Alyanna POV
4 years later
'Napakabango ng kanyang hininga nalulunod na ako. Hindi ko na kaya bibigay na talaga ako bakit ba sobrang sarap sa pakiramdam sh*t ayan na...!'
"Ate....! "
Biglang may sumigaw.
Napalunok ako ng aking laway dahil naputol ang.. ang.... teka panaginip lang ba yun? Napamulagat ako ng mabungaran ko ang aking kapatid na nasa aking harapan nakatayo saka biglang napaekis ang mga braso sa dibdib.
"Ano ka ba Alliyah! Ginulat mo ako." bulyaw ko sa kanya upang matakpan ang napahiya kong ego.
Bigla s'yang tumawa ng malakas sabay turo sa akin.
"Naku ate, huling-huli kana nga sa akto palusot ka pa! Buti nalang ako ang pumasok dito sa kwarto mo. Naku kung si Albert pa 'yon kantiyaw ang aabutin mo. Todo ngiti ka pa naman habang hinahaplos ang unan. May namimis ka ata eh!" dagdag niyang biro sa akin.
Sa hiya ko tinapunan ko s'ya ng unan. Lalong lumakas ang tawa niya. Kung alam lang n'ya ang laman ng panaginip ko siguradong sasabihan na naman n'ya ako na nasobrahan sa k-drama.
"Lumayas kana nga at nang makapagligpit na ako ng higaan." pagtataboy ko sa kanya upang lubayan na n'ya ako. Hay kalokang panaginip na 'yon. Kahit sa panaginip ay hindi n'ya ako tinatantanan. Tsk! Naiiling na bumaba ako sa aking higaan upang mag-umpisang magligpit. Dumeritso ako sa banyo upang maghilamos nang maamoy ko ang niluluto ni Mama.
Simpleng buhay lang ang meron kami. Sa awa naman ng Diyos ay bumabalik na si Papa sa dati mula noong pinagamot ko s'ya sa isang pribadong hospital sa Manila. Kahit mahirap kinakaya ko para sa aking pamilya. Habang naglalakad ako na naka paa ramdam ko ang lamig na nagmumula sa puting tiles na sahig. Bungalow style ang aming bahay. May tatlong kwarto na sinadyang ipagawa ni Papa para sa aming magkakapatid. Ang isang kwarto sa dulo ay para sa aming mga magulang. Ang nasa gitna naman ay inukupa ng dalawa kong kapatid na sina Alliyah at Albert. Pag-aari ko naman ang isang kwarto. Ngunit magagamit ko lang ito tuwing uuwi ako rito sa amin galing sa Maynila.
Dahan-dahan ko lang na binasa ang aking mukha dahil iniingatan kong huwag mabasa ang aking mga mata. Ganito ako sa tuwing kulang ako sa tulog dahil alam kong pagod ang aking mga mata kaya kailangan ko silang ingatan dahil sila ay mahalaga sa akin. Pa'no nalang ang aking mga oppa! Charing! Maaga palang pasaway na'tong utak ko. Nakangiti akong lumabas ng banyo. Pilit kong pinasigla ang aking mukha para walang dramahan na mangyayari mamaya.
Ngayon pa nga lang ay nakaramdam na ako ng matinding lungkot.
"Mama!"
Halos namilog ang mga mata ko sa gulat pagbukas ko ng pinto. Sumalubong sa akin ang nakangiti at ubod na gwapong bata.
"Ba't di mo'ko ginising?" Nakataas ang isang kilay na tanong ko sa tatlong taon kong anak.
"Kasi po... sabi ni nanay hayaan ko na po raw kayong matulog muna kasi puyat daw po kayo at pagod, mama." napakamot pa sa ulong sagot nito.
Natawa ako sa nakitang reaksyon ng aking anak. Ginulo ko ang buhok niya saka kinintalan ng halik ang pisngi.
"Hmm... amoy manok kana naman anak." puna ko sa kanya habang yakap-yakap ko siya.
"Nako! Maaga pa yang nakipagharutan sa mga alagang manok ng tatay mo kasama si Albert." sabad naman ni Nanay.
"Hay naku anak. Anong gusto mo maging sabungero ka paglaki?" nakataas ang isang kilay na tanong ko sa kanya.
"No, mama. I want to become a businessman someday. Kasi sabi nila maganda raw kapag may business kasi magkakaroon ka ng maraming pera. Kapag marami na ang pera ko hindi kana aalis upang magtrabaho sa malayo. Maipagamot ko na rin si grandpa." inosenteng sagot ni Aiden.
Biglang tumulo ang aking luha dahil sa sinabi nya. Ang hirap pala ng ganito. Hindi pa nga ako nakakaalis parang susuko na ako sa lungkot. Tumalikod ako saka mabilis na pinahiran ang aking mga luha. Maging si mama ay napaiyak dahil sa sinabi ni Aiden.
"Anak, maraming salamat. Alam kong naiintindihan mo na ang mga nangyayari sa paligid mo. Huwag kang mag-alala, okay lang si mama. Gagawin ko ang lahat maibigay lang ang lahat ng kailangan mo. Tutulungan kita na maabot ang mga pinapangarap mo. I love you, son." mabilis kong kinabig upang yakapin si Aiden.
Hindi ko na namalayan ang oras. Alas onse na pala. Kailangan ko ng maghanda sa pag-alis dahil baka mahuli pa ako sa flight.
Mayamaya.
"Ma! Ano ka ba mabilis lang ang panahon. Huwag kanang malungkot, okay? Gagawin ko naman 'to para sa ating lahat at para sa kinabukasan ni Aiden!" pinipigilan ko na huwag umiyak dahil first time kong iiwanan ang aking pamilya upang makipag sapalaran sa South Korea.
Mahirap man pero titiisin kong malayo sa aking anak na mahigit tatlong taon pa lamang.
"Anak, ba't hindi mo nalang kasi sabihin sa ama ng bata para masuportahan niya si..~~ Mama naman eh, nag-usap na po tayo tungkol dito. Hindi ko nga pwedeng sabihin sa kanya. Nakita naman ninyo na engaged na yung tao. At baka kapag malaman pa niya na may anak kami, maaaring kunin niya sa akin si Aiden. Hindi ko mapapayagang mangyari 'yon." putol ko sa mga sasabihin sana ng aking ina.
Masakit sa dibdib na mapanood sa balita na engaged na ang ama ni Aiden sa ibang babae. Pero alam kong wala akong magagawa roon dahil one night stand lang ang lahat ng nangyari sa amin. At isa pa ayaw kong pumasok sa magulong mundo kung sakali man. Sapat na sa akin ang makita ko s'yang masaya sa piling ng iba.
Nagpaalam na ako sa aking anak, at maging kila mama't papa. Dahil para nang sasabog ang aking dibdib sa sakit. Hindi ko na sila inabala pa na ihatid ako sa airport dahil baka iyon pa ang dahilan na baka hindi ako matuloy sa pag-alis. Tinatagan ko ang aking loob, dahil wala na akong ibang maasahan pa. Si papa ay hindi na rin makakabalik sa abroad dahil hindi na niya makaya pa ang mag trabaho dahil sa na paralyzed ang kanyang kalahating katawan.
Hindi na ako lumingon pa kahit naririnig ko ang malakas na palahaw ni Aiden habang sinasambit ang pangalan ko. Ang sakit sobra. Kahit nang nakasakay na ako sa eroplano ay wala paring tigil ang pagpatak ng aking mga luha. Pilit kong inaliw ang aking sarili sa panonood ng movie habang nasa byahe upang makalimutan ko ang lahat.
NAKALIPAS ang ilang buwan mula noong umalis ako ng Pilipinas. Unti-unti ko na ring nakagamayan ang trabaho rito sa South Korea. Although, namimis ko ang aking pamilya sa Pinas. Ngunit ginugol ko nalang ang mga bakanteng oras ko sa panonood ng Korean drama. At maging ang pagpantasya sa mga kpop groups na paborito ko, sila lang nagpapasaya sa akin dito sa abroad. Minsan pinapasyalan ko ang mga lugar na kung saan sa tv ko lang napapanood. Kahit papaano ay naaliw at naibsan ang pangulila ko sa aking pamilya sa Pilipinas. Hindi ko rin maiwasan na may mga lalaking nais akong makilala at nang-iimbitang kumain sa labas. Ngunit hindi ko muna sila pinaunlakan dahil wala pa ako sa mood na mag-umpisang makipagrelasyon. Dahil alam kong doon din iyon papunta. Tamang chill lang muna kasama ang mga bagong kakilala.
May nakilala nga akong pinay si Dimple tubong Davao at katulad ko ring single mom. Nag-aya s'yang lumabas kami kasama ang Koreano niyang boyfriend. Kaya ayun dahil mapilit siya sumama na rin ako para na rin makapagliwaliw paminsan-minsan.
Napadpad kami sa isang club! Wait, teka nga as in club talaga? Sa totoo lang hindi pa ako nakapasok ng club kahit sa Pilipinas. Kaya bigla kong naisip. Naging ganito ang buhay ko dahil sa alak, ang hindi ko makalimutang gabi na tinuring kong isang bangungot. Pero kapag naiisip ko naman na dahil sa bangungot na iyon ay biniyayaan ako ng isang anghel na kasing pogi ni Aiden. Lahat ng pagsisisi ko biglang nawala.
Pagkatapos naming naggayak, lumabas na kami ng bahay na aming tinutuluyan. Malamig sa labas kaya kailangang doble ang suot. Pumara si Dimple ng taxi, saka nagpahatid kami sa club na lagi umanong tagpuan nila ng nobyo niya.
"Gurl, andaming tao ang taas ng pila," sabi ni Dimple sa akin. Sikat atang club 'to kasi maraming nakapila.
Nang makapasok na kami sa loob, napamulagat ako dahil sa sobrang dami ng tao. Dahil sa lakas ng tugtog halos hindi na kami magkarinigan. Hinila niya ako patungo sa isang sulok, doon nakita ko ang nobyo niyang koreano na naghihintay.
"Anyyeong haseyo," ( hello) bati ko sa kanya. Pinaupo n'ya ako sa bakanteng upuan at binigyan ng maiinom. Halos malula ako sa daming sumasayaw, manaka-naka'y napalingon ako sa paligid. Ang seksi ng damit ng mga babae at ang gaganda nila. Naghalong korean at foreigner ang mga nandito. Sadyang hindi lang siguro ako sanay sa mga ganitong klaseng lugar. Pakiramdam ko kasi hindi ako makakatagal dito.
Tinungga ko ang isang basong alak na binigay sa akin ng nobyo ni Dimple. Naramdaman ko ang pag-init ng aking lalamunan. Anong klaseng alak ba'to? Kakaiba ang lasa kesa sa alak na nainom ko noon. Sa isip ko habang sinipat-sipat ang laman ng baso. Nanatili lang akong kalmado upang hindi ako mapapahiya sa iba. Mayamaya pakiramdam ko nangangapal na ang aking mukha.
"Gurl, mauna na siguro akong umuwi sayo, parang nalasing ata ako!" nahihilong sabi ko kay Dimple.
"Ano kaba paano ka malasing eh, isang baso palang nainom mo." natatawang sagot niya sa akin.
Paano hindi malasing eh, napakalaking baso at puno pa isang tungga ko lang. Akala ko kasi kailangang ubusin ang laman ng baso para salinan ulit. Tsk. Napatawa ako sa katangahan ko. Biglang napatingin ako sa paligid marami pa ring sumasayaw. Sa isang sulok nagulat ako dahil may lalaking nakatitig sakin.
Nagtama ang aming mga mata.
Zedric?