Nagising ako nang marinig ang pagtunog ng cellphone ko. Inunat ko pa ang dalawang paa ko dahil pakiramdam ko nangalay ito sa tagal ng pagkakaupo ko. Mabilis kong iniharap ang backpack ko upang kunin ang cellphone doon na kanina pa panay ang tunog. Malabo pa rin ang aking mata at hindi pa nakakapag-adjust sa liwanag pero sinagot ko na agad kung sino man ang tumatawag.
“Mitchell! Leche kang babae ka! Nasaan ka na?! Parating na si Attorney Castro!”
Napakamot pa ako sa batok ko nang marinig ang sigaw ni Sol.
“Sino?” inaantok na tanong ko dahil halos wala akong naintindihan sa sinabi niya.
“Si Attorney Castro. Yung professor natin sa Criminal Law 1.”
Mabilis akong napatayo nang marinig ang subject na kailangan naming pasukan ngayong araw. Kinusot ko pa ang mata ko saka lumingon sa paligid. Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtantong nasa Mcdo ako.
Sinampal-sampal ko pa ang aking mga pisngi para tuluyang magising. Napapatingin tuloy ang ibang mga costumer sa akin, yung iba ay tumatawa pa. Dumako ang tingin ko sa Mcafe cup na wala nang laman. Nasapo ko ang aking noo at nagmadaling kinuha ang mga librong nakapatong sa lamesa at inilagay agad iyon sa loob ng bag ko.
Dinampot ko rin ang coat na nakasampay sa upuan at mabilis na tumakbo palabas ng Mcdo. s**t! Ang sabi ko iidlip lang ako sandali pero inabot ako ng halos isang oras. At sa Mcdo dito sa Katipunan pa talaga ako nakatulog!? Muli akong napatingin sa aking wristwatch habang panay ang tingin sa kalsada. Umaasa akong may UP Toki na dadaan pero wala akong nakita. Tumunog muli ang cellphone ko at nakita agad ang text ni Sol.
Mas lalo akong kinabahan ng sabihin niyang 20 minutes na lang matatapos na ang meeting ng mga faculty member ng UP College of Law. Pumara ako agad ng taxi at sinabi agad ang lokasyon kung saan ako bababa. Tumingin pa sa akin ang driver dahil mukhang hindi siya naniniwalang estudyante ako sa UP.
Sumandal ako at sandaling pumikit. Sana talaga hindi traffic. Baka this time mapalabas na ako ni Attorney Castro sa klase niya dahil palagi akong late. Pagdating namin sa Malcolm Hall agad akong nagbayad at bumaba sa taxi. Humugot ako ng malalim na hininga nang makita ang mga law students na nagkalat sa lobby ng hall. Nasa second floor ang aming theater-styled classroom at sigurado akong kailangan kong mag-elevator para makarating doon agad.
Nagtitinginan sa akin ang karamihan dahil mabilis ang bawat pagkilos ko. Dinaig ko pa ang bilis ni Dash ng The Incredibles para lang marating agad ang nag-iisang elevator ng Malcolm Hall. Ngunit halos mapasabunot ako ng buhok nang makitang maraming nakapilang estudyante na paniguradong sasakay roon para makarating sa kani-kanilang mga klase.
Hindi na ako nag-aksaya ng panahon at mabilis na tinungo ang hagdan. Bahala na. Basta ang mahalaga makarating ako ng buhay sa classroom. Nang makarating ako sa second floor mas lalo akong namroblema dahil agad kong nakita ang mga propesor na kalalabas lang sa faculty. Hindi ko tuloy alam kung paano ako makakadaan. Nasa dulong parte kasi ang classroom ng mga first year at kailangan kong makarating doon bago pa man ako maunahan ni Attorney Castro.
Mabilis kong isinuot ang coat ko at kinuha ang tatlong libro sa aking bag upang gawing pangharang sa ulo ko. Dahan-dahan akong naglakad at dahil nga nakamasid ako sa mga propesor ay hindi ko agad napansin ang taong makakasalubong ko. Nagmadali akong umiwas sa lalaki ngunit nabunggo ko naman ang isa pang lalaking bigla na lang sumulpot sa harapan ko. Tumilapon ang tatlong libro, mga ballpen at mga notes ko na nakaipit doon. Nagtinginan sa amin ang ibang propesor dahil sa nangyari. May iilan na umiiling pa. Nang magtaas ako nang paningin agad napaawang ang labi ko nang makita kung sino ang lalaking nasa harapan ko ngayon.
Dean Lucas Contreras.
Ang pinakagwapo at pinakamatalino sa buong second year ng UP Law.
“Sorry po.”
Mabilis akong yumuko para pulutin ang mga nagkalat na gamit. Akmang pupulutin ko na ang isa ko pang libro pero agad niya itong nahawakan. Dumiretso tuloy ang kamay ko sa kaniyang kamay at hindi sinasadyang nahawakan ko iyon. Halos tumriple ang t***k ng puso ko. Kinakabahan ako dahil baka bigla niya na lang akong sigawan. Marami kasi akong naririnig sa paligid tungkol sa kaniya. Masungit at hindi raw ito namamansin lalo na ng mga babaeng nagkakagusto sa kaniya. Dakilang snob at puro pag-aaral lang ang inaatupag. Sa dami ng mga babaeng nagkakagusto sa kaniya, baka isipin niya na paraan ko ito para magpapansin sa kaniya.
“S-sorry po ulit.” nauutal kong sambit.
Narinig ko ang mahina niyang pagtawa kaya muli akong nag-angat ng tingin. Pinagtatawanan niya ba ako? Naningkit ang mga mata ko sa kaniya nang makitang nagpipigil siya ng tawa habang hawak ang pocket notebook ko.
“Pinagtatawanan mo ba ako?” inis na tanong ko sa kaniya.
Agad namang nagbago ang kaniyang ekspresyon at mabilis na umiling.
“No. Natutuwa lang ako sa iyo.”
This time tumaas na ang kilay ko. Natutuwa? Bakit? Natutuwa ba siyang nakikita akong hindi magkandaugaga sa pagpulot ng mga gamit ko? I scoffed.
“Kapag sinuntok ko ‘yang pagmumukha mo, ewan ko na lang kung matuwa ka pa.”
Nawala ang naglalarong ngiti sa kaniyang mga labi dahil sa sinabi ko. Mabilis kong hinablot ang pocket notebook ko sa kaniyang kamay at tumakbo na patungong classroom.
“Teka!” narinig ko pang sigaw niya.
Hindi na ako nag-abala pang lumingon dahil alam kong late na late na ako sa klase. Mabilis kong binuksan ang pinto ng classroom at pumasok doon. Pagharap ko ay agad kong nakita ang pagmumukha ng mga kaklase kong nakatingin sa akin ngayon. Kinakabahang tumingin ako sa professor’s table at nakahinga naman nang maluwag nang makitang wala pa si Attorney Castro.
Tumakbo na ako pupunta sa pwesto ko kung saan naghihintay sa akin ang seatmate at kaibigan kong si Sol.
“Suwerte mo may dinaanan pa si Attorney.” bungad niya sa akin.
Ngumisi lang ako bago inilapag ang mga libro sa lamesa.
“Good morning.”
Mabilis akong napalingon sa propesor namin na kapapasok lang sa loob ng room. Bumati pabalik ang iba naming kaklase samantalang ang iba naman ay mabilis na nagbuklat ng mga libro. Humugot ako ng malalim na hininga at sumandal sa backrest ng inuupuan ko saka pumikit.
“Miss Altamirano.”
Nanlaki ang mata ko nang marinig niyang tinawag ang apelyido ko. Walang ganang tumayo ako at tumingin sa kaniya. Pinagtaasan niya ako ng kilay nang makita ang ayos ng pagkakatayo ko. Napa-aray naman ako nang tapakan ni Sol ang paa ko. Sinenyasan pa niya ako na ayusin ko ang sarili ko kaya napatuwid naman ako agad.
Attorney Castro crossed his arms. Alam ko na ang kasunod niyon. Alam kong babarilin na naman niya ako ng sunod-sunod na tanong tungkol sa Criminal Law. I might look tough in the outside pero sa isip ko kanina pa ako umiiyak. Ang malas naman ng araw na ito. Sa dinami-rami ng pwedeng tawagin, ako pa talaga.
“What are Leading Questions?”
Pumikit muna ako nang mariin bago tumingin ang diretso kay Attorney Castro.
“When the attorney uses clever wording and specific details in their questioning of witnesses in order to give them the answer they desire; it’s called a leading question.”
“Can you give me an example?”
Mabilis kong hinila patayo si Sol.
“At this point, I will be the questioning attorney and Miss Manuel right here is the witness.”
Questioning Attorney: The defendant owned the firearm that is an exhibit in this case right?”
Witness: Yes.
Questioning Attorney: And this is the firearm that was used in the murder, correct?”
Witness: Yes.
Hinawakan ko sa magkabilang balikat si Sol at pinaupo.
“As you can see, a sophisticated attorney can use leading questions to get a witness to validate the attorney’s word. In effect, this allows the attorney to indirectly testify through the witness, which can be quite effective.”
Nakita ko ang pagtango ng mga kaklase ko. Si Attorney Castro naman ay tahimik lang na nakamasid sa akin habang nakahawak ang isang kamay sa kaniyang baba, ibig sabihin kailangan ko pang dagdagan ang paliwanag ko.
“Leading questions can also be used to create perceptions by not allowing a witness to qualify their answer. For example, in the exchange we made by Miss Manuel, the witness may want to testify that the gun was stolen from the defendant before the murder, but since that question was not asked, the witness could not provide that specific answer, leaving certain perceptions in in the minds of the jury.”
Tumango si Attorney Castro at sumenyas na umupo ako. Nakahinga naman ako nang maluwag nang magsimula na siyang magklase.
“GRABE talaga yun si Attorney, nakakabigla lagi magtanong.” sabi ni Sol habang nakapila kami sa cafeteria.
“Buti na lang mo nasagot mo yung tanong niya.” dagdag niya pa.
Ngumisi ako at inilagay ang dalawang kamay sa bulsa ng suot kong trench coat na hanggang ngayon ay suot-suot ko pa rin.
“Sinuwerte lang. Napag-aralan ko na yun noong nakaraan.” tipid na sagot ko.
Umorder lang kami ng makakain namin dahil pagkatapos ng ilang minuto babalik na ulit kami sa classroom para um-attend sa subject namin na Civil Procedure.
“Bakit ka nga ba tinanghali?” curious na tanong niya pagkatapos niyang ilapag ang tray sa lamesa.
Umupo na rin ako sa upuan na kaharap ng sa kaniya.
“Nakatulog ako sa Mcdo sa Katipunan.”
Humagalpak siya ng tawa sa narinig. Pati tuloy ibang estudyante tumitingin sa amin dahil sa lakas ng kaniyang tawa. Mabilis kong ibinato sa kaniya ang binilog ko na tissue.
“Noong nakaraan sa Jollibee ka nakatulog, ngayon sa Mcdo naman. Talagang wala kang pinipiling lugar ano?”
Umiling na lang ako bago nagsimulang kumain.
“Bakit ka nga pala puyat?” tanong niya habang ngumunguya.
Tumigil ako sandali sa pagsubo.
“Umattend ako ng gig kagabi sa tapos nagturo pa ako ng taekwondo sa mga nag-enroll sa taekwondo club kaya halos wala akong tulog.”
Sumandal ako sa sandalan ng upuan at saka nag-inat. Sumandal din si Sol at humalukipkip.
“Mayaman at mapera naman kayo dahil sa trabaho ng mga magulang mo pero dinaig mo pa ang pamilyadong tao sa dami mong trabaho. Buti hindi ka pa namamatay?”
Tumawa ako saka siya nginisihan.
“Hindi ako mamamatay. Malakas ako kay Lord.”
“Pero Mitch. Hindi k aba natatakot diyan sa pagsali mo sa banda? Alam mo namang magagalit ang magulang mo kapag nalaman nila ‘yang ginagawa mo.”
Inabot ko ang bote ng mineral water at uminom doon.
“Hindi naman sila nagagalit sa akin. Wala namang pakialam ang mga ‘yon kahit ano ang gawin ko.”
“Pero may expectations pa rin sila sa’yo.”
Tumingin ako sa kaniya.
“Expectations? You mean low expectations? Eh sa baba ng expectations sa akin ng mga magulang ko akala ata nila pati mga questions sa Algebra hindi ko masasagutan.”
Tumawa ako saka umiling. Hindi rin nila inexpect pareho na makakapasok ako sa law school. Wala rin naman sa plano ko ang pagpasok sa UP Law, ang kaso, masyado ata nilang minamaliit ang abilidad ko kaya pinatunayan kong hindi lang si Kuya Voltaire ang makakapasok at makakagraduate sa kursong Law. Kaya ko rin kahit babae ako.
“Alam mo Mitchell, kung ako sa’yo tigilan mo na ‘yang pagbabanda at mag-focus ka na lang sa pag-aaral mo.” Sabi niya.
Pinagtaasan ko siya ng kilay.
“Kung ako sa’yo Solace, itikom mo ‘yang bibig mo dahil baka mapasakan ko yan ng tissue.”
Pagbabanda na nga lang ang nagpapasaya sa akin, pati ba naman ‘yon ititigil ko pa?
Bigla naman siyang tumahimik at ngayon ay mataman nang nakatingin sa likuran ko. Nagpalipat-lipat ang kaniyang tingin sa akin at sa likuran ko. Maya-maya ay sumenyas siyang tumingin ako sa likod ko.
Walang ganang lumingon ako roon pero agad na nanlaki ang mata ko nang makita ang isang lalaki na nakatayo roon at diretsong nakatingin sa akin.
Dumako ang paningin ko sa kaniyang kanang kamay. Hawak nito ang isang maliit na notebook na kulay itim.
My pocket journal!
Tumayo ako upang kunin sa kamay niya ang pocket journal ko pero agad niyang itinaas ang kaniyang kamay. Lumingon ako sa paligid at nakitang pinagtitinginan kami ng mga tao, nagbubulungan pa ang iba.
“Ibalik mo ‘yan sa akin dahil akin ‘yan.”
Ngumiti naman siya at inilahad sa harapan ko ang pocket journal.
“Wala bang thank you?” tanong niya pagkakuha ko ng notebook.
Nilingon ko siyang muli at saka nagkibit-balikat.
“Thank you.” I said in monotone.
Nagkibit-balikat din siya bago inilagay ang dalawang kamay sa bulsa ng suot niyang slacks.
“Page 13, list of people you do not like, line number six. Tell me Vienne Mitchell, why am I included in your list?”
Napanganga ako sa narinig. Anong karapatan niyang basahin ang nilalaman ng pocket journal ko?
I bit my lowerlip to calm myself. Kinuha ko ang bag ko at naglakad patungo sa kaniya. Huminto ako sa tapat niya at tinitigang mabuti ang kaniyang mata saka ngumisi.
“Because I don’t like you.”