Sobra-sobra ang takot na namutawi sa pagkatao ni Aella habang nakapikit na dinadama ang unti-unti niyang paglubog sa tubig.
'Ayoko pang mamatay', paulit-ulit na usal niya sa kaniyang isipan. Hindi niya mawari kung paano at kanino hihingi ng tulong gayong hindi siya marunong lumangoy. Sinubukan niyang lumangoy at ipadyak ang kanyang mga paa ngunit kahit ano ang gawin ay walang nangyayari.
'Sana pala ay nakinig na lamang ako kay Lexi. Hindi na sana nangyari pa ito...' pag-iyak pa niya sa kaniyang isipan. Ang kaninang liwanag na kaniya pang natatanaw sa itaas ng tubig ay unti-unting nawawala. Napaligiran na siya ng dilim at lalo pang lumamig ang tubig.
'Ayoko pang mamatay ngunit mukhang wala na akong magagawa. Pangako, hindi na ako magiging pilya pa kahit kailan.'
Patuloy ang kaniyang mga hinaing sa isipan habang unti-unting dinadama ang nalalapit na niyang kamatayan. Walang ibang nagawa si Aella kung hindi ang pumikit dahil unti-unti na ring nauubos ang hangin sa kaniyang katawan at lalo pang bumilis ang kaniyang paglubog.
Dama niya ang pagtama ng iilang mga korales at isdang malayang lumalangoy at tumatama sa katawan niya. Sa huling dandali ay sinubukan niyang imulat ang mga mata niya.
Isang pares ng mga mata ang bumungad sa kaniya na siyang ikinagulat niya. Napasigaw siya dahilan kung bakit nagtuloy-tuloy ang tubig sa pagpasok sa kaniyang katawan ngunit hindi niya nakaligtaang makita ang isang makintab na buntot ng babae. Isang sirena.
Naramdaman na lamang niya ang biglaang paghawak ng sirena sa kamay niya at hinatak siya nito pataas sa dagat. Bago pa man makarating sa ibabaw ay tuluyan na ngang nawalan ng malay ang diwata.
Sa kabilang banda, matinding pag-iyak ang ginagawa ni Lexi habang patuloy sa paglipad sa paligid bg karagatan upang hanapin ang kaibigan. Maging ang mga dalampasigan at kagubatab na malapit sa dagat ay kaniyang pinupuntahan upang tignan kung nandoon ba si Aella. Naisip niyang mas makabubuti kung uuwi siya sa kanilang palasuo at ibalita kay Lady Pega ang nangyari ngunit nauunahan lamang siya ng takot. Takot na baka kung ano na ang nangyari sa kaibigan at takot na masermunan ng matindi kay Lady Pega.
"Bakit kasi napakapilya at pasaway ng diwatang iyon?" Inis na sigaw ng aso habang patuloy na iniikot ang paligid. Hindi na niya alam kung saan pa magtutungo at nakakaramdam na rin siya ng pagod. Minabuti niyang maupo muna sa isang batuhan na makikita lamang sa pagitan ng karagatan at kagubatan at doon ay nagpahinga. "Sa susunod ay hahayaan ko na lamang siyang mag-isa sa mga desisyon niya. Pati ako ay napapahamak dahil sa kaniyang kakulitan."
Sa kabilang banda ng dalampasigan ay inihiga ng sirena ang walang malay na si Aella. Hinaplos nito ang mukha ng dalaga at hindi magawang iwalay ang kaniyang mga tingin dito. "Kay gandang nilalang..." usal niya.
Walang atubiling kumuha siya ng isang perlas na kwintas at isinuot iyon sa dalaga at iniwang mag-isang nakahiga sa buhanginan.
Matapos ang ilang minutog pagpapahinga sa batuhan, minabuti na ni Lexi na umuwi at itigil na ang paghahanap kay Aella. Hinanda na niya ang kaniyang sarili sa mga sermon na makukuha niya sa kanilang pinuno at hindi nga siya nagkamali. Pagdating pa lamang sa itaas ng mga ulap kung saan sila nanggaling ni Aella kanina ay sinalubong siya ng apat na kawal kasama ang kanang kamay ni Lady Pega. Agad niyang napukaw ang atensyon ng mga ito.
"Kailangan ko ang inyong tulong. Ang binibini, nahulog kanina mula rito. Sinubukan ko siyang hanapin ngunit hindi ko nakita." Aniya, hindi hinayaang maunahan siya sa pagsasalita ng kanang kamay na si Denier.
"Ano?" Gulat na sigaw ni Denier. "Tama ba ang pagkakarinig ko?" Ang mga mata nitong natural na malalaki ay tila dumoble pa ang laki. "Hindi ito maaari." Agad na nagbigay ng utos ang pegasus na sinunod naman agad ng mga kawal.
Tila isang pagtatanghal ang naganap nang sabay-sabay na nagsiliparan ang mga kabayong may pula at kahel na pakpak patungo sa ibaba ng mga ulap. Kay gandang pagmasdan ng matitingkad nilang pakpak na sinasakop ang himpapawid.
"Sumunod ka sa akin, Lexi." Nanginginig man sa takot ay walang nagawa ang batang aso kung hindi ang lumipad at sumunod sa tinuran ni Denier. Dumiretso sila sa palasyo at sa pinakatuktok kung saan matatagpuan ang nag-iisang kwarto. Ang kwarto ni Lady Pega.
"Anong inyong tinuran?" Malamig at maawtoridad na usal ng pinunong pegasus. Ang kaniyang buntot ay nakakasilaw sa kintab maging ang kaniyang malalapad at makulay na pakpak. Tila may mga bintuin na nakapalibot sa katawan nito na siyang nagbibigay liwanag sa kaniya. "Paanong nangyari iyon?"
Nakayuko at nanginginig sa takot ang batang aso. "Hindi ko po alam, Lady Pega. Nakatulog po kasi ako at nagising na lamang nang marinig ang kaniyang sigaw. Sinubukan ko po siyang habulin at tulungan ngunit hindi ko po siya naabutan pa."
Tinanguan ng pinuno ang bata saka ibinaling ang atensyon sa kaniyang kanang kamay. Mabilis itong yumuko at iniluhod ang isang tuhod, senyales ng pagrespeto. "Ipag-utos mo sa lahat, kawal man o hindi, babae man o lalaki, na magtulungan sila at hanapin si Aella. Hindi siya maaaring mawala sa atin..." iniangat ni Denier ang kaniyang tingin dahilan kung bakit nagtama ang tingin nila ni Lady Pega. "Alam mo iyan, Denier."
"Opo, Lady Pega. Masusunod po ang iyong utos."
Abala ang lahat sa buong palasyo. Naiwan lamang ang mga batang nilalang na hindi makalabas ng palasyo dahil na rin sa utos ng pinuno. Ang ilan ay umiiyak sa pangunguna ni Amanda ngunit ang ilan ay wala namang pakialam at naglalaro lang. Si Lexi ay pabalik-balik ang lakad at hindi mapakali, sinisisi ang sarili.
"Marahil ay hindi ito nangyari kung hindi ko hinayaang masunod ang gusto ni Aella..." aniya sa sarili.
"Ano ba ang magagawa ng paglalakad mo ng ganiyan, Lexi? Maibabalik ba niyan si Aella? Bakit kasi pinabayaan mo siya? Alam mo namang hindi niya pa kabisado ang paggamit ng kakayahan niya!" Siga wng humahagulgol na si Amanda.
Sa dalampasigan naman ay wala pa ring malay na nakahiga si Aella sa buhangin. Inaabot siya ng malalakas na alon ngunit tila hindi iyon sapat upang siya ay magising.
Lingid sa kaniyang kaalaman na sa malayong banda ng dagat ay pinagmamasdan pa rin siya ng sirena hanggang sa makarinig ito ng pagaspas ng pakpak na nagmumula sa himpapawid. Mabilis itong lumangoy palayo sa takot na baka makita siya ng mga ito.
"Hindi ba't iyon ang diwata?" Anang isa sa mga kawal at mabilis na nilapitan ang katawan ni Aella. Iniuwi nila ang diwata at dinala sa kanilang pagamutan kung saan naghihintay na rin si Lady Pega.
Kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang malay ay hindi nila alam kaya naman minabuti na lamang ni Lady Pega na gamitin ang kapangyarihan niya upang gisingin ang dalaga. Ibinalot niya ito sa kaniyang mga pakpak hanggang sa tuluyan na nga itong gumising at bumuga pa ng kaunting tubig.
"Maaari niyo ba kaming iwanan sandali?" Mabilis na sumunod ang lahat sa tinuran ng pinuno. Hindi niya maalis ang kaniyang tingin sa dibdib ng diwata. "Ang iyon kwintas..."
Mabilis na hinawakan ni Aella ang kaniyang dibdib at nanlaki ang mga mata nang may bagay nga siyang naramdaman doon. Mabilis siyang tumayo at lumapit sa malaking salamin na nasa silid at doon ay mangha niyang tinitigan ang kwintas.
Nagtatalon siya sa tuwa at napasigaw pa. "Napakaganda! Hindi ko man alam kung kanino galing ito ngunit natutuwa ako dahil napakagandang kwintas nito. Totoong perlas po ba ito, Lady Pega?"
Isang marahan na tango ang iginawad ng pinuno ngunit ang pagkalito ay mababakas sa kaniyang mga mata. "Ang kwintas na ganiyan ay nagmumula lamang sa iisang lahi ng nilalang..." lito siyang pinagmasdan ni Aella. "Ikaw ba ay nakakita ng sirena, Aella?"
Kumunot ang noo ng diwata at mabilis na napangiti ng malawak ng maalala na ang nangyari. "Ahh, opo. Hindi ko maalala ang mukha niya ngunit tanda ko ang kaniyang mga mata. Siya po ang nagligtas sa akin!" Masiglang usal niya.
Ilang araw matapos niyang makapagpahinga ay pinayagan na siyang maglaro muli ngunit hindi na siya nakabalik pa sa duyan dahil mas pinaigting pa ang seguridad doon. Nagpadala rin ng liham ng pasasalamat si Lady Pega sa palasyo ng sirena at pinadalhan ang mga iyon ng pagkain bilang pasasalamat.
"Isipin mo lamang ay iisa kayo ng hangin, Aella. Huwag kang matakot dahil lalo ka lamang mahihirapan..." ani Lexi habang ipinapakita sa kaniya kung paani lumipad. "Kailangan mong pagkatiwalaan ang sarili mo at ang hangin upang kayo ay magkasundo."
"Bahala ka, Aella. Kung hindi mo magagawang gamitin ang kapangyarihan mo, baka kuhanin iyan ni Esterial!" Tumatawang usal ng koneho ngunit ang pananakot sa boses nito ay mababakas.
Kunot noo siyang nilingon ng diwata. "Bakit? Sino ba si Esterial? Maganda ba 'yun?"