Chapter 14. Jackstone

1630 Words
Allyza Alcantara POV Agad akong napadaing nang maramdaman ko ang pagkirot ng ulo ko. Unti-unti akong nagmulat at unang bumungad sa akin ang lumang kisame ng kwarto ko. Napabalikwas ako ng bangon at napaupo nang maalala ko ang nangyari kagabi. Ang alam ko ay nagpunta kami sa birthday ni Luke sa isang bar. Tiningnan ko ang sarili at nakita ko ang dress na ipinahiram sa akin ni Missy. Sa pagkakatanda ko ay uminom kami at sumayaw sa dance floor. Mayroon akong nakausap pero hindi ko na maalala ang mga sumunod na nangyari. Lumabas ako ng kwarto pero hindi ko nakita si Mama sa kusina o sa sala. Tinungo ko ang bukas na pinto palabas at doon ko nakita si Mama sa gilid ng bahay namin na naglalaba. "Ma, gising na po ako," sabi ko mula sa pinto. "Mabuti naman at nagising ka na. Kumusta ang pakiramdam mo? Bakit ka naman nagpalasing ng gano'n, 'nak?" Tumayo si Mama mula sa pagkakaupo sa bangkito at nagpunas ng kamay sa suot na duster. Napanguso ako, "Hindi ko nga po alam, eh. Baka malakas na alak ang nainom ko." "O siya, maligo ka muna at maghahain ako ng pananghalian natin." Napamaang ako sa narinig at awtomatikong dumako ang tingin ko sa wall clock. Tanghali na pala. Ganoon kahaba ang tulog ko? Agad akong naligo at nang makapagbihis ay naupo na rin ako sa hapag. Hinihilot-hilot ko ang ulo dahil hindi pa rin nawawala ang pagkirot niyon. "Masakit ba ang ulo mo? Bilisan mo kumain para makainom ka ng gamot." "Opo, Ma," nakasimangot kong sagot at sinimulan na ring kumain. "May kaibigan ka pa lang guwapo, 'nak?" Napahinto ako sa pagnguya at kunot ang noong tumingin kay Mama. "Po? Sino? Si Ron o si Renz?" sila pa lang naman ang nakikita niya. "Hindi, iyong naghatid sa iyo kagabi. Iyong nagbuhat sa'yo hanggang do'n sa kama mo. Ngayon ko pa lang 'yon nakita, baka naman nobyo mo 'yon at hindi mo sinasabi, ha?" Lalong nangunot ang noo ko. "Sino po bang naghatid sa akin pauwi? Hindi po ba si Ron?" Nakaramdam ako ng kaba sa naisip. Hindi kaya 'yong kausap ko kagabi? "Mga lalaking may kotse kasama sina Ron at Missy. Ano nga bang pangalan no'n?" aniya at tila nag-iisip, "Jackstone? basta parang gano'n ang pangalan." Nalaglag ang panga ko, "P-Po? Siya naghatid at binuhat ako hanggang sa kwarto ko? Sigurado po kayo, Ma?" "Oo nga. Iyong guwapong matangkad. Hinila mo pa nga ang damit. Muntik na tuloy masubsob sa'yo. Baka naman boypren mo 'yon? Huwag kang maglilihim sa akin, Allyza," may himig pagbabanta na saad ni Mama. "Hindi, Ma! Malabong-malabo mangyari 'yon. Mayabang at babaero po ang lalaking 'yon," mabilis kong sagot. Isipin pa lang kinikilabutan na 'ko. "Hmm? Mukha namang mabait at magalang. Nagpaalam pa nga sa akin bago umalis pati 'yong dalawang lalaki sa labas na kay guguwapo rin." Nag-abala talaga sila na ihatid ako? Matapos kumain ay nag-check ako ng cellphone at nakumpirma kong totoo ang mga nangyari kagabi nang maka-chat ko sina Ron at Missy. Nagulat ang mga ito nang ikwento ko ang tungkol sa lalaking nakausap ko nang gabing 'yon at malaman na tumanggap ako ng inumin mula rito. "Ano?? Bakit mo tinanggap? Oh my God... Kaya naman pala, Bessy," gulat na reaksyon ni Missy nang sagutin ko ang videocall. "Siguro tama si Jackson, na may nilagay ang lalaking 'yon sa alak na binigay sa'yo kaya bigla kang nahilo at halos mawalan ng malay," ani Ron. Bakas sa mukha ang pag-alala at galit. Agad kong hinaan ang volume ng phone ko. Ayoko lang marinig o malaman pa ni Mama ang tungkol doon. Siguradong mag-aalala ito nang sobra. "Dapat hindi ka tatanggap ng kahit anong inumin galing sa hindi mo kilala sa bar o kahit saang party, Friend." Napakagat ako ng ibabang labi. Hindi ko alam. Ang tanga-tanga ko. "Sorry, hindi ko alam. Mukha naman kasi siyang mabait. At isa pa, first time ko iyon." Ipinagpapasalamat ko na lang talaga at walang nangyaring masama sa 'kin. Nabanggit nila na si Jackson daw ang nakakita sa akin at naghatid pauwi. Hindi rin tuloy tumigil ang dalawa sa pang-aasar maghapon. Dapat siguro magpasalamat ako sa kan'ya. Kahit paano pala ay may awa at pakialam siya sa paligid niya. Ginugol ko ang weekend sa munting negosyo namin ni Mama at sa pag-rereview para sa pre-examination dahil malapit na rin ang midterm. Ni-lock ko na ang pinto at sinimulang lakarin ang daan patungo sa kanto. Muli kong tiningnan ang shoulder bag para i-check kung nadala ko na ang lahat ng gamit ko. Nahinto lang ako nang may marinig akong pamilyar na boses ang tumawag sa akin. "Babes! Hatid kita!" Nakita ko si Karlito na malawak ang ngiti habang papalapit sa 'kin. Hindi ko ito pinansin at nagpatuloy muli sa paglalakad hanggang sa maramdaman kong nasa tabi ko na ito at sinasabayan ako. "Hindi mo ako kailangan ihatid, Karlito," malumanay na sabi ko rito. "Ngayon lang ako nagka day-off sa trabaho kaya ngayon lang kita mahahatid ulit," nakangiti pa ring anito. Bahagyang nangunot ang noo ko at saglit itong tiningnan. Kailan pa siya nagkatrabaho? "Nangailangan ng construction worker si Mang Damian at naisip ko na baka sagutin mo ako kapag may trabaho ako, kaya tinanggap ko. Akin na 'yang mga libro mo para 'di ka mahirapan," akma nitong kukunin ang dalawang librong hawak ko pero nilayo ko iyon. "Hindi na , Karlito. Kaya ko na 'to. Bumalik ka na lang sa inyo," tanggi ko pero inagaw pa rin nito ang libro ko at sumunod hanggang sa Jeep. Wala akong nagawa at napapikit na lang. Ayoko na lang siya intindihin dahil masisira lang ang umaga ko. Kailangan kong mag-focus sa mga inaral ko kagabi. Pagbaba ko ay bumaba na rin ito. Kinuha ko ang dalawang libro mula rito bago ako pumasok sa gate. Akma nitong hahawakan ang tuktok ng ulo ko pero halos kumawala ang puso ko nang may biglang busina nang malakas sa gilid namin. Nakita ko ang isang motor na pamilyar. Ito 'yong buwisit na madalas bumusina sa 'kin. Huminto ito at nagtanggal ng helmet. Napamaang ako nang makita ko si Jackson. "Sakay," malamig na utos nito. Nagtataka ko itong tiningnan. Hindi ako kumilos. Hindi ko alam ang ibig nitong sabihin. Nagbuga ito ng marahas na hininga at sinulyan si Karlito. Matalim ang tingin nito. "At sino ka?" mayabang na tanong ni Karlito rito. "Ikaw, sino ka?" balik nitong tanong at muli akong sinulyapan, "Sabi ko, sakay." Hindi pa rin ako kumilos. Bakit ako sasakay? Magtatanong sana ako pero dumilim ang mukha nito at parang sasakmalin ako anumang oras. "So, ayaw mo na?" Parang bigla kong naintindihan ang gusto nitong iparating. Hindi ko alam bakit pati 'yon ay kailangan kong sundin. Humugot ako ng malalim bago humakbang palapit rito. Napahinto lang ako nang pigilan ni Karlito ang braso ko. "Babes, sino siya? Huwag kang sumakay d'yan." Nakaramdam ako ng pagka-asiwa sa tinawag sa akin ni Karlito lalo na't may ibang taong nakarinig. May bumubusinang kotse sa likod namin dahil nasa gitna kami ng daan papasok ng gate. Nakita ko ang pag-igting ng mga panga ni Jackson at binigyan ako ng mapanganib na tingin. Ano bang problema ng lalaking 'to? Kung wala lang akong kailangan dito ay hindi ko siya susundin. Nakakainis ang pagiging manipulative niya at napapasunod niya ako sa mga kalokohang inuutos niya. Binawi ko ang braso mula kay Karlito. "Umuwi ka na, Karlito. May klase pa 'ko." Hindi ko alam paano ako nakasakay sa motor nito dahil sa pagmamadali. Nakakahiya na sa kotseng naghihintay na makadaan. Hindi ko rin alam kung saan hahawak pero kusang napakapit ako sa jersey jacket nito nang magsumila itong humarurot. Pinaghalong takot at hiya ang nararamdaman ko ng mga oras na 'yon. Takot na baka mahulog ako o sumemplang kami at hiya sa mga nakatinging estudyante sa amin. Nakayuko lang ako at pilit tinatago ang mukha para hindi nila ako makita dahil siguradong pag-uusapan na naman ako at madadagdagan ang mga babaeng aaway sa 'kin. Kung alam lang nila na trabaho lang ang lahat ng ito... Bakit kailangan mo pa akong pasakayin d'yan sa motor mo? Hindi naman na 'yon sakop ng kasunduan?" tanong ko nang makababa ako. Inihinto nito ang motor sa likod ng school malapit sa gymnasium at mangilan-ngilang estudyante na ang naroon. Hinubad nito ang helmet at bumaba bago ako hinarap. "Ang usapan ay kung anong sasabihin ko, gagawin mo." Nahugot ako ng malamin na hininga. "Huwag mo na akong pasakayin ulit d'yan. Ayokong mapag-usapan ng mga babae mo." Mahina itong tumawa. "So? Are you bothered?" Sinamaan ko ito ng tingin. "Tahimik ang buhay ko, ayokong magulo." Bigla itong sumeryoso na tila may biglang naisip. "Mas gugulo 'yan kung hindi kita nakita kagabi. Baka nadala ka na kung saan at napagsamantalahan ng gagong 'yon just because of your stupidity." Napamang ako sa narinig. Umawang ang labi ko at hindi makapaniwalang tiningnan ito. Hindi ko nagawang sumagot agad. "Bakit ka tumatanggap ng isang bagay mula sa hindi mo kilala? Hindi ka ba nag-iisip?" Bakit pakiramdam ko sinesermonan niya ako? Bakas ang pagkakaroon ng concerned sa tono nito pero hindi ko mapigilan mainis sa mga sinasabi niya na tila ang tanga-tanga ko. "Wala kang karapatan sabihan ako ng gan'yan. Hindi ako tanga. Nagtiwala lang ako dahil... dahil mukha siyang mabuting tao." Tumaas ang sulok ng labi ko nito na tila nanunuya at umiling-iling. "Kung ang basehan mo ng pagiging mabuti ng isang tao ay ang panlabas na anyo, hindi malayong mapahamak ka ulit. You should be thanking me now for saving you for the second time. Naniningil ako ng utang na loob. " Pagkasabi niyon ay tumalikod na ito at lumakad palayo. Nawala na ang plano kong magpasalamat dito. Sino ba naman hindi maiinis sa paraan ng pagsasalita niya? Saksakan talaga ng yabang ang lalaking 'yon. Agh!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD