Chapter 28

1944 Words
"Saan galing ang bulaklak, Rion?" tanong sa akin ni Dexx ng umuwi siya. Mas nauna akong umuwi sa kanya at abala akong naghahanda ng hapunan. "Galing sa kapatid ni Camilla," sagot ko sa kanya at narinig ko ang paghakba niya papunta sa kusina. Hawak niya ang bulaklak at tinitingnan niya pa ito maigi. "Lalaki ang kapatid niya, tama?" sunod niyang tanong at humarap ako sa kanya. Halata sa kanyang mukha ang galit at parang nagbalik ang takot ko dahil gano'n ang reaksyon niya ng isang araw matapos niya akong saktan. Kinuha ko sa kanya ang bulaklak pero iniwas niya iyon sa akin at tinaas. Nabigla ako sa pagtulak niya sa akin, dahilan para matumba ako at mapaupo sa sahig. Hinampas niya ang bulaklak sa pader at doon nabaling ang atensyon ko sa nagkalat na mga bulaklak. "Ano bang ginagawa mo!" sigaw ko sa kanya at hinawakan niya ang dalawang braso ko saka ako pilit na tinayo. Nagpumiglas ako sa pagkakahawak niya. "Matapos ang lahat ng ginawa ko para sayo, maghahanap ka ng iba? Bakit, dahil mas mayaman ang kapatid ni Camilla?!" sigaw niya sa akin at niyugyog ako. Nahilo ako sa ginawa niya pero pinilit ko pa rin na kumawala sa pagkakahawak niya. "Ano ba, Dexx!" sigaw ko at nang mabitawan niya ako, sinampal ko siya agad. Natigil siya sa ginagawa niya at gumaan ang pakiramdam ko dahil nakaganti ako sa ginawa niyang pagsampal sa akin nung isang araw. Pero natigil ang saya ko dahil sa pagharap niya, sinampal niya ako. Natumba ako sa ginawa niyang iyon at nalasahan ko na naman ang dugo sa loob ng aking bibig. Nanatili lang akong nakayuko habang nakaupo sa sahig. Nagdilim na talaga ang paningin ko pero naramdaman kong tumabi siya sa akin at hinawakan ang magkabila kong pisngi gamit ang kanang kamay niya. "Hindi ka pwedeng mapunta sa ibang lalaki, tandaan mo, akin ka lang!" sigaw niya at pahagis niyang binitawan ang aking mukha. Mas napasubsob ako sa sahig dahil sa ginawa niyang iyon sa akin. Hindi ako tumayo agad dahil sa sakit na nararamdaman ko pero pinilit ko pa rin na bumangon. Naluluha ako habang kinuha ang yelo sa ref at nilapat agad iyon sa pisngi ko. Narinig ko na lang ang pagwawala ni Dexx habang nasa kwarto siya. Hindi ko inaakala na ganito siyang klase ng lalaki. Tinapos ko pa rin ang pagluluto ko dahil kailangan ko ng lakas para lumaban sa kanya. Sa kwarto na lang ako kumain dahil sa takot na lumabas ulit siya at saktan ako. Matapos ay nahiga na lang rin ako sa kama at doon ko pinagpatuloy ang paglalagay ng yelo sa aking mukha. Sa sugat at pasa na natamo ko, tingin ko ay hindi agad iyon mawawala ng isang gabi lang. Tinitigan ko sa salamin ang aking mukha at may bakas pa iyon ng kuko ni Dexx. Nakatulog na ako sa pag-iyak dahil sa ginawa niya. Gumising ako ng mas maaga sa normal na oras dahil gusto kong makaalis agad habang tulog pa si Dexx. Madilim pa sa labas ay bumangon na ako at naisip kong sa labas na lang ako magpalipas ng oras bago pumasok. Madali akong nakasakay dahil wala pa masyadong empleyado ng umalis ako. Habang nasa isang convenient store ako ay nakita kong isa-isang dumadating sila Miss Regina pero mas pinauna ko na sila sa pag-akyat dahil ayokong magtaka sila sa akin. Sinubukan kong takpan ng make-up ang labi ko bago ako umakyat sa opisina. "Mas malaki ang pasa mo ngayon, ano bang nangyayari?" tanong sa akin ni Camilla at muli niyang ginamot ang sugat sa tabi ng labi ko. Sinilip ko sa pocket mirror ang labi ko at halata na nga iyon. Hindi ako kumibo pero nanglalabo na ang mata ko dahil sa nangyari. Gusto ko man magkwento sa kanya ay hindi ko na magawa dahil sa baka si Camilla naman ang saktan ni Dexx.. "Si Dexx ba ang may gawa nito? Hindi sa pangingialam pero may history siya ng pananakit, dahil may karelasyon siya sa Maynila noon at kilala ko ang babaeng iyon," sabi niya sa akin at nakita kong lumuha rin si Camilla. Yumakap ako sa kanya at tuluyan na akong umiyak dahil sa tingin ko, siya ang pinakamakakatulong sa akin dahil naranasan niya na ang pambubugbog. "Calm down, relax," bulong niya sa akin pero hindi gano'n kadali ang naramdaman ko dahil sa sobrang sama ng loob ko. Halos mawalan na ako ng hininga pero pinilit kong pakalmahin ang sarili ko at oras ng trabaho. "Huwag ka na muna magtrabaho ngayong araw. If you want, doon tayo sa bahay," sabi niya sa akin at tinulak ko siya palayo. Dahil sa kapatid niya ay nagalit si Dexx. "No, salamat. Kaya ko na ang sarili ko," sagot ko sa kanya at tumayo ako para magpunta sa cr. Gusto kong ayusin ang sarili ko at ibalik ang presensya ko sa trabaho. Tinitigan ko lang ang sarili ko matapos kong maghilamos at bumalik na ako sa opisina. Nagtanong sa akin si Regina kung napaano ang gilid ng labi ko pero hindi ko na iyon pinansin at pumasok na sa opisina namin. "Come on, prepare your things. Uuwi na tayo," sabi sa akin ni Camilla at kahit ayoko, siya ang amo ko, siya ang masusunod kaya naman inayos ko na ang gamit ko pero napalingon ako dahil kinalabit ni Camilla ang balikat ko. Pinaupo niya ako at inilabas ang isang pouch. Pagbukas niya ng laman ay puro make-up ang nandoon. Hinayaan ko na lang siya sa gusto niyang gawin dahil pagod na rin akong mag-isip ng oras na iyon. Sumunod na lang ako sa kanya palabas ng opisina at hinintay ko siya habang kausap niya si Regina. "Regina, ang mga bilin ko," sabi niya pa ulit at hinila na ako palabas. Nakayuko lang ako habang naglalakad kami. Naghintay lang muna siya ng ilang minuto dahil wala pa ang kapatid niya sa parking lot. "Miss Camilla, kasama ba natin ang kapatid niyo sa bahay, mamaya? Tutuloy na lang po ako sa opisina para magtrabaho," sabi ko at lumakad na ako pabalik sa loob pero hinila niya ako para pigilan. "No, come with me!" sabi niya sa akin at ngumiti na parang aso. Umira na lang ako dahil iba na naman ang ugaling pinapakita niya sa akin. Mabait na naman siya ngayon at masama ang kutob ko dito. Matapos niya akong hilahin pababa ay saktong dating na ng kapatid niya. "Hi, Rion!" bati nito sa akin pero sinamaan ko lang siya ng tingin dahil sa pagbibigay niya ng bulaklak ay nagawa iyon sa akin ni Dexx. Hindi ko na binigyan pa ng kahulugan ang gulat sa kanyang mukha ng makita ako. Sumakay na lang ako sa likod ng kotse at iniisip na sana, matapos rin ang araw na iyon dahil kasama ko si Grant. Simula ng magkaroon ako ng di magandang karanasan ay natuto na akong magalit kahit sa simpleng bagay lang ay naiinis na ako pero pinipigilan ko pa rin huwag magpakita ng pagkainis sa mga bagay-bagay dahil hindi magandang pag-uugali iyon. Hinayaan ko lang magkwentuhan ang magkapatid habang bumabyahe at iniisip ko pa rin ang nagawang pangbubugbog sa akin ni Dexx at hindi ko pa iyon natatamo sa buhay ko. Habang nakatingin ako sa bintana ay naluluha na lang ako dahil sa napapala ako. "Rion, huwag mo na isipin yon. Kung ako sayo, iwanan mo na lang siya. And besides, palayasin mo siya sa bahay mo," sabi sa akin ni Camilla at tumingin sa akin tapos ay sa kapatid niya naman. "Grant, yung mga pagkain, pakidala sa Garden," sabi ni Camilla sa kapatid at hinawakan ang kamay ko tsaka kami nagpunta sa tabi ng bahay niya. Maganda ang kanyang garden, may parte doon na naka-tiles na naging pathway papunta sa kainan. May bubong iyon na kahoy, may table doon at sa likod ay may kusina. Sa gilid ng pathway ay may mga sari-saring halaman at bulaklak. Sumunod lang ako kay Camilla habang naglalakad patungo doon. Nakahanda na ang iilan sa mga pagkain at pinaupo na ako ni Camilla doon. "Ang ganda ng garden mo, Cams," sabi ko sa kanya habang nakatingin sa mga puno at namamangha pa rin ako. Sobrang payapa pa rin ng lugar na iyon at nakakawala ng problema. "Salamat. Alam mo, sa tuwing naaalala ko yung ginawang pambubugbog sa akin ng asawa ko noon, dito lang ako pumupunta kasi, nakakagaan ng pakiramdam. Nakakaamoy ako ng sariwang simoy ng hangin. Naniniwala ako sa kanya dahil gano'n rin ang nararamdaman ko. Ilang sandali pa ay dumating na rin ang iba pang pagkain at sinandukan na ako ni Camilla ng pagkain. Hindi na ako nakatanggi pa doon. Umupo sa tabi ko si Grant at tumayo ako bigla dahil gusto ko siyang iwasan. Inamoy niya ang sarili niya at tinaas pa ang braso para amuyin naman ang kili-kili niya. "Mabango naman ako, bagong ligo. Bakit lumalayo ka, Rion?" tanong ni Grant. Tumahimik lang ako at nagpatuloy sa pagkain. "Rion, ayaw mo ba sa kapatid ko?" tanong ni Camilla sa akin at umiling na lang ako. Ayoko na palakihin ang gulo at baka dahil sa sobrang selos ay nagawa iyon ni Dexx sa akin. Ayoko na lang palakihin ang nangyari. "No, ayoko lang madikit sa mga lalaki," sagot ko sa kanya at tumango na lang sa amin si Grant pero kita ko pa rin sa mukha niya ang pagtataka. "Okay, I understand," sagot naman niya sa akin at kumain na lang kami ng tahimik. Naging masaya naman ang panananghalian namin at puro biruan lang ang magkapatid. Nawala ng panandalian ang problema ko at hindi ko namalayan na lagpas na pala sa oras ng uwian namin. Naniniwala ako na hindi naman magagawang ikwento ni Camilla kay Grant ang tungkol sa nangyari sa akin kahit na malapit na kami sa isa't-isa kaya tiwala pa rin ako na ang lihim ko ay mananatiling lihim. "Naku, aalis na po ako at malamang, susunduin ako ni Dexx sa kompanya," natataranda kong sabi kay Camilla habang mabilis na inaayos ang gamit ko. Inunahan na ako ni Grant paalis dahil na rin sa utos ng kanyang kapatid. "Salamat po," pagpapaalam ko sa kanya habang hinahatid niya ako palabas ng bahay nila. Sumakay na ako agad sa kotse at hindi ko na nagawang kibuin si Grant dahil abala ako sa paggawa ng mensahe para kay Dexx. Sunod-sunod ang pagpasok ng mensahe sa telepono ko at may ilan na rin missed call, lahat ng iyon ay galing kay Dexx. Ayoko sabihin na galing ako sa bahay nila Camilla dahil baka isipin niya ay pumunta ako dito para makita si Grant. Hindi ko malaman kung ano ang sasabihin kong paliwanag ng oras na iyon. "Sabihin mo sa boyfriend mo, inutusan ka ni Camilla na maghatid ng papeles sa bahay," sabi ni Grant at sinunod ko ang sinabi niyang iyon. "Dexx, nasa byahe pa ako at walang signal sa bahay nila. Pasensya ka na, hindi na ako nakapagpaalam pa sayo," sabi ko sa text at pinagmasdan ko lang iyon mag-send sa kanya. Huminga ako malalim at sana ay hindi siya magalit sa akin pag-uwi ko. Ayoko na masaktan at mabugbog ulit. "Grant, huwag mo na ako ibaba sa mismong bahay, kahit sa kanto na lang malapit sa amin," sabi ko kay Grant pero hindi niya ako sinunod at talagang hininto niya pa rin sa tapat ng bahay ko ang kotse niya. Bukas ang lahat ng ilaw at tiningnan ko muna kung nakasilip ba si Dexx dahil sa pagka-paranoid ko, naiisip kog pinagmamasdan niya ako sa isa sa mga bintana ng bahay. Mabilis naman akong nakauwi at nagmadali akong pumasok sa loob ng bahay. Pero tumigil ang mundo ko ng pagbukas ko ng pinto ay si Dexx ang sumalubong sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD