"HINDI NA BA TALAGA MAGBABAGO ANG PASYA MO, HIJA?" Maliit akong ngumiti, kapagkuwan ay marahang umiling sa tanong na iyon ni Daddy Leandro. "Huwag po kayong mag-alala, Daddy Leandro, okay lang naman po kami rito." May maliit pa ring ngiti na ipinaikot ko pa ang tingin ko sa paligid ng apartment namin ni Arsi. "Safe naman po rito, saka komportable rin naman po. Baka palagyan ko na lang po ng aircon iyong kwarto namin ni Thirdy, o bumili na lang po ako ng portable na aircon para hindi po siya masyadong manibago sa pagtulog." Ngayong araw ang alis ni Daddy Leandro patungo ng France. At ngayon din ang ika-limang araw na wala kaming naririnig na balita tungkol kay Dos. Pati tuloy ang sarili nitong ama ay nag-aalala na. Kung sakali man nga raw na totoong nagloloko ito at may iba nang babae n

