Hanggang ngayon pumapasok pa rin sa isip ko ang nakita kong nakakadiring eksena kahapon.
Ganoon ba talaga siya kahayok sa mga babae? Kahit saan na lang? Pati classroom binababoy. Parang nagtataasan ang balahibo ko sa batok sa naiisip kong ginawa nila do'n.
Winaksi ko na ang isip do'n nang huminto ang jeep sa tapat ng school.
Agad akong bumaba at nagmamadaling pumasok sa gate.
Tatlong minuto na lang magsisimula na ang Accounting class ko kaya mas binilisan ko ang pag-akyat sa hagdan.
Nakatingin ako sa mga paa ko para hindi ako magkamali ng tapak sa pagmamadali pero muntik na akong mawalan ng balanse nang mabunggo ako sa isang bulto.
Mabuti na lang at nakakapit ako agad nang mahigpit sa handrail kaya agad rin akong nakabawi.
Nag-angat ako ng tingin at agad nagsalubong ang kilay ko nang makita ko kung sinong bumunggo sa 'kin.
"Anong problema mo? Ang lawak-lawak ng daan, oh!" tukoy ko sa hagdan.
Hindi ito sumagot pero napa-atras ako nang bumaba ito sa baitang kung saan ako nakatayo at ihawak ang dalawa nitong kamay sa handrail na sinasandalan ko kaya nakulong ako sa dalawang braso niya.
Bahagya itong yumuko para magpantay ang mukha namin. Napalunok ako sa sobrang lapit nito.
"You... Binobosohan mo ba kami? Huh?" mahinang tanong nito.
Seryoso lang itong nakatingin sa mga mata ko na tila binabasa ang nasa isip ko. Amoy na amoy ko ang pabango nito maging ang mouthwash na ginamit nito.
Naging sunod-sunod ang paglunok ko nang maisip ang tinutukoy nito.
"H-Hindi ko alam ang sinasabi mo," agad tanggi ko.
Tumaas ang sulok ng labi nito. "Really? Eh, bakit mo kami pinapanuod? Huh? Naiingit ka ba?"
Napamaang ako sa narinig. Hindi makapaniwalang tiningnan ko ito. "B-bakit naman ako maiinggit? Wala akong pakialam sa ginagawa n'yo."
"See? Ibig sabihin pinapanuod mo nga?" anito na may ngisi pa rin sa mga labi. "Why? Puwede mo naman sabihin sa 'kin kung gusto mo. Madali akong kausap."
Pakiramdam ko nanuyot ang lalamunan ko nang bumaba ng tingin niya sa mga labi ko. Mabilis ko itong tinulak palayo nang tangkain nitong mas lalong ilapit ang mukha sa 'kin.
"Manyak!" asik ko.
Bahagya itong napalayo sa mukha ko pero nakakapit pa rin ito sa magkabilang gilid ko. Sa itsura nito para itong nagpipigil matawa kaya nagsimula akong makaramdam ng pagka-inis.
"Puwede ba padaanin mo na 'ko? Late na 'ko sa klase ko," mataray na sabi ko.
Nababahala ako sa mga kapwa namin estudyanteng dumadaan at nakikita kami sa gano'ng posisyon. Ramdam ko ang pagbubulungan ng iba. Baka iniisip nila na isa ako sa mga babaeng may gusto sa lalaking 'to. Imposible!
"Okay, pero hindi pa tayo tapos. Hindi mo pa nasasagot kung bakit ka namboboso. You invaded my privacy," sabi nito bago inalis ang mga kamay sa handrail ng hagdan.
Privacy?
"Puwes, hindi ko kasalanan kung iniiwan niyong bukas ang pinto. At sa susunod, dalhin mo sa motel kung gusto mo ng privacy!" huling sabi ko rito bago mabilis itong iniwan at lumakad palayo.
Ang kapal din talaga ng mukha para isiping naiingit ako. Argh!
Mas gugustuhin ko pang maging first kiss ang butiki sa bahay kaysa sa kan'ya. Napangiwi rin ako sa naisip.
"This friday na pala ang acquaintance party para sa mga freshmen. Attend tayo?" tanong ni Ron habang kumakain kami sa canteen.
Bigla ko naalala ang acquaintance party namin last year. Iyon ang pa-welcome party ng Maxville para sa aming mga first year students. Free entrance naman kaya naka-attend ako.
May mga tumugtog na sikat na banda at free sandwich and drinks. Nag-enjoy kami nina Missy at Ron noong panahong iyon.
"Pero 'di ba may entrance fee kapag umattend ang mga hindi first year student?" tanong ko.
"Yes, meron pero mura lang naman. Don't worry ako nang bahala sa inyo," sagot nito.
"Really? Galante talaga ng frenny ko. Thanks friend!" Lambing ni Missy rito at niyakap si Ron.
"Lumayo ka nga,Missy Joy! Kadiri ka. Kinikilabitan ako sa'yo!" eksaheradang pagtataboy ni Ron dito na ikinatawa namin.
Ayaw na ayaw kasi niya na sweet kami at nilalambing namin siya.
Sumapit ang friday at nagbaon lang ako ng extra blouse para sa acquiantance party. Nang matapos lahat ng klase nang 5 PM ay nagpalit lang kami ng damit.
Nakasuot lang ako ng usual na suot ko pamasok araw-araw. Skinny jeans, simple blouse at flat sandals.
Magsisimula na rin tumugtog ang mga banda na pangungunahan ng banda mula sa school kaya nagsipaglapitan na rin kami sa stage na itinayo sa open field.
Guwapo ang bokalista at maganda ang boses kaya naman marami rin ang mga babaeng nagkakagusto rito.
"I love you, Rio!" sigaw ng ilang kababaihan.
Maging si Missy at Ron ay nakisigaw at tili na rin. Ito lang yata ang nakita kong rugged look dahil sa style ng pananamit nito at mahabang buhok pero mukha pa ring mabango.
Nakangiti lang ako habang nakikinig sa medyo paos na boses nito. Hindi ko alam kung anong nag-udyok sa akin at napatingin ako sa bandang gilid ng crowd.
Bahagya akong nagulat nang makita ko si Jackson na matiim na nakatingin sa direksyon ko. Seryoso itong nakatingin at mukhang hindi alintana na nahuli ko ito.
Nag-iwas ako ng tingin dahil hindi ko kinaya ang makipagtitigan dito. Pero ilang sandali lang hindi ko napigilan ang sariling tingnan muli ang direksyon nito na agad kong pinagsisihan dahil nasa akin pa rin pala nakatingin ito.
Nakita ko ang pagsilay ng ngisi sa mga labi nito. Nang-aasar na ngisi na naman tulad nang ginagawa nito no'ng mga nagdaang-araw sa tuwing makakasalubong ko ito.
Hindi ko na lang ito pinansin at tinutok ang atensyon sa stage. Mas lalong naging maingay at halos tumatalon na ang crowd habang sumasabay sa pagkanta ng mga sikat na banda.
Natigilan ako nang maramdaman kong may napigtas sa sandals na suot ko. Yumuko ako para tingnan iyon at nakita kong bumigay na ang lumang sandals ko na nabili ko pa last year sa isang tiangge.
Napigtas na ang natatanging strap na kinakapitan ng big toe at index toe ko.
Napatingin na rin sina Missy sa paa ko ang tinanong kung anong nangyari.
"Nasira 'yong sandals ko," nakangiwing sambit ko.
"Hala! Paano 'yan?" tanong ni Ron.
Bumitaw muna ako sa kanila at pinulot iyon. "Teka, susubukan kong ayusin."
Nagpaalam ako sa kanila at lumayo muna sa madilim at masikip na crowd.
Nakayapak ang isang paa na tinungo ko ang poste ng ilaw sa gilid malapit sa gymnasium.
Tiningnan ko ang sandals ko at napadaing ako nang makitang walang way para maayos ko pa iyon.
Naputol ang manipis na strap at mukhang magyayapak talaga ako hanggang makauwi mamaya.
Mabuti na lang at sinabi ni Ron na ihahatid niya kami ni Missy pauwi dahil may dala itong kotse.
"Anong ginagawa mo rito?"
Napaigtad ako nang biglang may nagsalita kaya agad akong bumaling sa pinagmulan niyon.
Medyo pamilyar ang boses na 'yon pero pilit ko pa rin inaaninag kung sino ang taong nakatayo sa 'di kalayuan.
Humakbang ito papalapit hanggang sa natamaan na ang mukha nito ng ilaw mula sa poste.
Nakita ko si Jackson na mukhang galing sa loob ng gym at... may kasamang babae na nakakapit sa braso niya.
Madilim sa parteng iyon at wala na dapat estudyante sa loob pero anong ginawa nila ro'n?
Bumaling ito sa kasama. "Puwede ka nang umalis," kaswal na sabi nito.
Bahagyang nangunot ang noo ng babae "Okay, pero magkikita naman ulit tayo, 'di ba?"
"Go now," muling utos nito at inalis na ang kamay ng babaeng nakakapit braso niya bago bumaling sa akin.
Bakas sa mukha ng babae ang pagkadismaya habang papalayo.
"And you... Sinusundan mo ba 'ko? Hmm?" tanong nito habang humahakbang palapit sa 'kin.
Agad nagsalubong ang kilay ko. "Ano?"
Tumaas ang sulok ng labi nito. "May gusto ka ba sa 'kin?"
Umawang ang labi ko at hindi makapaniwala sa narinig. Ganoon ba talaga ang tingin niya sa lahat?
Mas lumapit pa ito kaya napaatras ako hanggang sa naramdaman kong dumikit na ang likod ko sa poste ng ilaw.
"A-anong gagawin mo?" kinakabahang tanong ko.
"Alam mo ba kung anong ginawa namin? Nakita mo ba?" bulong nito malapit sa mukha ko.
Matangkad ito kaya bahagya akong nakatingala rito. Matapang ko itong tiningnan sa mga mata kahit parang tambol ang dibdib ko sa lakas ng kabog niyon.
"H-hindi ko alam ang sinasabi mo. Wala akong nakita."
Sunod-sunod ang paglunok ko sa sobrang lapit nito at amoy na amoy ko ang mamahaling pabangong gamit nito.
"Really? Then I'll show you..."
Halos pigilan ko ang paghinga nang unti-unting ilapit nito lalo ang mukha sa mukha ko hanggang sa magdikit ang tungki ng mga ilong namin.
Pero tila may kuryenteng gumapang sa parteng iyon kaya malakas ko itong naitulak palayo.
Napaatras ang isang paa nito at bakas din sa mukha nito ang pagkagulat. Hindi ko alam kung dahil sa pagtulak ko o dahil naramdaman niya rin ang naramdaman ko. Hindi ko alam.
Kinuha ko ang pagkakataon ko na iyon para makaalis kaya agad akong kumilos at tumalikod pero nakakaisang hakbang pa lang ako nang mapadaing ako sa sakit.
Tiningnan ko ang kanang paa na nakayapak at nakita ko ang maliit na batong natapakan ko.
"Ouch... s**t!" muling daing ko. Sobrang sakit niyon at hindi ko mapigilan mag-react.
"What happened?" tanong nito.
Naramdaman ko ang biglang paglapit nito sa tabi ko at tumingin sa paa ko at sa hawak kong sandals.
Hindi ko ito sinagot at napahawak ako sa poste para gawing suporta. Kagat-labi kong tinitiis ang sakit hanggang sa humupa iyon.
"Let me see." Akmang kukuhain niya ang paa ko pero nilayo ko iyon.
Nag-angat ito ng tingin sa 'kin at tiningnan ko ito nang masama.
"Jackson!"
Sabay kaming napalingon sa nagsalita.
Nakita ko ang nakasimangot na mukha ni Crystal habang nagpapalit-palit ang tingin nito sa amin dalawa ni Jackson.
"Kanina pa kita hinahanap! What are you doing here?" Lumapit ito habang nakakrus ang dalawang braso sa dibdib nito.
"What?" kaswal na tanong nito sa babae.
Pinasadahan ako ng tingin ng babae mula sa paa ko na nagpangiwi rito paakyat sa mukha ko sabay irap bago bumaling kay Jackson.
"Who is she? Why are you with her?" maarteng tanong nito.
"It's none of your business," sagot nito.
Nakaramdam ako ng pagkailang sa mga oras na iyon at gusto ko na umalis. Medyo humupa na ang sakit sa talampakan ko kaya sinimulan ko na humakbang palayo sa mga ito kahit paika-ika akong maglakad.
"Answer me!"
Rinig kong sabi ni Crystal pero wala na akong narinig na sagot.
"Where are you going?!" muling sigaw nito.
Hindi ko alam kung ako ba ang kausap nito kaya lumingon ako muli sa kanila. Nakita kong humahabol ito sa papalayong si Jackson.
Noon ko lang naramdaman ang kalmadong t***k ng puso ko nang tuluyan akong makalayo.