YANESSA’S POV
NAGISING AKO NA parang walang nangyari, hindi ko alam kung panaginip lang ba yung kagabi o ano. Kalmado na ang paligid at naririnig ko na ang ingay sa labas na tingin ko ay naglilinis na ang mga tao. Tumayo ako at tinignan ang buong kuwarto, madumi at may tubig pa rin.
Pinakiramdaman ko ang paligid ko, ngunit walang multong nagparamdam at boses na bumulong.
Napahilamos na lamang ako sa mukha gamit ang palad ko. Frustrated at hindi na alam ang gagawin sa buhay. Hanggang sa nakarinig ako ng katok mula sa pintuan, binuksan ko iyun at tumambad sa akin si Manang Lhoida na may hawak pang walis at isang malaking plastic sa kabilang kamay.
“Kumusta ang bagyo, Yanessa? Hindi ka ba inabot ng tubig? Hinihintay kita kagabi na pumunta sa bahay, kay lakas ng kidlat at kulog,” kuwento nito ‘tsaka ngumisi at binalingan ang hawak na plastic. “May relief na nagpadala, eto at kinuhanan na kita.”
Ngumiti ako at kinuha sa kanyang kamay ang bigas at can foods.
“Salamat ‘ho.”
Pinagmasdan ko ang litrato ng politiko na nasa plastic. Nang mapagtanto ang isang lalaki na naroon ay mabilis na naglaho ang ngisi ko at galit ay bumalot sa katauhan ko.
“Maiwan na kita riyan at maghanda kana ng agahan mo, kay dami pa nating lilinisin dahil sa iniwan ng bagyo sa atin,” paalam nito ngunit ako ay wala sa sariling nakatitig sa litrato.
Sinara ko ang pintuan ay nilagay sa lamesa ang plastic. Sa litrato ng plastic ay makikita doon ang dalawang lalaki na may katandaan na. Isang lalaki sa kaliwa na nakasuot ng mamahaling suit, kung hindi ako nagkakamali ay ito si Governor Esmael Custerio, isa sa pinakatanyag at ma-impluwensyang tao dito sa amin at sa iba pang karatig probinsya. Ang katabi ng lalaki ay si Martin Gualberto, nakasuot ng simpleng polo at may ngiti sa labi na akala mo isang anghel na bumaba sa lupa. Ang lalaking sumira sa buhay namin, ang sumira sa pamilya ko, siya ang nag-iisang tao na kailanman hindi ko mapapatawad. Sukdulan ang galit ko sa kanya. Tumatakbo siyang Mayor at tinutulungan siya ni Gov. Esmael Custerio sa pangangampanya, dahil na rin siguro sa nabuong pagkakaibigan sa dalawa.
Tumulo na lamang ang luha sa aking mga mata at tinignan ang sako ng bigas kung may natitira pa ba roon na pweding isaing. Ngunit mas napahagulhol na lamang ako ng wala na akong bigas kundi ang natitira na lamang na relief galing sa lalaking kinamumuhian ko.
“Hanggang kailan ako magtitiis? Bakit hindi niyo na lang ako kunin?” kuwestiyon ko sa Diyos at napaupo na lamang sa sobrang sakit na nararamdaman.
Muli kong pinagmasdan ang bigas na natitirang pagkain sa kuwarto ko.
“Yuan, ayoko na dito. Kunin mo na lang ako, sasama na lang ako sayo,” hagulhol ko.
Hindi ko rin naman makakayang kumain ng pagkain galing sa lalaking sinusumpa ko. Kapag ginawa ko yun, para na ring kinain ko lahat ng mga sinabi ko. Tumayo ako at kinuha ang plastic ‘tsaka nagtungo sa basurahan. Akmang ibabasura ko na ang plastic ng may nagsalita bigla.
“Kung hindi mo naman kakainin, huwag mong itapon. Ibigay mo sa mas nangangailangan,” seryosong usal ng nasa likod ko.
Nang lumingon ako ay naabutan ko doon ang multo na nagpakita sa akin kagabi, nakahilig sa dingding at malalim ang mga matang nakatitig sa akin. Umayos siya ng tayo at lumapit, panandaliang tinitigan ang litrato at napanguso na lamang.
Dahil sa galit at sakit na nararamdaman ay hindi ko na magawang matakot sa kanya, tila nawalan na rin ako ng lakas upang bigyan ng espasyo ang takot sa aking emosyon.
“Kanino sa dalawa na yan ang may galit ka?” takang tanong nito.
Huminga ako ng malalim at mabigat na naglakad pabalik sa lamesa at nilapag ang plastic doon.
“Sino diyan ang dahilan ng pag-iyak mo?” muling tanong niya.
“Nandito ka pa rin? ‘Diba sinabi ko na umalis kana? Hindi ikaw si Yuan at hindi ikaw ang kapatid ko,” inis kong usal sa kanya na ikinatigil nito.
“May rason kung bakit dito ako dinala, you called me, Yanessa. You summon me here, in your place. Tingin ko may koneksyon tayong dalawa,” pursigidong usal nito.
Bumalik ako sa kama at inayos iyun na parang hindi siya narinig o nakikita. Hindi ko siya pinansin.
“O baka magkakilala tayo at dini-deny mo lang.”
Napatalon ako sa gulat dahil nasa tabi ko na ito bigla nang hindi ko napapansin.
“Hindi kita kilala, totoo yan. Wala akong panahon para kilalanin ka, marami akong problema at huwag kanang dumagdag pa, pakiusap. Huwag mo ng pahirapan ang buhay ko. Pwedi ba?”
Nauubos na ang pasensya ko sa kanya.
“Maaring Yuan ang pangalan ko at kailangan kong alamin kung bakit hanggang ngayon ay narito pa rin ako. Hindi ito ang mundo ko kaya may rason kung bakit hindi ako makatawid.”
Hindi talaga siya marunong makinig. Kung ano ang gusto ay yun ang ipagsisiksikan.
“Sige, Yuan nga ang pangalan mo. Alamin mo mag-isa dahil sigurado ako wala akong koneksyon sayo, nagkataon lang na nagkamali ako ng natawagan na kaluluwa dahil kapangalan mo ang kakambal ko.”
Pumunta ako ng sink at iniwan siya sa kama ngunit sumunod ito at tumabi muli sa akin. Humilig siya sa sink habang naghuhugas ako ng pinggan.
“Kung ganun bakit ikaw lang ang may kapabilidad na kausapin at makita ako? Yanessa, dahil sayo lumalakas ako. Ang kaya ko lang gawin noon ay pagalawin ang mga gamit, kahit nagsasalita ako ay walang nakakarinig. Naalala mo ba habang sinasagutan ko ang math subject mo? Panay ang salita ko, pero narinig mo ba? Hindi!” saglit siyang tumigil at nag-isip.
Hindi ko na lang siya papansin. Kung ayaw niyang umalis ay hahanap ako ng paraan para mapaalis siya. Maghintay ka at hihingi ako ng tulong kay Jena para mapaalis ka.
“Pero noong nakita kitang ngumiti nang unang beses at labis na natuwa dahil sa score na nakuha mo sa math ay narinig mo ako. Yanessa, pinapalakas mo ako.”
Natigilan ako sa sinabi niya, hindi maipagkakaila na maski ako ay napapaisip din at unti-unting napapaniwala niya. Pero nanindigan akong huwag siyang kausapin.
“Nanghihina rin ang kaluluwa ko,” naging kalmado ang boses niya. “Kapag nanghihina ako ay bigla akong nawawala at hindi ko alam kung saan ako napupunta. Katulad kagabi, nang makita kita na labis ang inis at kagustuhan na mapaalis ako ay bigla akong naglaho. Sa totoo niyan, nakapagdesisyon na ako na huwag kanang guluhin pa.”
Pagak akong natawa at matalim siyang tinignan.
“Kung ganun bakit bumalik ka pa? Bakit hindi mo na lang panindigan yung desisyon mo?” iritado kong usal.
Kinagat nito ang pang-ibabang labi dahilan para bumaba doon ang tingin ko. Tila nagdadalawang isip pa siya kung sasagutin ang tanong ko o hindi.
“Nakakatawa man ngunit narinig kitang umiiyak at parang puno ng sakit ang hagulhol mo. Doon ay bigla akong binalik sayo at muli akong lumakas kaya nakita at narinig mo ako. Tingin ko may kakaiba sayo Yanessa, may koneksyon ka sa akin. Your happiness and sorrow is making me stronger, you’re giving me power. It’s funny, I know,” humalakhak siya at ngumiti na ikinatigil ko.
Ang ngiti at marahan na tawa niya ay nagbibigay ng serenity sa katauhan ko.
“Tingin mo maniniwala ako sa multong kagaya mo?” blangko ko siyang tinignan. “Kung hindi ka makaalis, ako ang gagawa ng paraan para mapaalis ka,” diin kong saad sa kanya.
“Yanessa,” tawag niya sa akin kaya sinulyapan ko ito. Nakita ko kung paano unti-unting nawawala ito. “Ang galit na nararamdaman mo, pinapahina ako…”
Kumunot ang nuo ko dahil naglalaho na siya.
“Anong gusto mo? Umiyak ako sa harapan mo? Maging masaya?” sarkastikong tanong ko ngunit naglaho na siya matapos kong sabihin iyun.
Tumahimik ang loob ng kuwarto, naging kalmado ng ilang minuto.
“Oh? Bakit tulala ka diyan?”
Napabaling ako sa pintuan at naroon na si Margie, kadadating lang at may dalang mga gulay. Mukhang dumaan siya sa palengke bago dumiretso dito.
“Naglilinis ako,” paalam ko sa kanya at pinagpatuloy ang paghuhugas ng pinggan.
“May relief pala tayo,” masayang usal niya. “Kanino galing?”
Pinunasan ko ang kamay ko at nang humarap sa kanya ay wala na ang ngiti nito sa labi matapos makita ang litrato.
“Sinong nagbigay nito? Siya ba? Alam mo, itatapon ko ‘to,” inis niyang usal pero pinigilan ko siya.
“Ipamigay mo na lang. Sayang naman, pagkain pa rin yan,” kalmado kong usal sa kanya na ikinatigil nito.
“Oo naman. Pero yung plastic at litrato ng Martin na ‘to ay susunugin ko. Kung hindi dahil sa kanya, walang Yanessa na ang alam lang ay magalit sa mundo,” biro niya. “Kung hindi dahil sa kanya, ang Yanessa na palangiti noon at hindi sukdulan ang galit sa mundo ay nakilala ko sana.”
Nakitaan ko ng lungkot ang mukha ni Margie. Napaiwas na lamang ako ng tingin at nahihirapang napalunok. Noong mga panahon na hindi pa ako mulat sa pait ng mundo, hindi nagkaroon ng pagkakataon si Margie na makilala ang Yanessa na masayahin at masigla. Naging malapit lamang kami noong mawala si Yuan sa buhay namin.
“Hindi nakayanan ni Yuan na paamuhin ka at alisin ang galit sa puso mo. Sana dumating yung araw na mabago ang pananaw mo sa mundo.”
Bago namatay si Yuan, dati ng may galit ang puso ko. Nagalit ako sa mundo, ngunit sa pagkawala ni Yuan dahil sa akin ay nadagdagan ang galit ko ng sakit at puot. Yun na lang siguro ang alam kong emosyon, nakalimutan ko na kung paano maging masaya.
Nung makita ko ang score ko sa math ay hindi ko maitatanggi na natuwa ako, hindi dahil sa mataas na score na nakuha dahil alam kong hindi naman ako ang nakakuha nun. Bagkus sa pag-aakalang narito si Yuan, hindi naman pala.
KINAUMAGAHAN AY BALIK na sa klase ang eskuwelahan at naging abala na sa paghahabol sa midterm exam. Habang nasa bench ako mag-isa, nakaupo ay pinag-aaralan ko ang subject sa Math na nahihirapan akong intindihin.
Sa gitna ng pag-aaral ko ay pumasok bigla sa isip ko yung lalaking multo, magaling siya sa subject na ito. Hindi ko tuloy maiwasan na isipin kung anong year na siya o kung nag-aaral pa ba.
“Yanessa!”
Nakita ko ang papalapit na si Jena sa akin matapos akong kawayan.
Umusog ako upang makaupo siya sa tabi ko.
“Si Margie?” tanong niya.
“May meeting silang officers. Saan ang tungo mo?”
Pinakita niya sa akin ang libro na tingin ko ay pagmamay-ari ng pinsan ko.
“Balak ko sanang ibalik ito kay Margie. Pero sayo ko na lamang ipapaabot sa kanya.”
Tipid akong ngumiti at kinuha iyun sa kanya at bumungad sa akin ang latin na libro ni Jena matapos kong kunin ang libro ni Margie.
“Tungkol nga pala sa spirit of the glass,” panimula ko. “Wala ba tayong multo na nagambala o nakalabas ng lagusan?”
Napanguso si Jena at takang umiling. Ngunit naroon pa rin ang pagiging sigurado sa mukha niya sa sagot.
“Bakit? May nagpaparamdam ba sayo?”
Marahan akong napalunok, hindi ko alam kung tama ba na sabihin ito sa kanya. Ngunit iniisip ko rin ang kapakanan ko, paano na lang kung ang multo na yun ay masama pala? Paano kung ang hangarin nito ay manggulo?
“Ayoko sanang makarating pa ito kay Margie. Pero oo, may multo na nagpakita sa akin at sinasabi niya na narinig niya ang boses ko na tinatawag siya. Hindi siya ang kapatid ko pero possibli ba na Yuan din ang ngalan niya?”
Napaawang ang labi ni Jena sa sinabi ko at gulat na gulat.
“Hindi ako makapaniwala, nagpakita sayo ang multo? Nakakamangha, Yanessa. Paano lumakas ang kaluluwa ng multong ito?” tanong niya sa sarili.
“Hi-hindi ko rin alam.”
“Paano at nakikita mo siya? Kilala mo ba ang multong ito?”
Umiling ako.
“Yun na nga, hindi ko siya kilala pero bakit siya dinala sa akin ng boses ko? Bakit siya ang nakarinig sa boses ko?” gulong tanong ko.
Mabilis niyang hinawakan ang kamay ko, sinuri rin nito ang mukha ko at nuo. Tumagal din ang tingin niya sa mga mata ko. Kalaunan ay bigo siyang umiling at binitawan ako.
“Hindi bukas ang third eye mo, wala ka ring kapasidad na makakita ng kaluluwa o makatawag man lang. Labis na nakakapagtaka, lalo na at hindi mo naman siya kilala. Maaari na Yuan ang pangalan niya at inakalang tinatawag mo siya.”
“Pero sinabi niya sa akin na wala siyang maalala. Paano niya naman nalaman na Yuan ang pangalan niya? Binanggit niya sa akin na narinig niya ang boses ko, dinala siya sa akin ng boses ko. Hindi ang pangalan na sinambit ko, ang boses ko, Jena.”
Hindi mawari ang kaguluhan at pagtataka sa mukha ni Jena, nilagay nito ang iilang hibla ng buhok sa likod ng tainga niya.
“Kung hahayaan mo ako na makausap ang multo, kakausapin ko siya. Nasaan siya?”
Napaiwas ako ng tingin. Nasaan nga ba siya? Ang huling pagkikita namin ay noong matapos ang bagyo at naglaho siya na parang usok.
“Hi-hindi ko alam?”