DAHIL sa naging usapan nila ni Danica kaninang umaga, pinili niyang dumistansiya na muna dito. Naglakad-lakad siya sa paligid ng bahay.
Pero kahit ba mag-isa lang siya, hindi niya iyon masyadong ramdam. Pansin kasi niya ang pagbabantay sa kanya hindi lang ng mga guards sa paligid kundi pati na rin mga kasambahay. Para bang hindi siya maaaring mawala sa paningin ng mga ito.
Malamang napagsabihan ang mga ito ng James dahil sa nangyaring aksidente kay Katharina. Mag-isa lang kasi ito nang mangyari `yon.
Medyo nakakailang man, hindi na lang niya pinansin ang mga matang nakatingin sa kanya. Umikot siya sa garden papunta sa may pool. Hindi niya mapigilang mamangha sa laki no’n. Kahit ba ilang taon rin siyang tumira sa Maynila bago napunta sa probinsiya, iyon pa lang ang unang pagkakataon na nakakita siya ng swimming pool nang personal. Ang sarap sana maligo kaso baka malunod siya. Hindi kasi siya natutong lumangoy. Tapos mukha pa iyong malalim. Baka mamatay lang siya nang wala sa oras.
“Do you wanna swim? We can ask your doctor if it’s okay.”
Mabilis siyang napalingon nang marinig ang boses ni James. Hindi niya namalayan ang pagdating ng kotse nito. Ang aga yata nitong umuwi. Saka bakit parang namumula ang mukha nito. May sakit kaya ito?
“Ayos ka lang ba?” nag-aalala niyang tanong dito. “Bakit maaga kang umuwi? May sakit ka ba?”
Kapag may sakit si Sabhrina o si Andreu, mabilis siyang mataranta. Siguro dahil na rin `yon sa nangyari sa ama niya noon. Akala nila simpleng lagnat lang kaya hindi gaanong pinansin pero kinabukasan, hindi na ito nagising. Kaya kapag may nagkakasakit na malapit sa kanya, hindi na siya mapakali.
Kahit ba hindi niya totoong asawa si James, nag-aalala rin siya para dito. Nilapitan niya si James at dinama ang pisngi nito. Hindi naman ito mainit. Pero agad din niyang pinagsisihan ang ginawa nang maamoy ito. Amoy alak si James. Bakit kaya ito naglasing nang ganoon kaaga? Dahil kaya sa nangyari kagabi?
Nagulat siya nang bigla nitong hapitin ang kanyang beywang. Bumilis ang t***k ng kanyang puso nang magkadikit ang kanilang katawan.
“That’s new. You never cared about me that way since we got married.”
Anong ibig nitong sabihin? Wala naman siyang ginawang espesyal. Nagtanong lang siya kung okay ito. Ibig sabihin never iyong itinanong ni Katharina dito sa loob ng limang taon? Napaka-imposible naman ata no’n. Anong klaseng relasyon ang mayroon sila kung gano’n?
Sa nakita niyang pag-aalaga ni James sa kanya mula noong nasa ospital siya, ramdam niya kung gaano nito kamahal ang asawa. Kaya mukhang napaka-imposible naman ata na hindi maayos ang relasyon ng dalawa maliban na lang kung si Katharina ang nagloko.
Hindi kaya naaksidente si Katharina habang tumatakas ito kay James? Dahil makikipagkita ito sa ibang lalaki? Sa nakita kasi niyang emosyon sa mukha ni James, ramdam niya ang sakit at lungkot nito.
Napaisip tuloy siyang bigla kung ano nga bang klaseng babae si Katharina. Anong klase itong asawa?
Naikuyom niya ang mga kamao nang halikan siya ni James sa labi. Muntikan nga niya itong maitulak pero pinigilan lang niya ang sarili. Siguradong masasaktan ito kapag itinulak niya ito palayo tulad kagabi.
Pero siguro ramdam ni James ang pagkailang niya dahil ito na mismo ang tumigil sa paghalik sa kanya. Umatras din ito ng ilang hakbang.
“I’m sorry,” wika nito na lalong nagpa-guilty sa kanya. Hindi dapat ito humihingi ng tawad dahil lang sa paghalik sa sarili nitong asawa. “I know I should consider your situation. I know you’re still not comfortable with me,” nasabunutan nito ang sariling buhok. “I’m sorry, Hon. I just missed you so much.”
Lalo tuloy siyang nakaramdam ng awa para dito. Dati pa man ay maawain na talaga siya. Mga kamag-anak lang talaga ni Andreu ang nagpatigas sa kanya.
