"Anong naipunta niyo dito Ms. Baromez at Mr. De Pollo?" Magiliw na bati ng inspektor kanila Gwen at Hector bilang panimula ng isang seryosong usapan.
"Kahit Gwen na lang ho ang itawag niyo sa akin, gusto ko lang pong kamustahin ang kaso ni Maggie? Nang kababata namin? May pag-usad na ho ba?" Dere-deretsong tanong ang ibinato ng dalaga. Napakunot-noong binalingan naman siya ng kasama dahil sa di inaasahang pagkakaroon ng kyuryosidad nito.
"Babe, let the police do their jobs. May mga hindi pwede silang sabihin sa atin." Bulong ng nobyo ngunit abot-tainga pa rin sa pulis.
"Ayos lang Mr. De Pollo, napaimbestigahan na namin kayo, at wala ngang ebidensya laban sa inyo."
"What the f*ck?! You did that to us?!" Kasabay ng pagsigaw niya'y napalo niya ang mesang kaharap.
"Babe! Sorry inspektor! Sorry! Sorry talaga! Talagang ganiyan lang siya---"
"Ayos lang Ms. Baromez, alam ko na iyon matapos ang mga imbestigasyon at base na rin sa unang pagkikita natin." Kabaligtaran ng inspektor si Hector, wala man lang mababakas na galit sa mukha nito, blangko ngunit malaotoridad ang napakaitim nitong mga mata. Nakahinga ng maluwag ang dalaga ngunit sandali lamang pala iyon.
"Mr. De Pollo, isa pang pagpapakita mo ng karahasan sa loob ng opisina'y mapipilitan kang magovernight sa loob ng kulungan. Ikagagalak kong ihatid si Ms. Baromez sa kanilang bahay lalo na't malapit nang magdilim."
Kumukulo na ang dugo ni Hector ngunit kahit sa pagkakataon lamang na ito ay gusto siyang makontrol iyon. Hindi na lamang siya kumibo't, hinayaang mag-usap ang dalawa. Ni hindi na nga yata niya maintindihan dahil sa konsentrasyon sa emosyon.
"Sa katanungan mo nga pala Ms. B--Gwen, may hinuha na kami kung ano ang ginamit laban sa biktima, batay sa resulta ng otopsiya at sa imbestigasyon na rin ay isang karit. Ukol naman sa motibo, wala kaming makitang anggulo gaya ng pagnanakaw, o pangaabusong sekswal, mukhang pinlano talaga siyang patayin at ang masasabi namin sa gumawa nun ay eksperto. Ang totoo nga niyan ay baka mahirapan kami sa paghahanap ng lead, wala namang serial killer dito sa baryong gumagala-gala at wala rin namang magiging ganun kahusay sa pagpatay."
"Ganun ho ba? Ibig sabihin may pagka-imposibleng tao ang gumawa nun?" Sa gilid ng mga mata ni Gwen ay ang nobyong nais niya munang palabasin o paunahin dahil maaaring maging sensitibo ito sa paksang bubuksan niya ngunit hindi naman ito papayag kaya nag-abot na lang siya ng tarheta. "Inspektor, kung may malaman pa kayo ay sana'y maipagbigay alam niyo sa amin. Minsan na ho kaming nawalan ng isang kababata, at masakit sa amin ang isa pa."
Kinuha ng pulis iyon habang patango-tango pero ang mga blangkong mata niya'y nagkaroon ng buhay na punong-puno ng interes sa mga huling salita ng babae.
"Salamat po."
"Gwen, huwag mo sanang masamain ang itatanong ko, sa sinabi mo na noon, isang kaso rin ba yun ng pagpatay?"
"O-opo. 15---" Walang sali-salita'y hinila ni Hector ang dalaga ngunit nagpumiglas ito't puno ng pagmamakaawang hinarap ang inspektor. "Please. Sana'y malutas niyo na ang kasong ito para sa kaibigan namin." Ang titigan ng dalawa'y tila paligsahan at ang muling pagtango na lang ng pulis ang sumira rito.
"Please. Gwen." Nagkamalay ang dalaga sa madiing bigkas ng kaniyang nobyo na hindi na mabasa ang mukha. Wala siyang nagawa kundi ang sumama na palabas at umasang makakausap niya muli ang pulis. Hanggang sa paghatid ni Hector kay Gwen ay walang pag-uusap ang dalawa. Hanggang sa basagin na nga ng lalaki ang katihimikang tanging ugong lang ng nakahintong sasakyan ang maririnig.
"Babe. Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip mo pero please huwag mo nang gawin ulit iyon. Ano bang problema? Naaawa't may guilt ka bang nararamdaman kaya gusto mong tulungan ang kaso ni Maggie? Pero bakit kailangan pang madamay ang noon?"
"Hindi ko 'to dinadamay. Sadyang damay lang talaga 'to at damay tayo."
Hindi maiwasang mapabaling ng kasintahan sa kaniyang tinuran. Bakas ang paninibago. Sinubukan niyang basahin ang isip nito pero namuo na lamang isang palaisipan sa kaniya. "Babe, ayoko lang na mapahamak ka." Hinawakan niya ang ang malalambot na kamay ni Gwen.
"Alam ko." Sagot ng dalaga't bumaba na ng sasakyan, hindi niya masabi rito ang tungkol sa pagpaparamdam ni Marites sa kaniya.
Si Gwen at ang tiya Beth lamang niya ang nasa hapag ngayon upang kumain ng hapunan dahil may agarang lakad ang iba sa bahay nila.
"Gwendolyn? Ayos ka lang ba? Bakit parang wala ka namang gana sa pagkain?" Tanong ng tiya niya nang mapansin na ang kanyang pamangkin ay tila matamlay.
"May iniisip lang po." Sagot niya habang hinahalo ang walang bawas na sabaw sa mangkok.
"Tungkol ba ito kay Maggie?" Tanong muli sa kanya at inilapag na muna ang kubyertos na para bang may isang diskursong kailangang pagdebatehan.
"Kasama na iyon." Simpleng wika niya. Hindi na muna sumagot ang tiyahin niya at hinintay ang iba pang sasabihin ng pamangkin. Binaba ng dalaga ang nasa kamay at sinalubong ang mga nagtatanong na titig sa kaniya. "Ang multo, pwede bang makapanakit 'to?"
Napalitan ng gulat ang nagtatanong na mukha ng kaniyang tiya. Agad din naman itong tumugon, "Multo? Hindi pa 'ko nakakakita ng multo at parang ayoko rin naman. Wala rin akong gaanong alam sa mga iyon pero siguro yung sagot sa tanong mo ay nakadepende siguro sa dahilan at paraan ng pagkamatay nito. Madalas hustisya ang kailangan nito."
"Hustisya. Tama. At ang lalaki sa Hereniere Mansyon ang makakapagbigay lang nun. Agh! Ang sakit sa ulo." Nagsanga-sanga na ang mga haka-hakang siya lamang ang nag-isip at nakararanas.
"Hereniere? Lalaki? May kinalaman na naman ba ito kay Marites at sa pumatay sa kaniya na hindi pa nahuhuli hanggang ngayon?” Nagbigay si Gwen ng pagtango. "Pasensya ka na Gwendolyn. Hindi ko alam ang nasa isip mo pero sabihin mong mali ang nasa isip ko na iniisip mo na ang multo ni Marites ay may kinalaman sa pagkamatay ni Maggie."
"Hindi po. Hindi ko alam. Burahin niyo na lang sa isip niyo. Bukas ay babalik na rin naman kami sa Maynila." Ang mga salitang iyon ni Gwen ay hudyat na nais na niyang tapusin ang usapang iyon. Bumalik na siya sa paghahalo ng sabaw.
Nananatiling tahimik ang tiyahin niya nang magsambit, "Maraming nagbago't progreso dito sa baryo pero kung iniisip mong hanapin ang lalaking gumawa nun kay Marites ay imposible. Walang pagkakakilanlan iyon. Tanging ang ibinigay lamang na impormasyon ng dating kapitan nung mga panahon na iyon ay ito ang lalaking caretaker ng mansyon. Hindi na nagsiyasat pa pagkatapos nun."
"Lalaking caretaker ng mansyon, naalala ko lang bigla tiya, labing-limang taon na yun, may litrato dun na itim at puti ang pagkakaimprenta, yun yata ang pamilyang Hereniere."
"Ang sabi ni inay, ng lola mo Gwendolyn, ang pamilya Hereniere ay tunay na mayaman, makapangyarihan, puno ng karangalan at tunay na mababait dahil tumutulong sila dito sa Baryo Masiliman. Ang ibang mga impormasyon sa kanila'y nakatago na. Nakakalungkot nga lang na magkaroon ng mga ganitong insidente sa pamamahay nila at isang mamatay-tao pa ang nag-alaga nun."
"Pano po namatay ang pamilyang yun?" Muling tanong ni Gwen.
"Isang aksidente, sa pagkakaalam ko aksidente sa sasakyan at ang bata-bata pa ng heredera nang mamatay, at sa kwento-kwento, nagpaparamdam pa rin daw dun ang kaluluwa ng pamilya Hereniere ngunit ang kwentong iyon ay natabunan ng kwento niyo." May diing sabi ng tiyahin.
Tumungo si Gwen, tila naging kasaysayan ng baryo ang nangyari sa kanila noon. "Eh yung mansyon? Dapat giniba na lang yun."
Umiling ang kausap niya na simbolo ng di pagsang-ayon. "Pinanatiling nakatayo iyon dahil sa karangalan at tulong na dulot ng pamilya sa buong baryo. Sa kabila ng mga nangyari ay nirerespeto at iginagalang ang perpektong pamilyang iyon." Mukha namang sapat na ang nalaman ni Gwen kaya sinimulan na niyang higupin ang sabaw ng tahimik.
"Pati na rin pala sa sementeryo, may bahagi nun kung saan nakalibing ang pamilyang Hereniere." Hirit ng tiyahin niya at pinagpatuloy na rin ang pagkain.
"Dito na kami!" Sigaw ng mga pinsan ni Gwen nang makauwi na sa bahay. Nagsimula na ang ingay sa loob at binalewala na lamang ng dalaga ang mga nanggugulong katanungan sa utak.
Ala-sais ng umaga.
Sinundo na ni Hector si Gwen sa kanilang bahay. Kasalukuyang sinisigurado ng dalaga ang mga maletang nasa likod ng sasakyan, samantalang ang nobyo naman ay abala sa pagtsek ng lagay ng sasakyan. Mahaba-habang biyahe na naman kasi iyon. Sa pagsarado ni Gwen ng kompartment ay isang pares ng mga mata ang nakakuha ng kaniyang atensyon. Nakasilip ito sa kaniya at mukhang hinihintay siyang lumapit. Tinapunan muna niya ng tingin si Hector at agad pumuslit para puntahan iyon.
"Kayo yung caretaker ng mansyon hindi ba? Anong ginagawa niyo rito? May kailangan po ba kayo sa akin? Sa amin?" Panimula ni Gwen. Sinigurado niyang nagbigay siya ng sapat na distansya. Nag-angat ang babae ng kamay patungo sa kaniya, naiilang siyang tiningnan iyon nang hablutin siya nito sa braso. Napangiwi siya sa pangggigil ng may hawak sa kaniya sa kanang braso.
"Huwag niyo nang pahirapan pa ang mga sarili niyo." Paghinga ng babae sa kaniyang tainga na halos mahalikan na nito.
"B-bitawan mo ko. Nasasaktan ako." Pagpupumiglas niya pero di pa rin ito bumitiw at mas lalong humigpit ang hawak sa kaniya.
"Lilisanin niyo na naman ang baryo?"
Nahigit ni Gwen ang hininga at litong itinuon ang tingin sa babae. "Anong alam mo sa amin? Sino ka ba talaga? Bitawan mo ko sabi."
"Tinutulungan ko lang kayo. Pero kung ito ang nais ninyo, wala na 'kong magagawa. Susundan lang niya kayo." Madiing sagot nito.
"Tinutulungan? Ano? Sino? Hindi kita maintindihan! Please, bitawan mo na ako." Patulak na binitawan siya ng babae. Muntikan pang masubsob sa lupa.
"Ano bang pinaniniwalaan mo ngayon? Laging bukas ang mansyon Hereniere para sa inyo. Naroon lamang siya, naghihintay."
"Sinong tinutukoy mo?"
"Isang dekada na rin ang paninilbihan ko bilang isang tagapangalaga at isang espiritu ang pagala-gala, tumatawag, sa mga kababata na dahilan ng kaniyang pagkamatay." Isang nakakalokong ngiti sa babae ay sumilay. Dumistansya si Gwen at napailing-iling, sabay takbo palayo.
Kumpleto na ang lahat, dumating na rin ang kotse nina Arturio sakay-sakay siya at si Regina. Magkasunod na umandar na ang mga iyon upang lisanin ang baryo.
"Gwendolyn? Babe? Ayos ka lang ba? Parang namumutla ka. May sakit k aba?" Pagpuna ni Hector sa kaniya nang mapansin na medyo balisa siya.
"Tama bang aalis tayo?" Sa halip na sagot ay isang tanong ang tinugon niya.
"Paanong tama? Nandun ang buhay natin." Hindi na umimik si Gwen at tumungo na lamang.
Nagsimula na ang biyahe pabalik sa Maynila. Samantala sa kabilang sasakyan. "Lima tayong umuwi sa Baryo Masiliman, apat na lang tayong babalik sa Maynila." Gahol ang paghinga ni Arturio, pagod at mukhang walang tulog. Lumingon siya sa tabi nang wala man lang tumutugon at yun ay dahil pala ay abala si Regina sa pagbasa ng isang makapal na libro. Dati nang bookworm ang dalaga kaya di na siya nagtaka sa nakita ngunit inusisa niya pa rin ito.
“Ano yan Regina?"
"Libro." Walang tingin-tinging sagot nito.
"Potek ka! Alam kong libro! Kainis 'to!"
"Libro tungkol sa mga multo..." At sa sinabing iyon ni Regina ay napakagat-labi si Arturio, sana'y hindi na lang siya nagtanong. "...isa sa mga paraan upang pigilan ito ay sunugin ang bagay o kung ano man na kumokonekta sa espiritu sa mundo ng mga buhay." Nagsisi na nang tuluyan si Arturio at muntikan pa nga siyang makahagip ng tao.
"Reg. Nagkausap kami kagabi ni Gwen over the phone at may nabanggit siya sa akin tungkol sa mga Hereniere na naaksidente sila sa sasakyan! Naku! Kung hindi mo pa yan titigilan ay baka magaya tayo sa kanila! Ayaw ko pang madeadbols hah!"