“Ate..”
Tawag sa kaniya ni Blake. Napalingon siya sa kapapasok na kapatid.
Kasalukuyan siyang nag-aayos noon ng kanilang mga gamit dahil bukas na sila babalik ng probinsya.
“Bakit?”
“Paano si baby Austin kapag umuwi na tayo ng probinsya?”
Tanong nito sa kaniya.
Napatigil siya ginagawa.
“Iiwan ba natin siya dito?”
Tanong pa nito.
“Blake, alam mo naman na may trabaho ako diba? Hindi sa ayaw kong alagaan si baby Austin–.”
“Eh di dito ka na lang ate para maalagaan mo si baby diba?”
“As if naman ganun kadali noh? Paano yung trabaho ko? Paano ka? Sinong mag-aalaga sayo?”
Pinandilatan niya ang kapatid.
“Ate naman eh! binata na ako, hindi na po ako baby!”
Reklamo nito habang nagkakamot sa ulo.
“Huwag mo na ako isipin ate, kaya ko na ang sarili ko. Promise!”
“Hindi pwede! baka mamaya puro barkada na lang ang gawin mo dahil wala ako sa tabi mo.”
“Sakit naman te, hindi naman ako ganun.”
Napasimangot ito.
“Ah basta! Ayoko, hindi ko kayang malayo sayo. Nawala na nga sa atin ang ate Reena mo eh.”
Bigla tuloy siya nakaramdam ng lungkot ng maalala na naman ang kapatid.
“Paano si baby Austin?”
Pangungulit nito.
Paano nga ba?
Ang hirap naman ng ganito!
“Blake, hindi naman kasi ganun kadali lahat.”
“Naiintindihan kita ate, pero kaya ko naman na ang sarili ko. Malaki na ako.”
“Pero–.”
“Magtiwala ka sa akin ate, kahit wala ka sa tabi ko, pangako mag-aaral ako ng mabuti. Makakapagtapos ako, tutuparin ko yung pangako ko sa inyo ni ate Reena na maging isang magaling na Inhinyero.”
Lumapit ito sa kaniya at hinawakan siya sa kamay.
May tiwala naman siya sa kapatid dahil nakikita naman niya na pursigido ito sa kaniyang pag-aaral.
Ang isipin na malalayo siya dito ay nasasaktan siya.
Ito na nga lang ang natitira sa kaniya eh.
“Pangako ate, magtatapos ako.”
Dagdag na sabi pa nito, kaya hindi na niya napigilan ang pagmalisbis ng luha ng yakapin siya ng kapatid.
Mahirap eh!
Nagtagal din ng ilang minuto ang tagpong iyon.
“Basta promise mo sa akin na hindi ka gagawa ng kalokohan habang wala ako sa tabi mo.”
Aniya habang nagpupunas siya ng luha.
“Promise ate!”
“Promise?”
“Oo naman! isa lang ang chiks ko promise!”
Nakatawang sabi ng kapatid saka ito napahagalpak ng tawa.
“Blake!”
“Joke lang ate, pinapatawa lang naman kita eh!”
Anito at minsan pa siya nitong niyakap ng mahigpit.
Napapikit na lang siya dahil nagsisimula na namang mahulog ang nagbabadyang mga luha.
“Ikaw talaga kahit kailan!”
Kinurot niya ang kapatid sa tagiliran at nagkatawanan sila.
Alam ng Diyos na nahihirapan ang puso niya ngayon na magdesisyon, kung uuwi ba siya ng probinsya kasama ang kapatid o maiiwan dito sa manila at aalagaan ang naulilang pamangkin.
“Oh siya ate, sa labas na muna
ako tatambay ha, may nakita kasi akong maganda kanina eh, pinsan daw ni kuya Harry.”
Nakatawang sabi pa ng kapatid at akmang babatukan niya ito ng makalayo na agad ito sa kaniya.
Nang mawala ang kapatid sa kanyang harapan ay nanghihinang napaupo siya.
Tama ba ang gagawin niyang desisyon na manatili dito sa manila at alagaan ang pamangkin?
