Allyza Alcantara POV
Hinila niya na agad ako papasok sa classroom na walang tao kung saan sila nanggaling ng babae kanina. Nilingon ko pa si Renz at bakas ang pagtataka at kung anong emosyon sa mga mata niya na hindi ko masabi kung ano.
Nakakahiya sa kaniya. Baka kung ano na ang iniisip niya sa aming dalawa ni Jackson. Wala naman akong magawa kun'di sumunod sa lalaking 'to.
Nakita ko ang laptop at ilang gamit niya sa table na ng mga professor. Hindi pa rin ako sanay na kaming dalawa lang ang magkasama kapag may ipagagawa siya.
Sinabihan niya akong maupo sa silyang nakaharap sa laptop habang siya ay nakatayo lang sa gilid ko. Sinimulan niyang mag-explain ng dapat kong gawin. Mukhang alam naman niya ang mga kailangan niyang i-search doon pero sa akin niya pa rin pinapagawa. Siguro tinatamad na naman siya.
Sinimulan ko nang mag-search ng mga nakalista doon na pinapahanap niya habang ito naman ay kumuha ng isang silya at itinabi ng bahagya sa upuan ko.
Akala ko panunuorin niya lang ako pero kinuha nito ang phone sa bulsa at inabala ang sarili roon kaya nabawasan ang pagkailang ako.
Mukhang nakalog-in ang social media accounts niya kaya hindi tumitigil ang pagpop-up ng notifications and messages na karamihan ay galing sa mga babae. Binalewala ko lang ang mga iyon pero maya maya ay may tumawag.
Nilingon ko ito pero nakita kong pinatay din niya agad iyon sa cellphone niya. Nagpatuloy ako sa pag-search at pag take down ng notes pero sunod-sunod na ang mga pagtawag ng kung sino-sinong mga babae kaya panay pop-up din niyon sa screen.
"Damn, these bitches," bulong nito.
Mukhang pati ito ay naiinis sa sunod-sunod na pagtawag dahil naiistorbo ito sa paglalaro kaya in-off na lang ang phone.
Bumuntong hininga ako bago bumaling dito. "Puwede mo bang i-log out muna 'yong accounts mo rito? Hindi kasi ako makagamit ng maayos."
Hindi ito sumagot pero biglang nitong nilapit ang katawan nang abutin niya ang laptop sanhi ng pagkakadikit ng braso ko sa kaliwang braso nito. Mabilis kong binaba ang kamay ko dahil sa tila kuryente na namang dumaloy sa akin mula sa balat nito.
Napalingon pa ako rito dahil sa pagkabigla pero mas hindi ko inaasahang lumingon din ito sa akin at halos maduling ako sa sobrang lapit ng mukha niya sa mukha ko.
Nanigas ang buong katawan ko at hindi ko nagawang kumilos agad ganoon din ito. Ilang sandali kaming nakatingin lang sa mata ng isa't-isa na tila binabasa ang laman niyon.
Napalunok ako at ramdam ko ang panunuyot ng lalamunan ko lalo na nang bumaba ang tingin nito sa ilong ko hanggang sa mga labi ko.
Hindi ko alam ang gagawin ko sa mga oras na iyon. Gusto kong umatras nang unti-unting lumalapit lalo ang mukha nito pero hindi ko maigalaw ang katawan ko. Para akong nahihipnotismo sa mga mata nito at sa mabango nitong amoy.
Pakiramdam ko nagtayuan ang mga balahibo sa batok ko nang magdikit ang tungki ng ilong namin. Unti-unti siyang pumikit at hindi ko alam kung bakit ginaya ko siya ngunit hindi pa man lumalapat ang labi nito ay napaigtad ako sa gulat nang muling tumunog ang laptop hudyat na may tumatawag ulit doon.
Narinig ko ang mahinang pagmura nito at sinara ang laptop. Hindi natapos ang pinapagawa niya dahil umalis ito agad at iniwan ako.
***
Patungo kami sa bakanteng pwesto sa dulo ng canteen nang makasalubong ko na naman ang matalim na tingin ni Crystal. Nakaupo ito kasama ang mga kaibigan sa 'di kalayuan at alam kong madadaanan ko ang mesang kinaroroonan nila. Nakakapagtaka na nandito sila sa canteen.
Hindi pa rin nagbabago ang mga tingin niya sa akin sa tuwing magkakasalubong o magkikita kami sa loob ng campus. Kung nakamamatay lang ang tingin ay matagal na 'kong bumulagta.
Binilisan ko na ang lakad nang makitang naiwan na ako nina Missy at Ron patungo sa dulong mesa pero nanlaki ang mga mata ko nang may paang biglang sumulpot at mapatid ako kaya nabitawan ko ang tray na hawak.
Mabilis kong naitukod ang dalawang kamay sa floor at napatingin na lang ako sa natapong orange juice at adobo rice sa sahig.
Nakarinig ako ng mahihinang hagikhikan sa kaliwa ko at nakita ko si Crystal at tatlong kasama niya na nakatingin sa akin. Mukhang tuwang-tuwa ang mga ito kaya hindi ko napigilan ang samaan din sila ng tingin. Alam kong ang isang iyon ang pumatid sa akin.
"Ally! Anong nangyari?" agad tanong nina Ron at Missy. Ipinatong nila ang mga dalang tray sa mesa at mabilis akong pinuntahan.
Napatingin ako sa lalaking nagsalita at inalalayan akong tumayo. Hindi ako nakasagot. Halos nasa akin lahat ng atensyon ng mga tao sa loob ng canteen. Nakita ko sa mukha ng iba ang pagtataka at sa iba naman ay simple lang na nakiki-usyoso.
Pinulot nina Ron at Missy ang nagkalat na tray at utensils at agad din naman lumapit ang janitor para linisan ang mga natapon.
Tinatagan ko ang dibdib at pinigilan ang sariling maging emosyonal dahil ayokong kaawaan lang ako ng mga naroon.
"I'll order food for you," ani Renz.
Pilit akong ngumiti sa kaniya. "Hindi na kailangan, Renz. Ako na lang."
"It's okay, Ally. Maupo ka na ro'n," mariing sabi nito.
Hinila ako na ako nina Missy patungo sa table namin at nagsimula na silang magtanong nang magtanong
"N-natisod lang ako. Kasalanan ko," pagsisinungaling ko.
Ayoko nang sabihin sa kanila ang totoo dahil siguradong susugurin nila ang grupo ni Crystal at iyon ang ayokong mangyari. Hindi ko na gustong makabangga o magkaroon pa ng issue kay Crystal dahil alam ko na ang kaya niyang gawin.
"Hindi ako naniniwala. Magsabi ka ng totoo," tila nagdududang tanong ni Ron.
Humugot ko ng malalim na hininga. "Hayaan niyo na..."
Medyo masakit ang kamay ko dahil sa biglaang pagtukod ko kanina at ang tuhod ko pero hindi ko na ininda iyon.
"My gosh. Hanggang kailan ka niya pahihirapan? Halika sugurin natin." ani Missy. Akmang tatayo ito pero agad kong pinigilan ng braso niya kaya napaupo ulit ito.
"Huwag na, Missy. Maraming tao. Baka mabaliktad na naman tayo. Puwedeng-puwede nilang itanggi."
"May araw din 'yan sa 'kin," sambit nito.
Maya maya ay dumating na si Renz na may dalang dalawang tray at inilapag niya sa harap ko ang isa. Umusog si Ron para makaupo ito kaya magkatapat kami.
"T-thank you, Renz," nahihiyang sambit ko.
Ngumiti ito sa akin. "Kumain ka na. Ayos ka lang ba?" Bakas pa rin sa mukha nito ang pag-aalala.
"A-ayos lang ako. Babayaran ko 'tong in-order mo," sabi ko at akmang kukuha ng pera sa bag ko.
"No, hindi na kailangan. Hindi ko tatanggapin 'yan." Pigil niya sa akin.
Mukhang hindi talaga nito tatanggapin kaya binigyn ko na lang siya ng tipid na ngiti.
Malaki ang pagpapasalamat ko dahil mula noon naging mabait at protective sa akin si Renz. Mula sa makukulit na kaklase namin na gustong manligaw sa akin noon at sa mga babaeng galit sa akin sa hindi ko malamang dahilan.
At hanggang ngayon, dumarating pa rin siya sa oras na nasa hindi magandang sitwasyon ako.
Narinig ko ang pagtikhim ni Ron. "Tama na ngitian. Kumain na kayo."
"Inggit ka lang, eh!" ani Missy.
"Ah gano'n?" Sinamaan siya ng tingin ni Ron at mabilis na tinusok ang chicken nuggets sa plato ni Missy at sinubo iyon na ikinareklamo ng nito.
"Akin 'yan!"
Napangiti na lang ako sa kanila. Mabuti na lang at may mga kaibigan akong katulad nila na nagpapangiti sa akin at nagpapagaan ng loob ko.
***
Masyado akong napaaga ng gising ngayon kaya kampante akong naglalakad nang mabagal patungo sa building namin. Pagtungtong ko nang third floor napatingin ako sa tatlong babaeng lumapit sa 'kin.
"Sigurado kang 'yan ang girlfriend ni Jackson, Mitch?" tanong ng isang babae sa kasama.
"Siya nga!" sagot ng babaeng nasa gitna.
Napalunok ako nang makilala ko ito. Ito ang babaeng nagalit kay Jackson noong isang araw. Nakikita ko sa mukha nito ang galit habang ang dalawa namang kasama nito ay may pangungutyang pinapasadahan ako ng tingin.
"Ang kapal ng mukha mo! Anong gayuma ang ginamit mo para patulan ka ni Jackson? Huh?" galit na tanong nito.
"Sa tingin mo talaga seseryosohin ka niya?" sabi naman ng isa at tiningnan ako mula ulo hanggang sa mga paa ko habang nakataas ang isang sulok ng labi.
Wala naman mali sa suot kong skinny jeans at puting blouse para maging ganoon ang reaksyon niya. Sa tingin ko mas may mali pa sa suot nitong spaghetti strap na labas ang cleavage bilang isang estudyante.
Gusto kong itanggi at linawin na hindi ako girlfriend ng lalaking 'yon pero hindi ko na nagawang sumagot dahil sa sunod-sunod nilang pagsasalita.
"Hindi ang tulad mo lang ang papatulan niya kaya magising ka sa panaginip mo!" muling galit na wika sa mukha ko no'ng babae ni Jackson.
Napalingon ako sa paligid at ilang estudyanteng napapadaan ang lumapit at nanunuod na sa amin. Ginusto ko nang umalis doon bago pa dumami ang mga nakikiusisa at makakuha pa kami lalo ng atensyon kaya minabuti ko na lang na huwag na silang patulan at sinimulan kong humakbang paalis pero sumigaw ito.
"Hoy! Kinakausap pa kita!"
Nagtuloy ako sa paglalakad hanggang sa hallway pero hindi ko inasahan ang sunod na gagawin nito. Napadaing na lang ako nang hilain nito ang buhok ko mula sa likuran ko at halos mapaupo ako sa sahig sa lakas niyon.
"Go, girl!" sabi ng isa na tila tuwang-tuwa sa ginagawa ng kaibigan nila.
Pilit kong inaalis ang dalawang kamay nitong mahigpit na nakakapit sa buhok ko habang nakikiusap na bitiwan niya ako.
"Uy, si Ally!" Narinig kong sigaw ng ilan sa 'di kalayuan kasabay ng mga yabag palapit sa direksyon namin. Nagtulong-tulong kung sino man sila para mabitiwan ako ng babaeng iyon hanggang sa maramdaman kong tuluyang akong nakawala mula rito.
Nakita ko ang ilan sa mga kaklase ko na siyang tumulong sa akin at inalalayan akong makatayo.
"Bakit mo sinaktan si Ally, huh? Anong karapatan mong gawin 'yon?" asik ng kaklase kong si Mona.
"Oo nga! Dapat kang malagot sa ginawa mo." dugtong ni Seth.
"Wala kayong pakialam! Salot ang babaeng 'yan!" Binalingan nito ang mga estudyante sa paligid. "Alam niyo ba na nilalandi niya si Jackson? Dapat lang sa kan'ya 'yan!" matapang na sagot nito.
Hindi ko napigilan mamuo ang mga luha sa mga mata ko pero pilit kong pinapatatag ang sarili ko. Sobrang nakakahiya na ang nangyayari at mas dumami pa ang estudyanteng nakiki-usyoso sa amin.
"Kailangan nating i-report 'to sa Dean! Dapat managot kayong tatlo!" mariing sabi ni Mona habang patuloy na hinahagod ang likod ko.
Naalarma ako sa narinig kaya napabaling ako rito. Nabahala rin ang tatlong babae.
"Subukan mo lang! Ikaw ang isusunod ko!" pagbabanta nito.
"Pwes, hindi ako natatakot sa'yo, 'no!" mataray na sigaw ni Mona.
"Argh! Mga bwiset!" tili nito at nagpupuyos sa galit na tumalikod at maingay ang mga takong na nagmartsa palayo kasunod ang dalawa.
"Ayos ka lang ba, Ally? Ano bang nangyari?" tanong nila habang hawak ako sa magkabilang braso patungo sa classroom.
Hindi nagtagal dumating din si Missy at nagsimulang mag-usisa sa nangyari na agad namang kinwento ng mga kaklase naming nakasaksi.
Maghapon itong dumadaldal ganoon rin si Ron nang malaman nito ang nangyari.
Nagagalit sila at gustong ipaalam sa school ang ginawa no'ng Mitch pero alam nilang hindi ako puwedeng humarap sa Dean at ma-involve na naman sa panibagong gulo.
"Nakakainis naman! Wala man lang tayong gagawin para makaganti sa bruhang 'yon? Kapag nakita natin siya ituro mo sa 'kin 'yan para makatikim ng mag-asawang sampal!" nanggagalaiting sabi ni Missy.
"Nakakaloka naman kasi. Bakit ka naman niya pagbibintangan na nilalandi mo si Jackson? Eh, allergic ka nga do'n," wika ni Ron.
Hindi ko pa rin naikwento sa kanila ang kalokohang sinabi ni Jackson sa babae nito kaya wala silang ideya sa nangyayari. Napahilot na lang ako sa ulo ko.
Hindi naman na gaanong masakit iyon pero mahapdi pa rin ang kalmot ng babaeng iyon sa noo ko nang subukan siyang ilayo kanina ng mga kaklase ko. Parang sa tigre ang kuko niya sa haba.
Napabuntong hininga ako. Hindi ko alam bakit naging sunod-sunod ang problema ko. Dumadami ang kaaway ko rito sa campus.
Mas lalong bumigat ang pakiramdam ko nang makatanggap ako ng text mula kay Jackson. Isa pa siya sa gumagambala sa akin. Hanggang ngayon naiinis ako sa sarili ko kung bakit hindi ko nagawang umiwas nang subukan nitong... halikan ako.
Sumama sila sa akin patungong gymnasium dahil doon ako pinapapunta ni Jackson. May practice daw sila at kailangan nito ng alalay. Yes, alalay talaga ang pagkakasabi niya. Napaka talaga.
Agad kaming binati ng buong team nang makarating kami roon. Sanay na sila na lagi kami nandoon sa tuwing may practice sila at halos naging magkakaibigan na kaming lahat. Pero syempre, except sa mayabang na lalaki na ang tingin sa sarili niya ay sikat na artista.
"Ano nangyari d'yan? Bakit may sugat ka?" tanong ni Luke habang nakatingin sa noo ko.
Agad akong napahawak do'n para takpan kahit wala naman silbi pa 'yon.
"Ayon, may nainggit na naman sa mukha niya kaya sinugatan," kaswal na sagot ni Missy.
"Really? Sino?"
"Die-hard fan niyang kaibigan mo!" ani Missy at ininguso si Jackson.
Wala sa loob na napalingon din ako rito at bahagya akong nagulat dahil nasa akin din pala ang atensyon nito. Sa noo ko...
Napalunok ako nang magsimula itong lumapit. Nakakunot ang noo nito habang nakatingin pa rin sa noo ko.
"Sino?" malamig niyang tanong bago bumaling kay Missy.
Tila nataranta naman ito kaya mabilis sumagot. "Mitch daw ang pangalan."