Nailang man siya sa ginawa ni James, sa pagkakataong iyon ay kusang naglakad ang mga paa niya patungo dito. Kusa na rin kumilos ang mga kamay niya para yakapin ito.
Siguradong mahirap para kay James ang sitwasyon nila. Paano pa kapag nalaman nitong wala na si Katharina?
“I-I’m sorry,” tuluyan na siyang napaiyak. “Alam kong nasasaktan kita. Gustohin ko man maibalik agad sa dati ang relasyon na meron tayo, hindi din naman iyon madali.”
Isa iyong bagay na gustohin man niya, napaka-imposibleng mangyari.
“Pero sana intindihin mo ako. Mas habaan mo pa ang pasensiya mo. At kung hindi ko man magawang maalala ang nakaraan natin, okay lang naman iyon sa iyo, hindi ba? Sabi mo nga, pwede naman tayong gumawa ng mga panibago at mga masasayang alaala.”
Sa kabila ng mga salitang sinabi niya, nanatili lang itong tahimik. Pero hindi naman siya nito itinulak palayo. Ilang minuto rin siguro na nakayakap lang sila sa isa’t-isa hanggang sa marinig nila ang boses ni Don Santiago.
Mabilis na napahiwalay ng yakap sa kanya si James. Para ngang bigla rin nawala ang kalasingan nito. Pareho silang napatingin sa Don na nakakatakot sa kaseryosohan ang mukha.
“Papa.”
“Meet me at your office.” Pagkasabing iyon ay tinalikuran na sila nito.
“Yes, Papa,” wika ni James bago tumingin sa kanya. “Babalikan kita. Kakausapan ko lang si Papa.”
Napatango na lang siya. Mabilis naman na nakahabol si James sa ama. Pansin lang niya. Mukhang takot ito sa ama. Pero sino ba naman kasing hindi matatakot dito? Sa tono pa lang ng pananalita, hindi mo aakalain na anak niya ang kausap. Kahit sa bahay parang nasa trabaho pa rin.
Napaupo na lang siya sa bench. Hindi niya masabi kung good o bad timing ang paglapit sa kanila ng ama ni James. Pero nang oras na iyon, masasabi niya na kahit papaano ay gumaan-gaan ang kanyang loob. At sa nakita niyang reaksiyon ni James kanina, nagkaroon siya ng dahilan para manatili doon at magpatuloy pa rin sa pagpapanggap. Hindi niya alam kung ano nga bang klase ng relasyon meron si James at ang asawa nito dati. Wala na rin siyang balak alamin iyon.
Mapapahamak lang siya sa oras na bumalik siya bilang si Sofia. Nasimulan na niya iyon kaya wala ng atrasan. Kahit kailan, hindi rin siya magiging si Katharina. Kaya naman nakapag-desisyon na siya. Simula sa araw na `yon, siya na ang bagong siya. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay mapasaya si James at bumuo ng mga bagong alaala kasama ito.
“SIGURADO ka bang walang maalala ang asawa mo? Baka inuuto ka lang no’n. Kunin ang loob mo at sa huli, traydorin tayo.”
Ang totoo, nalilito na rin siya. Nang una, nagduda siya dito. Pero sa ipinakita nitong pag-aalala sa kanya kanina at sa mga sinabi nito sa kanya, ramdam niya ang sinsiridad nito. Para bang ibang tao na ang nasa kanyang harapan. Patunay na totoo nga na wala itong naaalala sa nakaraan nito.
“I’m sure, Papa.” Iyon na lang ang kanyang nasabi.
“Paano kung bumalik na ang kanyang alaala? Anong gagawin mo?”
Hindi siya nakaimik.
“Bakit ba kasi ibinalik mo pa sa pamamahay mo ang babaeng `yon? Kung hinayaan mo na lang sana siyang mamatay, wala na sana tayong problema.”
Naikuyom niya ang kanyang kamao. “She’s still my wife.”
“Na hindi mo kayang kontrolin. Sa oras na bumalik ang alaala niyan, problema lang ang dala niya sa buhay mo. Natin. Kaya bago pa man tayo magkagulo, tapusin mo na ang problemang `to.”
“What if I can change her mind? Will you let her live?”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Give me some time, Papa. Gagawin ko ang lahat para pumanig siya sa atin. Sisiguraduhin ko rin na hindi niya tayo tra-traydorin.”
“At paano kung pumalpak ka?”
“Then I will kill her myself. I promise that.”