MULA sa pagkakayuko sa mesa ay dumako ang paningin ni Sofia sa card na ginawa ni Euna para sa kaniya. Matagal niya iyong tinitigan. Nagtatalo ang isip niya kung pupulutin ba niya o pababayaan na lang sa sahig na itapon ng isa sa mga kasambahay nila.
Ilang minuto rin siya sa ganoong ayos bago napagpasyahang tumayo at pulutin sa sahig ang card. Bumalik siya sa pagkakaupo sa swivel chair nang makuha na niya iyon.
Simple lang ang pagkakagawa ng card ni Euna, pero mahahalatang magaling gumuhit ang anak niya. Hindi mapaghahalatang iginuhit iyon ng limang taong gulang na musmos. Puwede itong maging artist paglaki.
Pinaglandas niya ang hintuturo sa cover photo ng card. Nakaguhit doon ang isang babaeng nakangiti na may hawak na bulaklak. Sa background naman niyon ay maraming nakaguhit na hugis puso. Hindi man nito nakuhang iguhit ang eksaktong mukha niya, pero alam niyang siya iyon.
Binuksan niya ang card. Tumambad sa kaniya ang sulat-kamay ni Euna. Hindi niya naiwasang humanga. Maganda kasi ang penmanship ng anak niya kahit hindi pa man niya ito natuturuang magsulat ni isang beses. Tanging si Brix at yaya Sela lang ang matiyagang nagtuturo sa bata.
She sighed. Marami na pala siyang utang sa bata. Lumalaki itong hindi man lang maramdaman ang kalinga ng isang ina. She wasn't there to breastfeed Euna during her infant days. She wasn't there during her first intake of solid foods, her first crawl, first step...and her first uttered word.
Naalala pa niya, 'mommy' ang unang namutawi sa mga labi nito nang unang beses magsalita. She was shocked that time. Hindi naman kasi niya ito tinuruang magsalita nang ganoon. Ayaw nga niyang tawagin siya nitong 'mommy, mama, nanay, inay.' She just hated the fact na may anak na siya—anak ng isang rapist.
Napag-alaman na lamang niyang si Brix ang panay turo ng 'mommy' rito nang minsang mahuli niya itong nagbabantay sa baby pang si Euna.
Binasa niya ang nakasulat.
Dear Mommy,
I just want to let you know that I love you. I made this card to melt your heart. Please love me, too.
Love,
Euna
Nangilid ang luha sa mga mata niya. Natutop niya ang sariling bibig para pigilan ang nagbabadyang pagtulo ng luha. She was holding her emotions. She doesn't want to feel anything. She doesn't want her emotions to break the wall she created between her and Euna dahil anak ito ng isang rapist.
Hindi niya namalayang sunod-sunod na ang pagpatak ng luha sa mga mata niya. She was aware that she was already hurting her child. Was she being unfair to Euna? Pagmamahal at kalinga lang buhat sa ina ang hinihingi nito pero hindi niya pa maibigay. Hindi niya maibigay nang dahil sa ama nito. Nang dahil sa poot na namamahay sa puso niya para sa tatay nito ay nasasaktan din niya ang anak na galing din naman sa kaniya.
Napahikbi siya. Maingat niyang isinilid sa drawer ang card. Nagtatalo ang utak at puso niya sa nararapat na gawin. She doesn't want to love the kid na anak ng isang rapist. Pero anak din niya ito. Galing din ito sa kaniya. Dugo at laman niya. Nabuo nga lang si Euna sa kasuklam-suklam na paraan, but Euna's every breathing, every fiber of her being came from her because she is Euna's biological mother.
___
MASUYONG hinihimas ni Sofia ang mumunting pisngi ng kaniyang anak. Kasalukuyan siyang nasa loob ng kuwarto nito. Ngayon lang niya napagmasdan kung gaano kaganda at kaaliwalas ang silid na ipina-renovate ni Brix para sa bata.
The room was mixed with baby pink and white color. Disney Princess ang mga nakaguhit na paintings sa iba't ibang bahagi ng dingding. Maski ang mga kagamitan na naroon ay Disney Princess din ang motif.
Ang kama nito ay waring mala-higaan ng prinsesa. It was also color pink. Hindi man iyon gan'on kalaki tulad ng sa master's bedroom, pero sakto naman iyon sa pandalawahang tao. May crown ding nakaguhit sa uluhang bahagi ng kama.
May nakita rin siyang color pink na couch sa gilid na bahagi ng silid. Katabi niyon ay ang pink cabinet ni Euna, at ang lagayan ng mga laruan nito. May table and chair din doon para sa pag-aaral ng bata. May nakapinid na pinto na nagsisilbing banyo naman nito.
Ang pink lampshade na naroon ay ipinatong sa bedside table na color white. Sa harapan n'yon ay ang picture frame ni Euna. He daughter was indeed pretty and charming. Hindi ito nagmana sa kaniya. Sa katunayan ay ang straight black hair lang yata niya ang nakuha nito, pati ang kutis ng balat. Makinis at maputi rin kasi ito tulad niya. Sa tuwing tititigan niya ang anak ay napakapamilyar ng mukhang nakikita niya. Hindi nga lamang niya maalala kung saan at kung sino ang kamukha nito.
It was the first time she stepped inside Euna's room. Noon kasi kapag nagkakasakit ito ay nungkang bantayan niya. Tanging si Brix at yaya Sela lamang ang halos magkumahog sa tuwing nilalagnat ito.
A sudden feeling of guilt crossed her heart. Hindi siya nagpaka-ina kay Euna. "I'm so sorry, anak," sambit niya habang patuloy sa kakahimas sa makinis nitong pisngi. "I am sorry for being rude to you. I'm sorry for not taking care of you," maluha-luhang sambit niya.
Masuyo niyang hinaplos ang buhok nito. Sa buong araw na nagdaan ay nakapagmuni-muni na siya. It was time for her to make it up to her daughter. It was time for her to stop being rude to her precious gem. Galing ito sa kaniya kaya't nararapat lamang na mahalin niya ang kaisa-isa niyang anak—ang kaniyang unica hija.
Tama ang mga taong nasa paligid niya. Walang kasalanan ang bata kaya't hindi niya dapat na pasakitan ang musmos na damdamin nito. Hindi niya ito dapat na idamay sa nadarama niyang suklam sa ama nito. Kaya heto siya ngayon at tatabihan sa pagtulog sa kauna-unahang pagkakataon ang anak.
Ipinapangako niyang pag-gising nito bukas ay ibang Sofia na ang masisilayan nito. Ipaparamdam na niya ang kalinga at pagmamahal ng isang tunay na ina. Gagawin niya ang bagay na iyon sapagkat ayaw niyang lumaki si Euna na may kinikimkim na galit sa kaniya. Ayaw niyang dumating ang puntong magrebelde ito at kasuklaman siya. Tutal ay hindi pa naman huli ang lahat para sa kanila.
Napangiti siya, saka hinalikan sa pisngi ang nahihimbing na anak bago napagpasyahang matulog habang yakap-yakap ito.
"I love you, my Euna..." aniya pa bago ipikit ang mga mata.