Napabungtung-hininga siya ng malalim. Napatayo siya at lumapit sa bintana. Kailangan niyang lumanghap ng sariwang hangin dahil naninikip ang kaniyang dibdib.
Sari-saring emosyon ang kanyang nararamdaman ngayon.
“Naistorbo ba kita?”
Napalingon siya sa nagsalita,
hindi pa niya namalayan ang pagpasok ni Hunter sa kanyang silid.
Inayos niya ang sarili bago tuluyang humarap dito.
“Kanina pa kasi ako kumakatok pero walang sumasagot, nakakaistorbo ba ako?”
Tanong nito sa kaniya.
“H-hindi naman, okay lang.”
Aniya.
“Bakit?”
Tanong pa niya saka sumandal sa tabi ng bintana.
“Babalik na ba kayo ng probinsya?”
Bagkus ay tanong nito saka napatingin sa mga gamit na nasa ibabaw ng kama.
“Hindi na ba magbabago ang desisyon mo?”
“Hunter–.”
“Para kina Reena at Harry.”
Malumanay na sabi nito.
Nahabag naman ang puso niya sa itsura nito.
Makakatanggi pa ba siya?
“Celeen, kailangan kita. Kailangan ka namin ni baby Austin.”
Sabi pa nito at hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya sa mga oras na iyon.
Paanong kailangan? Bilang isang ina ng bata ba ang gusto nitong tukuyin at ito naman ang magiging padre de pamilya?
“Celeen–.”
“Ihahatid ko lang si Blake sa amin, tapos babalik ako.”
Sagot niya.
Pinal na iyon at hindi na niya pwedeng bawiin pa.
“Really?”
Biglang nagliwanag ang mukha nito sa narinig.
Lumapit ito sa kanya at hinawakan siya sa kamay.
“Thank you Celeen! Thankyou talaga!”
“Para kina Reena at Harry, lalo na kay baby Austin.”
Aniya. Saka ngumiti ng bahagya.
“Gagawin natin ito para sa kanila.”
Napatango na lang siya bilang sagot.
Hindi kaya siya nabibigla lang sa desisyon niya?
Iiwan niya ang nakasanayan para sa panibagong buhay na kakaharapin.
“Kailan babalik ng province si Blake kung ganun? Ihahatid ko na siya.”
“Hindi na, alam ko busy ka. Mag bus na lang kami, kukunin ko din yung mga ibang gamit ko saka pormal akong magpapaalam sa boss ko at mga kasama ko sa trabaho.”
Aniya, ang isipin na aalis na siya sa trabahong iyon ay nalulungkot siya.
Sampung taon na siya sa trabahong iyon at sigurado siyang mamimiss niya ito ng sobra, lalo na ang solid nilang samahan ng mga kaibigan.
See? Ang dami niya kailangang isakripisyo para kay baby Austin.
Pero wala naman siyang makapang pagsisisi, basta para kay baby Austin.
Ito na lang ang tanging alaala ng yumaong kapatid at nangangako siyang mamahalin nila ito ng higit pa sa pagmamahal ng isang magulang.
“But–.”
“Babalik ako agad dito kapag naayos ko na ang mga dapat kong ayusin doon.”
Aniya.
“Paano si Blake?”
“Kaya na niya ang sarili niya, saka may tiwala naman ako sa kapatid kong iyon na hindi niya kami bibiguin ng ate Reena niya.”
Sagot niya.
Natahimik naman ito sa narinig.
“Ayaw mo ba talagang ihatid ko na kayo sa probinsya?”
Pangungulit nito.
“Hindi na, salamat na lang. Kaya na namin ito ni Blake.”
“Okay, ikaw ang bahala. Pero baka biglang magbago ang isip mo, sabihan mo lang ako.”
Anito.
“Okay!”
“Thank you, hindi mo alam kung gaano mo ako pinasaya ngayon sa naging desisyon mo.”
Sabi pa nito.
“Kailangan tayo ni baby Austin.”
Dagdag na sabi pa nito.
“O-oo.”
“Tungkol nga pala sa sahod mo–.”
“Hunter!”
