Kabanata 3:
"Hindi ka pa lulusong?" tanong sa akin ni Cleo habang pinuhubad ang suot na tshirt. Lumitaw ang kulay pula niyang sport bra.
Ngumuso ako saka lumingon sa hindi kalakihan pool, nandoon na ang ibang kaibigan nila Aliyah, hindi ganoon kaliwanag sa pool area pero sapat lang para makita ang isa't-isa.
"Mamayang kaunti, pababain ko lang ang kinain ko," pagdadahilan ko.
Tumango siya saka mabilis pumunta sa pool, dumeretsyo sa pinsan niya. I know why she wanted to swim already, nandoon na kasi si Vonna at Sage, of course she won't let her crush enjoying the cold water with his girlfriend. Bantay sarado.
Ang totoo ay hindi naman ako busog, sadyang may iniiwasan lang ako sa pool. Kanina ay parang balewala lang ang sinabi niya nang bumalik siya sa kaniyang upuan habang ako ay hindi na muling nakasubo ng pagkain.
I'm not dumb. I know. Something is off.
Is this his plan? I don't know.
"Ash, come here!" sigaw ni Aliyah saka kumaway sa akin, nasa gilid siya ng pool habang nakalublob ang paa.
Niyakap ko ang aking sarili, sumipol si Alan. "Hindi pa maliligo si Ash kasi wala pa si Kiyo, huwag ka mag-alala Ash pabalik na iyon." Humagikgik sila.
Pilit na ngiti ang ibinalik ko sa kanila.
Honestly, I'm not waiting for Kiyo. Umalis kasi siya kasama ang isang kaibigan lalaki para bumili ng beer sa labas ng Village, mukhang kinulang pa sila.
Hindi ko maiwasan mapatingin sa kabilang dulo ng pool kung nasaan ang mga kaibigan ni Kuya Axle at siya kasama ang babae nila.
Katulad ni Aliyah ay nakaupo siya sa gilid ng pool habang ang mga paa ay nasa pool, he's wearing a black sando. Tumama ang liwanag ng ilaw sa hawak niyang bote nang tunggain niya iyon.
His adams apple moved.
Hindi ko naririnig ang usapan nila pero mukhang pinipilit na siyang magswimming ni Pam, hinihila nito ang kamay niya habang tumatawa.
Bumuntong-hininga ako.
Now what? Why are you watching him Ash?
"Oh are you not going to swim?" Napalingon ako sa nagsalita.
Nakita kong kakalapag lang nila Kiyo at ng kasama niya ng isa pang case ng alak.
"Ahm, maliligo na rin."
Nahiya ako lalo't sabay kaming pumunta sa pool area, kita kong mapanuksong tingin nila Aliyah. Siguro ay iniisip nilang hinintay ko talaga siya.
Bumaba kami sa isang hagdanan doon, kaagad kong naramdaman ang lamig sa aking balat. Sinabuyan ako ni Aliyah ng tubig.
Napapikit ako roon.
"Aliyah, stop it." Saway ni Kiyo saka hawak sa braso ko. "Okay ka lang?"
"A-Ah oo ayos lang," hindi ko maiwasan mapalingon kay Kuya Axle, natatakot akong nakatingin siya sa amin.
At hindi ako nagkamali, nakikitawa siya sa mga biruan ng kaibigan niya pero nakatuon ang mata niya sa amin, sa akin.
Is he watching us? Why? Wala naman akong ginagawang masama ah.
Nagtilian sila Cleo sa ginawa ni Kiyo, nag-init ang mukha ko sa kanila. Jusko, ano ba naman 'to nakakahiya!
Pasimple kong inagaw ang siko sa kaniya, umupo kami sa isang baitang ng hagdanan, nakalubog ang katawan ko't hanggang dibdib ang tubig.
"Diyan ka muna?" tanong niya.
Ngumiti ako saka tumango, pinanuod ko siyang lumusong papunta sa mga kaibigan niya. I actually appreciated his effort for me to not feel awkward. Kahit na hindi pa kami gano'n kakilala pakiramdam ko ay magiging magkaibigan pa kami lalo't mabait talaga siya.
May sinabi ang kaibigan niya at nagtawanan sila bago siya lumangoy pabalik sa akin.
"Marunong kang lumangoy?" tanong niya nang umahon sa harapan ko.
"Marunong naman, huwag lang sa masiyadong malalim kasi madali akong mapagod."
"Langoy tayo?"
Tatanggi sana ako pero inilahad na niya ang kamay niya sa akin kaya tinanggap ko na. Natatawang hinila niya ako sa bandang gitna, naririnig ko ang tilian ng ilang babae at sipol ng mga lalaki.
Ganyan ba talaga sila?
Imbes intindihin ang pang-aasar nila ay lumusog ako sa ilalim para mabasa ang aking buhok. Hindi kaagad ako umahon habang dinadamdam ang tubig sa aking mukha, huwag naman sana silang umihi rito.
Nang umahon ako ay saktong nagtama ang mata namin ni Kuya Axle, nakababa na rin siya sa pool at wala ng pang-itaas na damit, dahil matangkad siya ay kitang-kita ko ang kaniyang dibdib.
Akala ko ay mag-iiwas siya ng tingin pero pinanuod niya ang mga tubig mula sa aking buhok na umagos pababa sa aking balikat.
"Hindi ka pala umiinom? Hindi kita nakitang tumagay kanina." Nakuha ulit ni Kiyo ang atensyon ko.
Napanguso ako sa sinabi niya, bahagya kaming tumatalon-talon sa tubig. "Bawal pa, eighteen pa lang ako."
Ngumisi siya. "Bakit si Aliyah?"
"Iba naman si Aliyah, ayaw ni Daddy ko saka wala naman ako makakasama sa amin kung payagan man ako. Masiyadong seryoso ang mga pinsan ko sa side ni Daddy, hindi sila naggaganito, nagkikita lang kami tuwing bagong taon," paliwanag ko sa kaniya.
Tumango-tango siya, bahagyang tumutulo sa mukha niya ang tubig. "Ah sabagay, iba-iba naman kasi bawat pamilya. Good thing napunta ka rito." Makahulugan aniya.
Ngumiti lang ako saka tiningnan ang ibang nasa pool, si Aliyah ay may kaharutan na sa pool na isang kaibigan nila Kuya Axle.
Umihip ang hangin sinubukan kong gumilid para bumalik sa pwesto ko kanina, tumawa si Kiyo at hinuli ang braso ko. Akala niya ata nakikipaghabulan ako.
"Where are you going? Tapos ka na?" Natatawang aniya.
"Gigilid lang ako, nilalamig ako."
"Lalo kang lalamigin kapag naupo ka doon."
Sinunod ko na lang ang sinabi niya, nanatili ako doon at paminsan-minsan ay lumalangoy. Natigil lang kami nang mag-aya ang mga girls na maglaro, maghahagis daw ng coin at paunahan makuha.
Of course, boys are so competitive kaya kaagad silang pumayag. May nagpustahan pa.
Gumilid kaming mga babae habang ang mga lalaki ang maglalaro.
"Date raw kayo ni Pam kapag nakuha mo Ax!" sigaw ng isang babae.
Sinapak ni Casper sa balikat si Axle. "Nice pare may inspiration ka na."
"I can date a woman if I want to." Ngumisi si Kuya bago sinuklay ang buhok gamit ang kaniyang daliri.
"Yabang e," asar ni Sage sa kaniya.
"Gusto mo kunin ko 'yon?" biglang usal ni Kiyo, ang singkit niyang mata ay bahagyang ngumiti. Hindi na ako nagtataka kung bakit ko siya nagustuhan, para kasing mag puting awra sa paligid niya, sumisigaw ng pagkafriendly niya.
"Ang tagal naman," inis na sigaw ni Kuya Axle.
Bahagya kong tinulak si Kiyo papunta sa gitna. "Magsimula na raw kayo."
"Kukunin ko 'yon para sa'yo," sabi niya bago pumuwesto.
Nang mahagip ng mata ko si Cleo ay nakasimangot siya habang nakatingin kay Sage. Hindi ko alam paano siya niyan nakakatagal, na 'yong gusto niya ay nasa iba na.
"Ito na! Ito na! Oh sumandal muna kayo sa gilid. Paunahan ah!" sigaw ni Aliyah, bumilang siya saka hinagis ang sampong piso sa gitna ng pool.
Lumakas ang sigawan ng mga kasama ko, bahagya akong napangiwi dahil halos lumabas ang ilang tubig sa pool nang sabay-sabay silang mahigit sampo na sumisid.
Hindi gaanong malinaw ang tubig sa pool lalo't malayo ang ilaw. Halos hindi na makita ang ilalim, hindi ko alam paano nila iyon makukuha.
"Go Sage!" sigaw ni Cleo, nanlaki ang mata ko sa kaniya. Nakalimutan ata niyang may girlfriend ang tao.
"Go Kiyo! Go Sage." Sinigaw ko rin para hindi siya masiyadong halata. Lalo't gumala ang mata ni Vonna parang hinahanap ang sumigaw ng pangalan ng boyfriend niya.
Matagal silang umahon. Ang iba ay sumuko na lang, umahon si Alan na umuubo. "Gago may naninipa!" singhal niya habang umuubo pa, nagtawanan kami.
Sabay-sabay na umahon ang iba, gumala kaagad ang aking mata para hanapin si Kuya Axle, sinuklay niya ang kaniyang buhok habang nakangisi.
Siya ba nakakuha?
"Ang sakit sa mata!" ani Casper.
"Hala, okay ka lang Kiyo?" biglang sabi ni Sage at lapit sa kaniya.
Lahat kami ay napatingin kay Kiyo, halos nanlaki ang mata ko ng makitang may dugong tumutulo sa ilong niya. Taranta kami, kinabahan ako dahil baka nauntog siya sa ilalim.
Lumapit kami sa kaniya, natatawa siya pero halatang nasaktan.
"Anong nangyari sayo Kuya?" nag-aalalang tanong ni Vonna sa kapatid.
Mas lumapit pa ako, pumunta siya sa gilid ng pool para punasan ang ilong niyang may dugo.
"Aksidente lang, may nakasapak sa akin sa ilalim. Hindi ata ako nakita, hindi ko rin nakita," aniya.
Kumunot ang noo ko, grabe naman sila halos magpatayan sa sampong piso.
"Tsk, mag-ingat nga kayo! E nakanino ang sampo?" ani Aliyah.
"Here." Itinaas ni Kuya Axle ang sampo at inihagis sa kapatid.
Nagtilian ang mga kaibigan ni Pam at itinulak siya papunta kay Kuya Axle. "Yon! May date na talaga!" sigaw nila.
Napailing na nilapitan ko si Kiyo.
"Okay ka lang?"
Ngumisi siya. "Ayos lang, ganon talaga minsan nagkakasakitan. Kahit sa basketball lapitin ako ng disgrasya." Tawa niya.
"Gamutin ko sugat mo? Kukuha akong bulak."
Hindi na siya umangal, hinayaan naman nila kaming umalis sa pool. Bago pa tuluyan maka-alis ay nakita kong parang galit na mukha ni Kuya Axle, gumagalaw ang kaniyang panga.
Anong nangyari roon? Napikon ata sa asaran.
Nagpunas muna kami ni Kiyo bago pumasok sa bahay, wala naman sila Mommy at Tito Ryan.
Dumeretsyo kami sa kusina, pinaupo ko siya doon habang hinahanap ang medicine kit.
"May maliit lang na sugat sa bungad, ayos lang ako," aniya.
"Linisan pa rin natin, baka mainfect."
"Sorry, hindi ko nakuha 'yong coin kanina." Tumango lang ako sa sinabi niya.
Tama nga ang sinabi niya, may maliit na hiwa sa bungad ng gilid ng ilong niya. Hindi naman mahaba o malalim iyon, habang dinadampian ko ng bulak na may betadine ang ilong niya ay kumalabog ang refregirator.
Sabay kaming napalingon doon.
Bahagya akong natigilan nang makita si Kuya, may nakapatong na tuwalya sa balikat niya. "Wala na ba tayong yelo?" usal niya pero nasa ref pa rin ang atensyon.
Tumikhim ako. "Meron pa ata. Where's Pam, Kuya?"
Tumango siya pero kunot ang noo. "With her friend." Pinanuod namin siyang kumuha ng yelo sa mabagal na paraan, inilagay niya iyon sa pitsel at dinurog.
"Continue your business, huwag niyo akong intindihin," sabi niya saka sumipol-sipol.
Napangiwi ako bago ituloy ang ginagawa.
"Dito ba kayo matutulog?" tanong ko kay Kiyo sa mababang boses.
Bahagya pa siyang napaigtad ng madiinan ko ang dampi sa sugat niya. "I'm not sure, siguro. Tanungin ko sila." Bahagya niyang sinulyapan si Kuya na natigil sa pagpito niya.
"Nako, sira ata ang guest room namin. Dad told me last day, pinapinturahan niya ata. I'm sure, it still smell paint."
Hindi pa ba siya aalis?
"Ah, okay lang Axle, baka umuwi rin kami."
Natapos na ako sa ginagawa ko, natapos na rin sa pagdurog ng yelo si Kuya Axle.
"Tapos na kayo? Labas na tayo," sabi niya pero sa akin lang nakatingin.
"Ahm, hindi na ako iinom Axle, dito na lang muna siguro kami ni Ash nilalamig na rin siya," medyo naiilang na wika ni Kiyo.
Tumaas ang kilay ni Kuya. "Ganon?"
Akala ko ay aalis na siya pero nagulat ako nang lumapit siya sa amin, ipinatong niya sa balikat ko ang kaniyang tuwalya.
Nahigit ko ang aking hininga sa ginawa niya.
"There, hindi na siya lalamigin. It's okay Kiyo kung ayaw mo na uminom but I'll take my sister with me. Come on, Ash. Hinihintay ka ng kaibigan mo sa labas," seryosong aniya bago kami talikuran.
***
SaviorKitty