Ang alinsangan ng panahon, ingay ng mga tao, at kahit trapiko ay nasabik sila nang makaluwas na. Ligtas na nakauwi sa Maynila nang saktong alas dose ang magkakaibigan sa kani-kanilang lugar. Hinatid na muna ni Arturio si Regina sa isang talyer dahil kukunin daw nito ang kotseng pinagawa at siya naman ay dederetso kina Gwen. Si Hector naman ay hinatid na rin pauwi si Gwen.
"Art baka mabuluban ka naman, dahan-dahan." Inilipag ni Gwen ang dalawang baso ng juice sa babasaging mesa, tapos na silang mananghalian at nasa salas na sila ngunit kain pa rin ng kain si Arturio ng mga tsitsirya. Naupo ang dalaga at nagsimulang ring ngumata.
"Gwen nga pala, alam mo si Regina kanina, may libro siyang binabasa! Nakakapangsisi na isabay siya't maiwan kaming dalawa lang. Nakakakilabot yung pinagsasasabi niya habang binabasa yun!"
"Ito naman, parang di mo kilala yung tao. Pero ano bang mga sinasabi niya? Gaya ng ano?"
"Aba malay ko! Hindi ko naman pinag-tuunan ng pansin noh! Pero may naalala akong isa, yung pagpigil yata ng multo. Alam mo yang si Regina mula nang mangyari yun kay Maggie tuluyan nang naging adik sa mga paranormal na bagay! Mas lalong lumala" Itinaas-taas pa ni Arturio ang mga kilay. Naiistress sa mga gawain ng kaibigan. Nagseryoso ang mukha ni Gwen sa nasa isip na pagseseryoso ni Regina sa ginagawa. May kabang namuo sa kaniyang dibdib, dagdag na katanungan sa isip, at kilabot sa buong katawan.
"Totoo nga kaya yung mga pinagsasasabi niya?" Hindi na niya napansing nasabi niya iyon na dapat ay para sa sarili lamang.
"Huh? Ano? Naniniwala ka na sa nga sinasabi nun? Hala. Naku Gwen, hindi yan magugustuhan ni papi Hector mo pag nalaman niya."
"Wala akong sinasabing naniniwala ako, gusto ko lang m-mag-ingat kasi napakaraming p-posibilidad."
"Kung ganun nga eh pati ikaw ay nababahala na, dapat yata talaga tayo mag-ingat! Hindi ako nagpakahirap sa tabang 'to para lang mamatay nang maaga! Tsaka, tsaka may nasambit sakin si Regina eh. Sunugin ang bagay na tanging nagkokonekta sa multo sa mundong 'to ang isa sa paraan para mapigilan ang kaluluwang mapaghiganti!" Matapos ang tila salaysay niyang iyon ay walang nagsalita sa dalawa, nagpapakiramdaman at animo'y may dumaang anghel.
Nabalik din naman agad sa wisyo ang magkaibigan.
"Alam mo, tama na! Wag na nga natin pag-usapan! Tumataas balahibo ko." Wika ni Arturio at nagbukas ng bagong tsitsirya nang maubos ang isa pa.
Hinablot naman ni Gwen ang bagong bukas na iyon, "At pwede rin ba Art? Wag mo namang ubusin ang supply ng favorite snacks ko. Mamaya ay wala kaming mapagsaluhan ni Hector pag dumating siya."
Napairap sa kanya si Arturio at hinalukipkip ang mga braso sa dibdib na parang bata. "Speaking of your baby Hector, alam mo na ba ang relationship status niya sa kaniyang nanay, kay aling Amelia? Anyare? After 15 years, ngayon lang ulit sila nagkita. Anong balita?"
"Ah-eh..."
Hinablot muli ni Arturio ang pagkain sa kasama. "A e i o u! Ay naku! Ano na?"
"Hindi namin napag-usapan eh." Pagbawi naman ni Gwen. Natutuwa lang makipag-asaran.
"Iopen-up mo na! Buong buhay niya ikaw lang naman ang nandiyan para sa kaniya, isa sa mga dahilan kaya niya piniling magforward! Duh?! Saksi yata ako sa GwenTor love story!" Hindi niya na binalak kunin ulit ang pagkain.
"Gwentor?"
"Gwen plus Hector! Gwentor! And as I have said, if you're one of his reason to live then be also the reason for him to live his life to the fullest and that includes of looking back in the past. Make him accept it and that would mean facing it! Oh bongga ng english ko hindi ba?”