“No! kailangan mo iyon lalo na at nag-aaral si Blake. Nag deposit na ako kanina ng 500 Thousand Pesos sa account mo.”
“Paanong—.”
“Kinuha ko kay Blake, nag deposit din ako sa account niya ng 200 thousand.”
“Pero Hunter–.”
“Come on, ginagawa ko lang yung pangako ko sa inyo.”
“At tinotoo mo naman?”
Asik niya dito.
Nasabi lang naman niya iyon at pumayag siya dahil sa inis.
Hindi naman talaga siya magpapabayad sa pag-aalaga sa naulilang pamangkin dahil kahit papaano ay may naitabi din naman sila ni Reena noon para sa pag-aaral ng kanilang bunsong kapatid.
“Kailangan mo iyon, ako ang may gusto ng lahat ng ito diba? Saka hindi rin biro na patigilan na lang kita bigla sa trabaho dahil sa kagustuhan ko.”
“Hunter!”
“Come on, huwag mo na isipin iyon, ang importante magkasama tayo sa pag-aalaga kay baby.”
“Fine!”
Tanging naisagot na lamang niya, kasi kung papatulan pa niya ito ngayon baka humaba pa ang usapang iyon. Hanggang sa magpaalam na ang binata at naiwan na naman siyang balisa.
Totoo na talaga ito.
Wala ng atrasan.
“Sa bahay mo titira yung kapatid ni Reena Pare?”
Tanong sa kaniya ni Alex.
Nasa isang bar sila noon na madalas nilang tambayan kapag kailangan nilang mag relax.
“Yeah.”
Aniya saka itinungga ang baso na may lamang alak.
“Magkasama niyong aalagaan si baby Austin? Anong set-up? Magkasama kayo sa iisang room?”
Nakatawang tanong pa nito.
“Loko! kahit kailan talaga napaka dumi ng isip mo!”
Nakatawang tinapik niya ito sa tiyan.
“Bah! malay ko ba naman sa inyo.”
“Loko!”
“Maganda yung kapatid ni Reena, nakita ko siya noong libing. Sexy! kahit sinong lalaki mapapalingon talaga eh!”
Palatak pa ng kaibigan.
Napangiti naman siya dahil aminado naman siya na totoo ang sinasabi ni Alex.
Maganda si Celeen, matangkad ito na bumagay sa makurba nitong katawan.
Pang model ang datingan.
Kahit pa sabihin na napaka simple lang nito manamit.
“Oh bakit ka nakangiti diyan? Huwag mo sabihin na gusto mo siya?”
Kantiyaw sa kaniya ng kaibigan.
“Gago! wala yan sa isip ko!”
Sabi niya.
“Hindi ka attracted sa beauty niya kahit konti?”
“Uminom na nga lang tayo pare, kung saan na napupunta usapan natin.”
Pang iiba niya dahil hindi talaga siya titigilan ni Alex.
“Pare..”
“Oo na!”
“Maganda siya?”
“Ikaw ang may sabi niyan.”
“Sus! kung wala nga lang ako asawa, liligawan ko siya agad.”
Biro pa ng kaibigan.
“Gagawin mo?”
Nagsasalubong ang kilay na tanong niya.
“Hey! biro lang, selos ka naman agad eh!”
Tumatawang kantyaw pa nito sa kaniya.
“Ewan ko sayo!”
Aniya, saka itinungga niya ulit ang baso na may lamang alak.
“Hindi ka naman maglalasing sa lagay na iyan pare? Huwag mo na isipin yung sinabi ko, wala naman ako balak agawin sayo yung kapatid ni Reena dahil kontento na ako sa esmi ko kahit may saltik yun!”
Tumatawang sabi pa ng kaibigan.
Medyo may tama na ito, matabil na kasi ang dila.
Napangiti na lang siya bilang sagot.
Ayaw na niyang magsalita pa kung babae lang naman ang pag-uusapan.
Masaya na siya kung anong buhay meron siya ngayon.
Hindi niya kailangan ng babae sa kaniyang buhay.
Sakit lang sa ulo!
Pare-pareho lahat ang mga babae.