Chapter 6: Friend

2442 Words
Sydney Ortiz Abot langit ang takot at kaba ko nang lisanin ko ang lugar na iyon. Nagmamadali akong sumakay ng elevator pababa at ni hindi na ako lumingon pa. Bukod sa mga kakaiba at hindi ko sinasadyang masaksihan na bagay, ay ang nakakatakot at malamig na presensya ng gwapong lalaki na iyon ang siyang nagpapangatog sa akin. Pagkabukas ng pintuan ng elevator ay mabilis na akong lumabas tulak-tulak ang mga panglinis na dala ko. Dumeretsyo ako sa housekeeping store at doon ko pinakawalan ang malalalim na paghinga ko. Tila ba sa mga naunang segundo ng buhay ko ay nalimutan ko ng huminga. At ngayon ko lang malayang nagagawa. “Sydney?” Halos mapaigtad ako sa gulat nang may boses na tumawag sa akin mula sa likuran ko. “Ayos ka lang ba?” tanong pa ni Juliet nang tuluyan itong makalapit sa akin. “J-Juliet,” mahinang usal ko habang hawak-hawak ang dibdib ko. “May nangyari ba? Bakit parang pinagpapawisan ka ng malamig?” muling tanong niya sa akin. “Ah… a-ayos lang ako,” nauutal na tugon ko sa kanya. “Sure ka?” paninigurado pa niya sa akin. “O-oo naman.” “Para ka kasing may nakitang kakaiba e,” pahayag pa niya. “H-huh?” Napalunok ako ng sunod-sunod dahil sa sinabi niya. Bahagya pang mas lumapit sa akin si Juliet saka bumulong. “Sabihin mo, may nakita ka bang multo sa 20th floor?” “Mas malala pa sa multo,” wala sa sariling mahinang tugon ko kay Juliet. Natutop naman ni Juliet ang kanyang bibig dahil sa sinabi ko. “A-ano? Talaga?” mangha at gulat na tanong niya. Marahan kong iwinasiwas ang ulo ko at huminga ng malalim. “Wala iyon. Ang mabuti pa ay bumalik na tayo sa trabaho,” saad ko na lamang sa kanya. “Sure ka? Ayaw mong i-share? Para naman kapag nakita ko rin ay mapaghandaan ko,” pangungulit sa akin ni Juliet. Magsasalita pa sana ako pero hindi na iyon natuloy dahil may sa biglang pagdating ni Ruth. “Oras na ba ng pahinga at nagchi-chismisan kayong dalawa ngayon dyan?” mataray na sita nito sa amin ni Juliet. “Ay, nandyan na ang impakta,” mahinang bulong sa akin ni Juliet saka plastik na humarap at ngumiti kay Ruth. “May itinanong lang ako sa kanya. Babalik na nga kami sa trabaho o, tara na Sydney.” At pagkuwan ay bumalin siya sa akin. “O-oo,” tugon ko naman saka kami mabilis na kumilos ni Juliet at lumabas ng housekeeping store. Dumeretsyo kami ni Juliet sa 3rd floor at doon ay magkatuwang kaming naglinis ng mga bakanteng kwarto. Habang naglilinis ay napadako naman ang tingin ko sa mesang nasa tabi ng kama. Dahil doon ay mabilis na dumaan sa isipan ko ang mga pangyayaring hindi ko sinasadyang makita kanina. Kung paanong halikan ng gwapong lalaki na iyon ang babae at kung paano sila dumaing sa isa’t isa. Sunod-sunod akong napalunok at tinakpan ko ang magkabilang tainga ko, nagbabaka sakaling kapag ginawa ko iyon ay mabubura na sa isipan ko ang maiingay na daing at ungol nila na dulot ng pagniniig ng mga katawan nila. “Sydney, ayos ka lang ba?” tanong sa akin ni Juliet saka marahan na dumako rin ang tingin niya sa mesang pinagtutuunan ko ng pansin ngayon. “M-may nakikita ka bang… hindi ko nakikita ngayon?” tila kabado at takot na tanong niya sa akin. “Ah… w-wala. Naku, h-hindi ganoon,” nauutal na tugon ko sa kanya. “Labas na tayo rito. Sa kabilang kwarto na tayo,” takot na usal ni Juliet saka mabilis akong tinalikuran at iniwanan. Napailing na lamang ako at napakamot sa aking sarili. Bakit ba kailangan pa kasing masaksihan ko ang bagay na iyon? Ni ang panonood ng mga videos na ganoon ay hindi ko nga ginagawa. Tapos ngayon ay live ko pang mapapanood at makikita? Muling umakyat ang kilabot sa katawan ko. Gusto kong kalimutan kung ano man ang mga nasaksihan at nakita ko kanina, pero bakit paulit-ulit lang silang tumatakbo sa isipan ko? Napasinghap ako saka sumunod kay Juliet patungo sa kabilang kwarto. Pilit kong inabala ang aking sarili sa trabaho at ibang mga bagay. Hanggang sa mabilis na lumipas ang oras. Alas sais y medya na ng umaga nang tuluyan kaming matapos ni Juliet sa paglilinis ng mga bakanteng kwarto ng hotel. Kapwa kaming pagod na bumalik sa housekeeping store upang itabi ang mga dala naming cleaning materials doon. “Isang linggo ka bang panggabi?” tanong sa akin ni Juliet matapos makapagtabi ng mga gamit niya. “Oo. Hangga’t wala pa si Mary Rose,” tugon ko sa kanya. “Sana mabago rin ang schedule ko at makasama ko kayo ni Ivy. Kumusta na kaya siya? Nami-miss ko na siya.” “Hayaan mo, pagbalik ko sa morning shift ay ikukumusta ko siya para sa iyo,” nakangiting saad ko kay Juliet. “Thank you,” nakangiti rin naman na tugon sa akin ni Juliet. Kinuha niya ang cellphone niya sa bulsa niya saka tiningnan ito. “O, ang bilis ng oras. Ten minutes na lang uwian na!” masayang turan niya pa. Kapwa kaming nagtungo na ni Juliet sa ladies room nang matapos kami sa pag-aayos ng mga ginamit naming cleaning materials. Nagpalit na kami ng mga damit namin at itinabi ang uniform namin. Eksaktong alas syete ng umaga nang lumabas kami. “Sydney!” Kapwa kaming napalingon ni Juliet mula sa tumawag sa akin. Nakita ko si Ivy na nakangiting nagmamadaling lumapit sa amin. “Ivy!” masayang turan naman ni Juliet. “Uy, Juliet. Kumusta ka?” tanong ni Ivy kay Juliet nang tuluyan itong makalapit sa amin. “Mabuti naman. Buti nakita kita. Ikinukwento ko lang kanina kay Sydney na nami-miss na kita e,” tugon ni Juliet kay Ivy. “Eh kumusta naman ba itong si Sydney?” tanong ni Ivy. “Huwag kang mag-alala. Ako ang buddy niya dito,” tugon ni Juliet. “Kayo talagang dalawa. Masyado niyo akong mahal,” singit ko sa kanila. “O siya mag-in ka na at baka ma-late ka pa,” saad ni Juliet kay Ivy. “Okay, ingat kayo sa pag-uwi. Chat-chat na lang us,” saad naman ni Ivy saka ito tuluyan nang pumasok. Pagbalin ko sa harap ko ay nagulat naman ako nang makita si Sir George. Nakangiti ito sa akin at saka ko lang naalala ang usapan namin. Sasamahan ko nga pala siyang magpunta sa doctor ngayon. Nawala na iyon sa isip ko dahil sa nasaksihan kong bagay kagabi. Masyado nga palang maraming bagay ang nangyari kagabi. Binastos ako ng isang guest, tinulungan ako ni sir George, tapos nakakita ako ng isang bagay na hindi ko dapat nakita at nasaksihan. Grabe. Nangyari ang lahat ng iyon sa isang buong magdamag lamang. Marahan na lumapit sa amin si sir George na siyang ikinagulat naman ni Juliet. “Out mo na?” nakangiting tanong ni sir George sa akin. “O-opo, sir,” tugon ko saka ako bumalin kay Juliet. “Mauna ka na sa pag-uwi.” “H-huh? Bakit ikaw?” tanong ni Juliet