Binigay ng kusa ni Gwen kay Arturio ang tsitsirya na kanina pa nila pinag-aagawan. "Oo na. Oh eto na yung tsitsirya mo! Basta iyan na ang mga kabayaran sa paggamit ng sasakyan mo hah, hati naman tayo sa gasolina nun eh. Salamat Art!"
Samantala, dala-dala na ni Regina ang kanyang tinted at pulang sasakyan. Mahigpit ang kapit niya sa manibela sa pagmamaneho pauwi. At nang makauwi na ay bumaba muna siya upang buksan ang garahe. Agad naman niyang ipinark na run ang sasakyan. Kinapa niya ang kanyang bulsa upang kunin ang susi ng bahay at nang makuha ay agad niyang isinuksok upang makapasok na siya.
Padabog niyang ibinaba ang gamit sa kung saan man sa sobrang kapaguran at pinindot ang switch ng ilaw ngunit hindi lumiwanag. Nagtagpo ang kanyang mga kilay at paulit-ulit na pinindot iyon ngunit wala talaga. Malikot ang kaniyang mga mata. Nagsisituluan ang pawis niya sa katawan. Kinutuban siya nang kung ano, bakas iyon sa mukha niya na ang makakapal na salamin ang unang mapapansin.
"Ay! Oo nga pala! May notice of disconnection na pala ako at hanggang ngayon di ko pa rin nababayaran! Ang mahal naman kasi ng pagpapagawa ng kotse!" Pagsapo ni Regina sa noo nang mapagtanto iyon. Binuksan niya ang mga bintana at dahil maghahapon pa lang, kahit walang ilaw ay may pumapasok na liwanag at hangin. Isang palapag lang naman ang kaniyang bahay. Mag-isa lamang siyang namumuhay dito ngunit kahit papaano ay maluwang naman.
Sumalampak siya sa upuan at nagkalkal sa bag. "Nasan na ba ang cellphone ko?" Mas nilaliman niya pa ang pagkakalkal sa bag. “Ay! Naiwan ko nga pala sa kotse. Hindi bale mamaya ko na lang kukunin." Sagot niya pa rin sa sarili. Nagtungo ang dalaga sa banyo upang maligo sapagkat init na init na siya kanina pa. Hinubad niya ang salamin at kanyang kasuotan. Binuksan ang shower. Hinayaan niyang dumampi ang malamig na tubig sa kaniyang balat.
Punong-puno ng sabon sa ulo hanggang paa. Tanging ingay lang ng tubig ang namumukod. Payapang atmospera na may hatid na payapang pag-iisip ngunit nagtagal lamang iyon nang hindi hihigit sa limang minuto nang lumikha ng ingay ang pinto ng banyo. Kaniyang sinarado muna ang shower upang sinilip ang pintuan na ngayo'y nakasiwang. Sa pagkakaalala niya ay sinarado niya iyon.
Nabahala siya dahil tunay na naniniwala siya sa multo. Ang malamig na banyo ay mas lalong nanlamig na kapansin-pansin sa pagtaas ng mga balahibo niya. Pilit niyang tinatagan ang sarili at muling binuksan ang shower. Sinara na niya ang kanyang mga mata at sa pagpapatuloy ay napansin niyang iba na ang teksturang lumalapat na likido sa katawan, iba na rin ang amoy na nangingibabaw ang lansa.
"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan, pagbilang kong sampu nakatago na kayo..." Minulat ni Regina ang mga mata at sa kabila ng kalabuang taglay ng mga mata'y kitang-kita niya ang pulang likod na nanggagaling sa shower.
"Aaaaaaaaaaah!!! Dugo!!!" Tili niya gamit ang napakatinis na boses. Umatras siya at humalik sa malamig na semento ang likod. Nang matauhan ay kinapa niya ang salamin at nang suotin ay klarong tubig na muli ang bumubuhos sa kaniya, kahit sa sarili ay wala ring bahid ng dugo. Dun lang siya nakahinga nang maluwag pero hindi siya maaaring magkamali nang marinig ang boses ng yumaong kaibigan.
Sa loob ng isang minuto'y tinapos niya ang paliligo at hinablot ang tuwalya't nagtapis. Papalabas na sana siya nang matigilan siya sa paghakbang. Pakiramdam niya ay may pares ng mga matang nakatitig sa kaniya mula sa likod.
"Isa..." Ayaw man niyang lumingon ay pumihit siya para makita ang isang multo. Hindi nga siya nagkamali, multo iyon, multo ni Marites.
"Dalawa..."
"Aaaaaaah!" Pagtitili niya't lumabas ng banyong nakatapis lamang.
"Tatlo..." Tumakbo na siya at madapa-dapa pa. Dahil nga sa basa pa rin kasi siya kaya ay natutumba pero hindi nagpadaig at tumayo siya para makalayo.
"Apat..." Dumeretso ang nagpapanic na dalaga sa telepono na nakakabit pa. Kinuha niya iyon at idinial ang landline number ni Gwen.
"Lima..."
"P*ta!" Sambit niya nang maalalang wala nga palang kuryente na nagpapatakbo sa teleponong iyon.
"Anim..." Ramdam at rinig niya ang papalapit na palapit na presensya ng kaluluwa.
"Pito..." Lumingon siya upang mabungaran ang yumaong kaibigan na patuloy ang paghakbang, palapit sa kaniya.
"Walo..."
"Marites! Patawarin mo kami! Please! Makinig ka!" Pagsusumamo niya pero patuloy pa rin ang multo sa paghakbang na gumagawa ng umaalingawngaw na ingay.
"Siyam..." Halos isang pulgada na lamang ang layo ni Marites. Pigil-hininga siya nang magkasalubong ang kanilang mga mata. Kitang-kita niya ang walang emosyong mukha nito at ang mga saksak nito na puno ng dugo.
"Sampu..." Napapikit nang mariin si Regina. Naghintay siya ng katapusan ngunit walang nangyari, hindi niya alam kung ipagpapasalamat niya pa ito dahil sa sobrang takot na halos ikaatake ng kaniyang puso. Nang magmulat ay luminga siya sa buong paligid nang makitang wala na ang multo. Gahol sa hingang tumungo siya sa pintuan palabas. Inalis niya na ang pagkakakandado nito't hahakbang na sana siya palabas ay may malamig na kamay ang nakakapit sa dulo ng twalyang nakasuot sa kaniya. Naging istatwa siya at walang makagalaw sa kaniyang katawan.
"Magtago ka na..." Akala niya ay wala na ang multo pero ayun at sinambit iyon.
"Waaaaaaah! Waaaaaah! Waaaaaaah!" Nagtatalon at nagsisisigaw papunta si Regina sa kotse kung nasaan ang kanyang cellphone, pumasok siya rito. Hindi man lang niya napansin ang kung anong likido na nakapalibot sa kotse. Unang kinapa ng kaniyang mga nanginginig na kamay ang cellphone.
"Sumagot ka Gwendolyn please!" Lumuha na siya nang tuluyan. Isang ring lang ay nasagot na agad ito.
"Regina?" Sambit ni Gwen nang masagot na.
"Gwen! Si-si-si ano! Si Marites! Papatayin niya ako!"
"Ano? Si Marites? Regina s-sigurado ka ba?" Mababakasan ang tono nito ng pinaghalong duda at kaba.
"Oo! Nakikipaglaro siya ng tagu-taguan sa akin! Sa bandang dulo sabi niya magtago ako! Sigurado akong balak niya akong patayin! Gwen anong gagawin ko?!"
"Reg calm down. Nasan ka? Mag-isa ka lang ba--"
"Nasa kotse ako! Nakatowel nga lang ako eh kasi naliligo ako kanina! Tapos iyon! Huhuhuhu! Natatakot na ako!" Sinasabunutan na niya ang kanyang sarili.
"Kotse? K-kotse okey? Ahmm-ahmmm, Magdrive ka papunta rito sa bahay okey?"
"O-o sige!" Sambit ni Regina pero bago pa siya makagawa ng kahit ano ay bigla na lamang nagliyab ang buong paligid ng sasakyan.
"AAAAAAAAAH!" Sigaw ni Regina at nabitawan ang cellphone. Sinubukan niyang buksan ang kotse ngunit hindi siya makalabas na para bang natrap siya sa loob. Palaki na nang palaki ang apoy at ilang sandali lang ay natupok na nga pati na mismo ang sasakyan. Sigaw nang sigaw si Regina na literal nang walang bukas para sa kanya. Ubo na rin siya nang ubo, humahalik na ang init sa kaniyang balat at ilang sandali lang ay pumasok na pati sa loob ang apoy. Nawalan na siya ng malay dahil sa pagkawala ng sapat ng hangin. Nakabibinging pagsabog ang inabot ng kotseng pinaglalagyan niya.