sinagot. "Hello?" "Hello Devin, it's Glenn. Sorry for the interruption. Mom wants to meet you. She told me to invite you. Aasahan kita sa party mamaya ha." Napaawang ang labi ko sa narinig. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD