NANG MAKAALIS NA NANG tuluyan ang mga panauhin, sa halip na pumanhik muli sa itaas ay sa komedor kami dumeretso ni Dos. Hindi pa rin nito nakakalimutan na hindi pa rin ako kumakain. "Uminom na ako ng gatas kanina, hindi ba?" Protesta ko pa. "Busog pa 'ko." Nawala na kasi ang gutom ko. Feeling ko nga ay mabigat pa ang tiyan ko dahil sa ininom kong gatas kanina. May kalakihan din kasi ang mga baso rito sa mansyon. Madalas nga ay hindi ako nakakaubos ng isang puno niyon, palagi tuloy akong napagsasabihan ng asawa ko. Ayon dito, ay maganda raw sa katawan ang tubig, kaya dapat ay masanay ako na umiinom niyon ng marami. Lalo na ngayon na buntis ako. Para daw makaiwas ako sa UTI. Siya nga kasi, ang lakas niya sa tubig. Kadalasan, iyong tira ko, siya pa rin ang umiinom. "Nabusog ka na r'on?"

