THESSA's POV
Hanggang ngayon ay palaisipan parin sa akin ang mga nangyari kanina. Bakit nawala si Ruby? Bakit nakita ko nanaman ang lalaking naka-maskara? Ilang beses na yata ako nagkakaroon ng pangitain. Pangitain nga bang matatawag 'yun?
Nandito na ako sa bahay nila Sam at pinapanood na nagkakasiyahan sila. Kahit papaano sa panonood sa mga kaibigan ko ay nawawala ang mga alalahanin ko. Nakakatawa na niyaya ako ni Sam dito para malayo sa stalker ko pero ang mga experience ko dito what I mean is..parang simula ng dumating ako dito lagi na akong binabangungot. In short parang hindi nakatulong sa akin ang bakasyon na ito.
" Hon, why don't you join us? " nakangiting sabi ni Sam sa akin. Nakalapit na pala siya sa akin hindi ko man lang namalayan.
" Hindi sige, okay lang ako dito Hon. "
Sana huwag na niya akong kulitin. Medyo makulit pa naman at mausisa ang aking nobyo.
" Sigurado ka Hon?"
Kitams? Kasasabi ko lang..umpisa lang 'yan.
" Hon, alam mo parang ang serious mo lately. Gusto ko tuloy mainis sa stalker mo na 'yan dahil binago ka niya. Nawala na ang masayahin kong Thessa. " medyo mahaba ang sinabi ni Sam.
" Hon, okay sabihin na natin na naguguluhan ang isip ko. May mga bagay na gumulo sa akin simula ng mapunta ako dito. " paliwanag ko sa kanya.
" At ano naman iyon? Bakit hindi mo sabihin sa akin? Ano pang silbi ko bilang boyfriend mo?" umarangkada na po si Sam.
" Sam..please..gusto ko munang mapahangin. Mamamasyal muna ako sa garden niyo. " hindi ko na hinintay na magsalita siyang muli at naglakad na akong palayo. Naiwan si Sam na nakatanaw na lang, nilapitan ito ni Yannie marahil ay para magtanong.
Narating ko din ang garden at namangha ako sa dami ng magagandang bulaklak. Malalago din ang mga halaman, tingin ko nga ang iba ay mga herbal o medicinal plant. Ayon sa kwento ni Sam ang Mama niya ang hands on na nag-aalaga sa mga ito. Magaling si Mrs. Gaston at nakapag-alaga siya ng maraming halaman at bulaklak gaya nito. Wala silang pinagkaiba ng Mommy ko. Parehas silang may green thumb, ako kasi walang tiyaga sa mga ganito.
Hinawakan ko ang isang pulang rosas at inamoy. Pwede kayang pumitas kahit isa lang. Lumingon ako kaliwa't kanan para tingnan kung may tao, maya kasi makita ako ng Mama ni Sam. Pinitas ko iyon at muling naglakad. Sa isang sulok ng garden ay may nakita akong isang rebulto ng magandang babae. Hindi ko lang masabi pero parang pamilyar sa akin ang babae. Saan ko nga ba siya nakita? May nakasulat sa ibaba at binasa ko iyon.
'My love will never fade, you will always be in my heart.'
4/10/12 R.F.M
Ano kaya ang ibig sabihin ng nakasulat? Pati iyong initials? Siguro pangalan ng babae? Grabeng pagmamahal naman ng taong ito sa babae at ipinagawa pa talaga ng rebulto dito sa hardin. Nakakainggit naman ang babaeng ito.
Hindi ko maiwasang tingnan muli ang rebulto. May naalala akong bigla sa ngiti niya..si..
" Si Sam ang nagpagawa niyan, inialay niya sa namatay na babaeng una niyang minahal. "
Nagulat ako sa nagsalita sa likod ko at nilingon ko iyon. Ang Mama ni Sam! Napansin ko na nakatingin siya sa hawak kong rosas.
" M-ma'am sorry po if pinitas ko ang.."
" Iyang pulang rosas na iyan ay si Sam ang nagpatanim, dahil iyan ang paboritong bulaklak ni Ruby. " pinutol niya ang pagpapaliwanag ko at kumunot ang noo ko sa binanggit niyang pangalan.
" Ruby po?" tanong ko sa Mama ni Sam.
" Oo, si Ruby. Kilala mo ba siya? Sabagay isang sikat na modelo si Ruby. " nakataas ang kilay nito habang nakatingin sa akin, may himig ng pagyayabang pa nga ang boses nito. Mukhang mas boto ang Mama ni Sam sa babaeng ito. Teka, Ruby? Ruby..hmmm..
Tama ang babaeng nakasama ko sa pamamasyal at ang nagyaya sa akin sa may gilid ng bangin ay si Ruby!
Pero paanong nangyari na kasama ko siya? Nahawakan pa nga eh. Isa pa may picture kami together!
" Si Ruby po ba ay maganda, balingkinitan ang katawan, matangkad at medyo maputi? Meron din siyang nunal malapit sa labi?" tanong ko sa Mama ni Sam, baka kasi iba ang tinutukoy niya sa kakilala ko.
" Oo, siya nga. Paano mo siya nakilala? Saan mo siya nakita?" gulat na tanong ni Mrs. Gaston sa akin.
" Sa may bangin.." mahinang sabi ko. Nanlaki ang mga mata ng ginang sa sinabi ko. Ang mga mata niya ay puno ng pagtatanong. " Nakita ko siya doon at ipinasyal niya ako. "
" Ilang beses mo siyang nakita? Wala ba siyang ibang sinabi sa'yo? Wala ba siyang ikinuwento?! Sagutin mo ako!" nag-hehesterikal na ang ginang sa akin. Medyo masakit din ang pagkakakapit nito sa aking braso, ramdam ko ang pagdiin ng mga kuko niya.
" W-wala po..M-ma'am nasasaktan po ako.." daing ko sa kanya at medyo natatakot na din ako sa reaksyon niya.
" Mama! Anong ginagawa mo kay Thessa?! Bitawan mo siya!" narinig kong sigaw ni Sam at lumapit siya para ilayo sa akin ang kanyang Mama. " Hon, okay ka lang? Sorry inaatake si Mama ng sakit niya. Maya na kita kausapin dalin ko muna siya sa kwarto niya. " hinila na niti ang kanyang Mama paalis doon. Nakita ko sila Gemma, Yannie, Jacky at Tim na nagtatanong ang mga tingin sa akin.
" Ate.." palapit sana si Gemma sa akin.
" Guys, sumakit ang ulo ko. Papasok muna ako sa kwarto ko. " pagpapaalam ko, iniwasan ko na silang tingnan at nagmamadaling umakyat ng kwarto ko.
Pagkapasok ko ay tiningnan ko agad ang camera ko. Ini-scan ko lahat ng pictures na nakasama ko si Ruby, pero...wala! Lahat ng pictures ay walang Ruby na nag-exist! Pati na ang picture sa may puno na kasama ko siya dapat ay wala! Wala akong katabi!
Ano bang kababalaghan ang nangyayari na ito? Pinaglalaruan ba ako? Isa na lang bang multo si Ruby? Binato ko ang camera ko sa kama. Lalong sumasakit ang ulo ko sa rebelasyong ngayong araw. Ano pa ang susunod kong ma-eencounter sa lugar na ito?
*****
" Nakita niya si Ruby anak! Nakita niya! Ang babaeng iyon ay may nalalaman na siya! May nalalaman na siya! Ayaw lang niyang sabihin!" sigaw ng Mama ni Sam.
" Mama please! Huminahon ka naman!" pagpapakalma ni Sam sa ina. " Tina ang gamot ni Mama! Bilisan mo naman! " sigaw ni Sam sa katulong. Natataranta naman si Tina na pumasok habang dala-dala ang mga gamot ng ginang.
" H-heto na po Señorito," inihanda na nito ang syringe at sinalinan ng gamot. Hinawakan naman ni Sam ang ina upang ma-ineksyunan.
" Anak, huwag mong hayaang lumabas ang lihim. Huwag mong basta na lang siyang.." bago pa nito masabi ang huling sasabihin ay napapikit na ito.
" Ano po bang nangyari Señorito bakit sinumpong ang Señora?" hindi naiwasang matanong ni Tina. Iling lang ang itinugon ni Sam.
" Hindi ko din alam Tina, pero kasama niya si Thessa sa garden at nabanggit niya si Ruby. Bantayan mo muna si Mama at kakausapin ko si Thessa. Lalabas na sana si Sam ng may marinig silang nabasag na vase. Nagtakbuhan silang dalawa sa pinto upang alamin kung sino iyon ngunit wala silang nakita.
" Señorito, mukhang may nakikinig sa usapan natin. " si Tina ang unang nagsalita.
" Hayaan mo na lang muna siya Tina at kung hindi siya titigil ay may kakalagyan siya. Oh, paano pupuntahan ko lang si Thessa. " naglakad na ito sa pasilyo patungo sa kwarto ni Thessa.
Nang makarating siya sa kwarto ng dalaga ay kumatok si Sam ng marahan, ngunit walang nagbubukas. Pinihit niya ang seradura at bukas iyon.
" Hon? Papasok na ako. " madilim ang silid ni Thessa inaaninag niya kung nasaan ang nobya ngunit wala ito sa kwarto. Napansin niyang bukas ang balcony kaya nagpunta siya doon para silipin kung nandoon ang kanyang nobya.
" Hon.." napaigtad si Thessa ng tawagin siya ni Sam. " Anong ginagawa mo dito, tara sumabay na tayo sa kanilang kumain. " lambing ni Sam sa kanya. Umiling naman si Thessa.
" Wala akong gana, ikaw sumabay ka na sa kanila baka nagugutom ka na. " sabi ni Thessa at niyakap niya ang sarili habang nakatanaw sa malayo.
" Ayoko na ding kumain hindi ka din kakain eh." kunwari ay nagtatampo si Sam. Niyakap niya si Thessa mula sa likuran at inamoy ang buhok ng dalaga. " Ano ba ang nangyari sa'nyo ni Mama sa garden kanina?" tanong ni Sam. Biglang nanigas si Thessa.
" Ha? Naitanong ko lang iyong tungkol sa rebulto ng babae. Naikwento niya sa akin kaso bigla na lang..bigla na lang nangyari iyon. " pagsisinungaling ni Thessa. Baka kasi ano naman ang makita niyang reaksyon sa oras na sabihin niyang nakita niya si Ruby sa may bangin. To be exact ay ang kaluluwa ni Ruby.
" Iyon lang ba? May nabanggit si Mama na nakita mo daw si Ruby? " napansin ni Thessa na nagiging matanong si Sam, ano kaya ang nasabi ng ginang sa kanya?
" Oo, nakita ko si Ruby sa isang gatherings dati. Sikat siyang modelo diba? " pinilit ni Thessa ngumiti sa harap ng nobyo.
" Tama ka, huwag ka sanang magselos sa kanya ha. Matagal ng patay si Ruby, naipagawa ko lang ang rebulto na iyon noong sobrang mahal ko pa siya. Ngunit ngayon iba na dahil ikaw na ang mahal ko. Sana paniwalaan mo iyon. " madamdaming pahayag ni Sam, hinarap naman ni Thessa ang nobyo at saka niyakap.
" Sam, mahal na mahal kita at naniniwala ako. " simpleng sagot ni Thessa, niyakap siya ng mahigpit ni Sam.
Mula sa madilim na bahagi ng garden kung saan tanaw si Sam at Thessa na magkayakap, isang nilalang ang masama ang tingin sa kaila. Nakakuyom ang kamao nito at naninibugho sa nakikita.
" Thessa.." madiin ang pagkakabigkas nito sa pangalan ng dalaga.