“Talaga bang taga rito ka lamang, diwata?” Naningkit ang mga mata ni Aella habang matamang tinititigan ang nilalang na lumilipad sa kaniyang harapan. “Ngayon pa lamang kasi kita nakita rito,” ani pa niya.
Mabilis ang naging pagbaling ng pegasus na kaniyang kasama na tila ba nagulat sa tinuran ni Aella. Binalingan siya ng batang diwata, sinasalamin ang pagtatakang namumutawi sa mukha ng pegasus na tila ba may kakaiba sa kaniyang sinabi.
“Hindi ba’t ngayon ka pa lamang umabot sa lugar na ito, binibini?”
Himpit na napapigil sa tawa ang bagong kilalang nilalang kaya naman halos sabay na nabaling ang atensyon ng dalawa sa kaniya. Tinaasan ito ng kilay ni Aella, ipinapakitang tila wala lamang sa kaniya ang nangyari kahit na sa kaniyang kalooban ay nais na niyang hampasin ang kaibigang pegasus dahil pakiramdam niya’y siya ay napahiya sa diwatang kakikilala pa lamang nila.
Taas-noong humakbang ng isang beses si Aella palapit sa diwata at sinabing, “oo, ngunit nabasa ko sa mga libro na may iba’t ibang nilalang sa ating mundo ngunit sigurado akong wala sa mga nabanggit ang lahi ninyo.”
Tila ba nasaktan ang diwata sa narinig kung kaya’t napahawak ito sa kaniyang dibdib ngunit agad ding nakabawi at ngumisi. “Talaga? Wala rin akong nabasa na ang mga pegasus ay may alagang…” tinignan ng diwata si Aella mula ulo hanggang paa, “kakaibang nilalang.”
Nagpalitan ng matatalim na titig ang dalawang diwata habang ang pegasus na kanilang kasama ay ‘di mawari ang gagawin. Nais niyang pumunta sa gitna ng dalawa ngunit masyado siyang malaki at hindi magkakasya sa espasyong natitira sa pagitan ng mga ito. Maaari naman niyang piliting pumagitna ngunit iyon ay kung hahayaan niyang maitulak si Aella paatras ngunit hindi iyon maaari. Tiyak ang sermon na makukuha niya sa kanilang pinuno kung iuuwi nilang may sugat ang diwata.
Nagpalinga-linga ang nalilitong pegasus, sinusubukang maghanap sa kanilang mga kasama upang tumulong sa namumuong away ng dalawang diwata ngunit tanging mga puno lamang ang kaniyang nakikita. Nang muling bumaling sa kinatatayuan ng mga diwata ay laking gulat na lamang niya nang wala na ang mga iyon doon.
Mabilis siyang kumilos at agad na nilibot ang paligid ngunit hindi niya makita nag dalawa. Abot langit ang kabog ng kaniyang dibdib at halos hindi na maibigay ang buong atensiyon sa paglalakad sa sobrang kaba. “Malalagot ako nito,” bulong niya sa sarili.
Noong una ay tamang naglalakad lamang siya habang panay ang lingon sa paligid ngunit nang lumipas ang ilang segundon at hindi pa rin nahahanap si Aella ay naisipan na niyang lumipad upang mas mapabilis ang paghahanap. Akmang ibubuka na sana niya ang mga pakpak nang may marinig na mumunting hagikhik mula sa itaas na bahagi ng malaking puno ng akasya. Mabilis niyang tiningala iyon at doon ay natanaw ang isang paa na may suot na kulay berdeng sandalyas habang ang mga dahon doon ay tila kakaiba ang paggalaw.
“Hmm,” anang pegasus habang pasimpleng humakbang, balak ikutan ang malaking puno kasabay ng maya’t mayang pagtingala sa puno. “Nasaan kaya ang mga diwata? Ako ang malalagot kung hindi ko makita si Aella,” ani pa niya na tila ba problemadong-problemado siya sa nangyayari.
Muling humagikhik ang puno ng akasya kasunod ang mumunting tinig na tila ba nagbubulungan ng kung ano. Muling humakbang ang pegasus, nag-iisip sa kung paanong mapapalabas ang dalawang makukulit na diwata. Paikot-ikot sa malaking katawan ng puno habang panay ang pagtingala, nag-iisip at nag-aalala na baka may aksidenteng mahulog sa dalawa.
Tila may isang bumbilya ang nagliwanag sa harapan ng pegasus nang may maisip. Ibinuka niya ang kaniyang makintab na pakpak sabay sabing, “pupuntahan ko na sina Lexi upang magpatulong sa paghahanap. Malapit na ang oras ng pag-uwi at kapag hindi kami nakauwi sa tamang oras, tiyak na magagalit ang pinuno.”
Akmang lilipad na sana siya nang biglang may kung anong bumagsak sa kaniyang likuran. Mabilis niyang itinupi ang mga pakpak at agad na binalingan ang bagay na bumagsak. Laking gulat niya nang makita ang dalawang diwata. Hinahaplos ni Aella ang kaniyang puwitan habang ang isang diwata ay hinihimas ang kaniyang mga palad.
“Ang sakit naman, bakit kasi hindi nag dahan-dahan?” anang Aella na may masamang tingin sa bagong kaibigan.
Hilaw na ngiti ang ipinaskil ng isa pang diwata sa kaniyang mukha habang hinihimas pa rin ang mga kamay. “Pasensya naman po, ang bigat niyo po kasi,” anito na may tonong pang-aasar na ipinagkibit-balikat na lamang ni Aella.
“Saan ba kayo nanggaling mga diwata?” Mapagpanggap na tanong nang pegasus. Inosente niyang itinaas ang kaniyang kanang pakpak na tila ba itinuturo ang itaas ng akasya, “roon ba?”
Magiliw na tumango ang dalawang diwata na tila ba sobrang saya nila sa kanilang ginawang pagtatago. “Ang akala ko ay hindi kayo magkakasundo? Ang inyong naging sagutan kanina ay inakala kong mauuwi sa awayan,” anang pegasus na agad namang tinawanan ng mga diwata.
“Hindi mo ba talaga napansin ang pagsenyas ni Aella sa akin?” Umiling lamang ang pegasus sa tanong ng isang diwata. “Ang akala ko’y napansin mo!”
“Hindi, diwata.” Masungit na sinulyapan ng pegasus si Aella bago muling ibinalik ang kaniyang atensyon sa bagong kaibigan. “Ano nga pala ang iyong ngalan, binibini? Batid kong hanggang ngayon ay hindi pa rin ito alam ni Aella?”
Inismiran ni Aella ang pegasus at binigyan ito ng mayabang na tingin, “alam ko! Taliyah ang kaniyang ngalan, nakatira riyan sa kabilang bayan. Akala mo, ha!” Mayabang na usal nito.
Nagpalipas ng oras ang tatlo sa ilalim ng malaking akasya habang nagtatanungan patungkol sa kani-kanilang mga sarili. Ang kaninang malamig na hangin sa gubat ay mas lalo pang lumamig habang lumilipas ang oras.
Ang katahimikan sa paligid ay nababasag sa tuwing malakas na nagtatawanan ang tatlong magkakaibigan. Magkatabing nakaupo ang dalawang diwata sa isang malaking ugat ng puno na bahagyang nakausli habang ang pegasus ay nasa kanilang harapan, ninanamnam ang lambot na hatid ng mga tuyong dahon na kaniyang ginawang higaan.
“Sino si Esterial?” Tila isang sumpa ang pagbanggit sa ngalan ng nilalang na iyon nang nanlaking bigla at tila nabalot ng takot ang mata ni Taliyah at ng pegasus nang banggitin iyon ni Aella. “Bakit? Talaga bang nakakatakot ang nilalang na iyon?”
Mabilis ang naging kilos ni Taliyah at agad na tumayo kasunod ang mabilisang pag pagpag sa kaniyang puwitan, inaalis ang kung ano mang dumi na kaniyang nakuha sa inupuang ugat. Tiningala ni Aella ang diwata habang ang pegasus ay tumayo na rin kagaya nito.
“Ipagpaumanhin ngunit masyado tayong naging masaya at hindi na natin napansin ang pagdilim ng kalangitan,” anang Taliyah. “Kailangan ko ng bumalik sa aming bayan, baka ako’y hinahanap na sa amin.”
Sa narinig ay agad na napatingala si Aella at doon lamang niya napansin na tama nga ang bagong kaibigan, unti-unti na ngang binabalot ng dilim ang kalangitan. Agad siyang tumayo kahit na ito ay labag sa kaniyang kalooban.
“Sa muli nating pagkikita, Aella. Ikinagagalak kong ika’y aking nakilala.” Humakbang si Taliyah at mabilis na niyakap ang kaibigan at binigyan ng matamis na ngiti ang pegasus bago tuluyang lumipad papalayo sa dalawa.
Masama man ang loob ay wala na ring nagawa pa si Aella nang ayain na siya ng pegasus pauwi. Nakasimangot na sumakay si Aella sa likuran ng kaibigan at tahimik na dinamdam ang paghampas ng malamig na hangin sa kaniyang balat. Ang hanggang balikat niyang buhok ay sumasabay sa bawat indayog ng hangin kasabay rin ng paglipad ng dulong bahagi ng kaniyang suot na bistida.
Hindi pa man sila tuluyang nakakalayo ay agad din naman nilang nakasalubong ang iba pa nilang mga kasama sa pangunguna ni Lexi. Sinabi nitong balak na sana niyang hanapin ang dalawa pagka’t oras na ng kanilang pag-uwi. Kung tutuusin ay walang pakialam si Aella kung siya ay mapagalitan ng kanilang pinuno kung sila ay umuwi ngayon ng dis oras ngunit alam niyang kumpara sa kaniya, mas matindi ang sermon na makukuha ng mga kaibigan kaya naman sa halip na ipilit pa ay walang imik na lamang siyang sumunod sa mga ito.
Batid niyang sa kanilang lahat, mas pinapaboran siya ng kanilang pinuno ngunit ang dahilan nito ay hindi niya mawari. Siguro ay dahil sa kanilang lahat, siya lamang ang walang kakayahan lumipad at ipagtanggol ang sarili? Hindi siya sigurado.
“Lexi, alam mo ba, may nakilala kaming bagong kaibigan. Isa rin siyang diwatang kagaya ko ngunit mayroon siyang kakaibang tainga,” saad niya.
Nilingon siya ni Lexi na may pagtataka sa mukha. “Kaaibang tainga? Mahaba ba? Marahil ay iyon ang diwatang taga kabilang kaharian ngunit Aella, mag-iingat ka sa bawat nilalang na nakakausap mo dahil hindi lahat ay may mabuting kaibigan,” pangaral nito.
Tumango-tango si Aella sa kaibigang aso, “alam ko, Lexi ngunit mabait iyon. Taliyah ang kaniyang ngalan at nakakatuwa siyang kasama. Nawa’y magkita kaming muli sa susunod na pamamasyal natin.”
Sandaling nabalot ng katahimikn ang kanilang paglalakbay ngunit nang hindi na matiis ang katahimikan, bahagyang tinapik ni Aella ang tagiliran ng pegasus upang kuhanin ang atensiyon nito. “Sa tingin mo ba, makakabalik pa tayo roon sa gubat?”
Mabilis siyang nilingon ng kaibigan bago muling itinoon ang atensyon sa dinaraanan nilang puno ng ulap. “Maaari lalo na kung ikaw ay hindi na magiging sutil, binibini.”
Umismid lamang si Aella sa tinuran ng kaniyang kaibigan pagkat alam niyang iyon ay totoo. Kung paiiralin niya ang kaniyang kakulitan at pagiging pasaway ay mas lalo silangmahihirapan magpaalam na makapasyal muli sa lugar na iyon.
“Eh, kung magpapakabait ako at muli tayong payagang makapasyal, tingin mo ba’y makikita nating muli si Taliyah?”
“Hindi ko sigurado ngunit may tyansa lalo na kung muli ring papasyal doon ang diwata.”
Itinatak iyon ni Aella sa kaniyang isipan. Hanggat maaari ay kailangan niyang magpakabait upang mapayagan silang muli na pumasyal. Kaniya ring itinatak sa isipan na pagdasal ang muli nilang pagkikita ng baong kaibigan kaya naman pagdating sa palasyo ay walang oras na inaksaya ang diwata at agaran ang pagtakbo paakyat sa kaniyang silid.
Kahit buong buhay niya’y nakikita na niya ang makintab na hagdanan ay tila hindi siya nagsasawa roon. Kasabay ng kaniyang mabibilis na hakbang ang marahang paghaplos sa napakakintab na hagdanan ng kanilang palasyo.
Nang tuluyang marating ang ikalawang palapag ng alasyo ay pasayaw pa siyang lumiko pakaliwa upang matunton ang kaniyang silid. Pagbukas ng pintuan ay bumungad sa kaniya ang kulay rosas na dingding at sa gitna ng silid ay makikita ang malaki at malambot niyang kama na nababalot ng kulay puting kobre at kumot.
Sa kaliwang bahagi ng kama matatagpuan ang isang pintuang magdadala sa malawak na teresa ng silid kung saan tanaw ang hardin ng palasyo. Bukas ang pintuan kaya anamn ang kaniyang kulay puti at rosas niyang kurtina ay tila sumasabay sa pag-indayog ng sariwang hangin.
Mabilis na ibinato ni Aella ang kaniyang sarili pahiga sa kama saka marahang tinitigan ang isa sa mga pinakapaborito niyang parte ng kaniyang silid…ang maliit niyang aklatan na matatagpuan sa kanang bahagi ng kaniyang kama.
Doon ay may dalawang aklatan na sinusundan ang hugis ng pader at ito ay pawang puno ng iba’t ibang klase ng libro. Ang sahig ay natatakpan ng isang malaking karpet na hugis at kulay rosas kung saan din nakapatong ang malambot ngunit maliit na upuang kaniyang ginagamit sa tuwing siya ay nagbabasa ng libro. Mayroon ding maliit na bilugang lamesa sa gitna na malimit niyang gamitin.
Sa tabi ng kaniyang maliit na aklatan matatagpuan ang isa pang pintuan na patungo naman sa kaniyang banyo. Ilang minutong paghiga muna ang kaniyang ginawa, nag-iisip sa kung ano ba ang una niyang gagawin sa oras na matuto nasiya sa paglipad.
Natitiyak niyang hindi magtatagal ay matututuhan na niyang lumipad ng mag-isa lalo pa’t siya’y magsisimula na sa pagpasok sa paaralan kaya naman tila hindi mapakali ang kaniyang isipan sa pag-iisip ng mga bagay na nais niyang gawin. Hindi niya mawari kung uunahin ba niya ang pamamasyal sa gubat o ang paghahanap sa bagong kaibigang si Taliyah o sabay niyang gagawin iyon.
Maging sa pagligo ay tila hindi mapigilan ng diwata ang pag-iisip kung kaya’t ilang oras ang kaniyang inabot bago tuluyang natapos. Abot tainga ang ngiti ng diwata maging sa hapagkainan kaya naman hindi na napigilan pa ng kanilang kasamahan na punain iyon.
“Mukhang maganda ang naging araw ng diwata,” anang isang pegasus. Nakangiting umupo si Aella sa upuang katabi lamang ni Lexi. Akmang sasagot na sana siya sa pegasus nang biglang nabalot ng matinding katahimikan ang hapag-kainan at halos sabay-sabay ang naging paglingon ng lahat sa direksyon kung saan makikita ang pintuan papasok sa silid na iyon.
Nang lingunin niya iyon ay doon lamang niya napagtanto ang dahilan kung bakit bigla na lamang tumahimik ang lahat. Naroon kasi nakatayo ang kanilang pinuno na si Lady Pega na matamang nakatingin sa batang diwata. Sa halip na kabahan ay tila handang-handa pa ang batang diwata sa kung ano man ang balitang hatid ng pinuno sa sobrang saya ng kaniyang nararamdaman.
Hindi niya alam kung bakit nag-uumapaw sa saya ang kaniyang puso gayong isang simpleng pagpasyal lang naman ang kanilang ginawa ngunit marahil ay dahil iyon sa katotohanang ang pagpasyal ay isang bagay na minsan lamang niya nagawa sa buong buhay niya at iyon ay ang araw na ito kaya marahil nag-uumapaw ang kaniyang kagalakan.
“Aella, maaari ba tayong mag-usap sandali?” Lalong nabalot ng katahimikan ang paligid nang namutawi ang marahan at tila anghel na tinig ng pinuno.
May pagtataka man sa mukha, marahan naman ang naging pagtango ng diwata sa kanilang pinuno kasunod ang marahan ding sulyap sa pagkaing nasa harapan nila. “Maaari naman po ngunit pagkatapos na lang po sigurong kumain? Makakapag hintay po ba?”
Tila may isang may isang sumpang binitiwan ang diwata nang mas lalo pang tumahimik ang kaninang tahimik nang silid. Bahagya siyang itinulak ni Lexi at binigyan ng kakaibang tingin na hindi mawari ng diwata kung para saan at kung ano ang nais sabihin ng kaibigan.
Muling ibinalig ni Aella ang kaniyang mga tingin sa pinuno nilang naghihintay. Ang kaninang tingin na marahan ay unti-unting napalitan ng isang titig na kahit matigas na bakal ay mapapayuko. Nagkibit na lamang ng balikat ang diwata at napilitang tumayo mula sa kaniyang kinauupuan.
“Sabi ko nga po, ngayon na,” bulong-bulong pa niya bago nilagpasan ang pinuno at inunahan sa paglalakad. “Saan po ba?” Tanong pa nito kahit alam naman na niya kung saan pagkat iisa lang naman ang lugar na kanilang pinupuntahan sa tuwing siya ay pinatatawag ng pinuno kaya naman kahit hindi pa nakakasagot si Lady Pega ay tuloy-tuloy pa rin ang paglalakad ng batang diwata.
Noon pa man ay batid na niya ang kakaibang trato sa kaniya ng lahat, lalo na ng kanilang pinuno ngunit kahit alam niyang tila siya ay itinuturing na espesyal, hindi pa rin niya maiwasan ang hindi kabahan lalo na sa tuwing ipinatatawag na siya ng pinuno. Kung hindi kasi dahil may iuutos, siguradong sermon ang dahilan ng pagpapatawag sa kaniya.
Tahimik ang naging paglalakbay nila patungo sa isang silid kung saan laging ginaganap ang bawat pag-uusap na seryoso. Hindi mapakali ang batang diwata sa kaiisip ng kung ano ba ang dahilan kung bakit mismong ang pinuno ang nagtungo at nagtawag sa kaniya ngayon. Bakit hindi na lamang iniutos sa mga kawal? Ano ang dahilan? May iuutos ba na importante? May nagawa bang matinding kasalanan? Iyon ang iilan sa mga dahilan na pilit sinasakop ang isipan ng batang diwata.
Tila may kakaibang hangin ang biglang bumulong sa kaniya nang maalala na lamang niya bigla ang isang kwentong kaniyang nabasa kagabi. Patungkol iyon sa isang prinsesang inialay sa mga ninuno nila. Hindi naman siguro ganoon ang gagawin ni Lady Pega, hindi ba?
Tila nawala ang lahat ng dugo ng batang diwata nang maisip iyon. Naalala niya ang biglaang pagbait ng kanilang pinuno sa kaniya, ang pagpayag na siya ay makapasyal, ang masasarap na pagkaing inihain sa hapag ngayong hapunan, hindi kaya panghuli na ang mga ito? Hindi kaya bukas o mamayang hatinggabi ay bibitayin at iaalay na siya? Sa kaniyang mg naiisip ay hindi niya maiwasang hindi manlamig at matakot. Nasisiguro niyang kasing puti na ng mga ulap ang kaniyang mukha ngayon.
“Aella?” Halos himatayin ang diwata nang biglang marinig ang marahang tinig ng pinuno nila. Hindi tuloy niya napigilan ang bahagyang pagtalon dahil sa takot at gulat. “Ayos ka lang ba? Bakit tila takot na takot ka?”
Marahan niyang ipinilig ang kaniyang ulo, nagbabakasakaling maalis ang kung ano mang negatibong mga bagay na kaniyang naiisip. Hindi iyon gagawin sa kaniya ni Lady Pega pagkat ito ang tumayong ina’t ama niya mula nang siya ay sanggol pa lamang. Ngunit kahit anong isipin ay pilit pa rin siyang binabalikan ng mga kaisipang iyon.
“Aella? Ano ang nangyayari sa iyo?”
Mabilis niyang hinarap ang kanilang pinuno at walang sabing lumuhod habang magkadikit ang kaniyang dalawang palad at nakapikit ng mahigpit ang mga mata. “Huwag po ninyo akong ialay, pakiusap po!” Mangiyak-ngiyak niyang turan.