"Natawag ko na sa pamilya ni Regina ang nangyari sa kanya. Bukas nandito na raw sila." Matamlay na turan ni Arturio sa mga kaibigan matapos ibaba ang telepono. Nasa labas sila ng morge ng isang hospital kung nasaan ngayon ang bangkay ni Regina. Maya-maya ay lumabas na ang isang nakaunipormeng pangsurgeon kasama ang isang pulis at agad silang hinarap.
"Mga kaibigan niya kayo tama?" Unang tanong nang nagsagawa ng imbestigasyon sa nangyari kay Maggie. Tumango sila.
"Nagkalasog-lasog ang katawan ni Ms. Regina Joy Verdeño dahil sa pagsabog. Kaya di na namin masasabi ang pangunahing pagkamatay niya pero base sa paunang imbestigasyon ng polisya ay suffocation po marahil ito." Puno ng kumpirmasyon na wika ng lalaki. Tumungo't pumikit si Gwen, gayun din si Arturio. May mga dumating na ilang pulis.
"Ako na ang pupunta para alamin yung progreso ng kaso." Presenta ni Hector at lumisan na ang mga ito. Pabagsak silang sumalampak sa mga upuan na nakalinya sa gilid. "Si Maggie ang una, pagtapos ay, pagkatapos ay ngayon naman si Regina! Ano ba naman 'to? Ano bang nangyayari? Sana hindi na lang tayo bumalik sa baryo kung ganito lang din pala ang mangyayari!" Pahayag ni Arturio at hinilot ang sintido.
"Kasalanan ko 'to. S-sana hindi na lang ako nagpaapekto sa nakaraan, sana hindi ko na lang ininda ang pagpapakita ni Marites, sana hindi na lang ako pumayag. Sana walang ganito." Humagulhol si Gwen at napaiyak sa mga palad.
"A-anong sinasabi mo diyan? Wala namang may gusto ng nangyari Gwen!" Pagpapatahan nito sa kaniya.
"Si Marites. K-kung sana nakinig tayo kay Regina, kung sana sinabi ko sa inyo yung mga naranasan ko kay Marites ay mas maniniwala kayo. N-nakausap ko si Regina bago siya mamatay, nakikipaglaro sa kaniya ang multo ni Marites. T-tinawagan niya ko, humihingi siya ng tulong. Rinig ko yung takot sa boses niya! Rinig ko yung sigaw n-niya at rinig ko ang paggahol ng hininga niya! Parang nandun ako Art! Namatay siya at ako rin! Wala akong nagawa!" Umalingawngaw ang boses niya sa buong pasilyo ng morge na walang laman kundi tanging sila na lamang. Lumungayngay ang bibig ni Arturio. Hindi alam kung ano at paano tutugunan ang di magkamayaw sa iyak na kaibigan.
"Art. Makinig ka sa akin, si Marites. Naniniwala na ako. Malaki ang tsansa na siya nga ang gumawa nun. Ang totoo'y ilang beses siyang nagpakita sakin. Ayoko lang din maniwala sa mga nakita ko nun pero itong nga nangyayari. Imposibleng nagkataon na lang."
"Aaaaaaaah!" Tumili si Arturio upang pakawalan ang tensyon sa katawan. Nagtagal yun ng halos kalahating minuto. Natulala lamang ang dalaga sa kaniya at sa kalagitnaan nun ay isang pangyayari ang tila gumising sa kaniya, ang sigaw ni Marites noon sa loob ng mansyon.
"Marites!" Siya'y napatayo.
"Asan? Asan siya?!" Pagtayo rin ng kasama at luminga-linga habang hawak-hawak ang dibdib at naghabol ng hininga.
*brrt* *brrt* *brrt*
Kinapa ni Gwen ang cellphone nang magvibrate iyon. Isang text mula kay Hector ang natanggap niya. ‘Babe, magpahatid ka na muna kay Arturio pauwi. Susunod na lang ako sa bahay niyo pagtapos.’ Pagbigkas niya't bumaling sa kaibigan.
"Halika na. Umalis na tayo dito, nasa poder pa man din tayo ng morge! Nakakatakot! Mamaya na natin pag-usapan yan sa bahay niyo! Kailangan kong makakain para makapag-isip ng matino! At saka pag nariyan na rin si Hector." Nagsimula na silang maglakad.
"Pwede bang huwag muna natin sabihin to kay Hector Art? Tsaka hindi pa tayo gaanong sigurado, meron pa rin akong nararamdamang mali."
Tumigil si Arturio at humarap paharang sa daanan. "Akala ko ba ay tutulungan mo na si Hector na harapin yung nakaraan? Gwen dapat malaman ni Hector kung totoo ngang si Marites yung may pakana tsaka buhay na natin ang nasa panganib! Kung di mo masasabi ay ako ang magsasabi. Kung magagalit siya ay pwes mas magagalit ang taba ko! Kung di siya maniniwala pwes taba ko pa rin ang ihaharap ko! Kailangan natin ng plano noh? pakiramdam ko nasa horror film tayo eh! At ako yung bida siyempre!"
Lumabas na sila ng gusali. Pareho silang nakashades dahil sa mga namumugtong mga mata pero nang makasakay ay inalis din. Ang paningin ni Gwen ay natuon sa mga paa niya nang may maapakan kung ano sa loob ng sasakyan. Kaniya itong pinulot, "Art, kailan ka pa nahilig sa libro?"
"Huh?" Napatutop siya ng mga bibig sa hawak-hawak ng kaibigan. "Y-yan yung libro ni Reg! Yan yung naglalaman tungkol sa mga multo! Papaano yan nandiyan? San mo nakita?!"
"Baka naiwan, nahulog o nakalimutan madalas din yun nakakalimot hindi ba?" Hinablot ni Arturio iyon at tiningnan iyon na para bang isa itong diyamante. "Kailangan natin 'to para sa plano!"
“Plano?”
--- --- ---*****--- --- ---
Dere-deretso lamang si Hector sa bahay ng nobya, hindi na nagdoorbell o kumatok. Binuksan niya ang pintuan at pinakiramdaman ang madilim na paligid.
"Gwen?" Pagtuloy niya, nagdere-deretso siya sa salas nang may marinig dung mga ingay. Tumambad sa kaniya sina Gwen, Arturio at isang lalaking purong itim ang suot at nakapikit. Nagkalat ang mga kandilang may sindi at rosaryo.
"Gwen ano 'to?" Nakakuha siya ng atensyon.
"Babe. Ah-uh-ahm." Umurong ang dila ni Gwen. Tumayo naman sa tabi niya si Arturio at siya nang nagpaliwanag.
"Lahat ito ay para kay Marites. Siya ay isang paranormal expert. At huwag ka nang humirit pa. Para sa kaligtasan natin ito."
"Ano?! Para saan? Nababaliw na ba kayo? San niyo nalaman yang mga ganyan?" Nagtaas ng boses ni Hector na pinantayan lamang ng mga rumorolyong mga mata ni Arturio sabay kuha ng isang makapal na libro.
"Sa librong naiwan ni Reg. Tinuro sa amin kung anong dapat gawin sa mga multo.”
"Unbelievable. No. No. No. Gwen explain this--- bakit hawak ng lalaking yan yung litrato natin nung mga bata pa tayo?"
"Shhhh!" Pagsita sa kanila ng may kapayatang lalaki at mas pinapayat pa sa itim na kasuotan. "Hindi madilim na aura, sa halip ay isa itong liwanag. Ang nakaraang malagim ay nasa panlabas na hitsura ngunit ang relasyong kinikimkim ay mas mahalaga pa sa kahit anong bagay. Iyon siya, si Marites, si Marites ng nakaraan." Napakuyom ng kamao si Hector at nilapitan upang kuwelyuhan ang lalaki. Nagmulat iyon ng dahan-dahan at napangisi sa nakikitang galit sa kaharap. "Ramdam kong malalim ang relasyon mo sa kaniya, siya ba ay iyong kapatid? Siya ba si Marites?” Ang mga mata niya'y namilog at mas hinigpitan pa nito ang kapit na halos ikasakal na ng lalaki.
"Hector please. Stop it. Bitawan mo na siya." Bakas ng kaseryosohan na saad ni Gwen.
"Tama. Kailangan natin ito ngayon gawin. Ano bang laban natin sa multong pumapatay?" Kinagat ni Arturio ang labi at humarang sa kaniya ang dalaga nang sa kaniya naman ito susugod.
"Hindi totoo ang multo at hindi totoong magagawa iyon ni Marites! Ano bang kalokohan ang pinagsasasabi mo?" May mga ugat-ugat nang lumalabas sa mukha at leeg ni Hector sa panggagalaiti. Palalim na ng palalim ang mga hininga nila. Nagtama ang paningin ng magkasintahan, sa huli ay wala rin itong nagawa kundi ang magbawi at talikuran silang lahat.
Hindi pa ito nakakahakbang palayo ay nagsalita ang paranormal expert, sa tindig nito ngayon at seryosong mukha ay napilitan silang pakinggan ito. "Parehong walang kasiguraduhan ang mga sinasabi niyo. May nais gawin sa inyo ang multo ngunit hindi malinaw ang intensyon nito. Ang maipapayo ko lang sa inyo'y magdasal at ang mga sinabi ko kanina habang nakapikit ako'y unawaain niyo. Yun lang."
Matapos iyon ay inihatid ni Gwen ang lalaki palabas. Silang tatlo na lamang. Silang tatlong natitira.
"3500 pesos. Hindi na rin masama ang bayad sa kaniya." Pahayag ni Arturio. Sumama na naman tuloy ang tingin sa kaniya ni Hector.
"Babe. S-sorry. Hindi namin agad sayo nasabi. Natakot lang ako na baka hindi ka pumayag.”
"Ayun Gwen, ayun naman pala eh! Alam mo naman pala, naiintindihan mo naman pala yun. Alam mong hindi ako papayag pero ginawa niyo pa rin. Hindi ko na kayo maintindihan. Baka iniisip niyo na pati yung nangyari kay Regina ay kagagawan ng kapatid ko. Galing ako sa polisya. Ipapaalala ko sa inyo patay na ang kapatid ko. Sabi ng mga pulis, isa iyon na kasong murder, gasolina ang ginamit para magliyab at pasabugin yung sasakyan niya. Mag-isip nga kayo! Isipin niyo nang mabuti, magagawa ba yun ng multo?" Hindi nakasagot ang dalawa, may punto nga ito.
Tinaas ni Arturio ang hintuturo na parang may nagliwanag na bumbilya sa tuktok niya. "Ano naman daw motibo? Laging nababanggit ng mga pulis iyon hindi ba?"
Sa pagkakataong ito ay si Hector naman ang hindi nakaimik.
"Babe?" Pagtawag sa kaniya ni Gwen. Hinihintay din niya ang sagot.
Nagpakawala siya ng buntong-hininga at nagsambit, "Walang bakas na may ibang pumasok sa bahay niya. Matindi raw ang galit kay Regina marahil pero hindi pa yun sigurado."
"Kung ganun posibleng multo nga ang gumawa nun, mapaghiganting multo." Panghuhuli ni Arturio.
"Sabing hindi nga eh!!!"
"Please stop it you both! Hector calm down, Art let us consider other things, yung sinabi nung paranormal expert. Yun ang pag-usapan natin." Napatingin si Hector sa ibang direksyon dahil hanggang ngayon ay hindi niya lubos maisip na ito ang kahihinatnan, tila nagugulumihan na rin. Hindi rin niya lubos maisip kung bakit pumapayag siya sa ganito. Pero wala na siyang ibang pagpipilian.
"The truth is hindi ko lubos na naintindihan ang pinagsasasabi nung paranormal expert. Pero yung sinabi niyang 'relasyong kinikimkim at si Marites ng nakaraan,' isa lang ang nasa isip ko, tungkol sa ating magkakaibigan yun at may isa pa," Pumihit ang ulo ni Gwen sa puwesto ni Hector at pinagpatuloy nito ang pagsasalita gamit ang mababang boses. "Hector, baka gusto ng kapatid mo na maging ayos na ang relasyon mo... sa mga tao ng nakaraan mo, lalong-lalo na sa nanay mo."
Nilaro-laro ni Arturio ang kanyang mga daliri sa mesa dahil kahit siya ay di na komportable sa paksa ng pag-uusap kung saan ang mga buhay nila ay maaaring nakataya.
"Maybe we're just making things complicated. Wala naman tayo sa isang horror film para mabahala tayo nang ganito." Hindi na mapigilang kumontra ni Hector.
"Oo wala! Kasi mas malala pa!" Sigaw ni Arturio.
"Pwede ba? Hindi ako naniniwala sa multo."
"Yan din ang pilit kong ibinabaon sa utak ko sa tuwing nagpapakita sa akin si Marites at... nang kausapin ako ng babaeng caretaker ng Hereniere Mansion." Pagsingit ni Gwen.
"What? Minumulto ka na Mariters? And you did what? Bumalik ka mag-isa sa mansyon?"
"Hindi. Sinusundan niya tayo, ako. Bago tayo umalis sa baryo'y binalaan niya ako na nagpaparamdam daw sa Mansyon si Marites." Nanggigilid ang mga luha nito.
"Ba't hindi mo sa amin sinabi yun na kinausap ka nung estatwang yun Gwen?" Nahihinantakutan na tanong ni Arturio.
"Dahil g-gulong-gulo na ako! Sinabi rin niya sa akin na wag na tayong umalis sa baryo dahil susundan lang tayo nun. I'm sorry. K-kasalanan ko 'to. Lahat-lahat 'to." Tuluyan nang umagos ang kaniyang mga luha. "I'm sorry."
Dinampi ni Hector ang mga daliri sa pisngi nito't pinahid "Babe listen, you don't have to apologize, walang nakakaalam na mangyayari 'to. Walang may gusto. Hindi ko alam kung ano ang papaniwalaan ko pero ang ayoko sa lahat ay yung nakikita kang umiiyak. Kung sinasabi niyong kailangang pigilan si Marites ay sige yun ang gagawin natin." Nagkatinginan sila na parang nag-uusap gamit ang mga titig lamang. Tila alam ang iniisip ng bawat isa.
"Babalik tayo sa Baryo Masiliman sa isang linggo." Desididong turan ni Hector.
--- --- ---*****--- --- ---
Sinunog hanggang maging abo ang katawan ni Regina. Sa seremonya ng cremation ay nanaig ang mga iyak na mula sa kaanak ng yumaong dalaga. Sina Arturio, Hector at Gwen ay nasa sulok, tahimik at nakikiramay. Kagaya ng ibang krimen ay hindi pa rin alam ng pulisya kung sino ang salarin at wala pa rin silang matukoy na suspek.
"Ito na ang huli. Pangako ko iyan." Sambit ni Hector.
"Babe sigurado ka na ba? Ayos ka lang ba talaga sa ganito?"
"Basta para sa'yo Gwen." Kinabit ni Hector ang kamay niya sa kaniya at pinisil iyon, "Walang masamang mangyayari babe, hindi ko hahayaan may mangyari sa'yo."
"Ah so kung sakin may mangyayari happy-happy pa rin? Aba edi ako na single! Hello! Nandito ako!" Paggitna ni Arturio sa kanila.