SINABI sa kanya ni James na babalikan siya nito sa may swimming pool pagkatapos nitong kausapin ang ama pero hindi na iyon nangyari. Matapos kasi ng ilang minuto, nalaman niya na umalis pala itong muli. Hindi man lang ito nagpaalam. Hindi tuloy niya maiwasang isipin na nagtatampo pa rin ito sa kanya.
“Uuwi ka ba ng maaga?”
Iyon ang laman ng message na ipinadala niya dito. Iyon lang din kasi ang naisip niyang itanong. Ang totoo’y hindi na niya inasahan na sasagot ito kaya naman laking gulat niya nang makatanggap ng reply ilang segundo pagkatapos niya iyong ipadala. Iyon nga lang, “bakit” lang ang laman niyon. Halatang wala itong ganang sumagot.
“Baka lang kasi gusto mong ipagluto kita ng pagkain. Magaling akong magluto ng-.”
Hindi niya itinuloy ang pag-type. Napaisip kasi siya. Marunong bang magluto si Katharina? Hindi kaya magulat o magtaka lang si James kapag sinabi niya iyon? Paano na lang kung hindi ito marunong? Kung oo naman, paano kung mga sosyal na luto lang ang alam nito?
Binura niya ang message.
“Hindi pa kasi ako kumakain. Naisip ko na sumabay na lang sa `yo pagdating mo. Mas nakakagana kasi kumain kapag may kasabay.”
Tamang-tama dahil umalis na rin ang magulang ni James. May ikadadahilan siya.
Pero sa halip na marinig ang message tone ng kanyang cellphone, katok ang narinig niya sa pintuan.
“Bukas `yan.”
Sa pagbukas ng pinto, si Danica ang naroon na hindi pa rin niya nakakasundo.
“Tumawag si Mr. Lee. Naghahanap ka raw ng makakasabay kumain kaya inutusan niya akong sabayan ka.”
At talagang si Danica pa talaga ang tinawagan nito sa halip na siya. Parang gusto na rin yata niyang magtampo. Pero naisip niya na baka busy lang talaga si James. Baka may iniutos dito ang ama kaya kahit nakainom, umalis pa rin ito.
Tama. Hindi lang siya ang dapat na palaging intindihin ni James. Ganoon rin dapat siya dito. Dapat nga magpasalamat siya dahil nag-effort pa rin itong hanapan siya ng makakasabay sa pagkain at iyon na nga ang ginawa niya. Nag-message siya dito upang magpasalamat. Pero tulad kanina, hindi rin ito nag-reply.
NAPATINGIN si James sa kanyang phone nang tumunog iyon. Galing muli kay Kath ang message. Nagpapasalamat sa ginawa niya. Humingi rin ito ng tawad dahil baka naiistorbo na siya nito.
Actually, wala siya sa opisina. Nasa isang condominium unit siya na kahit ang kanyang magulang, hindi pa nakakapunta. Wala pa nga yata siyang nadala doon na bisita maging ang kanyang asawa. Gusto lang niya magkaroon ng space na siya lang ang makakagalaw
Napabuntong hininga na lang siya. Umalis siya ng bahay para mag-relax. Ayaw na muna niyang mag-isip ng kahit na ano lalo na pagkatapos ng naging usapan nila ng kanyang ama. Kaso kahit doon, hindi pa rin niya natiis na huwag pansinin si Katharina.
Muli siyang napahinga nang malalim.
“Please don’t disappoint me for trusting you, Katharina. Or else, I will have no choice but to kill you.”
Iyon ang naging pangako niya sa kanyang ama. Isang pangako na hindi niya puwedeng suwayin kundi, baka buhay pa niya ang maging kapalit. Kilala niya ang kanyang ama. Mas mahalaga dito ang pera at ang negosyo nila. Sa oras na mapahamak sila dahil sa kanya, hindi ito magdadalawang isip na patayin siya. Kung hindi man, siguradong hindi rin siya bubuhayin ng mga kasosyo nila.
Hindi niya alam kung katangahan ba iyon pero sa huli, pinili pa rin niyang sumugal sa asawa.
Habang hindi pa nakakaalala si Katharina, sisiguraduhin niya na magbabago ang pananaw nito tungkol sa uri ng negosyo na mayroon sila. Sisiguraduhin din niya na mapapaibig niya ito nang sobra-sobra tulad ng kung gaano kamahal ng kanyang ina ang kanyang ama.
NATAPOS na maghapunan si Sofia. Nakapag- half bath na rin siya. Nagawa na rin yata niya ang lahat ng bagay na naisip niyang gawin pero hindi pa rin dumarating si James. Ni wala din itong ipinadalang message. Ayaw din naman niyang unahan ito muli. Baka kasi wala pa rin ito sa mood tulad kanina.
Naisip niyang maghintay na lang dito. Kaso natapos na lang niya ang isang libro basahin ay wala pa rin ito. Hanggang sa nakatulugan na niya ang paghihintay.
Nang imulat niya ang mga mata, umaga na. Tumingin siya sa kanyang kanan upang tingnan kung naroon si James. Pero sa halip na ito, isang bouquet ng pink roses ang naroon. May mga nagkalat rin na flower petals sa kama.
Napaupo siya sa kama sabay kuha sa bouquet. Napansin niya ang letter na nakaipit doon. Agad niya iyong kinuha at binuksan.
“I’m sorry I didn’t make it last night. Promise I’ll make up to you. I love you so much.”
Hindi niya napigilang mapangiti. Kahit may pagka-unpredictable si James, may nakakakilig din pala itong side.
Kinuha niya ang kanyang cellphone sa side table para mag-send dito ng message. Bago pa man siya makapag-type, natigilan siya at nanlaki ang mga mata nang lumabas si James mula sa banyo. Tulad noong isang araw, nakatakip lang ng tuwalya ang ibabang bahagi ng katawan nito. Hindi tuloy niya naiwasang mapatitig sa abs nito.
“Did you like it?”
Mabilis na uminit ang kanyang mukha sa tanong nito. Napaiwas siya ng tingin dito. Ano bang isasagot niya? Natural lang naman na magustuhan niya iyon `di ba? Kahit sino sigurong babae hahanga sa gano’ng abs.
Napatingin lang siya muli kay James nang marinig niya itong tumawa. Mas lalo talaga itong gumagwapo kapag nakangiti.
“Bakit?” naiilang niyang tanong.
“Wala. I just find your reaction funny. Sa tingin ko kasi iba ang nasa isip mo sa nasa isip ko.”
Napakunot noo siya. Anong ibig nitong sabihin?
“I was asking you about the flowers, My Love. Did you like them?” wika nito habang may pilyong ngiti sa mga labi nito.
Napatingin siya sa hawak niyang bulaklak. Iyon ang tinutukoy nito? Oo nga naman. Bakit ba hindi niya agad iyon naisip? Nakakahiya! Kasalanan `to ng mga mata niya, eh!
Sa kabila ng nararamdamang hiya, syimpre, ayaw niya iyong ipahalata.
“Bakit, ano naman ngayon kung nagustuhan ko ang abs mo? Dapat nga happy ka kasi na-appreciate ko `yan. Hindi sayang ang effort mong tumambay sa gym.”
Sa halip na magbiro pabalik, natahimik ito. Maging ang ngiti nito ay nawala rin. Nakatingin lang ito sa kanya. Bigla tuloy siyang kinabahan. May nasabi ba siyang hindi maganda? Na-offend ba niya ito?
“M-May problema ba sa nasabi ko?”
Ilang segundo rin itong walang reaksiyon bago umiling. “No. I mean, it’s just a little weird. Now that I’m staring at you, it’s like I’m seeing a different person. Even with the way you talk. It’s like you’re a whole different person.”
Kung kanina pakiramdam niya namumula siya, ngayon pakiramdam niya namumutla na siya sa kaba. Para na nga siyang hihimatayin. Sa simula pa lang, nag-aalala na siya sa bagay na `yon. Kahit ba magkamukhang-magkamukha sila ni Katharina, siguradong may mapapansin pa rin na pagkakaiba. At iyon na nga, dumating na ang araw na kinakatakutan niya. Para siyang hindi makahinga. Aamin na ba siya? Tatakbo? Anong gagawin niya?