KABANATA 7: KATAWAN

2563 Words
YANESSA’S POV BINUKSAN KO ANG pintuan ng boarding house namin ni Margie at pinapasok si Jena. Nakita ko ang pag-ikot niya ng tingin ngunit kalaunan ay bumaling sa akin at umiling. Dumiretso ako sa kama at nilapag doon ang bag ko. “Wala siya dito. Maaaring tama ang sinabi niya,” bulong ko. “Na ano?” “Humihina siya at nawawala bigla kapag nagagalit ako. Tila nakadepende sa emosyon ko ang lakas at kahinaan niya,” paalam ko kay Jena ngunit mas lalo lang kumunot ang nuo niya. “Ngayon ko lang narinig ang bagay na yan. Sigurado ka ba, Yanessa?” may pagdududa sa boses niya. Napailing na lang ako at pagak na natawa. “Hindi ko aakalain na maniniwala ako sa kanya. Sinabi niya sa akin na ang kalungkutan at tuwa ko ang siyang nagpapalakas sa kanya. Maski ako rin ay hindi naniniwala kaya matatanggap ko na hindi mo ako paniwalaan, ngunit totoo ang sinasabi ko na multo siya. Nakikita at naririnig ko siya,” paliwanag ko. “Pasesnya na, Yanessa. Naniniwala naman ako sayo ngunit ngayon ko lang narinig ang ganitong sitwasyon kaya hindi ko maiwasan na magtaka. Naniniwala ako, kailangan nating palabasin siya upang makausap ko.” Napakagat ako sa daliri ko, paano namin gagawin yun? Dapat ba akong maniwala sa kanya? Kailangan ko bang maging masaya o malungkot para lamang lumabas siya? “Sa gayon malaman natin kung ano ba talaga ang kailangan niya. Maaari ring may nais pa siyang magawa kaya hindi siya matahimik,” dagdag ni Jena. Umupo siya sa sahig at nilabas ang librong latin nito. Humingi rin siyang kandila sa akin na siya namang agad kong sinunod. Nagsindi kami ng kandila, umupo ako habang pinapanuod siyang nakapikit at may sinasabing hindi pamilyar sa aking mga salita. Ilang segundo pa ang lumipas bago dumilat si Jena. Ngunit agad ding pumikit at muling nagsimula nang walang maramdaman na kakaiba. “Nakakapagtaka… Bakit hindi ko siya matawag? Bakit hindi ko siya maramdaman?” tanong ni Jena sa sarili. Nagkatinginan kaming dalawa, tila nag-iisip ng solusyon sa problema. “Siguro… umalis na siya? Yun kasi ang sinabi ko sa kanya, pilit ko siyang pinaalis dahil ginugulo niya ako,” marahan kong saad kay Jena. Tumango siya na tila yun nga ang sagot sa katanungan niya. “Siguro nga. Kung ganun wala kanang problema.” Tama siya. Wala na akong problema kaya bakit kailangan pa namin siyang itawag kung ang nais ko naman talaga ay mawala siya. “Paano kung bumalik siya? Ano ang pwedi kong gawin upang mapaalis ito?” Inipit ni Jena ang iilang hibla ng buhok sa likod ng tainga nito. “Mahirap mapaalis ang mga multo na hindi matahimik. Maaaring may nais pa silang malaman o mangyari, lalo na sa pagkamatay nila o isang rason na rin ang mga mahal nila sa buhay na nais pa nilang makausap.” Tumayo ako at umupo sa kama, ganun din ang ginawa ni Jena matapos patayin ang kandila. “At may kaluluwa rin na payapang nakakatawid sa lagusan kung saan sila nararapat,” dagdag ni Jena na nagpakirot ng dibdib ko. “Siguro yun din ang dahilan kung bakit hindi ko makausap si Yuan. Dahil maaaring umalis na siya ng hindi ako nakausap. Siguro hindi niya ako nais pang makausap.” Naramdaman ko ang kamay ni Jena sa likod ko ngunit mabilis ko itong tinanggal at pilit siyang nginitian. Wala akong karapatan na magdamdam dahil kasalanan ko naman ito. “Kung nakaalis ang kapatid mo, ibig sabihin nun ay payapa ang kanyang damdamin. Walang galit, lungkot o pighati. Kasiyahan lang, Yanessa.” Tumikhim ako at tinignan ang wall clock. “Alas singko na, samahan na kita pauwi,” aya ko kay Jena dahil hindi na komportabli pang pag-usapan ang namayapang kakambal. Dahil doon ay mabilis niyang inayos ang mga gamit nito. Palabas na kami ng gate ay bigla akong natigilan sa nakita, malayo sa amin ang isang kumpulan ng mga tao na may mga parehong suot na t-shirt na kulay pula. “Ang aga naman yata ng kampanya ni Sir Martin,” puna ni Jena habang pinapanuod ang nasa kabilang kalye na lalaking nakauot ng presintabling unipormi at pinapalibutan ng mga tauhan nito. Nakatayo si Martin Gualberto sa tabi ng isang mamahaling pick-up habang kausap ang iilang mga tao na may ngiti sa labi. Pinapalibutan siya ng mga tauhan na nakabantay at nagkamasid sa paligid. “Next year pa ang kampanya, talagang pinaghahandaan. Rinig ko malaki ang tulong na inabot ni Gov. Esmael Custerio kay Sir Martin. Alam mo, nakakapanghinayang ang propesyon ni Sir Martin. Bumitaw siya sa pagiging propesor para lamang maging isang ganap na politiko. Hindi naman sa sinasabi ko na mali ang desisyon niya, ngunit napakarangal ng dati nitong trabaho. Hindi ko rin naman siya masisisi, baka kagustuhan niya talaga ang maging politiko,” kuwento ni Jena ngunit ako ay malayo ang tingin sa grupo ni Martin. “Ayos ka lang, Yanessa?” Napaiwas ako ng tingin at pilit pinipigilan ang emosyong nararamdaman, dahil doon ay nabalik ako sa wisyo ko sa tanong ni Jena. Tipid na tumango na lamang ako, hindi alam kung kailan ba ako huling naging maayos. “Hanggang dito na lang kita ihahatid, may gagawin pa pala ako,” palusot ko kay Jena dahil ayokong madaanan si Martin. Hindi ko rin gusto na magkita kami. Sumisikip ang dibdib ko, pakiramdam ko anumang oras ay maaaring tumulo ang luha sa aking mga mata at ayokong makita yun ni Jena. Kahit si Margie ay nahihirapan akong ilabas ang tunay kong nararamdaman. “Si-sige. Mag-iingat ka,” sagot nito na tila hindi maintindihan ang pagbabago ng emosyon ko. Tinalikuran ko na si Jena, sa pagharap ko ang siyang pagbungad sa akin ng lalaking multo na kanina pa namin tinatawag ni Jena. Nakatayo ito at nakatitig sa mga mata ko, kasabay nun ang pagpatak ng luha sa aking mga mata kung saan nasaksihan niya ang lungkot na pilit kong tinatago kanino man. Gulat akong nakatitig sa kanya habang siya ay may pag-aalala ang mukha. Suminghot ako. Marahan siyang humakbang papalapit sa akin. Sa bawat paghakbang niya ang mas nagpapasikip sa dibdib ko dahil sa taong malayo sa likod ko, dahil sa taong kinamumuhian ko. “Hindi ko maintindihan. Galit ka sa lalaking nasa tabi ng sasakyan, pero bakit nararamdaman ko ang matindi mong kalungkutan?” marahan niyang tanong na tila kanina pa ako pinapanuod. Nahihirapan akong lumunok at pinahid ang luha sa aking pisngi. Bakit kapag narito siya, napapakalma ako? Tama siya. Saya at sakit ang nagpapalakas sa kanya dahilan para magpakita sa akin. Agad akong lumingon nang maaalala si Jena. Nakita ko si Jena na naglalakad, hindi pa nakakalayo sa amin. “Jena!” tawag ko at hinabol siya. “Oh? May nakalimutan ka?” takang tanong niya. Hinawakan ko ang kamay niya at hinarap sa multo na nakatayo na hindi malayo sa amin. Nakita ko ang pagkunot ng nuo ng multo habang hinihila ko si Jena papalapit sa kanya. “Siya ang tinutukoy ko. Nagpakita na siya,” may saya sa boses ko na hindi ko maintindihan. Siguro dahil mapapanatag na ako na totoo ang mga sinasabi ko. Totoo ang multo, ngunit yun nga lang ba talaga ang dahilan? “Ahm… Yanessa, wala akong multong makita… maski maramdaman.” Tila nabingi ako sa naging tugon ni Jena, lalo na sa sinabi niya. Nakita kong tinaasan ako ng isang kilay ng multong nasa harapan namin, para bang sinasabing tama siya. “Nagbibiro ka lang,” hindi makapaniwalang usal ko. “Yanessa, totoo. Wala talaga akong makitang multo.” Ngayon maski si Jena ay tila nag-aalala na sa akin. May gulo sa mga mata niya at hindi mawari ang nangyayari. Marahas akong napahinga at unti-unting bumitaw sa hawak kay Jena. Masama kong tinitigan ang multong nasa harapan. Naka-crossed arms ito at tila naiinip. Pagak na lamang akong natawa at napailing. “Yanessa,” tawag ni Jena sa akin. “Naniniwala ako sayo. Pero ito ang unang beses na hindi ko makita ang sinasabi mong multo. Nakakasiguro ako na nagsasabi ka ng totoo.” Hindi ako umimik at saglit na natigilan. Hanggang sa naramdaman ko ang palad ni Jena sa balikat ko. “Maaari mo bang tignan sa mga mata nito ang multong sinasabi mo?” Nagtataka man ako sa pinapagawa ni Jena ay wala akong nagawa kundi ang titigan ang malalim na mga mata ng lalaking multo. Madilim at malalim ngunit hindi ko maipagkakaila na maganda ang kulay ng mga mata niya. “Walang kakaiba ang mga mata niya sa atin, bukod sa kulay na amethyst.” “Hindi siya patay, Yanessa,” napaangat ang tingin ko kay Jena. “Ang multong nakikita at nakakausap mo ay hindi patay kundi isang tao na lumalaban para mabuhay. Kailangan mong ibalik siya sa katawan niya sa lalong madaling panahon bago ito mabawian ng buhay. He is not a dead soul, he is a wandering soul that is fighting for his life.” Nakita kong namilog ang mga mata ng multong nasa harapan namin at napatayo ng maayos. Naging interesado bigla dahil sa sinabi ni Jena. “Pero wala akong maalala. Paano ko mahahanap ang katawan ko?” tanong ng multong lalaki. “Paano niya mahahanap ang katawan niya? Kung wala siyang maalala?” tamad kong tanong kay Jena matapos sulyapan ang multo. Ayokong mag-aksaya ng oras sa lalaking multo na hindi ko naman kilala. Ngunit hindi ko maitatanggi na nakakagulat ang sinabi ni Jena. Buhay pa pala ito at lumalaban para mabuhay. “Ikaw, ikaw ang sagot, Yanessa. Hindi niya maririnig ang boses mo kung hindi ka konektado sa kanya. Hindi niya mararamdaman ang emosyon mo, kung wala kayong koneksyon. Alalahanin mong mabuti, maaaring nagkaroon ka ng malaking bahagi sa buhay niya dahilan kung bakit ikaw lamang ang bukod tanging nakakausap niya ngayon. O kaya interaskyon na nagbigay ng malaking impact sa multong nakikita mo,” paliwanag ni Jena. “Bakit ako? Hindi ko nga siya kilala. Bakit hindi ang pamilya o kaibigan niya?” inis kong tanong. “Yanessa, isipin mo na lang, buhay ng isang tao ang nakasasalay dito. Kapag nagkataon, maaaring makaligtas ka ng isang tao. Tulungan mo siya na makabalik sa kanyang katawan.” Napakamot ako sa leeg ko at sinulyapan ang lalaking nasa harapan, naghihintay sa sagot ko. “Isa lang ang alam ko. May koneksyon ka sa lalaking ito, hindi ka niya makikita kung hindi mo siya kilala… o maaaring siya ang nakakakilala sayo.” Muli kong tinitigan ang multong nasa harapan namin. Sinuri kong mabuti ang alaala kung nagkita na ba kami noon, ngunit wala. Wala siya sa alaalang mayroon ako. PUMASOK NA AKO sa loob ng boarding house habang nasa tabi ko naman ang multo. Hinarap ko siya at naabutan kong nakanguso ito at tamad akong binalingan. “Tutulungan kita na makita ang katawan mo. Kapalit nun ay tutulungan mo rin akong hanapin si Yuan,” alok ko sa kanya. “Madali lang yan, basta ipakita mo sa akin ang litrato niya.” Umupo ako sa kama habang siya ay nanatiling nakatayo sa harapan ko. “Sa tingin ko ay Yuan ang pangalan mo. Dahil wala akong maalala na nagkita na tayo noon, ang tanging dahilan lang na naiisip ko kung bakit sa akin ka dinala ay dahil Yuan ang pangalan mo,” paliwanag ko sa kanya. Tumango-tango naman siya. “Kung ganun, ako si Yuan,” umangat ang gilid ng labi niya dahilan para saglit akong matigilan. “Okay. Ikaw si Yuan, pero hindi ikaw ang kakambal.” Muli siyang tumango. “Ako si Yuan. Pero hindi si Yuan Francia na kapatid ni Yanessa Francia,” may panunuya sa boses niya. “Pero hindi Yuan ang itatawag ko sayo. Ayokong tawagin kang Yuan,” umiwas ako ng tingin. “O sige, ayos lang kahit anong itawag mo sa akin. Kung hindi ka komportabli na tawagin akong Yuan. Ano ang itatawag mo sa akin?” Napaisip ako bigla ngunit walang pumapasok sa isip ko dahil sa mga titig nito sa akin na nakakailang. “Mu-multo,” bigla kong usal nang walang naisip. Sarkastiko itong natawa. “Ano? Sa rami ng pwedi mong itawag sa akin, yun pa?” hindi makapaniwalang tanong nito. “Multo ka naman talaga, ah!” “Ang daming multo sa paligid. Wala ba yung mas unique man lang?” Demanding! “Edi Ghost. Ghost. Okay na?” Napailing lang siya na tila walang magawa. Ilang segundong katahimikan ang bumalot sa aming dalawa. Tumikhim ako at tumayo ngunit agad ding napaatras nang mapagtanto ang lapit ng pagitan namin sa isa’t-isa na mukhang napansin niya. “Relax, kahit gaano tayo magkalapit, wala akong mahahawakan sayo. Hindi mo rin ako mahahawakan,” usal niya at humakbang. “Wala kang mararamdamang init… lamig ang mararamdaman mo sa akin,” ngumisi ito. Matalim ko siyang tinitigan. Umatras siya. “Masaya lang ako dahil may nakakausap na akong tao.” “Huwag kang aasa na kakausapin kita madalas. Tamad akong magsalita,” malamig kong usal. “Ayos lang. Tititigan na lang kita.” Muli ko siyang tinitigan ng masama ngunit agad na ako nitong tinalikuran at pumunta sa lamesa ko kung saan naroon ang mga libro ko. “Hindi ka rin pweding makialam sa mga gamit ko. Lalo na sa mga ginagawa ko sa school.” Lumapit ako sa kanya at sinara ang libro tsaka nilapag ang palad ko sa lamesa para takpan ang mga sagot na ginawa ko, dahil alam kong karamihan ng sagot ko roon ay mali. Tumaas ang tingin niya sa akin habang ako ay nakatingala sa kanya sa tangkad nito. “Pero pwedi akong tumulong. Lalo na sa math subject.” Ginalaw niya ang daliri nito sa hangin dahilan para lumipat ng pahina ang isang libro na nakalapag sa lamesa. “Huwag mo ring gagawin yan kapag may ibang tao,” paalala ko sa kanya. “Huwag na huwag.” “Kapag tayong dalawa lang?” tanong niya na tila may ibang pagpapakahulugan. Inirapan ko lang siya at hindi sumagot, narinig ko na lamang ang marahan na halakhak nito na nakakapanindig balahibo. Malalim at marahan ang kanyang tawa, parang totoo… Parang narinig ko na noon. “Magsisimula tayo sa pangalan mo. Hahanapin ko lahat ng Yuan na may pangalan sa school namin, doon ako magsisimula. Mukhang hindi naman nalalayo ang edad nating dalawa.” “Tingin ko mas matanda ako sayo. Kaya tingin ko dapat igalang mo ako.” Nang balingan ko siya ay naka-crossed arms ulit ito. “Anong grade kana ba?” nanunuyang tanong niya. “Excuse me, college na ako. 3rd year college,” matigas kong sambit sa kanya. “Talaga ba? Akala ko highschool ka lang.” Muli niyang hinabulan ng tawa ang sinabi nito. “Nakakatawa yun?” inis kong tanong sa kanya ngunit nagkibit balikat lang ito. “Hindi. Sino bang kausap mo diyan?” napaayos ako sa biglang pagsulpot ni Margie hawak ang black shoes nito. Nagtataka siyang nakatingin sa akin at binalingan ang hawak kong mobile phone. “May kausap ako sa cellphone,” bumaling ako sa Multo at nakangisi ito. “Pinatay ko na,” makahulugang usal ko dahilan para mawala ang ngisi ng multong katabi ko. Napahawak siya sa dibdib niya at umakto na tila nasaktan sa sinabi ko. “Parang may kaaway ka. Sino ba yun?” “Wala. Nagkamali lang ng tinawagan.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD