CHAPTER 7
Third Person POV
Tahimik ang buong bayan ng San Miguel sa gabing iyon. Kakaiba ang ihip ng hangin hindi malamig, hindi rin mainit. Parang may dala itong balak. Sa malayo, umuugong ang makina ng isang sasakyan, mabilis ang takbo, parang may hinahabol o tinatakasan.
Sa loob ng sasakyan, hawak ni Etatskie ang isang envelope. Makapal. Mabigat. At sa bawat galaw niya, parang dumadagundong ang dibdib niya. Hindi dahil sa takot, kundi sa bigat ng responsibilidad na unti-unti nang lumulubog sa kanya.
"May oras ka pa," bulong niya sa sarili, halos hindi naririnig ng driver sa harapan.
"Walang atrasan, 'Tats," sagot ng driver, isang lalaking may tikas na parang dating sundalo, o dating kriminal. Malinis ang gupit, pero may peklat sa leeg. Hindi ito ang klase ng taong makikita mo sa simbahan tuwing linggo.
Tumango lang si Etatskie. Tumitig sa envelope, tapos sa bintana ng sasakyan. Wala pa ring kaalam-alam si Taruts. At ayaw niyang madamay ito lalo na sa ganitong klaseng mundo.
Sa kabilang bahagi ng San Miguel, abala si Taruts sa pag-aayos ng mga niyog sa kanyang stall. Hindi na niya iniinda ang malakas na tawanan ng mga tinderang pilit pa ring binibiro ang "bagong mag-jowa ng palengke." Siya mismo hindi sigurado sa kung ano ba talaga sila ni Etatskie, pero ang sigurado siya: may nararamdaman siya at lalong lumalalim iyon gabi-gabi.
Pero hindi niya alam, sa oras ding iyon, habang inilalagay niya ang mga buko sa kahon, si Etatskie ay nakatayo sa harapan ng isang lumang warehouse sa gilid ng bayan. Wala masyadong nakakapansin sa lugar na iyon madalas madilim, madalas walang tao. Pero hindi ngayong gabi.
May limang lalaking nakatayo sa harap niya. Lahat naka-itim. Lahat may kanya-kanyang dalang bag, folder, at isa sa kanila, may baril na bahagyang nakasilip sa ilalim ng jacket.
"Tagal mong nawala, 'Tatskie," ani ng isa, malaki ang katawan at mukhang sanay sa rambol. "Kala namin tuluyan ka nang sumibat."
"Sinabi ko naman sa inyo noon pa. Gusto kong maging tahimik ang buhay ko. Ayoko na sa sistema niyo," sagot ni Etatskie, matatag ang tono pero ramdam ang tensyon sa kanyang katawan.
Tumawa ang isa sa kanila. "Tahimik? Sa palengke? Kay Taruts? Anong gagawin mo roon, magbenta ng niyog habambuhay?"
"Bakit, masama ba? At least doon, totoo ang tao. Hindi kagaya niyong puro bulok."
Nagtawanan ang grupo, pero ang lider nila, si Boss Reno, hindi natawa. Tahimik lang ito, pero ang tingin ay parang patalim.
"Bumalik ka hindi dahil gusto mong makipag-usap, 'Tats. Bumalik ka dahil may kailangan ka," mariing sabi nito. "Ano 'yon?"
Tahimik si Etatskie. Tumitig siya kay Boss Reno, pagkatapos sa envelope na hawak niya. Dahan-dahan niyang iniabot ito.
"Nandyan ang listahan ng lahat ng transaksyon niyo sa Bicol, Cebu, pati Davao. Kopya ng mga resibo, pangalan ng mga contact niyo, at" huminto siya, lumunok. "pati ebidensya ng mga tao niyong sangkot sa p*****n sa Tondo."
Biglang nag-iba ang hangin sa warehouse. Parang huminto ang mundo. Isa sa mga lalaki, agad lumapit kay Boss Reno para kunin ang envelope, pero pinigilan ito ng kamay.
"Bakit mo ginagawa 'to, 'Tatskie?" malamig ang boses ni Boss Reno.
"Para matapos na ang lahat. Gusto ko ng bagong simula."
"At iniisip mong makukuha mo 'yon sa paglalaglag sa'min?"
Tumaas ang tono ng boses ni Reno, pero hindi pa rin sigaw. Hindi kailangan ng sigaw para madama ang banta. Tumango si Etatskie.
"Oo."
"Walang lumalabas sa organisasyon nang buhay, 'Tats. Alam mo 'yan."
"Mas gusto ko nang mamatay sa labas ng sindikato kaysa mabulok sa loob nito."
Tahimik ulit. Tila isang siglo ang lumipas bago nagsalita si Reno.
"May babae ka, 'di ba?"
Hindi sumagot si Etatskie. Pero malinaw ang sinasabi ng katahimikan niya.
"Ang pangalan... Taruts, tama?"
Napakuyom ang kamao ni Etatskie.
"Huwag mo siyang idamay."
"Ahh... kaya ka pala biglang naglaho. Para sa isang tindera ng buko."
"Mas mahalaga pa siya kaysa sa lahat ng pera, armas, at droga niyo."
Napailing si Reno. "Masyado kang marupok, 'Tatskie. Hindi ganyan ang tinuruan namin."
"Oo, at buti na lang natutunan kong baguhin ang sarili ko."
Sandaling katahimikan, bago marahang humakbang si Reno palapit kay Etatskie. Inabot ang envelope, binuksan ito. Tinignan ang laman, mabilis pero maingat. Pagkatapos ay ngumiti hindi ng tuwa, kundi ng panganib.
"Bibigyan kita ng isang linggo. Pagkatapos nun... magdesisyon ka na. Either ibabalik mo ang loyalty mo, o..."
Hindi na niya itinuloy. Pero malinaw ang ibig sabihin.
"Kapag inulit mong lumaban, baka hindi lang ikaw ang mawala."
Kinabukasan, nagkita sina Taruts at Etatskie sa palengke. Ngumiti si Etatskie, dala ang kanyang karaniwang charm, pero may pagod sa mata niya.
"Uy, Gata Queen," bati niya.
"Uy, Tagabuhat ng Niyog," sagot ni Taruts, sabay ngiti rin. "Late ka ngayon ah."
"Naiipit kasi ako sa mga multo ng nakaraan," biro niya, pero hindi lubos ang tawa niya.
Hindi pansin ni Taruts ang pag-iwas ng tingin ni Etatskie sa tuwing nagtatanong siya ng malalim. Hindi rin niya napapansin ang kakaibang tingin ng ilang estrangherong dumadaan sa palengke tila may sinusuri. Tila may hinahanap.
Ilang araw ang lumipas. Normal sa paningin ni Taruts ang takbo ng buhay nila. Pero sa ilalim ng normal na iyon, may nagaganap na digmaan hindi sa pagitan ng mga tao, kundi sa pagitan ng mga desisyong kailangang gawin.
Gabi. Umuulan.
Sa isang maliit na boarding house sa labas ng bayan, hawak ni Etatskie ang cellphone niya, nakatingin sa isang mensahe:
UNKNOWN: "Tatlong araw na lang. Oras mo na."
Sinara niya ang phone, sabay bulong, “Tatlong araw... sapat na ‘yon para maipagtanggol ka, Taruts…”
Binuksan niya ang drawer. Nandoon ang isang lumang ID. Hindi sa kanya. Isa itong police badge isang undercover agent na matagal nang "nawala" sa mga rekord.
Si Etatskie… hindi lang basta ex-sindikato. Isa siyang dating deep operative ng gobyerno na tumalikod sa kanyang mission matapos masunog ang buong operation. Isa siyang ghost. Isang bangkay na dapat ay hindi na buhay.
At sa kanyang harapan, isang papel. May larawan ni Taruts. Larawan na hindi niya kailanman dapat nakalap. May nakasulat na pula sa itaas:
“Asset. Use if necessary. Eliminate if compromised.”
Napapikit si Etatskie. Pinunit niya ang papel, dinurog sa palad, at itinapon sa basurahan.
“Hindi kita isasakripisyo, Taruts. Hindi habang buhay pa ako.”
Ngunit hindi niya alam, mula sa labas ng bintana ng kanyang kwarto, may mga matang nanonood. Dalawang lalaking naka-itim, may earpiece, at may hawak na maliit na camera.
"Confirmed. He's compromised. May emotional attachment."
"Copy. Proceed with phase two."