KABANATA 11: IKAAPAT NA LARO

1695 Words
Pumatak na ang gabi, mag-isa na lamang si Gwen sa kanyang bahay. Lumabas siya mula sa banyo at nagsuklay ngunit nahirapan siya dahil kulot at buhaghag ang kanyang buhok, gaya pa rin nung bata siya. Pumwesto siya sa kama. Sumandal na rin siya upang mas maging komportable habang ipinapatong sa hita ang laptop. Nagtataype siya ng kung ano sa notepad at tuloy-tuloy ang kanyang mga daliri na parang may sariling buhay dahil sa bilis sa pagtipa sa keyboard. Maya-maya ay nagpatay-sindi ang ilaw. Umihip ang malamig na hangin, nagsisisayaw ang mga kurtina. Tumayo siya upang isarado ang bintana. Tuluyan nang nagdilim ang buong kwarto. Pinagpipindot niya ang switch nang paulit-ulit ngunit walang nangyari. Unti-unting bumukas ang pintuan at huminto ito na lumikha ng kaunting siwang. Sa liwanag na tulong ng buwan, at gamit ang liwanag ng cellphone ay itinapat niya ang ilaw sa pintuan. "May tao ba diyan? Hector?" Ang mga walang saplot na talampakan niya'y humakbang palapit dun at sa pagsilip ay wala namang nakitang kung sino. Sa paglingon niya ay nabitawan niya ang cellphone sa pagkagitla nang makitang nakatayo sa kaniyang kama ang isang pigura. Ito'y nakaharap sa kaniya na may mga matang hindi maipaliwanag, bakas ang lungkot at nangungusap. Hindi siya makapagsalita o makapagbigay ng reaksyon, pakiramdam niya ay katapusan niya na. Ilang segundo pa ng pagtititigan ay wala pa ring nangyayari. Naalarma lamang siya nang nagsimula na itong pumihit patalikod sa kaniya. "Marites sandali." Hindi niya alam kung saan niya nakuha ang lakas ng loob para kausapin ang multo pero napahinto niya ito sa pagtalikod. "M-marites, kaibigan ka namin, naguguluhan na ako. Ikaw ba ang gumawa nun? Bakit kailangan mo silang patayin?" Iisang tono lamang ang gamit niya at yun ang mahinahong paraan. Hindi tumugon si Marites, lumakas ang bugso ng hangin na paikot-ikot sa buong kwarto. Sa lakas ng pwersang iyon ay nagsibukasan ang mga aparador at ang mga magagaan na bagay ay nagliparan kagaya ng mga papeles at litrato. Napapikit si Gwen sa lakas ng pwersa nito't kumapit sa seradura. Dumilat lamang siya nang otomatikong huminto ito at makaaninag ng liwanag. Bukas na ang ilaw, wala na ang kakaibang temperatura't normal na ang lahat, wala na rin si Marites sa paligid. Maliban sa mga nagkalat na ebidensyang nangyari nga ang pagpaparamdam at hindi isang panaginip. Gumawa siya ng mga hakbang hanggang sa maramdamang may natapakan siyang kung ano, isang litrato. Pinulot niya iyon at pinagmasdan ng maigi, kusa na lamang tumulo ang luha niya. Ang litratong iyon ang ginamit ng paranormal expert, ito ay kuha ng buong magkababata. Bago pa mangyari ang trahedya sa mansyon ng Hereniere. Anim sila na sina Hector, Arturio, Maggie, Regina, Marites, at siya. Nakaukit sa litrato ang saya sa mga ngiti nila na parang nagtatawanan at ang mga mata nila na nilalasap ang pagkabata. Ang una't huling litrato nilang magkakasama. Umupo si Gwen habang nakatulala at iniiyakan pa rin ang munting litrato na iyon na siyang tinatago-tago niya. *brrt* *brrt* *brrt* Tumayo siya upang kunin ang sagutin ang tawag, umubo siya para ayusin ang lalamunan. Hindi niya nagawang tingnan pa kung sino ang tumatawag. "Hello?" "Ms. Gwendolyn Baromez? Si inspektor Falcuna ito." "Ah! O-opo! I-inspektor! Napatawag kayo? Kamusta na po ang kaso ni Maggie? Anon a pong balita diyan sa baryo?" "Malungkot ako na ipagbigay-alam sa inyo na wala pa ring primaryang suspek. Pero may mga testigo kaming nakausap. Grupo ng mga kalalakihan." "Testigo? Sige po! N-nakikinig po ako inspektor!" Nagkabuhay ang boses ni Gwen. "Ang mga sabi nito'y nag-iinuman sila nung itong biktima nga ay tumakbo sa kanila na parang humihingi ng tulong, may tinatakasan daw ito, at ang mukha'y maputla na animo'y nakakita ng multo. Aminado naman silang mga nakainom sila at wala silang nagawa kundi ang pagkatuwaan na lang ang babae." Tila patay na ang linya. Nagpoproseso pa ang mga salita kay Gwen. Tinitigan niya ang litratong hawak-hawak. Nagpakita kanina ang yumaong kaibigan pati na rin ang litrato na parang may gustong sabihin na kontra sa mga haka-haka nilang magkakaibigan ngunit ito na naman at may bagong ebidensya laban sa kaniya. "Gwen?" "Ah! opo! S-sorry. May iniisip lang po inspector. S-salamat!" "Sige walang anuman. Pero Gwen, maaari rin ba akong magtanong?" "Opo. Kahit ano po. Ano po ba iyon?" "May nabanggit ka sa akin na noon ay nangyari na rin na namatayan kayo ng kababata. Wag mo sanang masamain, gumawa ako ng research tungkol sa sinabi mo at gusto kong makumpirma mismo sa iyo. Kayo ba ang laman ng kwentong tagu-taguan sa mansyon ng mga Hereniere? Labing-limang taon na ang nakalipas ngunit wala pa ring hustisya para sa kaibigan niyo?" Humugot siya ng malalim na hininga nago magsambit, "Opo. Kami nga iyon. Kami ang naglaro ng tagu-taguan sa Mansyon ng Hereniere." "Limang taon pa lamang ako sa serbisyo at hindi ako orihinal na tagabaryo ngunit mukhang sikat na sikat ang kwento niyo. Akala ko hindi totoo ngunit hindi ko inaasahang ikaw, kayo iyon. Patawad sa sasabihin ko ngunit mukhang lapitin ang barkada niyo ng mga krimen. Nais sana kitang makausap ulit ng personal kung magtutungo ulit kayo dito. Sabihan mo lang din ako Gwen kung mapapadayo kayo rito." "Opo inspektor." "Huwag na ring inspektor ang itawag mo sa akin, Leo na lang at kung isasama mo ang nobyo mo'y sana hindi na ganun kainit ang ulo." Hindi maiwasang tumawa ni Gwen, "O-opo ins--Leo. Sige next time po."       --- --- ---*****--- --- --- Si Arturio ay naglakakad sa pasilyo ng gusali na kanyang pinagtatrabahuhan habang may nakaipit na folder sa kanyang kili-kili, may headphone na nakasabit sa leeg at hawak-hawak ang cellphone na nakalapit sa tainga niya. "Ang bongga mo Gwendolyn! Nagparamdam siya pero di ka ginalaw! Instead ay nagpakita ng litrato! Kaya lang nakakaloka! Baka kung ako yun ay hindi ko nakeri at nagcollapse ako." Tila apektadong-apektado siya sa kuwento ng kaibigan. "Naikwento ko na rin yun kay Hector kanina, nakakatawa nga siya eh. Parang ayaw maniwala pero alalang-alala naman." "Tss! O siya! siya! Tatapusin ko muna 'tong mga gawain dito sa opisina para makagora na tayo sa makalawa!" "O sige. Dumeretso ka pala dito mamaya hah!" Saad ni Gwen. "Oo. Oo. Pero kain muna ako bago pumunta sa inyo." "Lagi naman eh. Sige bye!" "Yeah! Babush!" Pagtatapos ni Arturio at binaba na ang tawag. Tumapat siya sa harap ng elevator at hinintay ang pagbubukas nito. Inayos niya na rin ang headphone sa tainga at nagpatugtog ng katamtamang lakas. Ilang saglit lang ay nagbukas na ang elevator, walang tao at mag-isa lang siya sa loob nang pumasok. Pinindot niya ang bilog na may nakalagay na numerong 2 dahil nasa ika-labinglima siyang palapag at nandun naman ang kanyang working place. Sumasabay pa siya sa tugtog na kanyang pinakikinggan. Tutal mag-isa lang naman siya ay sinagad niya na at giniling niya ang kanyang katawan, di inda ang tumatalbog na taba. Hindi niya pansin ang pagbabago ng temperatura. Abala siya nang biglang nawala ang tugtog ng musika at napalitan ng pamilyar na boses sa kanya. "Tagu-taguan, maliwanag ang buwan, pagbilang kong sampu nakatago na kayo..." Marahas na tinanggal ni Arturio ang headphone sa kanyang tainga. Nagpatay sindi ang ilaw sa loob ng sinasakyan kaya napahawak siya sa bakal na nakakabit palibot doon. "Isa..." Ang unang bilang na iyon ay umalingawngaw sa loob. "Dalawa..." Nagkandahulog-hulog na ang folder at ang mga lamang papeles nito. "Tatlo..." Kumalabog ang elevator na sinasakyan sabay hinto sa pag-andar. "Aaaaaaah!" Tumili siya sa sobrang taranta. "Apat..." "Waaaaaah!!! Putek! Waaaaah!!! Tulong! May tao ba diyan?! Tulong!!!!" Sigaw niya at paghihisterikal sa apat na sulok nito. "Lima..." Purong kadiliman na lamang ang nanaig. Kinuha niya mula sa bulsa ang kanyang cellphone ngunit walang signal na halos ikamura niya. "Anim..." "Marites! Pakiusap! Wag mo ko patayin! Nakikiusap ako! Magkaibigan tayo diba! Isa pa nga ako sa mga pinakaclose mo noon!" Tinatanggal niya ang headphone sa leeg at hinayaan na lang din mahulog. "Pito..." Napaupo si Arturio sa sahig at parang baliw na nagpalinga-linga kahit wala naman talaga siyang nakikita dahil sa dilim. "Wag mo kong saktan! Gagawin ko lahat! Aaahhh!" "Walo..." "Ayokong makipaglaro sayo Marites! Ayoko na ng tagu-taguan! Ayoko na! Wag ka na bumilang!" Pahihisterikal niya. "Siyam..." "Sampu!!! Ako na ang tumapatapos Marites! Naririnig mo ba ako?! Sampu!" Mangiyak-ngiyak na siya habang binabanggit ang mga iyon. Ang ilaw ay nagbukas. Kahit malamig ay pawisan si Arturio na akala mo'y ilang kilo ang binawas ng kanyang timbang. Nang subukan niyang tumayo ay napapaupo agad siya dahil sa kanyang bigat at panginginig na apektado ang tuhod at braso niya. Bigla namang kumalabog ulit ang elevator, pahiwatig na gumagana na. Nararamdaman niya ang pagbaba ng sinasakyan. Nang makita niya ang kanyang sitwasyon ay agad niyang pinulot ang mga nahulog na gamit. Huminto na siya sa ikalawang palapag ngunit ayaw pa rin bumukas. "Magtago ka na..." Napapihit sa kanan si Arturio at imbis na sariling repleksyon ang makita ay si Marites ang bumungad. Bumukas ang pinto ng elevator at di na siya nag-atubili pa, pinabayaan niya na muling mahulog ang kanyang mga gamit. Agad siyang lumabas na hingal, magulo ang buhok at tagaktak ang pawis, parang wala rin siya sa sarili. Habang tumatakbo ay di maiwasan ang pagtinginan siya pero wala siyang pakialam dun. Di rin maiwasan ang makabangga siya ng mga tao. Hindi niya alam kung saan siya pupunta at nang makita niya ang pasilyo papunta sa sariling opisina ay madapa-dapa siyang pumaroon. Nakasalubong niya ang isa sa mga kaopisina at binalingan siya na nalilito. "Art? Bakit parang may pumasok sa opisina mo? Akala ko ikaw? O baka namalikmata lang ako. Tsaka teka? Anyare sayo? Pawis na pawis ka?! Naggym ka ba o ano? Parang nakakita ka ng multo." Ni kahit tingin ay hindi siya nagaksaya ng oras para gawin iyon, sa halip ay nilagpasan at tuloy lang sa paghakbang papuntang opisina. Nang nasa harap na siya ay agad siyang pumasok at napasandal sa pintuan sabay pikit. "Hindi 'to totoo. Hindi. Hindi 'to totoo." Paulit-ulit niyang bigkas. Bumilang siya ng mga sampung segundo bago buksan ang mga mata. "Hindi ako mamamatay. Hindi. Hindi. Kailangan kong kumalma." Tumungo siya sa table niya at otomatikong inabot ang apple iced tea. Kahit ano na makakapanglaman tiyan ang nagpapakalma sa kanya. Uminom siya ngunit hindi pa nangangalahati iyon ay tumigil siya. Aminado siya sa sariling matakaw ngunit hindi alam ng karamihan na sensitibo siya sa panlasa. "Bakit ganun? Parang iba ang lasa." Nilapit niya ang ilong at napailing. Nakaramdam siya ng pangangati sa buong katawan. Uhaw na uhaw na siya at imbis na ubusin ito'y tubig na lamang ang ginamit niyang pamatid uhaw. Maraming-maraming tubig. "Agh!" Tinukod niya ang mga kamay sa sahig nang makaramdam siya ng panlalambot, namumula na rin ang mukha niya. "Aaaaaaah! Tulong! Tu--" Siya ay sumuka ng pagkarami-rami. Saktong ang kaopisina niya'y pumasok. "Art! Anong nangyayari! Art! Tulong! Tulong!"            
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD