KANINA PA AKO TAWAG NANG TAWAG kay Dos pero hindi pa ako rin nito sinasagot. Kung keypads lang ang cellphone ko, malamang ay kanina pa ito napudpod sa dami na ng tawag na nagawa ko. Sigurado naman ako na gising na ito, may sakit man ito, o wala na, dahil alas tres na ng hapon ngayon sa France. At kilala ko ito. Hindi nito ugali na magpatanghali sa higaan. Gustuhin ko man na bigyan ito ng benefit of the doubt na palagi kong ibinibigay dito sa tuwing nag-aaway kami, pero sa pagkakataon na ito ay masyado nang nginangatngat ng paninibugho ang puso ko. Kaya gusto ko talaga itong makausap at hingan ng paliwanag. Kung simpleng larawan lang iyon, katulad ng nauna naming akala ni Arsi, ay makakaya ko pang palagpasin. Katulad nga ng sinabi ng kaibigan ko, maraming pwedeng maging ibig sabihin an

