Malakas na nagtawanan ang mga nilalang sa narinig nilang tinuran ni Aella. Hindi sila makapaniwala na hindi kilala ng diwata ang nilalang na si Esterial. "Mahilig kang magbasa ng mga libro ngunit hindi mo kilala si Esterial?" Gulantang na usal ng isang batang pegasus habang nakaupo sa ilalim ng puno.
Lahat sila ay nagtipon-tipon doon at pinagitnaan si Aella. "Si Esterial ay isang nilalang na iniiwasan ng lahat..." panimula ng kuneho.
"Bakit?"
"Dahil sa kaniyang taglay na kapangyarihan!" Sigaw naman ng isanh kulay kayumangging aso.
"Ano ba ang kaniyang kapangyarihan at bakit tila takot na takot kayo sa kaniya?" Kahit anong isipin ni Aella ay hindi niya mahulaan kung ano ba talaga ang kapangyarihan ng sinasabi nilang Esterial. Marami na siyang nabasang libro sa loob ng labing-anim na taon niya sa palasyo ngunit isa man sa mga librong iyon ay hindi niya maalala na may nabasa siyang nilalang na nagngangalang Esterial.
"Hindi mo talaga alam? Naku, ang mga nilalang na kaniyang inaatake ay ang mga nilalang na hindi siya kilala. Lagot ka, Aella!"
Ang mga mata ng diwata ay nabalot ng matinding takot. Ang labi niyang natural na mapupula ay biglang nawala ang kulay at halos manginig din ang kaniyang mga kamay na siyang ikinatawa ng mga kausap niya.
"Nakakainis! Sabi ko na nga ba't ako'y tinatakot niyo lamang!" Sigaw niya sa mga ito ngunit ang mga labi ay nagsimulang purmorma ng pakurba at ang mga mata'y sumiglang muli.
"Ngunit totoo ang aming sinasabi, Aella. Kayang kumuha ng kapangyarihan ni Esterial mula sa ibang nilalang na gaya natin at kung hindi mo siya kilala, siguradong mamamatay ka dahil hindi mo siya maiiwasan agad. Hindi mo nga kilala, eh." Turan ni Lexi.
Nagpatuloy ang kanilang kwentuhan patungkol kay Esterial. Napag-alaman ng diwata na ito ay magandang nilalang ngunit kahindik-hindik naman ang ugali. Kinatatakutan ito ng lahat dahil sa angking kakayahang manguha o humigop ng kapangyarihan ng iba.
"Aella, pinatatawag ka ni Lady Pega." Mabilis na tumango at nagpaalam si Aella sa mga kasama. Sinundan ni Aella ang kawal pabalik ng palasyo.
"Maaari mo ba akong isakay na lamang sa likuran mo at lumipad ka para mabilis tayong makarating kay Lady Pega? Mas madali iyon at bawas pa sa pagod."
Sinunod ng kawal ang sinabi ni Aella at sila nga ay lumipad sa loob ng napakalaking palasuo. Sinubukan pang abutin ng diwata ang malaki at matigkad nilang ilaw ngunit agad siyang iniiwas ng pegasus doon.
"Ang daya. Minsan na nga lang makalipad, eh." Nakaismangot na bulog nito.
Pagkarating sa tapat ng puntuan ng silid ni Lady Pega ay bumaba na si Aella sa pegasus at nagpasalamat. Tinanguan lamang siya nito at iniwanan. Hindi na inabala pa ni Aella na kumatok at basta na lamang siyang pumasok sa nasabing silid.
"Opo, pasensya na po, kakatok na po sa susunod..." paawit na usal niya bago pa man masabi ni Lady Pega ang linyang iyon na palagi niyang sinasabi sa tuwing hindi kumakatok si Aella.
"Huwag humingi ng paumanhin kung uulitin mo lang din naman..." ani naman ni Lady Pega. "Hindi ba't nais mong matutong lumipad at gamitin ang kakayahan mo?"
Tumango si Aella. "Bakit po? Tuturuan ninyo ako? Hala, masaya iyon!" Pumalakpak pa siya sa sobrang tuwa. "Kailan po tayo magsisimula at saan? May alam po akong lugar! Doon sa dalampasigan kung saan ako natagpuan ng mga kawal!"
Hindi man nakita ni Aella ang lugar na iyon dahil siya ay walang malay nang mapuntahan ang lugar na iyon ay binaggit niya pa rin sa kadahilanang nais niyang makitang muli ang sirena. Inaakala niyang magkakaroon siya ng malaking tiyansa na makita ang nilalang na nagligtas sa kaniya kung doon siya magsasanay.
"Paumanhin ngunit kailangan kong sirain ang iyong pantasya, diwata." Nawala ang magandang ngiti sa kaniyang mukha. "Hindi ako ang magtuturo sa iyo ngunit ipapasok kita sa paaralan kung saan maituturo sa iyo ang lahat ng iyong kailangang matutunan sa paggamit ng kakayahan mo."
"Ngunit hindi pa ako nakakapunta sa ibang lugar kaya natatakot ako. Paano kung hindi ako tanggapin ng mga nilalang doon? Paano kung awayin nila ako?" Bakas ang pag-aalala at takot sa boses ng diwata habang patuloy na iniilingan ang pinuno.
Marahang inihaplos ni Lady Pega ang kaniyang pakpak sa diwata. "Bakit ka natatakot? Hindi ba't isa sa mga bagay na pinakamagaling ks ay ang pakikipagkaibagan, sabi mo noon? At isa pa, hindi ka mapapahamak sa loob ng paaralan, Aella."
Ilang araw matapos ang pag-uusap na iyon ay pinasok nga siya sa paaralan. Kasama si Denier ay kinausap nila ang namumuno sa nasabing paaralan at hindi maiwasang hindi mamangha ni Aella sa mga nakikita.
Kaliwa't kanan ang mga nilalang na nagsasanay at ang iba ay nakaupo lamang, masayang nagkukwentuhan. Napapaligiran ng puno at bulaklak ang paaralan ngunit may iilang parte na tila kakaiba at nakakatakot.
Ang tawanan sa paligid ay kay sarap sa tainga at ang bangong hatid ng mga bulaklak ay tila gamot sa ano mang paghihirap sa buhay. Hinayaan niyang makipag-usap ang kasama sa namumuno ng paaralan at inabala niya ang sarili sa pagtingin ng paligid.
"Kay ganda..." bulong niya habang hinahaplos ang isang kulay rosas na bulaklak. Sa isip niya'y ayaw na niyang umalis pa rito ngunit alam niyang hindi iyon maaari.
Kinawayan at nginitian niya ang isang diwata na napadaan sa harapan niya at kinawayan naman siya nito pabalik na siyang ikinatuwa lalo ng diwata. Naglakad siya ng kaunti upang makita ng maayos ang mga nilalang na naghahabulan.
"Halika na, Aella."
Pagkauwi ay ikinuwento niya agad sa mga kasamahan ang nakita niya. Tuwang-tuwa ang mga ito kahit na hindi naman nila nakita ang paaralan ng personal. Ikinatuwa at ikinalungkot iyon ni Aella. Naisip niya na napakaswerte niya na nabigyan siya ng pagkakataong makita at makapag-aral sa paaralang iyon ngunit ang mga kasamahan ay hindi.
Nang araw ring iyon ay nagpaalam sila ng mga kalaro na mamamasyal lang at sa kabutihang palad, sila ay pinayagan ni Lady Pega kaya wala na silang inaksaya pang oras at agad ng umalis. Sumakay si Aella sa likuran ng isang pegasus at hindi magkamayaw sa pagtawa.
"Pumunta tayo sa dalampasigan!" Aniya na agad inilingan ni Lexi. "Bakit?"
"Dahil malayo iyon. Sa kagubatan na lamang tayo, mas malapit at tanaw pa sa palasyo."
"Tanaw naman ang karagatan mula sa palasyo, ah?" Hindi makapaniwalanh usal ni Aella ngunit wala na rin siyang nagawa nang mas sinunod ng pegasus na sinasakyan niya si Lexi. "Ang daya. Kapag ako, natutong lumipad, pupunta ako sa kahit saang lugar na gusto ko at hindi ko kayo isasama!" Nagtatampo at astang batang usal niya.
"Edi, huwag!" Sigaw ni Lexi ngunit hindi na nila iyon napansin pa nang malibang sa mga nakikita nilang nagtataasang puno.
Malilim at halos walang sikat ng araw na makikita sa lugar hindi gaya sa palasyo nila na hindi nawawalan ng liwanag. Ang mga puno ay sumasayaw kasabay ng bawat pag-ihip ng hangin at may mga ibon na nagliliparan kasabay nila.
Nang magsawa ay nagkayayaan ang grupo na maupo muna at magpahinga ngunit hindi kasama sina Aella at ang pegasus na sinasakyan nila. Sila ay nagkasundo na magpatuloy sa pag-iikot at pagtinggin sa paligid. Iniwanan nila ang mga kasama at masayang nagpatuloy sa pamamasyal.
Hindi inaasahan na may makasalubong silang nilalang na lumilipad din gaya nila ngunit ang ikinagulat ni Aella ay ang itsura nito. Mukha itong diwata ngunit ang mga tainga ay kawangis ng sa mga duwende. Todo pigil si Aella sa pagtawa dahil alam niya sa sarili niya na mali iyon.
Hindi niya lubos maisip kung bakit ganito ang itsura ng nilalang na ito. Bakit may tainga ng duwende kung siya ay diwatang katulad niya? Tanong niya sa isipan niya.
Kamuntikan na siyang mahulog sa kinauupuan nang ngitian siya ng nilalang at batiin ng 'magandang araw'. Hindi niya na napigilan pa ang kaniyang tawa na sinabayan namang diwatang nasa harapan nila.
'Bakit siya tumatawa gayong tinatawanan ko ang itsura niya?' Sa isip-isip ni Aella.