CHAPTER 6
Still Taruts POV
Habang naglalakad kami ni Etatskie, magkahawak pa rin ang aming mga kamay, ramdam ko pa rin ang init ng palad niya sa palad ko. Biglang may humintong isang mamahaling sasakyan sa gilid ng daan. Kulay itim, makintab, at may plakang parang sa mga opisyal o artista. Parang kotse ng mayor, o mas malala ng kontrabida sa teleserye.
Bumukas ang bintana at may lalaking nakasuot ng sunglasses na tumingin kay Etatskie. Hindi ko marinig ang usapan nila dahil lumapit si Etatskie sa sasakyan. Parang may sinasabi ang lalaki, pero hindi ko maaninag. Nakakunot ang noo ni Etatskie habang nakikipag-usap. Bigla na lang siyang tumango, at pagkasara ng bintana, umalis ang kotse. Napakabilis, parang hindi dumaan.
Pagbalik niya sa tabi ko, pilit kong binabasa ang mukha niya. Pero kalmado ito, parang walang nangyari. Para bang walang kakaibang eksenang nangyari lang ilang segundo ang nakalipas.
"Sino 'yon, 'Tatskie?" tanong ko, hindi na maitago ang pag-aalala sa boses ko.
"Wala 'yon, Taruts," maikli niyang sagot.
Napakunot ang noo ko. "Wala? Eh bakit parang nagalit ka? Tapos bigla ka rin namang tumango. Ano ba talaga"
"Huwag mo na munang alamin. Hindi pa tamang panahon. Pero huwag kang mag-alala, Taruts. Wala akong ginagawang masama. Ikaw lang ang mahalaga sa'kin ngayon."
Parang kinurot ang puso ko sa sagot niyang 'yon. May lamig sa boses niya, pero may tagong init. May lihim siyang hindi pa kayang sabihin, pero naroon pa rin ang lambing at pag-aalaga. Gusto kong magtanong pa pero hindi ko na itinuloy. Ayokong pwersahin siya. Hindi pa ngayon. Pero hindi ibig sabihin nun ay titigil na ako sa pagdududa.
Tahimik kaming naglakad pabalik sa palengke. Bawat hakbang ay parang may bigat sa pagitan naming dalawa, pero ayaw ko ring sirain ang moment. Naramdaman ko na lang na binigyan niya ako ng yakap mula sa likod habang naglalakad kami. Sa gitna ng kalsada, bigla niyang hinila ang baywang ko at niyakap ako nang mahigpit.
"Gusto ko lang maramdaman mo, Taruts, na kahit anong mangyari... ikaw pa rin ang pipiliin ko. Kahit dumating pa ang mga multo ng nakaraan."
"Multo?" tanong ko, medyo pabirong may takot. "Baka naman may aswang ka pang ex?"
Napangiti siya. "Hindi ex, pero mas masahol pa sa ex."
Napatawa ako kahit may halong kaba. Ganoon talaga si Etatskie mapanlikha, misteryoso, pero may kalandian. Kaya siguro nahulog ako. Hindi ko alam kung saan papunta ang lahat ng 'to, pero isa lang ang alam ko: masarap siyang kasama.
Pagdating namin sa pwesto ko, nandoon si Aling Baby, nakatayo sa harapan ng buko stall ko, hawak ang kanyang abaniko.
"O, Taruts! Saan ka na naman galing? At sino 'tong batang ito? Aba, parang model ng sabong pampalaki ng itlog ha!"
Nagtawanan ang mga tinderang nakatambay malapit sa pwesto. Namula ako habang si Etatskie ay ngumiti lang.
"Aling Baby, siya po si Etatskie. Tagabuhat ng niyog. At... ka-close ko."
"Ka-close daw o! Ay Taruts, pakilala mo agad 'yan sa nanay mo. Baka magulat kami isang araw, ikaw na ang buntis!" sabay tawa ng malakas.
"Aling Baby! Wala pa ho sa ganyang level!"
Pero ang totoo, ramdam ko ang pamumula ng pisngi ko. Lalo na nang hawakan ni Etatskie ang kamay ko sa harap ng lahat.
Pagbalik ni Manang Letty, may dalang ginataang bilo-bilo, sabay sabing, "Para sa bagong mag-jowa ng palengke!"
"Hindi kami " sabay naming sagot ni Etatskie, pero sabay rin ang mga hiyawan ng mga tao sa paligid. Hindi na kami nakaangal. Wala na, inamin na rin ng universe.
Lumipas ang mga araw, pero hindi nawawala sa isip ko ang eksena sa harap ng kotse. Sino kaya 'yon? At anong pinag-usapan nila? Bakit parang bumigat ang aura ni Etatskie pagkatapos nun?
Isang gabi habang nagpapahinga ako sa likod ng stall, naabutan ako ni Etatskie ng malamig na buko juice.
"Para sa Gata Queen ng San Miguel," sabay kindat.
"Salamat, Gata King," sagot ko, sabay lagok.
Tahimik kami ng ilang saglit bago siya muling nagsalita. "Taruts... kung sakaling may dumating na balita tungkol sa'kin... gusto ko lang sabihin sa'yo in advance na hindi lahat ng maririnig mo ay totoo."
Tahimik kaming nakaupo sa bangkito sa likod ng pwesto ko, habang hinihigop ang buko juice na may halong sabaw ng sikreto. Hindi ‘yung sabaw ng buko ‘yung sabaw na niluluto ni Etatskie sa utak niya.
"Taruts..." mahinang sabi niya habang pinaglalaruan ang baso. "Gusto ko lang ulit sabihin… kung may marinig kang kakaiba tungkol sa akin, sana bigyan mo ko ng chance na magpaliwanag."
Napatingin ako sa kanya. “Ano ba talaga, ‘Tatskie? May anak ka ba sa kabilang barangay? May asawa kang tikbalang? O baka naman ex-sindak ka ay, sindikato pala!”
Napangiti siya, pero hindi ‘yung full smile. Parang... masakit ‘yung joke ko pero tinanggap niya. “Kung meron man akong madilim na nakaraan, ikaw lang ang gusto kong dalhin sa liwanag.”
“Grabe, poet. May ganun?” kinilig ako ng kaunti, pero binawi ko agad, “Baka naman sinusulat mo lang ‘yan gabi-gabi habang naglalaba ka ng konsensya mo?”
“Hindi,” aniya, sabay hawak sa kamay ko. “Galing ‘to sa puso. At sa training ko sa… ehem… drama club ng barangay.”
“Loko-loko ka talaga.” Pero kahit nagbibiruan kami, ramdam kong may nililihim siya. Yung mga mata niya… parang nanlilimos ng pang-unawa bago pa man mangyari ang isang bagay na ayaw mong marinig.
Nagpatuloy kami sa pag-uusap, kung anu-ano lang mga customer na makukulit, mga kwento ni Aling Baby na akala mo teleserye ng tanghali, at kung paano niya raw gustong i-level up ang stall ko gamit ang “marketing strategy” na gawa niyang slogan:
“Gata ni Taruts once matikman, hindi na lalayo.”
“Hoy!” sabay hampas ko sa braso niya. “Anong klaseng ad ‘yan? Parang bold!”
“Hindi ah! Sensual marketing lang ‘yan. Pampa-attract ng customers.”
“Pampasara ng stall, meron!”
Tawanan kami nang tawanan. Pero sa gitna ng tawanan, hindi ko maiwasang mapansin na panay ang sulyap niya sa orasan ng cellphone niya. Ilang beses pa niyang sinilip ang inbox, pero wala siyang sinasabi.
Maya-maya, dumating si Manang Letty, may dalang sapin-sapin. “O, para sa lovebirds ng palengke. Pampatamis habang mainit pa ang gabi!”
“Salamat, Manang Letty!” sabay naming bati.
“Taruts,” sabi ni Etatskie matapos humigop ng buko juice. “Alis lang ako sandali mamaya. May aasikasuhin lang.”
“Ngayon pa? E gabi na.”
“May kailangan lang talaga. Promise, babalik ako agad.”
Napakunot ang noo ko. “Hindi mo nga masabi kung ano eh. Seryoso ka ba, ‘Tatskie? Baka hindi lang ‘to lakad. Baka…”
“Taruts,” putol niya sa sinabi ko. “Kapag sinabi ko lahat ngayon, baka mapahamak ka. Pero ayokong mangyari ‘yon. Gusto kong safe ka. Masaya ka. ‘Yun lang ang mahalaga.”
Mabigat. Hindi na biro ang tono ng boses niya. Wala na ang kulit, wala na ang pang-asar. Parang isang sundalong nagpapaalam bago mag-giyera.
Bigla niyang hinugot mula sa bag ang isang maliit na envelope at inilagay sa apron ko.
“Anong ‘to?”
“Bonus mo sa pagbebenta ng buko. Pambili ng bagong tabo.”
“Ha?”
Ngumiti siya ng matamis. “Basta, huwag mong bubuksan hanggang hindi ko sinasabi. Deal?”
“Deal ba ‘to o cursed contract?”
“Deal na. Promise.” sabay kiss sa noo ko.
Aba! Biglang nagpa-noo kiss si kuya!
Napatulala ako. Napahawak sa noo ko. Parang may mabagal na fireworks sa utak ko habang lumalakad siyang palayo.
“Hoy, ‘Tatskie!” sigaw ko habang papalayo siya. “Pag hindi ka bumalik, ipapa-Tulfo kita!”
Lumingon siya, ngumiti, at sumaludo. “Pagbalik ko, may dala na kong resibo.”
“Resibo ng ano?!”
“Ng puso mong nabenta mo na sa’kin!” sabay takbo.
“Gago ka talaga!”
Pagkatapos no’n, tinuloy ko ang pag-aayos ng buko sa stall. Pero ang totoo, hindi ko na talaga mapakali. Ilang beses kong tiningnan ang envelope, pero pinigilan ko ang sarili ko. Baka may naked picture siya joke lang.
Pero habang tinitingnan ko ‘yon, napansin kong may lalaking naka-itim na T-shirt sa kabilang pwesto. Hindi siya bumibili. Hindi rin siya gumagalaw. Nakatitig lang sa direksyon kung saan umalis si Etatskie.
“Kuya, buko?” alok ko, pero hindi siya tumugon. Umalis lang, bigla.
Kinabukasan, wala si Etatskie. Ni isang text, wala. Nag-message ako:
“Tatskie, asan ka na? Okay ka lang ba?”
Walang sagot.
Sinubukan kong buksan ang envelope. Pero may maliit na sulat sa harapan:
"Huwag mo munang buksan. TRUST ME"
Parang may sumipa sa dibdib ko. Bakit parang goodbye letter na ‘to?
Nang gabing ‘yon, habang nakahiga ako sa papag sa likod ng stall, binilang ko kung ilang araw ang kayang lumipas bago ako masiraan ng bait kakaisip sa kanya.