habang nagpapabalik-balik sa akin at kay sir George ang kanyang tingin. Bahagya akong mas lumapit pa sa kanya saka bumulong. “Basta, sige na—” Pero hindi ko natapos ang sinasabi ko dahil biglang nagsalita si sir George. “Sasamahan lang niya akong magpatingin sa doctor,” nakangiting sabi ni sir George. “Oh… okay po. Ingat kayo,” mabilis na tugon ni Juliet at mabilis din itong umalis sa harapan namin. “Let’s go?” nakangiting tanong ni sir George sa akin at marahan na napangiti at napatango na lang ako sa kanya. Sumakay kami ni sir George sa kotse niya upang magtungo sa pampublikong hospital na ibinibida ko sa kanya kagabi. “Matagal ka na bang nagtatrabaho sa Blue Prime Hotel?” tanong ni sir George sa akin habang nagmamaneho at nasa byahe kami. “Bago lang po ako. Sa katunayan po ay unang linggo ko pa lang po,” magalang na tugon ko sa kanya. Marahan siyang tumawa na hindi ko alam kung ano ang dahilan. Saka siya muling nagsalita. “Pwede ba malaman kung ilang taon ka na?” “Po?” “Sa paraan kasi ng pananalita mo sa akin ay napakagalang mo. Pakiramdam ko tuloy ay napakatanda ko na,” saad niya habang marahan pa rin na tumatawa. “P-pasensya na po—” “I’m 26 years old,” putol niya sa akin. “Mas matanda ba ako sa iyo? Ilang taon?” Bahagya akong napatawa sa kanya. “22 years old lang po ako.” “Really? Talaga ngang ang bata mo pa,” saad niya. “Pero… hindi naman nagkakalayo ang edad natin, ‘di ba? So, why don’t you call me George na lang?” “Naku, sir—” “Wala ka na rin naman sa trabaho,” putol niya pa sa akin. “P-pero—” “Mas komportable kasi ako kung… hindi mo ako tatawaging ‘sir’ at kung hindi ka na magpopo sa akin,” pahayag niya. Bahagya akong napayuko at hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Pakiramdam ko kasi ay hindi bagay sa akin na tawagin ko lang siya basta sa pangalan niya, gayong batid ko naman na pamangkin siya ng may-ari ng hotel na pinagtatrabahuhan ko. “Hindi mo ba iyon pwedeng gawin para sa akin?” marahan na tanong niya sa akin. Nag-angat ako ng tingin sa kanya. “Hindi naman po sa ganoon. Pero po kasi… parang hindi naman po yata tama na… tawagin ko lang kayo basta sa pangalan niyo. Hindi ko naman po kasi kayo kaibigan para lang—” Sandali naman akong natigilan. “A-ang ibig ko pong sabihin—” “Then, can we be friends?” putol niya sa akin na bahagyang ikinagulat ko. “P-po?” “Hindi rin ba pwede?” tanong niya. “Sino po ba naman ako para tumanggi sa gusto niyo?” tugon ko sa kanya at sabay na kaming marahan na tumawa. “Good. So, you can call me na sa pangalan ko huh?” “O-okay. George,” tugon ko at muli kaming sabay na tumawa. Aaminin ko na kahit ngayon pa lang kami nagkakilala na dalawa ay magaan na ang loob ko sa kanya. Siguro dahil iyon sa ilang beses na niyang pagtulong sa akin. Nakita at naramdaman ko na agad na mabuting tao siya. Ilang sandali pa ay nakarating na nga kami sa pampublikong hospital. Kapwa kaming bumaba sa kotse niya nang makapag-park siya. “Tara, dito tayo,” yaya ko sa kanya saka ako nagsimulang maglakad. Sumunod naman siya sa akin kaagad. Dumeretsyo kami sa information desk at nagsabi ng pakay namin. Pinaupo muna kami ng nurse na nandoon at tatawagin na lamang kung maaari nang makita ang doctor. Wala pa namang limang minuto ay tinawag na si Goerge sa loob para matingnan ng doctor. Sasamahan ko sana siya sa loob nang bigla namang tumunog ang cellphone ko. “Okay lang, sagutin mo na iyan. Baka importante iyan,” nakangiting sabi ni George sa akin at nakangiti naman akong tumango sa kanya. Pagkuwan ay tumalikod na ako sa kanya saka ko sinagot ang incoming call sa akin. “Hello?” tanong ko mula sa kabilang linya. Hindi kasi naka-register ang numero nito sa contacts ko. “Sydney Ortiz,” pagbanggit niya sa pangalan ko at agad ko nang nabosesan ang ginang sa kabilang linya. “A-Aling Leti…” “Mabuti naman at kilala mo pa ako. Ano na? Anong petsa niya? Kung hindi pa kita tawagan gamit ang ibang numero ay hindi mo sasagutin ang tawag. Pinagtataguan mo na ba ako? Ha Sydney?” “Aling Leti… hindi ko po kayo pinagtataguan—” “Aba’y siguraduhin mo lang, Sydney. Dahil kung hindi ka magbabayad sa takdang araw ay sigurado akong pagsisisihan mo ang gagawin ko sa iyo,” pagbabanta nito sa akin. Banta na hindi ko na nagagawang katakutan pa. Ilang taon na bang ganito? Ilang taon nang palagi niya akong ginugulo at pinagbabantaan kahit pa nagbabayad naman ako buwan-buwan sa utang na naiwan ng namayapa kong ama. Iyon nga lang at hindi ko kasi kayang bayaran ng buo. Kaya naman doble ang interest na ipinapatong niya at hindi ko na nagawa pang makaahon-ahon sa mga utang ng tatay ko sa kanya. Kinagat ko ang ibabang labi ko at pilit kong pinipigilan ang sarili ko na magsalita ng masama at laban sa kanya. Kahit napakapangit ng trato niya sa akin ay nirerespeto ko pa rin siya dahil bilang nakakatanda siya. “Magbabayad po ako. Huwag po kayong mag-alala. Ide-deposit ko po sa bank account ninyo once na sumahod na po ako sa bago kong trabaho,” malumanay na tugon ko sa kanya. “Okay. Mabuti na iyong nagkakaintindihan tayo ng mabuti,” tugon niya saka niya pinatay ang tawag. Napabuga ako ng malalim at mabigat na paghinga at nasapo ko ang noo ko. Hindi ko pa man din nahahawakan ang unang sahod ko sa pagiging housekeeper sa Blue Prime Hotel ay ubos na ito kaagad. “Ang lalim naman no’n.” “Ay bakla ka!” gulat na sambit ko nang may biglang magsalita mula sa likuran ko. Nakita ko si George na malapad na nakangiti sa akin. “Nagulat ba kita?” nakatawang tanong niya. “Hindi ba halata?” pabirong tanong ko rito na lalong ikinatawa niya. “I like it,” saad niya pa matapos tumawa. “Huh?” “The way you talk to me feels like… I am your friend. And I like it,” masayang wika niya. At hindi ko naman mapigilan ang sarili ko na hindi makaramdam ng tuwa dahil sa reaksyon niya. “Parang iyon lang?” manghang tanong ko sa kanya. Nakangiting nagkibit-balikat lang naman ito sa akin. “Sandali… tapos ka nang magpa-check up? Anong sabi ng doctor?” “I’m good. May inireseta lang siyang gamot na pamahid pero… malayong-malayo ito sa bituka,” tugon niya. “Nasan ang nireseta niya sa iyo? Ako ang bibili.” “What? Hindi na kailangan—” “Kailangan dahil nagkaganyan ka dahil sa akin,” putol ko sa kanya. “Walang bayad sa hospital na ito kaya dito kita dinala pero the best ang mga doctor dito. Kaya akin na ang reseta, ako ang bibili ng gamot mo.” “Okay,” tugon niya sa akin. “Pero bago iyon, pwede bang… kumain na muna tayo?” alok niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD