YANESSA’S POV
PINAPANUOD KO SI Margie na mag-ayos ng gamit niya, ngayon ang uwi niya at bukas naman ang tama ng bagyo. Hindi pa ganun kasama ang panahon pero medyo may kalakasan na ang hangin ngunit wala pang ulan na nangyayari.
“Huling pamimilit, hindi ka talaga sasama?”
Umiling lang ako at binaba ang librong binabasa. Nakita kong saglit niyang sinulyapan ang cover ng libro.
“At saan mo naman nakuha iyan? May balak ka ba maging katulad ni Jena?”
Tumayo siya at kinuha ang libro ‘tsaka sinuri iyun ng mabilisan bago binalik sa kama.
“How to talk to souls and ghosts. Imbes na yan ang binabasa mo, mag-aral kana lang habang may bagyo at yun ang pagkaabalahan mo. Para sa pangarap!” usal niya at unti-unti nang napangiti.
Kunot-nuo ko na lamang siyang tinignan ngunit natawa na rin, nahawa sa kanya. Hindi talaga tumitigil kakabanggit sa pangarap, tila laging pinapaalala sa akin.
“Mag-ingat ka, i-text o tawagan mo na lang ako kapag nakauwi kana,” tipid kong usal.
“May kandila kana ba? ‘Tsaka flashlight? Wag mo ring kalilimutan na mag-charge,” paalala nito at nilagay sa balikat niya ang backpack.
Tumayo kami at hinatid ko siya sa pintuan ‘tsaka nagpaalam sa kanya.
SA KALAGITNAAN NG pagre-review ko para sa darating na exams ang siyang pagkahulog ng isang gamit galing kusina. Dahil doon ay tumayo ako para tignan iyun. Nakita kong nasa sahig na ang asin, namataan ko din ang paglabas ng pusang itim na mukhang siya ang nakahulog ng asin.
Bumuntong hininga ako. Kinuha ko ang asin at nilagay iyun sa ibabaw ng lamesa ‘tsaka bumalik sa kama para ipagpatuloy ang pag-aaral. Hanggang sa muli akong nakarinig ng mga yapak galing sa labas, dahil doon ay hindi ko maiwasan na mapalunok.
Sinulyapan ko ang orasan sa dingding at alas onse y media na ng gabi. Siguro kailangan ko na ngang matulog. Naririnig ko na din ang paglakas ng hangin sa labas, may konting ulan pero mas nangingibabaw pa rin ang tunog ng hangin.
Sinara ko ang ilaw at agad na humiga sa kama, nagkumot sa buong katawan.
Muli akong napapikit ng mariin sa mabibigat na yapak na naririnig sa labas, tila may naglalakad pabalik-balik malapit bintana ko. Hindi ko maiwasan na kilabutan lalo na nang makita ko ang anino galing bintana, isang lalaki na matangkad. Sarado ang binatana ngunit dahil salamin lang ito ay hindi maiiwasan na makita na may taong naroon sa liwanag na nanggagaling sa labas.
“Yuan, patulugin mo naman ako. Huwag mo akong takutin,” bulong ko sapat na para marinig niya.
Tumigil ito sa gitna ng bintana, kinagat ko ang daliri ko habang hinihintay ang susunod na mangyari.
“Kung gusto mo, magpakita ka sa akin at kausapin mo ako,” matapang kong usal.
Umalis ang anino ni Yuan sa bintana, narinig ko din ang papalayong yapak nito.
Bigo akong napabuntong hininga at pinikit na lamang ang mga mata. Nararamdaman ko na nais magpakita ni Yuan sa akin, siguro katulad ko, hindi niya din alam kung paano gagawin iyun.
NAGISING AKO SA katok sa pintuan galing kusina. Kahit bagong gising pa lamang ako ay sinubukan kong umupo sa kama, nang iapak ko ang paa sa sahig ay naramdaman ko ang tubig. Dahil doon ay nagising ang diwa ko, inayos ko ang buhok ko at napagtanto na baha na sa loob ng boarding house.
Mabilis kong nilagay sa lamesa ang mga gamit na nasa sahig na basa na. Binuksan ko ang pinto at malakas na ulan at hangin ang sumalubong sa akin.
“Ija! Isara mo ng maayos yung pinto at lagyan mo ng harang sa ilalim kung maaari dahil malakas daw ang pag-ulan ngayon,” halos pasigaw na usal ni Manang Lhoida na may payong na hawak at halos liparin iyun sa sobrang lakas ng hangin. “At sa susunod naman, huwag mong iiwan na bukas ang ilaw ng boarding house niyo. Alas tres ng umaga bukas lahat ng ilaw. Mahal ang kuryente,” pahabol nitong sermon.
Sinara ko ang ilaw ang kagabi, paanong naiwang bukas iyun?
Nang sulyapan ko ang orasan ay alas nuebe y media na.
“Anong oras ho tatama yung bagyo sa atin?”
“Brownout kaya hindi ako nakapanuod ng balita kaninang umaga. Ngunit ang sabi kagabi sa radyo ay mga alas diyes y media ng gabi, maghanda ka lang at kung pinasok ka ng tubig doon ka muna sa bahay namin. Huwag kang mahihiya na lumipat kung sakaling lumakas ang bagyo.”
Tumango ako at tipid na ngumiti kay Manang Lhoida.
Sinara ko ang pintuan ‘tsaka naghanda na ng agahan, pagkatapos nun ay nagsindi ako ng kandila at inayos ko na din ang mga gamit. Sinubukan ko ding tanggalin ang tubig sa loob pero napagod lang ako at dahil bumabalik lang naman ang tubig.
KASALUKUYAN AKONG nakaupo sa gilid ng kama at may kumot ang kalati ng katawan ko. Pinapanuod kung paano matunaw ang kandila na nasa harapan. Tanging malakas na hangin at ulan ang nagsisilbing ingay sa loob at labas ng kuwarto.
“Puro ka na lang paramdam. Kausapin mo naman ako, Yuan,” bulong ko habang yakap-yakap ang tuhod at nanatiling nakatitig sa kandila.
Sinulyapan ko ang orasan na nakasabit sa dingding at malapit na mag-alas diyes ng gabi. Malapit ng tumama ang bagyo.
“Paano ba kita makakausap?” bigo kong tanong.
Sana pala kinausap ko si Jena tungkol dito, sana humingi ako ng tulong. Paano na lang kung makaalis na si Yuan ng hindi ko man lang nakakausap?
“Paano nga ba?”
Napapitlag ako sa boses na narinig. Inikot ko ang paningin ko sa buong kuwarto, malapit sa akin ang boses na narinig. Dahil doon ay kinilabutan ako at halos manlamig sa takot. Sobrang takot, dahil ang boses na narinig ko ay hindi si Yuan.
“Si-sino ka?”
Ang boses ko ay nanginginig at halos hindi mabigkas ng maayos ang salita.
“Si Yuan, yung kapatid mo.”
Natigilan ako nang maramdaman ang lapit ng nagsalita sa akin. Wala siya sa likod o gilid ko, naramdaman ko kung nasaan siya kahit hindi ko man makita. At nasa harapan ko siya mismo. Tuluyan ng nanlambot ang buong katawan ko at hindi makagalaw habang habol ang paghinga at lakas ng pintig ng puso ko.
“Hi-hindi ikaw si Yuan. Hi-hindi i-ikaw ang ka-kapatid ko.”
Humigpit ang hawak ko sa kumot. Nag-iisip kung paano ko mapapalis ang multong hindi kilala sa kuwarto ko. Gusto kong tawagan si Jena ngunit walang signal dahil sa lakas ng bagyo, gusto kong tumayo at kumaripas ng takbo papunta kila Manang Lhoida ngunit hindi ako makagalaw sa takot.
Narinig ko ang malalim na halakhak nito na mas nagpatindig ng balahibo ko.
“Pero tinawag mo ako, hindi ba?”
May bahid na pagtataka sa boses niya.
Suminghot ako at nilakasan ang loob upang maging matapang. Kapag takot ka, mas lalo lang lalakas ang loob ng multo na magparamdam.
“Umalis kana dito. Hindi ikaw si Yuan! Hindi ikaw ang kapatid ko! Lumayo ka sa akin!” tumaas ang boses ko.
Tinapat ko harap ko ang flashlight na hawak para bigyan siya ng babala na umalis na.
“Ako si Yuan. Tinawag mo ako, ba’t mo ako paalisin? Hindi ba ito ang gusto mong mangyari? Ang makausap ako?”
Nararamdaman ko siya, mas lalo siyang lumalapit sa akin.
“Hindi ikaw si Yuan. Kahit hindi pa kita nakikita, sigurado ako na hindi ikaw ang kapatid ko!” singhal ko dito.
“Sigurado ka? Hindi mo pa nga ako nakikita.”
Muli itong humalakhak sa matigaas niyang boses.
Huminga ako ng malalim at kinalma ang sarili ngunit hindi ko magawa sa sobrang takot. Sabayan pa ng malakas na kidlat at dagundong ng kalangitan galing sa labas dahilan para mapapikit ako ng mariin at takpan ang dalawang tainga ko.
Nagsimula na akong humagulhol dahil sa kidlat at malaks na dagundong.
“Hi-hindi ikaw si Yuan. Si Yuan, alam na takot ako sa kidlat. Hindi ikaw ang kapatid ko,” sambit ko sa gitna ng pag-iyak ko.
Nang imulat ko ang mga mata ko ay nakita ko na namatay ang apoy sa kandila ngunit bukas naman ang flashlight na hawak ko, kasabay nun ang tila isang puting usok na namuo sa harapan ko. Hanggang sa isang kaluluwa ng lalaki ang nagpatigil sa akin lalo na sa iyak ko, hindi ko na napansin ang tunog na kinakatakutan galing sa labas dahil sa multong nakita.
Isang lalaki na tingin ko ay hindi nalalayo ang edad sa akin, may magulong buhok, magandang mukha at pangangatawan, ngunit ang kulay nito ay puti. Kahit ang labi at buhok ay puti, tulad sa mga nakikita ko sa libro at palabas sa TV. Isang multo ang nasa harapan ko ngayon na siyang nagpakalma sa akin sa kidlat na kinatatakutan ko.
Nagtama ang mga mata naming dalawa dahilan para siya ay mapakunot ng nuo.
“Nakikita mo na ako?” manghang tanong niya.
Doon ko na naproseso ang nangyayari.
“Aaaaaaaaaaaaahhhhhh!” sigaw ko sa gitna ng malakas na bagyo at napataklob ng kumot sa ulo. “Multo! Multo!”
Nagpa-panic na ako dahil hindi ko kilala ang nasa harapan na multo.
“Bakit ka natatakot ngayon? Diba ito yung gusto mong mangyari? Ang magkausap tayong magkapatid?”
Mariin akong napapikit.
“Hindi ikaw si Yuan! Hindi ikaw si Yuan! Umalis ka, hindi kita kilala! Hindi tayo magkakilala kaya please, umalis kana. Layuan mo na ako, nagkamali ako. Hindi ikaw ang kapatid ko, hindi ikaw ang tinawag ko!” pakikiusap ko dito.
“Takot ka lang. Dahil ba multo ako?”
Mariin akong napapikit at namumuo na ang inis dahil sa pagdidiin nitong kapatid ko siya. Hindi ba siya makaintindi?
Tinanggal ko ang kumot at hinarap siya, napaatras ako nang makita siyang nakaupo sa kama sa harapan ko at binalingan ako ‘tsaka umangat ng konti ang gilid ng labi.
“Mukha ba tayong magkamukha? Paano kita magiging kakambal kung malayo ang mukha nating dalawa?” galit kong tanong dito. Hindi na natiis ang kakulitan niya.
Tinagilid niya ang ulo nito at tinitigan ako ng mabuti. Ang malalim na titig nito ay nagpailang sa akin.
“Magkakambal ba tayo?” takang tanong niya.
“Hindi tayo magkakambal—“
“Pero sabi mo lang kanina na magkakambal tayo.”
Matalim ko siyang tinignan at pakiramdam ko umuusok na ngayon ang ilong ko sa inis.
“Makinig ka. Hindi ikaw si Yuan, hindi ikaw ang kakambal ko. Nagkamali kami ng kaluluwa na natawagan at nakalabas ka ng lagusan. Ngayon, ang pakiusap ko sayo ay bumalik ka sa pinanggalingan mo.”
Napaatras ako nang lumapit siya ng konti sa akin, ngunit wala na akong maatrasan dahil semento na ang nasa likod ko.
“Pero tinawag mo ako, narinig ko ang boses mo,” pamimilit pa nito.
“Bakit? Ikaw lang ba ang nag-iisang Yuan sa mundo? Ang sabi ko Yuan Francia, complete name yun. Ikaw? Yuan ano?”
Nilagay niya ang daliri sa labi nito at tila nag-iisip. Hindi ko maiwasan na pagmasdan siya, ang kaibahan niya lang sa mga palabas na nakikita ko ay may kulay sila. Samantalang siya ay tanging puti ang nakikita kong kulay simula sa balat niya hanggang buhok nito.
Nang magtama ang mga mata namin ay doon ko napagtanto ang nag-iisang kulay na mayroon siya. His amethyst deep-set eyes. Ang tanging may buhay na kulay sa kanya. Possibli ba yun? Ganun ba ang multo?
“Wala akong maalala tungkol sa akin,” may bahid na lungkot sa boses niya nang sabihin iyun kahit seryoso at intimidating ang mukha nito.
Kinagat ko ang daliri ko at nag-isip.
“Kung ganun umalis kana, hindi kita matutulungan.”
Bumuntong hinga siya at naging blangko ang tingin sa akin.
“Pero tinawag mo ako. Sa isang buwan kong paggala sa iba’t-ibang lugar, bigla akong naglaho at dinala rito mismo sa kuwarto mo. Isa lang ang ibig sabihin nun, tinawag mo ako,” madiin niyang usal.
Napahilot ako sa nuo ko. Mahirap talaga siyang makaintindi.
“Paulit-ulit kong sasabihin sayo, nagkamali ako ng multo na natawagan. Kaya umalis kana bago ako tumawag ng eksperto na kayang paalisin dito anumang oras,” galit ko nang usal sa kanya.
Dinilaan nito ang pang-ibabang labi niya at iritado akong tinitigan bago ito tumalikod at mawala na parang bula. Doon ay naging establi ang paghinga ko. Pagod na lamang akong bumagsak sa kama at tulalang napatingin sa kisame.
Totoo ba ang nangyari kanina? Hindi pa rin ako makapaniwala. Ganito na ba ako katapang dahil panandaliang takot lamang ang naramdaman ko kanina sa kanya? O dahil hindi naman siya mukhang nakakatakot? Dahil sa kanya ay napakalma at nakalimutan ko ang takot sa kidlat at kulog kanina lang.
Ang katawan ko ay tila bumalik sa pagiging patay nang mapagtanto na ang multo na natawag ko ay hindi si Yuan. Ang nabuhay na pag-asa sa pag-aakalang siya nga si Yuan, ay biglang naglaho.
Ganun na lamang ba ang galit ni Yuan sa akin at hindi niya ako kayang kausapin o makita?