Kabanata 20

1565 Words
Ryder’s PoV SUMASAKIT ang ulo ko habang pinag-aaralan kung paano muling makakabangon ang Vicosta Wirings. Maraming mga problema kaya siguro hindi ito gustong tulungan ng Milano Corporation. Sa totoo lang may kakayahan si Lyndon ngunit hindi nito ginagawa ang kakayahan na iyon para tulungan ang asawa nito. Nagtungo ako sa pantry para uminom ng malamig na tubig. Kumpleto ang gamit, may maliit na kitchen may sofa, malaking TV at refrigerator. P’wedeng magpahinga kapag pagod na pagod na sa trabaho. Binuksan ko ang isa pang pinto at nagulat na lang ako dahil pinto pala iyon patungo sa office ni Nomi. Napatingin pa ito sa gawi ko dahil sa ginawa ko. “I’m sorry. Akala ko extra room lang,” mabilis na sabi ko rito. Ipinupusod nito ang lampas balikat na buhok nang makita ko siya. Katulad ng dati kung hindi ballpen ay lapis ang ginagamit nitong pang-lock sa binuhol nitong buhok. “O-Okay lang, sir.” Ibinalik nito ang tingin sa ginagawa. Isinara ko naman ng pinto at napabuga na lamang ng malalim. Pinapahirapan ko siya ngunit sa loob ko pakiramdam ko ako rin ang nahihirapan sa sitwasyon naming dalawa. Natutuwa ako kapag natataranta ito at gusto kong makita na kinakatakutan niya ako. Ngunit bakit ganoon? Imbes na masiyahan ako ay naaawa pa ako rito. Bumalik ako sa swivel chair ko at muling pinag-aaralan ang business plan. Nakakuha kaagad ako ng project at ipapasok ko ang Vicosta Wirings sa pag-handle no’n. May ginagawang commercial building sa Tarlac at isang malaking mall. Kailangan ko ring isabak sa training ang mga bagong electricians dahil sa kanila nakasalalay ang project na gagawin. Proper communication lang talaga at pagiging consistent ang susi para sa matagumpay na project. SUMAPIT ang gabi at kailangan ko nang umuwi. May business meeting pa ako bukas sa Raxon na kailangan kong puntahan. Nilampasan ko ang office ni Nomi at nagpatuloy sa kinaroroonan ng elevator. Mukhang naroon pa rin ito at subsob sa trabahong ipinapagawa ko. Sa may parking lot nakita ko si Lyndon. Ganoon na lamang ang pagkunot ng aking mga noo at pagsalubong ng aking mga kilay nang makita ito na may kahalikan na ibang babae sa loob ng sasakyan nito. “Sir Ryder,” untag sa akin ni Manong Melchor. Tumingin ako rito at saka ngumiti. “Uso pa rin pala ngayon ang pakiki@pid, Manong.” Pumasok ako sa loob ng aking sasakyan at isinara naman nito ang pinto. “May mga ganoon talaga, sir. Karamihan kaya nila iyon ginagawa dahil kulang sila sa pagmamahal ng mga partner nila kaya naghahanap sila ng iba,” sagot naman ni Manong Melchor nang makasakay na ito sa sasakyan ko at paandarin nito ang kotse. “Bakit mo nga pala naitanong, sir?” muling untag nito sa akin dahil natigilan ako. “Wala naman, manong. Sa bahay na muna tayo ni Tatay dumiretso,” nakangiting sagot ko rito. Nang tumira ako sa Canada ipinaayos ko na ang maliit naming bahay. Bumili pa ako ng lupa sa tabi ng aming bahay upang maging komportable ang mga magulang ko at tatlong kapatid. Napagtapos ko na ng college si Nestor at nasa Manila ito ngayon para sa OJT. Si Rylan naman 3rd year college sa kursong criminology at si Roy first year college na at kumukuha ng Bachelor of Secondary Education. May malaki kaming tindahan ng prutas sa Dagupan na mina-manage nina Tatay at Nanay. May mga tauhan na rin kami na siyang katulong ng mga magulang ko. Si Lola Corazon nabigyan ko rin ng magandang puwesto sa palengke. Hindi ko kinalimutan ang mga taong tumulong sa amin noon lalo na ang matalik kong kaibigan na si Shea. Hindi lang puhunan ang ibinigay ko rito kun’di sariling boutique para sa mga paninda nitong mga damit. PAGDATING ko sa bahay ng mga magulang ko ay tumuloy na rin si Manong Melchor sa loob. Nakita ko ang matalik kong kaibigan na si Shea sa kusina na katulong ni Nanay sa paghahanda sa lamesa ng mga pagkain. “Talagang naghanda pa talaga kayo ng mga paborito ko,” natutuwang sabi ko sa mga ito habang inaalis ang aking necktie at binubuksan ang butones ng aking suot na puting long sleeves. “Syempre naman anak. Noong sinabi mo na hindi ka na titira sa Canada natuwa ako. Mas mabuti na malapit ka lang sa amin ng Tatay mo,” natutuwang sabi ni Nanay sa akin. “Sayang nga lang at wala rito si Nestor. Sa sabado pa iyon uuwi pagkatapos ng OJT niya,” sabi naman ni Tatay na naglalabas ng malamig na tubig sa malaki naming refrigerator. “Rylan! Roy! Halika na kayo rito at sabay-sabay na tayong kumain!” tawag ni Tatay sa mga kapatid ko na nasa sala at nanonood ng comedy movie. Namiss ko ang ingay ng mga magulang ko. Ang mga makukulit kong mga kapatid at ang sermon ni Nanay tuwing umaga. Marami akong napalampas na panahon na hindi ko sila kasama. Nagsalo-salo kami sa masayang kainan na may kasamang tawanan. At nang abanggit ng mga ito si Fiona ay natahimik ako. “Kung hindi lang siguro nagkasakit si Fiona at nam@tay baka may apo na ako,” sabi ni Nanay habang kumakain kami. Ang alam ng mga magulang ko nagsasama kami ni Fiona bilang normal na mag-asawa ngunit ang totoo nakahiwalay ang kuwarto ko sa aking asawa at hindi ko nagawang siping@n ito. “Ikakasal na ako next week, Ryder. Pumunta ka ha!” masayang balita ni Shea sa akin. “Syempre naman, Shea. Ibabakante ko ang araw na iyon para sa iyo.” Nagpatuloy ako sa aking pagkain. “Kuya Ryder, nagkita na ba kayo ni Ate Nomi?” inosenteng tanong sa akin ni Roy. Dose anyos pa lamang ito noon kaya hindi pa nito alam ang mga nangyari sa amin ni Nomi. “Huwag mo na nga siyang binabanggit dito, Roy. Kapag narinig ka ni Kuya Nestor baka magalit na naman siya sa iyo!” naasar na sabi naman ni Rylan dito. “Sobra naman kayo kay Ate Nomi. Hindi ko nga pala naikuwento sa inyo na noong nag-fieldtrip kami sa Pampanga nagkita kaming dalawa at inilibre niya ako,” pagpapatuloy ni Roy sa kuwento nito. Kinalampag ni Tatay ang lamesa. “Tama na iyan, Roy! Kumakain tayo kung sino-sino ang binabanggit mo. Hindi naman kulang iyong allowance na ibinibigay namin sa iyo, a. Bakit kailangan mo pang tanggapin ang ibinibigay sa iyo ng babaeng iyon?” galit na tanong ni Tatay kay Roy. Biglang tumayo ang kapatid ko at iniwan nito ang pagkain sa lamesa. “Roy!” muli g sigaw ni Tatay dito. Bumuga ako nang malalim at ngumiti sa aking ama. “Ako na po ang bahala na makipag-usap kay Roy, ‘tay.” “Lukas, hayaan mo na lang ang anak mo. Close sila ni Nomi kaya hayaan na lang natin siya,” sabi naman ni Nanay na hinaplos ang balikat ng aking ama. Close nga sina Nomi at Roy. Bata pa kasi noon ang kapatid ko at spoiled ito kay Nomi dahil itinuring na nitong bunsong kapatid. Nagtungo ako sa kuwarto ng aking kapatid at binuksan ang hindi naka-lock na pinto. Nakaupo ito sa may kama ng abutan ko at hawak ang bola ng volleyball na iniregalo pa ni Nomi noon dito. “Lahat kayo galit na galit kay Ate Nomi. Si Kuya Nestor, si Kuya Rylan at sina Nanay at Tatay. Ganoon ka rin sa kanya, Kuya Ryder. At hindi ako ganoon kay Ate Nomi, kuya. Oo, masama ang mga magulang niya pero hindi ganoon si Ate Nomi. Ang sabi sa akin ng mga classmates ko nakatira na lang si Ate Nomi sa isang apartment sa San Luis na pagmamay-ari ng mga Quentin. At ang sabi din sa akin nalulugi na ang kompanya nila dahil sa naging asawa niya na isang bab@ero, sugarol at @ddict. Miserable ang buhay ni Ate Nomi, Kuya. P‘wede naman natin siyang tulungan hindi ba? Marami kang pera at kaya mo naman iyong gawin pero bakit hindi mo ginagawa?” madamdaming tanong ng aking kapatid. Bumuga ako nang malalim sa mahabang sinabi nito. Nabigla ako sa mga nalaman ko ngunit hindi ako nakaramdam ng awa sa sitwasyon ni Nomi. Iyon ang piniling buhay niyang buhay at kailangan nito iyong panindigan. “Kuya…” “Roy, ayokong makipagtalo sa iyo at ayoko ring sermunan ka. Ayoko rin sanang nababastos mo ang mga magulang natin dahil lang sa pagtatanggol mo kay Nomi. Sana sa susunod igalang mo kung ano ang kanilang desisyon. At kung kung p’wede lang huwag mo na ulit babanggitin si Nomi kapag kumakain tayo,” seryosong sabi ko rito. Hindi na ito kumibo ngunit alam kong masama ang loob sa akin ng kapatid ko. Gusto kong ipaliwanag sa kanya kung bakit kinasusuklaman ko si Nomi ngunit hindi na kailangan dahil alam kong mabilis magpatawad ang aking kapatid. Hindi siya katulad namin ni Nestor at Rylan. Iba ang aking kapatid na napakaunawain at mabait. “Sorry, Kuya.” Ginulo ko ang buhok ni Roy. “Halika na at muling kumain. Ngayon na nga lang ako kakain dito na kasama kayo tapos magkakaroon pa tayo ng tampuhan.” Tumayo ako at sumunod naman ito sa akin patungo sa kusina. Muli kaming kumain at napunta ang usapan sa kasal ni Shea. Nilingon ko ang aking kapatid sa aking tabi na tahimik na kumakain. Hindi na ito umimik at nakinig na lamang sa aming mga usapan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD